Isyu 4
   Agosto 2016


   Ang Awdisyon

   VLAD GONZALES

Ang Awdisyon

Adaptasyon mula sa dulang “The Audition: a Dialogue between an Aristocrat and an Actor” ni Rodolf Sirera. Naisulat sa tulong ng Creative Work Load Credit Grant ng UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Research and Development.


MGA TAUHAN

EMILIO, isang actor-politician, dating mayor ng Shambala, isang inimbentong lugar na nasa konteksto ng ilang mga lugar at balita sa Pilipinas

INANG, isang movie producer

PA, Personal Assistant na nakakausap ni Emilio habang wala pa si Inang; alter-ego ni Inang



LUGAR AT PANAHON

Sa opisina ni Inang. Hindi tutumbukin ang eksaktong panahon o lugar.



Pilipinas. Kasalukuyan. Sa isang opisina na makikita bilang TV o movie production office. Sa isang bahagi ay may sofa, nakaupo si EMILIO. Pumapaikot-ikot naman sa paligid ang isang PA. Mabagal at mahinahon siyang nagfa-file ng papeles, tumitingin sa computer, sumasagot ng landline (bagaman hindi mauunawaan ang mga sinasabi niya sa kausap), at iba pang gawain. Makikitang naiinip si Emilio.



EMILIO

Baka naman nakalimutan na ni Inang na andito ako.(walang sagot ang PA). Nasabihan mo na naman siyang dumating na ako di ba? Aba, halos dalawang oras na rin a! (walang sagot ang PA, mahahalata ang inis ni Emilio). Kung anuman e, linawin lang natin na hindi ako ang nagpatawag ng meeting na ‘to...si Inang mismo...(matitigilan saglit)...oo, siya naman ang nag-set nito. Baka lang hindi mo alam? Noong bago mag-premiere night sa Megamall, napanood mo naman yun ano no, yung “Chinatown Gangster,” noong Filmfest yun, siya ang nagpaiwan ng note. “I wish to meet with the great Emilio Montano III for a storycon.” Siya ang nagyaya. Aba, hindi lang kamo siya ang may ginagawa, hindi porke wala na ako sa...a basta, may mga project din ako, may projects pa. Marami pang script na naghihintay, and besides, if you are following the news, alam mo siguro (may tutunog na relo sa malayo, sampung beses ang tunog at kada tunog ay makikita ang pagiging tense ni Emilio). Punyeta, tama na nga to. Naiirita na ako sa ‘yo. Para akong nakikipag-usap sa multo, paikot-ikot na akala mo walang ibang kasama. Mukhang mas importante naman ang mga fina-file at tinatawag-tawagan mo, e baka naman nakakahiya naman at naiistorbo ko na kayo e di mauuna na lang ako. (tatayo) Mukhang naggagaguhan lang naman tayo, malinaw na wala akong balak siputin ni Inang at hindi lang naman siya ang iniisip ko...



PA

(malumanay na tono, parang walang pakialam) Sorry daw po sabi ni Inang. Darating na raw po siya in a few.



EMILIO

(sarcastic) Puta! May dila ka pala! Akala ko kanina naglalakad na pader ang kasama ko dito.



PA

Pinapasabi po ni Inang na sana komportable lang kayo dito sa opisina niya saka sana wag sumama ang loob ninyo sa kakahintay.



EMILIO

Maayos naman itong opisina ninyo, komportable naman kamo, ang punto ko lang naman...



PA

Sandali lang po. (may kukunin sa isang sulok, maglalapat ng tray na may iba-ibang inumin). Bilin po ni Inang na uminom lang po kayo ng gusto ninyo.



EMILIO

Ayos lang ako, salamat.



PA

(kunwari’y walang narinig) Kung ako lang po, sa akin lang naman po ano, sino ba naman ako, pero kung ako lang, susubukan ko po itong kape, ito pong nasa isang jar. Masarap po yan, galing pa po sa Sagada.



EMILIO

Natikman mo na?



PA

Ay hindi po. Sabi lang po yun ni Inang.



EMILIO

Nakapunta na pala ng Sagada si Inang, ano?



PA

Ay hindi rin po, nabili lang po yan sa may store sa Rockwell. May branch din sila sa Centris sa Quezon Avenue. Alam nyo yun, yung nagko-consign ng coffee products mula sa iba-ibang lugar sa Pilipinas. Dun nga lang po nakakabili ng Ala-alamid Coffee. Alam ba ninyo yun?



EMILIO

Yung Alamid Coffee, oo yes, alam ko yun. From Davao?



PA

(habang naghahanda ng kape) Hindi po Alamid. Ala-alamid. Parang ganun din po, yung ipapakain sa civet yung grains tapos itatae niya. Pero yung coffee na sinasabi ko, pagkakain ng grains at naitae na, ipapakain uli doon sa alamid at yung pangalawang tae ang ipo-process para maging kape. Kaya Ala-alamid. Masarap daw yun sabi ni Inang. Sayang naubusan na yata.



EMILIO

(mapapangiwi) Oo sayang nga.



PA

Pero okay din po itong Sagada Coffee, kasi every bag po that you buy, you give one peso to the coffee farmers of Sagada.



EMILIO

(matatawa) Naniniwala ka dun?



PA

(matatapos sa paghahanda ng kape) E, wala naman pong mawawala kung maniwala di ba, sige po try na ninyo.



EMILIO

O sige, tikman ko na rin kung sinabi naman ni Inang (iinumin lahat at pipigilang ipakita ang pagkadismaya sa lasa). Yung movies ni Inang, nag-Google ako e, puro international release, ano?



PA

Puro foreign festivals lang po talaga si Inang.



EMILIO

A, talaga? Dun ba sa international festivals nale-late din siya?



PA

Sir funny kayo. Nakakatawa (bored laughter). Sige po sasabihan ko na po si Inang (pero hindi kikilos na parang tatawagan o hahanapin si Inang).



EMILIO

E paano mo siya masasabihan kung nandito ka lang din? (titingin sa cellphone, halatang naiirita) Talaga bang walang signal dito?



PA

Landline lang po ang gumagana dito, puro incoming lang po.



EMILIO

Hindi mo ba talaga pupuntahan ang boss mo?



PA

Hindi na po kailangan ni Inang ang tawag ko. Coffee pa po?



EMILIO

Ayoko na. Matamis masyado.



PA

Naku, paborito pa man din yan ni Inang.



EMILIO

O siya siya, punyeta! (iinom) Ayan, ininom ko na, masaya ka na? Naku, ako wag mo kong daanin sa pa-Sagada-Sagada-coffee mo ha. Ano pa ba ang gusto mong mangyari sa akin? Bakit hindi ka na lang bumalik sa ibang trabaho mo, o mas mabuti e sundin ang pinapakiusap ko sa ‘yo?



PA

(saglit na katahimikan habang nakatingin kay Emilio, matagal-tagal na ang titigan) Sir...



EMILIO

Ano? Bakit bigla-bigla kang napatanga? May problema ba?



PA

Naku, wala po, Sir! Ano lang po kasi, parang, parang mas matangkad kayo pag sa pelikula!



EMILIO

(mapapangiti) So napanood mo nga ang “Chinatown Gangster.”



PA

No Sir, yung mga mas nauna po. Yung “El Gobernadorcillo” saka “Fil-am Vigilante.” Parang mas matangkad po kayo doon.



EMILIO

E ganun naman talaga. Camera trick. Sa sine, pinipili ng direktor kung ano lang ang makikita ng manonood.



PA

Saka po yung boses ninyo sa pelikula...



EMILIO

(parang naaaliw) Ano, mas brusko? Mas maangas? Yun siguro ang sinasabi mo, ano? E natural lang yun. Natimpla na yun. Dito, di ko naman din kailangang palakihin pa ang boses ko. Nasa isang kuwarto lang naman tayo, nag-uusap lang. Walang mic, walang effects.



PA

Ibig nyong sabihin, pag umaarte kayo, iba kayo sa pelikula at iba sa totoong buhay?



EMILIO

(mas komportable na, naaaliw sa panayam) Talagang hindi pareho yun! Aba, kung pareho nga yun, hindi ako papaniwalaan ng mga tao, at hindi ko rin maitatawid nang tama ang damdamin ng character ko.



