Isyu 4
   Agosto 2016


   Binagong Bayan

   ZOSIMO QUIBILAN, JR.

Binagong Bayan

Hindi napansin ni JR na nalaglag si Cara sa jeep. Gusto niyang panindigan ang nabitiwan niyang salita dati tungkol sa di paglingon sa pinanggalingan o yung tungkol sa masahol pa sa malansang isda. Hindi rin nakatulong na malala ang stiff neck niya ngayon. Wala rin siyang malay na nahulog na si Cara dahil mas matagal pa siyang nakatingin sa katabing si MC Lara kaysa sa kalye.

“Ang lakas naman kasi ng pag-awit mo,” sisi ni JR kay MC Lara.

Kapapanalo lang ni MC Lara sa amateur singing contest. Panlimang second runner-up na niya sa iba’t ibang piyesta ngayong tag-araw. Rap/Hiphop kasi ang panlaban niyang kanta.

“Ganun?! Wala man lang, ‘Ang ganda talaga ng boses mo’ o ‘Lalong nahuhulog ang puso ko sa ‘yo kapag bumibirit ka’ o kahit man lang ‘Paano ba naman ako di maglalaway sa mga labi mo, ang tamis-tamis ng boses mo – parang hinog na hinog na tubo,’” tampo ni MC Lara.

Hindi agad nakasagot si JR. Natuwa siyang naunahan lang siya ni MC Lara sa sasabihin. Ang totoo, kinilabutan din siya. Verbatim na sinabi ni MC Lara ang dapat sana niyang sasabihin (yung ‘paano ba naman ako di...’) kung di lang nahulog si Cara. Dahil isang matipunong lalaki si JR, pabulong niya sanang sasabihin ito kaysa pa-sing-song.

Nang hindi pa rin kumikibo si JR, humirit pa si MC Lara. “Pasensya ka na, JR.

Nakagawian ko nang kumanta kapag natatakot. Sabi ko naman sa ‘yo, ingatan mo ang pagmamaneho.”

Nagsalita na rin si JR dahil mauuwi ang usapan sa pagmamaneho niya.

“Bigla kasing sumulpot si Bu Y. Yeah. Baka pumara. Alam kong hindi mo siya gustong isakay. Pag sumakay na yan, hindi lang bababa ang lahat ng ibang pasahero, wala na ring sasakay pang iba. Di naman niya sinasadyang ipinanganak siyang balot ng magaspang na kaliskis ang balat. Kasalanan ba niyang may buntot siya at matatalim ang ngipin…o sige, pangil, sa napakalaking bibig? Kasalanan ba niyang gusto niyang makuha ang lahat, bwakawin ang lahat? Natural, matatakot pang sumakay ang iba,” sagot ni JR. “Teka, nasaan na ba si Tara?”

“Sino na namang...” himutok ni MC Lara, namumula sa selos.

“Tsk, tsk. Pati ba naman unggoy, pinagseselosan mo?” tanong ni JR.

“Yun bang nakasabit sa windshield kanina? Akala ko stuff toy e. Hindi ko na lang pinansin nang gumalaw. Baka makaabala pa sa pagmamaneho mo.”

Humuni si JR para tawagin si Tara pero hindi ito nagpakita. Nalungkot siya nang maalala kung paano ito inihabilin sa kanya ng kanyang ina.

“Ingatan mo si Tara. Maliit lang naman siya. Huwag mo na lang titigan ang malalaki at bilog niyang mga mata para hindi maging sagabal sa pagmamaneho. Kita mo namang nakaka-vertigo pag makipagtitigan ka diyan kaya iwasan mo na lang. Desimulado ka lang. Kasi pag kumalat na meron kang alagang maliit na unggoy, siguradong dudumugin ka ng mga pasahero. Alam mo namang hindi lang pagbiyahe ang dahilan ng pagsakay ng mga tao sa jeep. Status symbol yan. National identity and pride, ika nga,” hikbi ng nanay ni JR.

“Mapapalo na naman ako ni nanay pag-uwi ko,” sabi ni JR kay MC Lara habang naaalala rin ang pamumuti ng mga mata ng nanay na nauwi sa bahagyang pagkabulag.

“Huwag ka nang mag-alala. Nariyan lang si Tara. Baka natakot lang kay Cara. Yun ang mas malaking problema natin ngayon,” sagot ni MC Lara habang hinihimas ang bigote ni JR.

Tumango si JR. Hindi na niya narinig ang sinabi ni MC Lara. Nasilip niya sa rearview mirror na malapit na si Bu.

Mas may katuturan lang sana ang pangamba ni JR kung mayroon silang mga pasahero ngayon na mabubugaw pag sumakay si Bu. Sa laki ni Cara, siya lang ang nagkasya sa jeep. Sinadya rin niyang iharang ang malapad na puwet para wala nang ibang makapasok.

“At labag sa batas ang tumangging magsakay,” dagdag pa ni MC Lara. Ipinaalala pa niya kay JR noong napag-initan siya ng mga sundalo at pinatayo sa may Bagong Bayan, nakatalikod sa pasikat na araw.

“Higit sa lahat, mahihirapan akong tanggihan si Bu. Alam mo naman ang luha niyan. Pag nagkataon, bagsak agad ang Bataan,” sabi ni JR habang hinahagod ng braso ang pawis sa noo.

