Isyu 4
   Agosto 2016


   Kasal na si Conchita

   VICENTE GARCIA GROYON

Kasal na si Conchita
Isang Dulang may Isang Yugto

Ang “Kasal na si Conchita” ay unang itinanghal bilang staged reading (sa pamagat na “Ang Tugon ni Conchita”) noong 3 Hulyo 2015 sa Bulwagang Amado Hernandez bilang bahagi ng Virgin Labfest 11 ng Cultural Center of the Philippines, Writer’s Bloc, Inc., at Tanghalang Pilipino.


MGA TAUHAN

MELINDA, 17, anak na babae ng isang hacendero, tinatawag ding MELING

JEAN, 17, ang kanyang pinsang-buo, tinatawag ding GENEVIEVE o GENOVEVA

MAMA INÉ, 66, tiya ni Melinda, malayong kamag-anak at ang kanyang yaya

FRANKIE 20, manliligaw ni Melinda, tinatawag ding FRANCISCO

CONCHITA, 18, pinsang-buo nina Melinda at Jean

SEÑORA MONZON, 43, biyanang babae ni Melinda



TAGPO

Ang silid-tulugan ng isang dalaga sa ikalawang palapag ng isang malaking tahanan sa isang hacienda sa Negros Occidental. Sa isang tabi, isang pintong papuntang salas ng bahay. Sa kabila, isang bintanang capiz na may palamuting rehas na bakal. Sa pagitan ng pinto at bintana, isang makitid na pinto ng banyong katabi ng isa pang silid-tulugan. May isang brass bed na may kulay rosas na kubrekama, isang maliit na baul sa paanan ng kama, isang tokador na may ternong bangkito, at isang aparador na may salamin.



PANAHON

Isang hapon sa ikalawang linggo ng Hunyo, 1954.

Bagaman ang dula ay nahahati sa ilang tagpo, tuloy-tuloy ang daloy nito nang walang hinto o pagitan.



TAGPO 1

(Kalahatian ng hapon; panahon ng siesta. Ang mga bintana ay bahagyang nakasara upang matabingan ang silid. Nakaayos ang brass bed subalit ang tokador ay magulo nang kaunti. Isang bestidang panggabi, bagong laba’t plantsa at nagmimistulang pagsabog ng tulle, ang nakasabit sa sabitan sa harapan ng aparador.)

(Papasok sina MELINDA at JEAN. Minamadali sila ni MAMA INÉ na nakapusod ang buhok at bihis ng lumang baro’t saya. Maayos ang itsura ng mga dalaga: bagong-kulot, nakasuot ng bestidang walang manggas, abot-binti at malapad na paldang may manipis na petticoat, at mga sapatos na may matataas na takong.)



MAMA INÉ

Kasi sabi ko nga, huwag umupo sa bermuda. Hala, hubarin mo na yan at nang malabhan kaagad.

(Mababahala si Jean at titingnan ang likod ng kanyang palda; si Melinda ay tutungo sa tokador upang siyasatin ang kanyang mukha at magtanggal ng mga alahas. Kukuha si Mama Iné ng nakatuping damit pantulog sa aparador at tutulungan si Melinda sa paghubad ng bestida at pagsuot ng pantulog.)



MELINDA

Kay tagal naman kasi nilang naglaro.



JEAN

Mama Iné, wala na akong pamalit.



MELINDA

Masakit sa paa.



MAMA INÉ

Mag-siesta na muna kayo nang di kayo hikab nang hikab sa hapunan.



MELINDA

Nakakaantok namang tunay ang mga kausap namin.



JEAN

Pero kakaalis pa lang nila. Makakahabol pa kami.



MAMA INÉ

Akala ko ba’y wala kang pamalit.



JEAN

Prima, pahiram ng bestida.



MELINDA

Kailangan nating mag-siesta.



JEAN

Ngunit tayo lamang ang bumalik.



MAMA INÉ

Karapat-dapat lang; kay babae ninyong tao.



MELINDA

Malandi ka raw masyado.



JEAN

Masama bang makipag-usap sa mga bisita?



MAMA INÉ

Ang mga babae ay naghihintay kausapin bago magsalita.



JEAN

Napanis na ang laway ko niyan.



MAMA INÉ

Mabuti nang mapanis kaysa isipin ng mga tao na isa kang biga-on.



MELINDA

Narinig mo yan, Genoveva?



MAMA INÉ

(Kay Jean)

Hala, ikaw naman.

(Itutulak ni Mama Iné si Jean papuntang banyo at susundan ito habang dala-dala ang damit ni Melinda.)



JEAN

Basta ‘ya, wag mo kong kurutin.



                                   |    KASUNOD NA PAHINA »