PA

A ganun ho ba...naku, pasensya na po ano, pero interesado po talaga ako sa mga ginagawa ng mga tulad ninyo sa pelikula. May sinasabi kayo tungkol sa pagtatawid ng emotions ng character ninyo. Yun ho ba talaga ang ibig nyong sabihin, o baka naman po yung tinutukoy ninyo ay yung sarili ninyong mga emosyon mismo, yung nararamdaman po nyo habang umaarte...



EMILIO

Ay hindi ganoon. Mga emosyon talaga yun ng character ko, ng tauhan...pero sa isang banda...parang akin na rin. (mauupo uli habang nagsasalita) Ang ibig kong sabihin, pag umaarte ka, dumarating talaga ang puntong hindi mo na mapaghiwalay kung saan nag-uumpisa o natatapos yung imbento saka yung talagang nararamdaman...



PA

Kaya dapat po ay talagang damang-dama ninyo ang mga sinasabi ninyo sa palabas, ano?



EMILIO

Eksakto. Sinasabi mo kung ano ang nararamdaman mo.



PA

Ah, I see. Ganoon din po ba nung Mayor pa kayo?



EMILIO

Ano’ng ibig mong sabihin?



PA

Noong nasa public office pa kayo? Pag nagbibigay ng mga speech, pag may interview sa press...halimbawa po doon sa nangyari sa Shambala...



EMILIO

Ayokong pag-usapan yan...



PA

Ay Sir, ang ibig ko po kasing sabihin, pag nagsasalita kayo with the press, halimbawa nga po noong sa Shambala...



EMILIO

(mas galit) Ayokong pag-usapan yan...



PA

(saglit na katahimikan habang nag-aayos ng ilang gamit, segue na parang walang nangyari) Naisip ko lang Sir...



EMILIO

(pabulong) Dami mong naiisip...



PA

Naisip ko lang po, ang hirap ding magpelikula, ano? Sabi nyo nga, dapat may tamang boses, tamang projection, dapat mukhang natural. Kaya lang, paano kaya mararanasan nung artista yung talagang naramdaman nung mga tauhan sa mga lumang libro, paano kaya yung pagsasalita na natural lalo kung minsan may rhyme-rhyme pa ang pagkakasulat at yung pagsasalita, siyempre medyo luma na po yun kung lumang mga libro na, paano kung di na ginagamit yung mga salitang nagamit dati? Parang sa mga gawa po ni Rizal, ano?



EMILIO

My god, are we doing another Rizal film? Gasgas na yun!



PA

Ay ewan ko po kay Inang. Naisip ko lang po. Parang ang hirap kasing magpakanatural kung ganun kaluma yung materyal.



EMILIO

(naaaliw) Parang mas ikaw ang nagmumukhang Rizal dahil napakalalim ng mga naiisip at nasasabi mo! (matatawa) Nahihiya naman ako sa pagka-PA mo, parang hindi naman bagay sa mga pinagsasasabi mo.



PA

Ay ako naman po Sir e hindi masyadong naniniwala sa labels-labels. PA, Producer, Class A, Masa, mga kahon lang yan na inimbento, tulad ng maraming bagay...



EMILIO

Yan naman ang hindi totoo sa paniniwala ko! Ang producer mo, halimbawa, may kapangyarihan siya. Yung totoo, nahahawakang kapangyarihan. Si Inang, alam mo ito lalo’t ikaw ang laging inuutusan niya, ang mga nagagawa niya ay hindi lang dahil sa inimbentong kahon ng pagka-producer niya.



PA

Tama naman po kayo. Pero ang PA, puwede namang maging producer balang araw. Tulad po ng ang isang actor-politician dati, actor na lang uli ngayon, baka extra-extra na lang bukas (tingin kay Emilio). Nababaligtad naman po ang mga estado ng buhay.



EMILIO

(magugulat sa sinabi ng PA) Mukhang madalas ang pagwi-Wikipedia natin habang nasa opisina a. Napakarami mong alam!



PA

Kayo naman po Sir, parang gulat na gulat naman kayo. Kayo nga po Sir, nagkaroon kayo ng mga mataas na posisyon, hindi naman po kayo anak ng pulitiko o producer. Nakarating kayo sa puwesto ninyo ngayon dahil sa sarili ninyong sikap, at kahanga-hanga po iyon.



EMILIO

(pagalit pero may bakas ng pagkahilo) Mataas na posisyon...



PA

Ayos lang po ba kayo, Sir?



EMILIO

Sorry, mahina talaga ang tiyan ko sa kape, dapat hindi ko na lang ininom, lagi akong ginaganito...Ang posisyon ko, yun ang pinag-uusapan natin di ba? Posisyon bilang artista o bilang pulitiko, ano nga uli?



PA

Pareho po, Sir.



EMILIO

Oh well, what I can tell you is this: nagsimula ako sa pag-arte sa pelikula at nakilala ako doon. Yes, pumasok ang politics after some time, naiimbitahan ako sa events, conferences, openings, mga ganun, pero lagi akong nahahatak pabalik sa pagiging artista ko. Parang may pader ba, nakakapunta ako sa parties, sa mga fiesta, sa events ng mga sinasabi mo ngang may “mataas na posisyon,” pero lagi silang may tingin na iba, tingin na alam ko na naman noon pa. “Hindi ka magiging kagaya namin. Aktor ka lang. Artista ka lang habambuhay.”



PA

Ang buhay-aktor, ang pinakahinahamak pero kinaiinggitang propesyon sa buong mundo. Lahat naman po tayo may pangarap na umarte paminsan-minsan...Sa totoong buhay, I mean, sa labas ng entablado o ng mga TV at movie screen. katahimikan) Ako nga rin po mismo...



EMILIO

Alam ko. Bilang PA ay siguradong maraming pagpapanggap na kailangang gawin. Kung utusan ka, kailangan mo ring umarte, kailangang magpanggap...



PA

Ay hindi yun ang ibig kong sabihin, mas simple sa totoo lang ang punto ko. Ganito kasi, inaartehan lang din kita ngayon mismo. Bumuo ako ng isang tauhan, at ikaw, ikaw na maraming pinagyayabang na karanasan, hindi mo man lang napansing umaarte lang ako. Kaya successful ako, dahil kumilos ako sa isang napakanatural na paraan.



EMILIO

Hindi kita makuha, ano’ng ibig mong sabihin?



PA

Simpleng-simple lang naman: hindi ako PA ni Inang; ako si Inang. Ako ang taong kanina mo pa inaabangan.



EMILIO

(may pag-aalinlangan) Kalokohan yan, imposibleng ikaw yan!



PA

(hindi magbabago ang tono) Bakit naman po imposible, Sir? Ilang beses mo na bang nakita si Inang? Kailan ba siya pumayag magpa-on-cam interview? Kailan ba siya dumaan in person sa events dito sa atin? Sino ba sa mga co-star mo ang nakatrabaho na niya’t nakita siya nang personal? Sa madaling sabi, ilang beses na ba sa buong buhay mo nakita kung sino ako? I have messengers, runners, personal assistants...at kung mahuli man ng mga paparazzi ay laging nababalutan ng jacket at malaking wigs saka shades. Isipin mo lang ito, isang kuwartong may malamlam na lighting, kaunting ayos ng buhok, ibang damit, at higit sa lahat, ang pag-arte bilang isang PA base sa kung ano ang alam mong mannerisms at pagsasalita ng isang PA, ayun na! Pero in fairness sa iyo ha, akala ko ay hindi uubra ang acting ko sa isang propesyunal na tulad mo! Hindi mo man lang naisip? Yung mga sinabi ko—hindi ang paraan ng pagsabi ha—yung...yung mga lalim ng argumento, yung mga pinag-iisipan ko mismo, dapat doon pa lang nabuko mo na ako, pero hindi pa rin! Hinayaan mong maloko ka! Mukha akong utusan kaya inisip mong utusan nga ako. Pero alam mo namang ang mga damit at kilos ay madaling mapeke.



EMILIO

Peke man o totoo, sinasayang mo ang oras ko. Hindi ko alam kung bakit mo ako pinapagtripan pero ayoko na. (papunta sa telepono) Tatawagan ko si Inang at siya ang magpapaliwanag ng kalokohang ‘to.