Gusto sanang itanong ni MC Lara kung ano ang ibig sabihin ni JR sa “pagbagsak ng Bataan” pero nanahimik na lang siya. Baka isipin pa ni JR na hindi siya nakikinig nang maigi sa mga kuwentong kutsero (tsuper ng jeep kung tutuusin) ng kasintahan. Ilang beses na rin kasi silang nag-away tungkol sa kakulangan nila ng komunikasyon sa isa’t isa at aminado naman silang pareho silang maysala. Sa tagal ng usapan ng dalawa, naabutan na sila ni Cara na kahit pa nasa loob ng costume, damang-dama ni JR ang pagmamaktol.

“Sori ha,” dugtong agad ni JR. Gusto niya sanang sabihing ‘Si MC Lara kasi,’ pero pinigilan niya ang sarili. Baka hindi na naman siya pansinin ni MC Lara pag umakyat ng ligaw sa Brgy. Asotea.

Itinago ng dalawa ang paghalakhak nang sumakay si Cara kanina. Ang hinala nila, dalawang tao ang nasa loob ng costume. Nang umupo ito sa kaliwa at nagsalita para ipakisuyo ang pamasahe niya, nalaman nina JR at MC Lara na si Cara Bautista pala ang nasa loob ng tamaraw costume. Hindi nila akalaing lalaki nang ganoon si Cara matapos magbuntis at manganak. Napalunok si MC Lara.

Nang muling tumingin sa rearview mirror at mapadako ang tingin ni JR sa mga paa ni Cara, napahalakhak siya. Kung bakit ba hindi pa nagkasya sa pagsuot ng costume na tamaraw, nagkabit pa si Cara ng mga gulong sa mga paa.

Tumatango-tango si MC Lara nang pumara sa estribo si Cara. Nagkatinginan sina JR at MC Lara nang mapansin ang paboreal na nakaangkas sa likod ni Cara. Napipi sila. Namangha sa kulay. Mauubusan sila ng pangalan ng kulay para ilawaran ang mga balahibo.

Ipinagpatuloy ni JR ang pag-isip ng palusot kung bakit hindi puwedeng pasakayin si Bu. Na kesyo malansa si Bu o kakila-kilabot ang magaspang na balat nito. Kapag ngumiti si Bu, kapag ipinakita na ang matatalim na pangil, magtatakbo ka na. Nang prumeno muli si JR, nagbalak magkuwento si MC Lara kung paano nilulunod muna ni Bu ang hapunan nito bago ngasabin. Pero hanggang balak na lang.

Sa pagsabit muli ni Cara, nakakapit siya nang mahigpit at hindi nahulog.

“Narinig mo?” tanong ni JR.

Tumunganga lang sa kanya si MC Lara.

“Yung parang sumisingaw?”

Kinabahan si MC Lara. Naparami kasi ang kain niya kanina ng kamote. Baka narinig ni JR ang pagsimple niya.

“Ssssss”

Nagkatinginan muli ang dalawa.

“Oo nga,” sabi ni MC Lara, natuwa na hindi pala siya ang narinig ni JR kanina.

“Ako ‘yon,” sabi ni Cara. “Sinusutsutan ko kayo para manahimik. Ayaw ng paboreal ang maingay. Nakakahiya naman. Sa pinanggalingan niya, mag-ingay ka lang, demanda na ang abot mo.”

“Saan ba galing ang ibon mo?” tanong ni JR.

“Si Taft?” tanong/sagot ni Cara.

“Lampas na tayo sa Taft, Cara. Vito Cruz na tayo,” sagot ni JR.

“Alam ko. Ang sabi ko, Taft ang pangalan ng kaibigan ko,” sabi ni Cara sabay nguso sa paboreal. “Ba’t hindi ka maging marangal na Pilipino at pagsilbihan ang bisita natin?”

“Saan nga siya galing?” tanong naman ni MC Lara.

Hindi na nakasagot si Cara. Biglang may lumundag sa bubong ng jeep. Sa sobrang lakas, tumalbog ang chassis ng jeep. Lumipad pataas kasama ng paboreal na nabulabog. Sumunod si Cara. Nagkandarapa sa paghabol kay Taft. Hindi na nakapagsalita sina JR at MC Lara nang matukoy na si Usaph lang pala ang lumundag.

Wala nang makaalala kung kailan sumulpot si Usaph na isang nagsasalitang usa. Sumulpot na lang ito bigla, gaya ngayon sa kuwentong ito, at ni hindi man lang nagpakilala. Para hindi naman masabing bastos sila sa mga dayuhan, Usaph na lang ang ipinangalan nila dahil laging may natitirang tahimik na hangin sa bawat pagsalita nito. Hula ni JR dati, yabang lang ang hangin na ito. Sabi ni MC Lara, ang puti-puti talaga ni Usaph. Matangos pa ang ilong at sobrang tangkad.

Sa sobrang daming beses na nakikialam si Usaph sa biyahe ni JR, natural na sa kanya ang mga ganitong pagkakataon. Kunsabagay, si Usaph naman ang may pakana ng mga bagong pauso. Unang-una na rito ang pagsasalita sa Ingles. Ito rin ang nagpauso ng mga pagpapaputok tuwing magkakaroon ng di-pagkakaunawaan ang mga tao.

Nanghina si JR sa kakaisip na mahihirapan siyang ayusin ang jeep. Naniniwala siyang hindi siya matutulungan ni MC Lara dahil babae ito. Ang totoo, hindi niya talaga alam. Hindi pa sumagi sa isip niya ang magtanong.

Ano’t ano pa man, napabuntong-hininga si JR. Dahil sa nangyari, nakita niyang muli si Tara na nakayakap sa nagpapalo-sebo sa estribo. Sa wakas, malayo na rin sila kay Bu. Matagal-tagal bago sila maabutan. Ilang palusot din ang naiisip ni JR kung bakit mas gusto niyang kasama sina Cara at Taft kaysa kay Bu.