Isyu 4
   Agosto 2016


   LIMANG TULA MULA SA “UMID”
   Bukas
   Huli
   Sa mga oras na ito,
   Biro
   Para

   RONALD RAMOS, JR.

Sa mga oras na ito,

ang pananatili ay di dala ng pangangailangan kundi ng kagustuhan.

ipinaghele ako sa pagkahimbing ng mga oras ng paghihintay. wala na ang bus nang ako’y magising.

di tulad ng maling sulat mula sa kartero, di na ako puwedeng bumalik.

ang tagpong ito’y di tulad ng mga tagpo sa pelikula: walang kapangyarihan ang istorya na paglaruan ang elemento ng panahon at pagkakataon, ang tagpuan at mga tauhan—

Ang Buong Eksena:

ang mga nagtitinda ng sampagita
ang busina ng mga sasakyan
ang unti-unting pagsasara ng mga tindahan.

hayaan mong aliwin ako ng mga tanawing nakasanayan na. Hayaan mong damhin ko ang lalim at lamig ng gabi.

kung hahayaan mong palitan ng aliw ang paghihintay, parang hindi ako naghihintay.
at kung muli akong ipaghele ng mga oras ng paghihintay, di na ako mahihimbing,
malilimutan ko lang ang iyong pagdating.