PA

Naku, anak, wag ka nang maghanap ng paliwanag...mas makakabuti sa ‘yo kung tanggapin mo na lang ang mga sinasabi ko.



EMILIO

(natataranta dahil walang makontak sa telepono) Wag kang magulo!



PA

(pagkatapos ng matagal na pag-dial at katahimikan, uulitin sa eksaheradong paraan ang sinabi tungkol sa telepono) “Incoming lang po, Sir.” Walang sasagot diyan. Ano, iniisip mo pa rin bang niloloko kita?



EMILIO

(nagda-dial pa rin, kukunin ang cellphone, tatawag pero makikitang walang signal) Ayokong makipaglokohan sa ‘yo. Kung hindi ko matatawagan si Inang, ako na ang pupunta sa kanya. (hahagilap ng mga pinto pero sarado o pinto ng mga gamit ang mabubuksan).



PA

File room yan. Yung isang pinto, sa pantry. Doon, doon ang daan papunta sa isa pang opisina. Pero naka-lock yun.



EMILIO

(titingnan kung totoo) Naka-lock?



PA

Oo, sa labas lang puwedeng buksan. Yun ang utos ko sa messenger.



EMILIO

Puta, bakit mo ako ila-lock dito? Nasisiraan ka na ba? Ang susi, amina! (lalapit sa PA) Ibibigay mo ba o kailangan pa kitang kaladkarin para makuha ko?



PA

(matatawa) Kanina lang akala mo niloloko kita pero ngayon parang kinakabahan ka na talaga!



EMILIO

(pagalit) Putangina amina ang susi!



PA

(magpapalit ng tono na ikagugulat ni Emilio) Mr. Emilio Montano III! Huwag na huwag mo akong pagbubuhatan ng kamay! Kung ako nga ang tunay na ako, hinding-hinding ka mangangahas na daplisan ako ni kapirasong laway mo! Magtigil ka!



EMILIO

(kakalma, halatang natakot) Hindi naman sa sasaktan kita, pero pinipigilan mo akong makaalis dito at ilegal yan!



PA

Malas nating pareho, walang kahit na sinong witness na magpapatunay ng anumang nangyayari o mangyayari dito. (katahimikan) Pero wag mo sanang isiping pinipilit kitang gumawa ng kahit na ano. Gusto ko lang sanang mapakinggan mo ang gusto kong sabihin. (katahimikan) Hindi ka pa rin naniniwalang ako nga si Inang, dahil hindi ako nakabihis ng kung paano mo inisip na nakabihis ang isang producer na gaya ni Inang. (lalakad papunta sa isang pinto at kukuha ng panibagong damit at wig) Sige, gagawin ko ang dapat kong gawin para makumbinsi kita nang agad-agad. (pagkabihis ay lilingon kay Gabriel). Ano, ito na ba ang Inang na iniisip mo? Ano, ako na ba ang inaabangan mo?



EMILIO

Ano, ewan ko, nalilito ako...

Simula sa puntong ito, ang “PA” ay tatawagin nang “Inang.”



INANG

Maupo ka muna, anak. Ganito kasi yun, may gusto sana akong i-propose sa ‘yo, na siyempre’y may kaugnayan sa propesyon mo. Kaya rin may mga ganitong...pagpapanggap. Sana’y hindi ka nagalit sa akin, may sinusubukan lang ako. Siyempre naman kailangan din kitang subukan.



EMILIO

Inang...Inang na nga ba ang itatawag ko sa ‘yo? Pasensya na, hindi pa rin kasi ako sigurado. Kayo na ba, ay naku, ikaw na ba yan talaga? Baka naman panggagago na naman ito...hay, ako yata ang gago. Mukhang sapat na naman ang ipinakita mong ebidensya. Oo, ikaw na nga si Inang. (bahagya nang umaarte si Emilio nang may paggalang sa kausap). Oo, ikaw na nga yan. Dapat sa umpisa pa lang nahulaan ko na. Puta, napabilib mo talaga ako dun a...pero medyo nahihiya tuloy ako sa inarte ko, yung kanina, pero nakukuha naman ninyo siguro kung saan ako nanggagaling. Paano ko ba naman mapaghahandaan ang ganun, di ba? Ibig kong sabihin, baka nabastos kita, nabastos ko kayo.



INANG

Oh no, anak. May iba-iba talaga tayong reaksyon sa kung ano ang iniisip nating katayuan ng kausap natin, o sa kung ano ang iniisip na posisyon ng nakikipag-usap—o kung may posisyon talaga—sa lipunan. Ganoon naman talaga. Ngayon, alam mo nang ako si Inang, nabawasan na yung mapanlait mong tono, yung ere ng pagmamataas at yabang na pinapalipad mo sa isang utusan. Ngayon, mas magalang ka na at tinatawag pa akong “Inang.” Ngayon mismo, kahit hindi mo napapansin, nagsisimula ka nang umarte!



EMILIO

Inang naman! Sobra ka naman, wag mo namang sabihing pinagdududahan mo ang sinseridad ko. Grabe naman yun...



INANG

Hindi naman anak! Pinapansin ko lang ang bagay na baka hindi mo napapansin sa sarili mo! (katahimikan) Sa tunay na buhay, gaya nga ng sinasabi ko kani-kanina, lahat tayo ay nagtatanghal...lagi-lagi...bukod pa diyan, itong mga araw-araw nating palabas ay napakahalaga para mairaos ang status quo. Kahit mismo sa sarili nating kaligtasan bilang mga indibidwal. Parang impiyerno sa lupa. Nabasa mo ba yung “Huling Paalam” ni Rizal? Ang sabi doon sa isang linya “Ako’y patutungo sa walang busabos, walang umiinis at berdugong hayop.” Ang lalim nun, ano? Ang dakilang busabos, ang marangal na hayop. Hindi ba? Ang tao sa kanyang primitibong estado ay hindi naman talaga mapagkalinga ang puso. Hindi naman sa ipokrito ang tao. Pero Emilio, yung sinasabi nating “sinseridad,” ayan ang naglalabas ng mga tunay nating kulay. Mas masahol pa nga tayo sa mga hayop sa gubat e...E ako naman ay nagsasalilta lang mula sa sariling karanasan ano...



EMILIO

Sabagay, Inang, kahit sa ngayon, sibilisado na ang mga tao, marami pa ring mga madugong nangyayari. May mga sibilisadong asal-hayop naman kahit sa ngayon.



INANG

Tama ka, anak! Naku, tamang-tama! Kaya nga nung sinabi kong parang impiyerno sa lupa, hindi ko naman sinasabi na parang ikinahihiya ko iyon o kinasusuklaman. Sinasabi ko lang na parang matter of fact, parang isang detalye lang na, sa totoo lang, may kaunti akong “aesthetic” admiration.



EMILIO

E hindi ko kayo makuha. Parang sinasabi mo pang doon sa mga kahayupan e may nakikita kayong parang maganda?



INANG

Ay grabe ka naman anak... Hindi mo ba naisip na posible yun? Sige nga, pag ikaw ay gumaganap na kontrabida o rapist sa mga pelikula mo...



EMILIO

Dati pa yun Inang, di na ako ganun...



INANG

Oo nga, pero yun ngang dati, ayan may roles kang ganun. Pag inalis mo na lahat ng iniisip na normal sa lipunan natin, pag tumigil ka nang umarte na parang kung ano ang dapat mong iarte bilang normal na tao...



EMILIO

Pero role lang nga iyon. Imbento!



INANG

Eksakto! Imbento! (saglit na katahimikan. Tatayo at may kukuning isang makapal na folder) Pero nawawala na ako...heto anak, inimbitahan kita dito dahil gusto kong ikaw ang umarte sa isinulat kong script.



EMILIO

Script? Nagsusulat ka rin pala, Inang? Akala ko’y sa producing at directing ka lang.



INANG

Sinubukan ko lang. Mr. Emilio Montano III, lubos akong matutuwa kung ikaw ang magiging star ng pelikulang ito. Sasagutin ko lahat. Hinding-hindi ka madedehado kung papayag ka.



