Isyu 4
   Agosto 2016


   LIMANG TULA MULA SA “UMID”
   Bukas
   Huli
   Sa mga oras na ito,
   Biro
   Para

   RONALD RAMOS, JR.

Bukas

Minsan, sa gabi, pag pikit na ako at akala ko’y patulog na, bigla akong babangon, bubuksan ang pinto na parang may hinahanap. Sa mga panahong ganoon, babalik ulit ako sa kama, hihiga, pipikit at pipiliting matulog. Subalit hindi ako matatahimik. Sa dilim, marami akong makikita, maaalala. Katulad ng paborito mong sapatos na nabili nating magkasama dahil sabi mo kailangan mong tumakbo. Katulad ng tunog ng mga yabag mo pag parating ka na sa hapon. Titigil ako sa gitna ng kahit anong ginagawa at bibilang ng tatlo hanggang bumukas ang pinto. Ang pinto, ang ating pinto kung saan kita laging tinatanaw papalayo pag papasok ka na sa trabaho. Sa mga sandaling iyon hinahanap kita kahit alam ko kung saan ka nagpunta. Pag pagod na akong magtulog-tulugan, tatayo ulit ako, makikita ko ang puwang sa kama, muling hihiga, maririnig ko ang kahol ng mga aso, titingin sa pinto, bibilang nang bibilang hanggang makatulog, hanggang makalimot. Sa panaginip, maaalala ko ang aking hinahanap.