Isyu 4
   Agosto 2016


   LIMANG TULA MULA SA “UMID”
   Bukas
   Huli
   Sa mga oras na ito,
   Biro
   Para

   RONALD RAMOS, JR.

Huli

Sa iyong panaginip, humiling ka kahit alam mong ang paghiling sa panaginip ay parang pangangarap nang bukas ang dalawang mata. Humiling ka ng katahimikan at natagpuan mo ang sariling inililipat ang tanim na pako sa isang bagong paso. Humiling ka ng pag-iisa at naligaw ka sa gitna ng pamimili ng iluluto para sa hapunan. Humiling ka ng lungkot at nakita mo ang pusang basa ng ulan sa harap ng iyong tarangkahan. Humiling ka ng antok upang muling makatulog at muling magising kahit may isang araw o mga araw na ayaw mong bumangon o magising o humiling ng kahit isa pa. Humuli ka ng huli, ng mahaba, ng malalim. Sa panaginip, hindi sapat ang isang bunganga para huminga.