EMILIO

Parang wala namang problema dahil trabaho ko ‘to. Ito ang ginagawa ko, o ito naman talaga ang dati ko nang ginagawa, para mabuhay. Puwede bang pabasa?



INANG

Oo naman anak, pero warning lang, itong script na ito ay iba ang atake kaysa doon sa mga nagawa mo na ha? Hindi ko masisiguro kung magiging success itong sinubukan kong isulat.



EMILIO

Ang labo naman nun. Di ba kung writer ka ng script, dapat ang goal mo ay wag mag-flop ang sinulat mo?



INANG

Hindi naman ako bothered sa iisipin ng masa. Hindi, ganito kasi iyan Emilio, anak, research ko kasi ito. Gusto ko sanang mapatunayan dito—mapatunayan sa sarili at sa iba—yung mga teoryang nabuo ko. You hear everytime from our colleagues, from the big names, ikaw mismo ang nagsabi kanina, ang mga pinakamagaling na aktor ay iyong marunong dumistansya sa mga character nila. Ang palabas ay pag-iimbento at dahil diyan, ang pinakamahusay na paraan para bumuo ng mga pag-iimbento sa mga manonood ay ang gayahin ang mga imbentong ito sa loob ng isip ng aarte. Ikaw nga mismo, sa totoo lang, ay kinokontra ang sariling mga sinabi. Sabi mo, napapangibabawan ka ng emosyon kapag umaarte ka, na ang pagkatao mo ay nabubuhol sa pagkatao ng tauhan na inaarte mo; pero ngayon lang ay inaamin mong hindi mo lubusang mabubuhol ang sarili mo kasi para makaarte ka, gagamit ka ng iba-ibang technique, ipo-project ang boses, may tamang blocking at lighting, marami pa. Sa akin lang naman, gusto kong patunayan na hindi ganun ang tamang pagtatanghal. Baligtad pa nga—na ang mga pinakamagaling na palabas ay doon sa mga oras na ang aktor ang nagiging tauhan mismo, yung isinasabuhay ang tauhan na parang siya talaga iyon, sa puntong siya mismo’y nakakalimutan kung sino ba ang dating siya. Ang pagtatanghal ay di lang puro technique o sining o pag-iimbento. Ang pagtatanghal ay dapat maging pagdama, damdamin, at higit sa lahat, yung pagiging maligaya na natawid ang lahat ng mga nakagisnan bilang normal o pangkaraniwan...Dapat maranasan natin lahat ng pagdurusa natin, lahat ng pighati, lahat ng mga kimkim na pagnanasa at takot ay dapat maitanghal...Emilio, ang ating realidad...ang mga katotohanang kinasisindakan nating aminin sa tunay na buhay, doon ako interesado! At kailangan ko ang mga taong gaya mo, Emilio anak, mga matapang at malikhaing tao, kayong handang laruin ang laro sa pinakahangganan (sa proseso ng pagsasalita ay makakatulog si Emilio, parang pinangibabawan ng pagod). Emilio, Emilio anak, hindi ka naman yata nakikinig sa Inang mo...



EMILIO

Inang...



INANG

(may lambing na ikakanerbyos ni Emilio) Tinutulugan mo lang ako Emilio, my dear anak, hindi ka nakikinig sa akin...



EMILIO

Inang...sorry... Di ko alam kung ano’ng nangyari sa akin. Kanina, bigla akong nakaramdam ng pagod, pagod na pagod...pero okay na ako. Maayos na. Baka dahil lang sa mga inaasikasong ibang bagay. Kaya ko ‘to.



INANG

Naku kawawa ka naman, napapagod ka? E di dapat mas lalo pa tayong magmadali. Nagigipit na tayo sa oras. (kukunin dapat ni Emilio ang tasa ng kape pero pipigilan siya) Oh no, anak! Wag mo nang inumin ang kapeng yan, stale na yan. Eto, this is better. (may kukunin na ibang tasa) Here, have some Ala-alamid coffee. Okay? Anyway, wag kang mag-alala. Mayamaya lang ay mawawala na yang pagod mo at magiging okay ka na. Kailangan kitang maging okay, okay? Kailangan mo pa kasing gawin ang isang pagsubok.



EMILIO

Pagsubok? Puta ano yan? Kanina pa tayo andito tapos sinasabi mong wala kang tiwala sa kakayahan ko, sa experience ko? Baka iniisip mo utak-amateur pa ako, o desperadong magkaproject?



INANG

Oh no, not at all

anak! Yung script ang gusto kong subukan, hindi naman ikaw.



EMILIO

Ang labo nyo.



INANG

Sabi ko naman sa ‘yo kanina, itong script na ‘to ay hindi nakadisenyo para pasayahin ang mga...bulok na panlasa ng ating panahon. Bale ano...binasa ko kasi ito nang mag-isa, maraming beses, sa kuwarto ko...binasa ko pa nga nang malakas, pero hindi naman sapat iyon. Kailangan ko siyang marinig, marinig mula sa iyong mga labi...isasabuhay mo, ikaw at ikaw lamang...

May mag-aangat na kurtina sa likod at makikita ang isang set na may backdrop. Isang grassy field, gabi.



INANG (CONT’D)

Tingnan mo, ginawan pa kita ng sarili mong set para lang dito...



EMILIO

Pero paano, hindi naman ako makakaarte nang hindi ko nalalaman yung laman ng pelikula...ni walang rehearsal o reading man lang. Kailangang mabasa ko muna, kailangang maunawaan ko yung mga action at yung characters. (hindi papansinin ni Inang, dahil may mga inaayos siya sa ginawang backdrop) Sige, kahit ikuwento mo na lang kung tungkol saan ito. Yung topic, setting, yung kuwento, kahit ano...



INANG

Mahalaga pa ba iyon?



EMILIO

Wala naman kasing matinong artista na papasok sa audition na...(mapuputol)



INANG

Tungkol sa Shambala.



EMILIO

Anong tungkol sa Shambala?



INANG

Anong tungkol sa Shambala?



EMILIO

Ayokong pag-usapan yan.



INANG

Pareho lang tayo.



EMILIO

(katahimikan) Tungkol sa Shambala ang pelikula?



INANG

Akala ko ba ayaw mong pag-usapan?



EMILIO

Ano ba ang alam mo sa Shambala?



INANG

Hindi na mahalaga iyon. (katahimikan) Mayor ka ng Shambala.



EMILIO

Mayor dati.



INANG

Mayor dati. At may nangyari?



EMILIO

Ayokong pag-usapan.



INANG

May mga sundalo.



EMILIO

Ayokong pag-usapan.



INANG

May mga rebelde.



EMILIO

(katahimikan) Nasabi ko na ang lahat sa press.



INANG

May iniutos ka. May nangyari.



EMILIO

May nangyari.



INANG

Shambala. Mayor ka ng Shambala?



EMILIO

Mayor dati.



INANG

(magpapatuloy na parang walang nangyari) Basta parang ganun. E hindi naman ako interesado doon sa kuwento. Puwede namang sa ibang lugar saka sa ibang tao.



EMILIO

Pero ang isinulat mo ay ang Shambala.



INANG

Hindi naman kasi tungkol doon. Milieu lang yun. Mas tungkol talaga ito sa buhay nila. O, sa pagkamatay. Sa proseso ng pagkamatay, iyon! Iyon ang gusto kong aralin!



EMILIO

Naimbestigahan na lahat ng mga namatay, lumabas na sa press. Naharap na lahat ng anggulo, tapos na yan.



INANG

Ayun na nga mismo. Napanood na natin sila. Lahat ng anggulo. Kaya naman puwede nang wag pansinin, tapos na naman e! Pero wala naman yang mga social relevance na yan talaga. Palusot lang yan para maging pilosopo at political analyst ang lahat ng tao. Ang gusto ko lang sanang maunawaan, tungkol sa Shambala at sa iba pang mga tauhan sa ibang mga lugar at oras, ay ayun nga, yung pagkamatay nila. Hindi yung mismong fact na patay na sila. Sabi ko nga, yung proseso ng pagkamatay nila...ang mamatay nang kasama nila. Hindi yung panoorin silang namamatay, pero yung maramdaman yung pagkayanig ng pagkamatay nila, ng pagkamatay natin.



EMILIO

Pakiramdam na naman, paulit-ulit!



