Isyu 4
   Agosto 2016


   LIMANG TULA MULA SA “UMID”
   Bukas
   Huli
   Sa mga oras na ito,
   Biro
   Para

   RONALD RAMOS, JR.

Biro

I. Dito nagsimula ang lahat. Sa biro ng isang kakilalang palaging bigong makakuha ng tawa. Sa kaibigang ilang ulit nang nabigo subalit hindi nabibigong tanggapin ang bawat biro ng pagkakataon. Kahit na maraming pagkakataong lamang ang biro kaysa katotohanan, ang totoo, para sa atin, ang lahat ay totoo. Ang isa pang katotohanan, hindi natin ito alam.

II. Iisa lang ang naisip ko ng gabing iyon, ang malapitan ka, ang makilala ka. Kilala lang kita sa mukha at kilala ko rin ang iyong kaibigan. Biro niya noong nahuli niya akong tulala at tila tinutulay ang bawat linya ng iyong mukha, “Baka mahipan ka ng hangin.” Nang makaalis siya, saka ako natawa at tila kinilig kahit mainit kung nasaan tayo, kahit pinagpapawisan sa di maubos-ubos na isang bote ng beer na kanina pa namamawis sa aking mga kamay. Sa gitna ng mga kaway ng mga magkakaibigan, mga magkakakilala at mga nagkita-kita noong gabing iyon, nais ko ring makikaway at baka sakaling mapansin mo ako, nais ko ring hipan ang iyong paningin kung saan ako naroroon.

III. Nasa punto kang hindi mo alam kung bakit lagi kang pumupunta at bumabalik sa lugar na iyon. Bali-baliktarin mo man ang katotohanan, balikan mo man ang ilang karanasan, hindi ka umiinom o uminom o iinom. Uminom ka ng tubig upang itago ang sulyap na kanina pa umaapaw at nais mong pakawalan. Namamawis ang iyong buong katawan, pero di tulad ng malamig na baso ng tubig na kanina pa namamawis sa iyong palad, nasamid ka sa panlalamig, di ka pinalad na mahuli ang kanyang paningin o matunaw sa lamig ng kanyang titig. Sunod-sunurin mo man ang mga sulyap, bigo kang sunduin ng kahit kaunting tingin. Tiningnan mo ang iyong relo na parang nag-aabang, nag-aalala. Naalala mong matagal mo na rin siyang kilala sa pangalan, pati ang kanyang kabigan. Ibig mong lapitan siya at makipagkilala subalit naunahan ka ng biro ng isa mong kakilala na kaibigan ng kaibigan niya, “Baka malunod na yan.” Nais mong sagipin ang sarili, nais mong linawin ang biro subalit bilanggo ka ng hiya, nahiya na manganak ng isa pang biro ang biro at masapul ng biro ang itinatago. Bago ka makasagot ng tawa, sinundo ang kausap ng malakas na tawanan at hiyawan ng mga malalapit na kaibigang nagkita-kita.

IV. Sa huling paglingon, di mo na siya nakita. Lumabas ka. Nakita ka niya. Sumunod siya. Papalakad ka papalayo, inihahatid ka niya ng tingin mula sa malayo. Nais ka niyang habulin subalit mas mabilis gumapang ang pangamba kaysa kanyang mga paa. Nais mong bumalik kahit wala kang nakalimutan subalit tila nahipan ng hangin ang iyong mga paa. Pareho ninyong pinakawalan ang isang impit na tawa na parang para sana sa biro ng isang kakilala.