Isyu 4
   Agosto 2016


   LIMANG TULA MULA SA “UMID”
   Bukas
   Huli
   Sa mga oras na ito,
   Biro
   Para

   RONALD RAMOS, JR.

Para

Pumara ka para bumaba, sumakay ang lungkot sa puso ng bumaba.

Ang tawa mo kaya ay nangangahulugan ng tuwa o parang isang mahigpit na takip sa isang garapon ng kalungkutan na hindi kayang buksan ng aking mga kamay kahit anong pihit, sa pagpilit mas lalong sumisikip.

Tinanong kita, sinuklian mo ako ng tawa. Gusto kong sabihing hindi ako humihingi ng sukli. Sapat nang bayad ang katotohanan.

Paumanhin kung ako’y paulit ulit tulad ng isang batang makulit na bumibili sa tindahang walang tao. Paulit-ulit ang pagtawag, pabalik-balik sa pagbabakasakali.

Lumabas ang bantay, nakaalis na ang bumibili. Naghintay sa mga taong di tiyak kung darating. Bumilang ang oras, tumubo ang inip. Walang dumating. Lumagpas ang isang pasahero sa kantong dapat bababaan. Sa kabilang kalsada, nagkakasalubong ang mga dumaraan, walang pansinan at tila nagmamadaling makauwi.

Paisa-isang nagsasara ang mga tindahan, namamatay ang mga ilaw sa lansangan.