INANG

Mismo! Ang makaramdam! Ang makaramdam, Emilio! Pagdamdam na walang retorika...yung maging kabahagi ng kanilang pagdurusa; yung maparanas sa katawan natin, mapabakas sa isip, bawat hakbang, bawat yugto, ang di matakas-takasang pag-usad sa sariling pagkagunaw!



EMILIO

Alam nyo, ganyang-ganyan ang dialogue ko sa “Bilibid Baby: Albino Snake ng Selda 69,” nung hinahatid na si Bilibid Baby sa huling hantungan, parang ganyan iyang sinasabi nyo di ba?



INANG

Hindi lang ganun ang sinasabi ko... Parang, kung kaya lang natin, sa kung anong mahiwagang panggagaya, yung makapasok sa kanilang kaibuturan habang nananatili tayong tayo...doon, sa ganoon, may siksik liglig umaapaw na ligaya, hay anong sarap sa isip! At isipin mo, paano kung kayang itawid ng utak ang sarap na ito sa bawat sulok ng ating mga kaawa-awang katawan! Anong saya, Emilio, para dito sa ating kalunos-lunos na mundong puro de-numero! (matatawa) Ayan, kita mo naman, nawala na naman ako sa kakadaldal ko. Masyado akong natuwa sa mga emosyong hindi ko pa nga napipiga mula sa ‘yo. (katahimikan) Hindi mo pa rin sinasabi kung pumapayag kang makipaglaro.



EMILIO

Hindi pa rin kita makuha, Inang. Pero kung ikatutuwa mo, sige, bukal sa loob kong basahin ang script mo. Sabihin mo lang kung anong parte ang ipapagawa mo. (lalakad papunta sa backdrop) Warning lang ano, since wala tayong rehearsal ay baka hindi ko kayo mapabilib agad-agad. Pero kung gusto nyo na kasi nang agad-agad...



INANG

Oo, Emilio anak! Gustong-gusto ko! (susunod kay Emilio, iche-check ang ginawang backdrop at set) Sandali...ayan, okay na, nasa tamang ayos naman lahat. (aalis saglit para kunin ang script, babalik para iabot ito kay Emilio na nakaupo sa isang bahagi ng backdrop) Ito, interesado akong makita kung paano mo gawin ang eksenang ito...



EMILIO

Yung death scene?



INANG

Pak. Yan nga.



EMILIO

Pero, may ibang characters dito, paano yun?



INANG

Kahit wala na muna sila. Kaya yan.



EMILIO

Sige. Sige po. (tatayo)



INANG

Wag ka nang lumipat. Pagod ka na, anak.



EMILIO

Nakaupo lang ako sa buong eksena?



INANG

Oo.



EMILIO

Ibig sabihin hindi ako makaka-pose nyan. Paano ako lalakad tapos madadapa at kikisay bago mag-line?



INANG

Kalimutan mo na muna ‘yon. Iisipin na lang nating mamamatay ka na.



EMILIO

A, sige, ayos lang. Kaya lang po...



INANG

Baka puwedeng magsimula tayo this year, ano, anak?



EMILIO

Teka, may naiisip lang po kasi ako...



INANG

Wala nang oras sa mga ganyan ngayon! (magpapakamabait uli ng tono) O sige na nga, ano ba ‘yon anak?



EMILIO

Kung baliw na baliw kayo sa pagiging totoo, hindi ba kayo nadidismaya na hindi man lang ako nakapag-costume?



INANG

Hindi. Mas kailangan mong...(matitigilan) Hindi, sa ngayon, wag muna. Hindi mo naman mauunawaan kung ngayon ko ipaliwanag, o malamang hindi ka maniwala.



EMILIO

A, okay. (katahimikan) So...ganito na lang po’ng bihis ko?



INANG

(mas tiyak) Oo. Napakaimportanteng gawin mo ito na nakabihis ka nang ganyan.



EMILIO

Ayos po. Sige. Tapos kayo naman ang magdidirek ng gagawin ko?



INANG

Yes, Emilio, ako nga. I am, for all intents and purposes—taray ng English ko dun aminin mo—for all intents and purposes, I am your director.



EMILIO

(sarcastic, hindi amused) Mataray nga. Sige. Areglado. Pero ayos lang po ba kung pahingi ng ilang segundo para makapasok ako sa eksena?



INANG

Take your time.



EMILIO

Salamat. (magbabasa, magsasalita sa isang eksaheradong paraan). Sige, mga kasama, sabihin nyo sa akin ngayong nasa oras tayo ng panganib...ano ba ang inaasahan sa akin...ano ba ang nais ng kasaysayang maging huling itsura ko...sa aking kamatayan...? Isang malabayaning muwestra, na may kasamang eskpresyon ng habambuhay na paghimlay sa aking mukha...isang modelong dapat gayahin... Pero walang alam ang kasaysayan tungkol sa kamatayan...tungkol sa kamatayan ng mga indibidwal... Nasusuklam ang kasaysayan sa mga paisa-isang kuwento. Gusto nito ng pangmalawakan. Wala itong pagnanasang alamin ang sintomas, ang mga mahalagang proseso... Interesado lang ito sa mga resulta. At ako, paano naman ako? Ano ba ako dito sa higanteng makinaryang ito? Ako’y walang pinagkaiba sa isang haka-haka. At ang mga haka-haka ay hindi puwedeng maghinaing! (habang unti-unting napapalubog si Emilio sa kanyang binabasa’y napapailing naman si Inang, halatang hindi nagugustuhan ang arte ni Emilio) Pero ang mga mandirigma, silang nasa giyera ang namamatay...at ang mga sundalo’t rebelde’y namamatay nang buong sakit...nangingisay, nagmamakaawa...namamatay nang kaawa-awa...natatae sa salawal at nahahaluan ng suka ang dugo sa mga suot-suot na damit, sa mga uniporme...at sindak na sindak sila...nasisindak, nangingilabot...hindi sa takot sa kung ano ang naghihintay sa kabilang buhay...hindi iyon...isang takot na walang pangalan...isang pisikal na sindak mula sa pisikal na pagkamatay na nagpapahirap sa lahat...dahil ang kamatayan ay isang pagbabasbas, ito ang banal na sakramento ng takot...hindi ba ninyo nauunawaan iyon?



INANG

Hindi.



EMILIO

(magugulat sa pagsingit ni Inang) Ano po?



INANG

Ang sinabi ko lang naman ay “hindi.” O at least, hindi ko maunawaan ang sinasabi mo base sa kung paano mo siya ginawa.



EMILIO

Sinasabi ba ninyong hindi ninyo nagugustuhan ang pag-arte ko?



INANG

Ang sinasabi ko ay hindi maitawid ng estilo mo sa pag-arte ang nangyayari doon sa tauhan. Paano ko mauunawaan, e hindi ko naman maramdaman ang dapat na nararamdaman mo?



EMILIO Mukhang pinepersonal mo na ang mga palagay mo sa artistic ability ko ha, Inang. Pero sa showbiz, gustung-gusto yan ng mga nanonood, at yung sinasabi kong mga nanonood, kasama din dun ang mga kritiko, mga matalinong tao...mga taong baka nga kasinggaling at kasingtalino mo rin.



INANG

Emilio, anak, makinig ka muna kasi...



EMILIO

(mas galit) Kaya ang lumalabas, inimbitahan mo ako sa opisina mo at pinabasa’t pinaarte dito sa palabas mo para lang gawin akong katatawanan. Well sorry, pasensya na pero ayoko nang makipaglaro sa ‘yo, ayoko ng iniinsulto ako. At sa akin ha, pag kinuwestyon mo na ang kakayahan ko sa pag-arte e parang puwede ko na ring kuwestiyunin ang pagka-producer mo.



INANG

(nang-aamo) Hindi mo naman kasi sinusubukang maunawaan talaga. Iba talaga ang pelikula ko sa mga nagawa nang pelikula...



EMILIO

Oo, gets ko namang iba nga siya. Pero hindi ko pa rin makuha kung bakit yun ikokonekta sa pag-arte ko.



INANG

Obvious naman. Pag iba ang istilo ng pagkakasulat, may hinihingi ring ibang istilo ng pag-arte.



