Isyu 4
   Agosto 2016


   Balintunang Komedya sa Mamasapano

   E. SAN JUAN, JR.

Balintunang Komedya sa Mamasapano:
Dulang Algoritmong Potensiyal
(Alinsunod sa paraan ng Ouvroir de Litterature Potentielle/OULIPO)

[Paunawa: Lahat ng tauhan sa dulang ito ay pawang likhang-isip; kung sakaling kahawig ng mga personaheng buhay, ituring na aksidenteng pagkakataon lamang iyon at hindi talagang sinasadya. –Awtor]


TAGPO 1

Balisa si Presidente Obama at mga opisyal sa Pentagon, Washington DC Baka bumagsak ang dolyar at ordeng kapital-pampinansiyal, pag-ulit ng 2008 na krisis, kung hindi mahuhuli sina Zulkifli bin Hir at Abdul Basit Usman. Binabalaan na sila ng mga CEO ng Goldman Sachs, JP Morgan, IMF, at World Bank na dapat kagyat lutasin ang ugat ng panganib sa Pilipinas. Tulala si Obama dahil sa dalawang bagay, na dapat piliin ninyo:

Walang mahanap na Pinay/Pinay na eskiroll na magkukumpisal kung nasaan ang dalawang terorista. (Tingnan ang Tagpo 8)

Itinago ni Putin ang dalawang rebelde dahil sa panghihimasok ng U.S. sa Ukraine. (Tingnan ang Tagpo 9)


TAGPO 2

Nagsuplong kay PNoy Aquino ang isang ahente ng Taliban sa Afghanistan kung saan nagtatago ang dalawang kontrabida. Pinatawag si Heneral Alan Purisima na suspindido noon, ngunit nawawala ang heneral. Siya ba ay nakompromiso ni:

Kurt Hoyer, Press Attache ng US Embassy, na sikretong CIA ahente, na naghahanda ng planong Wolverine sa Manila Hotel? (Tingnan ang Tagpo 5)

O ni bise presidente Binay habang nagliliwaliw siya sa isang casino sa Makati? (Tingnan ang Tagpo 7)


TAGPO 3

Pinagpayuan ni DOJ Sec. Leila de Lima si PNoy na dapat sa PNP lamang sumangguni sapagkat hindi maasahan ang AFP na matakaw rin sa pabuyang limang milyong dolyar sa paghuli sa dalawang terorista. Hindi makapagpasya si PNoy sanhi ng alin sa dalawang dahilan:

Marami siyang utang kay Heneral Pio Gregorio Catapang, hepe ng AFP. (Tingnan ang Tagpo 6)

Binantaan na siya ni PNP Heneral Leonardo Espina at Interior Sec. Mar Roxas dahil sa pakikipagsosyo sa isang seksing “socialite.” (Tingnan ang Tagpo 2)


TAGPO 4

Enero 25, 2015, lumunsad na ang 6 tropang Amerikano sa Tactical Command Post ng Shariff Aguak sa Maguindanao. Ngunit di nila alam ang tiyak na sitwasyon ng PNP-Special Action Force sapagkat ang planong Wolverine ay hindi katugma ng planong Exodus. Bakit nagkaganoon? Piliin sa dalawang posibilidad:

Nagsusugal ang dalawang heneral sa Zamboanga AFP Western Command, Rustico Guerrero at Edmundo Pangilinan,nang ipahatid ang utos batay sa ulat ng drone ng mga Amerikano. (Tingnan ang Tagpo 2)

Inilihim ni PNP-SAF Chief Getulio Napeñas ang tunay na sabwatan nila ng MILF at BBP sa gagawing pintakasi sa Mamasapano. (Tingnan ang Tagpo 7)


TAGPO 5

Sinabi ni PNoy kay Purisima noong Enero 9 sa Bahay Pangarap: “Ayusin mo na kina Espina at Roxas... Ako na ang bahala kay Catapang.” Inutusan niya ang staff sa Malacañang na kontakin ang Coordinating Committee for the Cessation of Hostilities. Bakit hindi nagawa iyon? Piliin ang dahilan:

Okupado si Mohagher Iqbal sa US Embassy sa pakikipag-ugnayan sa US Institute of Peace at mga kinatawan ng Malaysian Embassy tungkol sa “investments” sa kanilang “ancestral domain.” (Tingnan ang Tagpo 9)

“Busy” si Napeñas sa pakikipag-usap sa isang kaibigan sa Moscow, Russian Federation na nakahimpil sa Tehran, Iran. (Tingnan ang Tagpo 1)


TAGPO 6

Sumugod na ang 44 na PNP SAF sa Tukanalipao, baryo ng Mamasapano, hindi alam kung ang kalaban nila ay kabilang sa Abu Sayyaf, Al Qaeda, Jemaah Islamiyah, MILF (Moro Islamic Liberation Front), BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters), o NPA (New People’s Army), at walang muwang sa posisyon ng kanilang tinutugis. Ano ang rason ng ganitong pagkalito? Piliin:

Pinangakuan na sila ng bahagi ng pabuya sa pagkahuli o pagkapatay kina Marwan at Usman kaya hindi na kailangang tiyakin kung anong pulitika o prinsipyo ng mga kaaway. (Tingnan ang Tagpo 3)

Binigyan sila ng kopya ng VFA (Visiting Forces Agreement), EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement), at CIA Counterinsurgency Manual laban sa terorismo upang magamit sa pagdumi sa gubat. (Tingnan ang Tagpo 8)


TAGPO 7

Iginiit ni Napeñas na “iniwan kami sa ere;” ibig sabihin, walang ibinigay na “reward money” ang Washington nang makumpirma sa DNA test na napatay nga si Marwan. Naibalita naman sa Al Jazeera na nakapuslit si Marwan sa tulong ng ilang barko ng Tsina patungo sa Spratlys/Kalayaan Islands. At si Usman naman ay nakalusot patungong Sabah sa tulong ng MNLF ni Nur Misuari.

Gusto ninyo ba ng masayang wakas? (Tingnan ang Tagpo 9)

Gusto ninyo ba ng masaklap na wakas? (Tingnan ang Tagpo 6)


TAGPO 8

Tinanggap na ni PNoy na responsable siya sa palpak na Exodus, ngunit galit siya kay Fidel Ramos sa panawagan nitong magbitiw. Mula sa Mamasapano, taglay pa ng mga tao roon ang mga regalo nina Usman at Marwan, ayon kina Boyong Unggala at Farhannah Abdulkahar, dalawa sa 72,585 ang biktima ng giyera ni PNoy buhat pa noong Pebrero 25. Nitong Marso 10-13, nadiskubre ng Suara Bangsamoro at Kawagib Moro Human Rights Alliance na nagkalat ang mga nilagas na dokumentong VFA at EDCA sa gubat kung saan nasawi ang 44 PNP pulis, 3 sibilyan, at 17 gerilya ng MILF at BIFF.

Nais ninyo ba ng makatuwirang wakas? (Tingnan ang mga Tagpo 5 & 7)

Nais ninyo ba ng balighong wakas? (Tingnan ang mga Tagpo 4 & 9)


TAGPO 9

Samantala, nakipagkita ang Ombudsman sa isang sugo ni Putin sa Singapore at ibinalita na may “gantimpala” sina Heneral Catapang at Espina pati na sina Mar Roxas at Sec. Leila de Lima sa “fiasco” ng Wolverine/Exodus.

Sa Washington DC naman, binalak ni Obama na tawagan si PNoy at ipahatid ang Congratulations ng FBI. Nais daw ng FBI na makapanood ng makulay na dulang “moro-moro.”

Samantala, nagpipista at naglalaway ang mga investor sa Wall Street sa pagbubukas ng likas-yaman ng Mindanao, na may halagang $840 bilyon-$1 trilyon, sa mga korporasyong dayuhan, salamat sa napipintong kasunduang Bangsamoro Basic Law. Mabuhay ang mga “bayani” ng Mamasapano!