EMILIO

Aha, e yun naman pala. Kulang pa sa ‘yo ang pag-launch mo bilang scriptwriter slash director, gusto mo na ring makialam at turuan ako tungkol sa propesyon ko!



INANG

Ang gusto ko lang naman sabihin ay hindi mo talaga maiaarte nang lubusan ang kahit anong hindi mo pa naman nararanasan. Ang hindi mo naranasan nang direkta at personal. Kasi hindi mo pa naman pinagdadaanan ang pighati ng kamatayan.



EMILIO

(sarkastiko) Kung dumaan ako talaga sa “pighati ng kamatayan,” e di namatay na ako, at siyempre hindi ko na maiaarte ang role ko. Ayan, pati ako nahahawa na sa mga basurang sinasabi mo. Sa argumento mo kasi, tuwing umaarte ang artista ng pagkamatay ng character niya...(hindi sigurado kung magagalit o matatawa sa sinasabi), ay diyos ko naman! Ginagawa mo naman akong tanga niyan e. Siyempre yung character na namamatay sa palabas ay buhay pa rin pagkatapos. Kung pelikula, puwedeng mag-retake para makuha ang iba’t ibang anggulo. Kaya nga puwedeng ulit-ulitin ang palabas, i-replay o panoorin uli sa susunod pang mga araw.



INANG

(nagsasalita na parang thinking aloud) Pero hindi naman sila eksaktong pareho sa bawat take...lagi namang may...mga maliit na pagkakaiba...



EMILIO

Tama naman. Mga maliit na pagkakaiba, yun lang.



INANG

Pero ang gusto ko, makagawa ng something unique! Parang yung pagiging unique ng mga painting dito...ang furniture...ang mga damit ko! Ang mga libro ko! Ang mga libro ko lalo, mga unique edition ng mga paborito kong babasahin, ginawa ayon sa specifications ko!



EMILIO

Imposible naman yan sa pelikula. Sa script siguro, puwede, pero kapag shini-shoot na yan, marami nang kamay na makikialam diyan...Sa pag-arte pa lang, kahit may continuity, iba-iba ang pag-arte diyan...



INANG

Doon nga sa pag-arte, Emilio, anak, doon sa sinasabi nating pagtatanghal, doon nga mismo ako interesado!



EMILIO

At saan mo itatago ang lahat ng iyon? Ano ang itatago mo, yung director’s cut, yung MTRCB-friendly version, pag nagka-TV adaptation pa yan, o paano pag na-remake, lagi namang may umuulit ng mga ganito e, paano mo itatago lahat?



INANG

Itatago ko siya...(itinuturo ang ulo) dito, sa alaala ko...



EMILIO

Baka isa na naman ‘to sa mga pangti-trip nyo...



INANG

Hindi yan trip-trip, isa siyang pangangailangan.



EMILIO

(saglit na katahimikan, bakas na pagpapakita ng kawalan ng pakialam sa sinasabi, bago akmang bababa mula sa puwesto) Sige. Sorry na po. Mukhang hindi ko talaga kayo mapapasaya. Maghanap na lang kayo ng ibang artistang kayang maabot yung pagkatotoo na kailangan ninyo. Pero kung anuman, huwag nyo sanang masamain, sobrang duda ako na makakahanap kayo ng ganon. May mga pagkakaiba man kami, produkto lang din kami ng iisang industriya.



INANG

Pero anak, hindi ko naman gusto ng iba; ikaw ang kailangan ko!



EMILIO

(nalilito) Pero kakasabi lang ninyo...



INANG

Ayaw mo naman kasi akong patapusin...hindi mo ako pinapatapos, ayan tuloy, muntik na nating makalimutang paubos na nga pala ang oras...(parang kinakausap ang sarili) Paubos na ang oras...baka madisgrasya pa.



EMILIO

Madisgrasya? Bakit? Di na naman kita makuha.



INANG

E paano mo naman makukuha e pag sinusubukan kong magbigay ng detalye, napapaiba mo yung mga pinag-iisipan ko dahil sa mga pagmamatalino mo, pagmamatalino na wala naman sa punto talaga! (mawawalan ng balanse si Emilio, iaangat ang kamay habang pinipigilan ang paungol na tunog) O anak, bakit? Ayos ka lang ba?



EMILIO

Umiikot ang paningin ko...nahihilo ako...di ko ma-gets....parang bumibigay ang mga binti ko...sandali lang po...uupo lang ako...paupo lang sandali (matutumba sa paghahanap ng upuan pero makikitang walang balak tumulong si Inang). Pasensya na, pasensya na po...medyo nahihirapan akong mag-concentrate...pasensya na...hindi...hindi ko na masundan ang mga argumento mo...sa totoo lang hindi ko na matandaan, hindi ko na alam kung ano ang pinag-uusapan natin...nakalimutan na...at ngayon, sa totoo lang, hindi ko alam ang dahilan kung bakit ba bigla-bigla akong napapagod...nang sobra-sobra.



INANG

Dahilan? Aba anak, napakasimple lang naman ng dahilan...ang dahilan ay yung kombinasyon ng kape...at ang orasan.



EMILIO

Yung kape?



INANG

Naku naman anak, kailangan ko pa bang isulat yan sa cue card? Kahit child star nakuha na yan agad. Emilio, anak, pinag-eksperimentuhan kita!



EMILIO

(mababakas ang takot) Eksperimento? A, parang artistic experiment, improv-improv, ganoon po ba?



INANG

Oh no anak, of course not! More of an experiment in physiology—taray ko dun di ba? An experiment in physiology applied to an actor’s technique (titingin kay Emilio). Ano anak, kinaya mo ba yung physiology? Body functions yun anak, pinakialaman ko ang katawan mo!



EMILIO

Katawan ko...(mapagkakabit ang mga nangyari) Ang kape! Kaya pala pinalaklak mo lahat...puta! Puta! Tangina, paano mo nagawa ‘yon?



INANG

(energetic) Kailangan ko nga kasing malaman!



EMILIO

(natataranta) Kailangan mong malaman? Puta! Isang bagay lang ang kailangang malaman ng mga tao, at yun ay na mamamatay-tao ka putanginamo ka!



INANG

Oy a, grabe ka naman! Hindi kaya ako mamamatay-tao! I’m a scientist! Ang mundo ng estetika ay peke, at hindi ko talaga ma-take ang mga kapekean. Ang interesado lang talaga ako ay sa pag-aaral ng human behavior! Ang tao ay totoo, mga buhay na nilalang, at talagang sumasaya ako pag pinag-aaralan sila kesa pag-aralan lahat ng interview at pelikula mo kahit pagsama-samahin mo pa sila!



EMILIO

Pucha, baliw ka! Hayop ka!



INANG

(masaya) Ayan na mismo! Nagbabago na nang unti-unti ang pagtingin mo sa akin! Ngayon...ngayon ay talagang natatakot ka na! Natatakot ka na ngayon, at ang takot na yan ay hindi arte-arte lang! Alam mong malapit ka nang mamatay...na may ilang minuto ka na lang na natitira para mabuhay... Ay! Ito na talaga ang tamang oras para gawin ang experiment ko! Mamamatay ka tulad ng ginawa kong tauhan! Susuko ang kathang-isip, dinaig siya ng tunay na buhay! HIndi na dalawa ang pananaw sa mundo ngayon! Isa na lang, isang nag-iisang pananaw, ang totoo! Ang totoo lampas sa lahat ng emosyon at mga nakagawian ng ating mundo. Emilio, ang totoo, ang katotohanan ay singhalaga ng buhay mismo!



EMILIO

(sinusubukang kumilos) Kung mamamatay ako, papatayin na din kita. Gagamitin ko lahat ng natitira kong lakas para makabawi man lang!



INANG

(hindi natitinag) Sandali lang, anak. Emilio. May proposal ako. Isang...kasunduan.



EMILIO

(natigilan saglit, magpapatuloy sa pagkilos palapit kay Inang) Wala nang oras para diyan...wala nang oras...



INANG

Meron pa, grabe ka naman. (titingin sa relo) May eight minutes pa naman.



EMILIO

(matitigilan) Ano?



INANG

Kinakain na talaga ng droga ang katawan mo...yung paggalaw mo...pero kaya pang umandar ng utak mo nang mga isa o hanggang dalawang minuto pa...(saglit na katahimikan) Gusto mong maligtas ang buhay mo, di ba? Sige, anak. Sa sarili mong talino nakasalalay kung makakaligtas ka o hindi. (may ilalabas na maliit na bote at ipapakita kay Emilio) Nakikita mo ang bote na ‘to? Plot point yan—ito ang antidote!



EMILIO

Ibigay mo sa akin yan. Papatayin kita pag di mo binigay yan!



INANG

Sige, pag umalis ka sa puwesto mo babasagin ko ito sa sahig. (mocking) Kawawa ka naman kung ganoon.



EMILIO

(katahimikan, maya-maya’y mapapaiyak at makikitaan ng pagsuko) Wag, wag po! Ayoko po, ayoko pong mamatay... Ayoko pang mamatay! Hindi ko po sinasadya, lahat ng sinabi kong masama...ayokong mamatay!



INANG

(walang kaamor-amor, parang business transaction ang tono) Tumigil ka sa kaiiyak at makinig ka dito. Tatanggapin mo na ba ang mga kondisyon ko? (tatango si Emilio habang pinipigilang maluha) Sige na nga, papayagan pa kitang magbigay ng isa pang performance.



EMILIO

(maiiyak uli) Aarte uli? Hindi, hindi ko na kaya...



INANG

Hindi siya request, anak.



EMILIO

Kahit na gawin ko, siguradong ang pag-arte ko...siguradong magiging...disaster.



INANG

Naku, kailangang ito na ang maging best performance mo, Emilio anak. Pag di ko yan nagustuhan, naku! Pag di ko nagustuhan yan...hindi ko ibibigay ang antidote.



EMILIO

(titingin kay Inang) Nangangako ba kayo? Pangako, pag kinaya ko...?



INANG

Isinusumpa ko. (saglit na katahimikan, titingin uli sa relo) May anim na minuto ka pa o. A six minute performance, kapalit ng buhay mo. At kung sakaling maligtas mo nga ang buhay mo, sisiguraduhin kong kikita ka nang lampas-lampas sa kikitain mo sa buong career mo. Pero wag ka na munang mag-aksaya ng oras kakaisip ngayon. Paghandaan mo ang pag-concentrate at nang makaumpisa ka agad. (sa isang drawer ay may kukunin na sand-glass, ipapatong ito sa isang mesa katabi ng antidote). Pag bumaba na ang lahat ng buhangin sa ibaba ng sand-glass, tapos na ang pagtatanghal, at malalaman mo kung pumasa ka sa pagsubok. (uupo katabi ng sand-glass at antidote). Ready na ako, ikaw, ready ka na ba?

Pagkalipas ng ilang saglit, kakaladkarin ni Emilio ang kanyang sarili para makabangon. Babalik sa dating puwesto noong nagsimula siyang magbasa ng script. Kukunin niya ang script at tahimik itong tititigan. Tatango si Emilio nang hindi direktang tumitingin sa mukha ni Inang.



INANG (CONT’D)

Magsisimula na ang palabas.

Babaligtarin ni Inang ang sand-glass. Biglang mapapakilos si Emilio. Kahit halatang nahihirapan ang katawan, makikitang sinusubukan niyang maging mahusay. Mas makikita rito ang pagtatangkang pasukan ng ibang buhay ang bawat kilos at salita, may pagsisikap na ihiwalay sa artipisyalidad at technique na ginawa niya sa unang pagbasa. May pakiramdam na mas natural at mas totoo ang pangalawang pagbasa. Makikita ang pagka-excite ni Inang habang pinapanood si Emilio.



EMILIO

Sige, mga kasama, sabihin nyo sa akin ngayong nasa oras tayo ng panganib...ano ba ang inaasahan sa akin...ano ba ang nais ng kasaysayang maging huling itsura ko...sa aking kamatayan...? Isang malabayaning muwestra, na may kasamang eskpresyon ng habambuhay na paghimlay sa aking mukha...isang modelong dapat gayahin...Pero walang alam ang kasaysayan tungkol sa kamatayan...tungkol sa kamatayan ng mga indibidwal...Nasusuklam ang kasaysayan sa mga paisa-isang kuwento. Gusto nito ng pangmalawakan. Wala itong pagnanasang alamin ang sintomas, ang mga mahalagang proseso...Interesado lang ito sa mga resulta. At ako, paano naman ako? Ano ba ako dito sa higanteng makinaryang ito? Ako’y walang pinagkaiba sa isang haka-haka. At ang mga haka-haka ay hindi puwedeng maghinaing! Pero ang mga mandirigma, silang nasa gera ang namamatay...at ang mga sundalo’t rebelde’y namamatay nang buong sakit...nangingisay, nagmamakaawa...namamatay nang kaawa-awa....natatae sa salawal at nahahaluan ng suka ang dugo sa mga suot-suot na damit, sa mga uniporme...at sindak na sindak sila...nasisindak, nangingilabot...hindi sa takot sa kung ano ang naghihintay sa kabilang buhay...hindi iyon...isang takot na walang pangalan...isang pisikal na sindak mula sa pisikal na pagkamatay na nagpapahirap sa lahat...dahil ang kamatayan ay isang pagbabasbas, ito ang banal na sakramento ng takot...hindi ba ninyo nauunawaan iyon?

Titigil si Emilio sa puntong iyon. Ito ang parehong punto kung saan siya naistorbo ni Inang sa unang pagbasa. Makikita ang pagkataranta kay Emilio dahil alam niyang malapit nang sabihin ang desisyon; hindi na niya kayang ipagpatuloy ang pagbabasa. Mas nakikita na nang paunti-unti ang totoong estado niya.



INANG

(pagkatapos ng mahabang patlang, habang pinagmamasdan ang nagdurusang estado ni Emilio) Hindi mo na kailangang ituloy pa. (katahimikan. Hindi makapagsalita si Emilio, natatakot siyang magtanong. Daragdagan ni Inang ang tensyon sa pamamagitan ng pagpapabagal sa kanyang sinasabi) Hindi pa nauubos ang buhangin sa orasan...(kukunin ang sand-glass at ihihiga nang pahalang sa mesa) pero puwede na yan.

Tatayo si Inang, kukunin ang boteng may lamang antidote, at maglalakad nang marahan patungo sa pinaglalagyan ng mga inumin. Dahil sa posisyon ng katawan niya’y mahihirapang makita kung ano ang eksakto niyang ginagawa. Makikita ang sabay na pagkasabik at takot ni Emilio habang pinapanood si Inang. Matindi ang bigat ng nakabalot na katahimikan. Aakyat si Inang sa puwesto ni Emilio at iaabot ang tasa ng kape. Walang sasabihin si Emilio. Nanginginig niyang kukunin ang tasa at iinumin ito. Magkahalong tuwa at pagkapaso dahil sa pagmamadali ang makikita kay Emilio. Kukunin ni Inang ang tasa habang lumalayo siya sa performance area ni Emilio. Magsisimulang manginig ang katawan ni Emilio. Umiiyak siya, umiiyak pero pinipigilan na parang bata. Pagkabalik ni Inang sa dati niyang posisyon, pagmamasdan niya si Emilio na parang may malasakit siya rito.



INANG (CONT’D)

Anak, wag kang umiyak. Nakakahiya yan para sa isang lalakeng gaya mo.



EMILIO

(hindi makatingin kay Inang dahil lalong naiiyak) Hindi ko mapigilan...naiiyak ako sa sobrang tuwa...



INANG

(mahinahon) Kung ganoon ay talagag humahanga ako sa tapang mo. (lalakad sa isang bahagi ng entablado at may pipindutin na buton. May malaking rehas na seldang tahimik na bababa mula sa kisame; sa loob ng ilang segundo’y napagsarhan na nito ang performance area ni Emilio) Hay, oo nga, napakatapang mo talaga, Emilio anak. Mas matapang kesa sa inasahan ko. Kasi nakipaglaro ka sa akin, sumugal ka na kalabanin ako, Emilio, at ngayon ay natalo ka na sa laro...at nariyan ka lang na masayang tinatanggap ang pagkatalo.



EMILIO

(marahang titingala at makikita ang selda. Hindi gagalaw. Makikita ang pakiramdam ng tensyon pero hindi na kayang taasan ang boses) Natalo...ako! Ikaw...ang sabi mo...nangako ka...sumumpa ka sa akin...



INANG

(babalik sa upuan, bago umupo ay titingin kay Emilio) At tinutupad ko naman. Wala naman akong sinabing nagustuhan ko ang pagtatanghal mo.



EMILIO

Pero kanina, hindi naman...hindi ba kakabigay mo lang ng antidote?



INANG

(ilalabas ang bote na walang nabago sa itsura, ipapakita ito kay Emilio) Hindi ko ibinigay sa iyo ang antidote, anak. Sa totoo nga’y nilason pa kita.



EMILIO

Pero...yung kape...



INANG

Ay grabe ka Emilio ha...wala akong sinasabi na yung kape—yung una mong ininom noong dumating ka dito—wala akong sinabing may lason iyon. Hindi a. Isipin mo lang...iyo lang ang naisip mo, dahil sa may ilang sintomas kang naramdaman...(mauupo) isang mahinang gamot lang iyon. Walang kaepe-epekto bukod sa paantukin ka at pabagalin ang kilos mo. Siyempre kailangan kong protektahan ang sarili ko at baka manakit ka...(saglit na katahimikan. Ipapakita uli ang bote) Kung nainom mo ang antidote, lahat ng sintomas na sinabi ko sa ‘yo ay mawawala sa loob lang ng ilang minuto. Iyon ang physiology, Emilio! Ikaw mismo, ikaw lamang at ang imahinasyon mo ang bumuo ng lahat ng nanuot na kuwento ng pagdurusa mo. Ang tanging totoong lason, ang talagang nakakamatay na lason, na isinusumpa ko sa iyong walang kahit na anong panglunas, ay ayan, yung kapeng kakainom mo lang. (ngingiti) Kita mo? Kahit kailan ay hindi kita niloko. (titingin sa relo) Sabi ko sa ‘yo kanina na mayroon kang kaunting minuto para mabuhay, at totoo rin naman iyon. Ang pagkakaiba ay nandoon sa iniisip mong nalunok mo na ang lason, at ang mga natitirang minuto na lang ang naisip mong natitirang oras bago mo ito maramdaman nang buo. Pero sinubukan ko ngang ipaliwanag na ang mapagdedesisyunan pagkatapos, sa dulo ng pagsubok, ay kung mabubuhay ka...o mamamatay, simple lang. Sa oras na ininom mo ang lason, Emilio anak, patay ka na. (titingin nang mabilis sa relo bago ibalik ang atensyon kay Emilio). Ubos na ang oras mo, at wala ka nang magagawang mga desisyon sa buhay o sa mga gagawin mo. Ginagawa ka nang utusan ng kamatayan. Ikinulong ka na niya sa kulungan niya...at siniguro niyang nakandado nang maigi ang mga pinto.



EMILIO

(nahihirapang magsalita) Pero bakit..bakit may mga rehas pa?



INANG

Kasi, simula ngayon, ang direksyon ng pagdurusa mo’y magsisimula nang maging mapanganib (tatayo at tatawid sa entablado) at gusto kong mapagmunimunihan iyon nang maginhawa, nang di ko iniisip ang kaligtasan ko.



EMILIO

(desperado sa paghahanap ng maliit na pag-asa) “pagmumunimunihan” ang pagkamatay ng isang tao...hindi...imposible yan...Ikaw, hindi mo magagawa yan...Nilalaro mo na naman ako...isang laro lang ito...isang kasinungalingan...(sinusubukang tumawa, pero makikita ang isang nakakatakot na ngisi) gusto mo lang akong takutin...yun lang yon...gustung-gusto mo lang na pinapahirapan ako...di ba? (sa tono niya’y mababakas ang pagod at lungkot, umiiyak na siya) Sige na, sige na po, parang awa nyo na po...sabihin ninyong hindi ito totoo, sabihin ninyong panaginip lang ito...



INANG

(hindi natitinag) Ay hindi, Emilio, hindi ka nananaginip anak...Malas para sa ‘yo, suwerte naman para sa akin. Sabi ko gusto kitang bigyan ng isang kakaibang pagtatanghal. Pero baka nagkamali ako ng pagpili sa tamang salita. Hindi ka “aarte” para sa akin. Gagawin mo ang totoo. Nakukuha mo na ba? Ang tanging paraan na maiarte mo nang tama ang sarili mong pagkamatay—ikaw na ang nagsabi niyan, pero nagbibiro ka lang yata kanina—pero ayun na nga...kapag talagang mamamatay ka na.



EMILIO

Kanina...umaarte ako...umaarte dahil natatakot ako....natakot ako...akala ko kasi’y namamatay na ako...



INANG

Oo, anak, kanina ‘yon...kanina, natatakot ka, oo naman, walang duda doon. Natatakot ka, pero kulang pa rin iyon sa akin. May kapiranggot ka pang kislap ng pag-asa sa katawan mo kanina. Nakikipaglaro ka sa akin. Gusto mong manalo. At dahil doon, dahil nakikipaglaro ka, hindi mo pa rin iniisip na talagang talong-talo ka na. (matatawa) Ay, anak, Emilio, hindi pa rin nawala ang acting instinct mo hanggang sa finale! Hanggang sa pinakahuli, nagkunwari ka pa rin na isa kang tauhan. (mapapabuntong-hininga si Emilio, bago bumagsak nang nakadapa, wala nang buhay) O, ano’ng problema anak? Kawawa naman ang anak kong si Emilio, nakatulog na naman. Nakatulog dahil wala namang ibang paraan para tumakas...dahil hindi mo kayang matiis na makita ang buhay mong unti-unting tumatakas mula sa mga kamay mo...sa bawat daan ng minuto...bawat hininga...bawat tibok...bawat hinto...(babalik sa isang impersonal na tono) Hindi rin. Hindi na rin ganoon kahalaga. Maya-maya lang, mawawala na ang epekto ng tunay na gamot, at maya-maya’y malakas ka na uli at makakapag-isip nang malinaw. At ang lason, ang tunay na lason, doon na siya magsisimulang kumilos sa loob ng katawan mo...mabagal, mabagal...mabagal na mabagal at ubod ng sakit...sasakit sa loob ng napakaraming oras...pero wag na muna nating pangunahan iyon (lalakad papunta sa isang drawer at kukuha ng diyaryo, may babasahin...) Ay, grabe naman, Emilio anak, pakinggan mo ito. Isang factory worker sa Cabuyao, o di ba malapit sa Shambala ito? Pinukpok ng bato ng hired goon hanggang sa mapitpit ang ulo...parang maruya daw, anak, grabe naman! Ay, eto...sa factory naman ng tsinelas ito o, grabe napakarami namang mga factory sa Pilipinas...nasunog naman daw habang nandoon ang mga manggagawa sa loob...ay grabe naman ito...nagputukan daw ang katawan dahil hindi nakalabas...may mga rehas daw kasi yung factory...rehas, parang sa ‘yo...I wonder...Mamaya na nga ito. Sige, Emilio, Emilio anak, sa ngayon ay igalang muna natin ang mga patakaran at pormalidad ng ating sining...Sige, mauupo muna tayo. (isasantabi ang diyaryo sa pagkakaupo). At ngayon, Emilio, kung okay lang sa ‘yo, hindi na muna ako magsasalita. Natapos na ang trailers. Fade-in ang isang mapanghalinang tunong ng biyolin. Makikita sa screen ang milyun-milyong ilaw ng kandila—mga twenty lang yung totoo diyan tapos the rest, CGI—at ang lead actor...ayan na siya, nakabihis sa isang seremonya...malapit nang i-cue ang kanyang dramatic entrance...Ay, itong sandali ng pag-aabang ay talagang napakadakila...isipin mo ang tensyon na naiipon sa kapirasong sandali bago ang unang dialogue...Pero wag na muna tayong magsalita...patayin na po natin ang mga telepono, tigilan na ang pagdadaldalan at pumirmi sa ating upuan...Igalang natin ang ritwal at manahimik. Walang kahit isang magsasalita. Ngayon ang premiere night, at ngayon, magsisimula na ang palabas. (marahan na mamamatay ang mga ilaw hanggang sa magdilim)