Isyu 4
   Agosto 2016


   Nalubuan

   FE ESPERANZA

Nalubuan

Nakauwi na raw si Andoy. Kahapon lang ulit. Pagkatapos ng ilang taon. Ihinatid pa raw siya ng eroplano diretso galing Maynila. Isinama pa raw niya ang anak niya. Kamukhang-kamukha nga raw niya.

Wala nang ibang mapag-usapan ang mga tao. Magmula nang umuwi ang mga nag-ikot sa bayan kagabi at nakibalita sa mga nangyayari sa Cuyo mula sa mga bintana ng mga bahay ng kung sino-sino, wala nang ibang mapag-usapan ang mga tao. Nakinig naman ako. Ginusto ko rin namang makinig. Si Andoy itong pinag-uusapan nila. Si Andoy na kababata ko, at dati kong kasintahan. Hanggang sa sumikat ang araw at kinailangan na naming lahat na manumbalik sa pagiging kalat-kalat na mga bato sa kahabaan ng lupa ng Nalubuan, nakinig lang ako sa mga kuwento nila nang hindi nagsasalita.

Umuwi raw siya para mangampanya. Tatakbo raw siyang mayor ng Cuyo sa susunod na taon. Humihingi nga raw siya ng suporta mula sa lahat ng mga nakakakilala sa kanya, sa mga kababata niya at sa mga kabataan ng Cuyo na siyang tututukan daw ng mga proyektong pinaplano niyang isagawa sa oras na maluklok siya sa puwesto.

Hindi ko alam kung may naniniwala sa mga sinasabi niya, o may maniniwala. Ang kuwento nga raw, isinama raw niya ang nag-iisa niyang anak na laking-Maynila dito sa Cuyo para turuan ng leksiyon. Basagulero raw kasi. Nasangkot daw sa isa, dalawang away doon sa kanila. Nasampahan na rin yata ng kaso. Muntikan na raw makulong. Nakabuntis pa yata ng babae. Nakakarami na nga raw ng syota. Andoy na Andoy.

Pagkalubog ng araw at pagkaakyat ng buwan sa langit kanina, nagsimula na agad akong maglakad. Hindi na ako nagpaalam sa mga kasamahan ko sa Nalubuan. Alam naman nilang matagal ko na ring hinintay ito. Ito na ang gabi. Makakalaya na ako mula sa pagkakakulong ko rito.

Tuloy-tuloy ako sa mahabang kalsada mula sa munisipyo ng Magsaysay papunta ng bayan ng Cuyo. Ilang taon na ang nakalilipas mula nang huli kong tinahak ang daang ito. Alam na alam ko pa rin ito. Alam na alam ko pa rin ang mga palatandaan nito at mga pasikot-sikot. Ilang taon na rin ang nakalilipas, marami pa rin ang hindi nagbabago.

Dala-dala ang isa sa mga huling gumagana pang kingking sa Nalubuan, inilawan ko ang daan sa harap ko at naglakad. Sa pananabik ko, hindi na ako nakadama ng pagod papunta sa bayan. Sa tagal ko na rin namang nakakulong sa Nalubuan, hindi ko na alam kung ano ang pagod. Tuloy-tuloy lang ako sa mahabang kalsada.

Hindi ko na namalayan ang pagpalit ng lupa sa ilalim ng mga paa ko habang naglalakad. Naging batuhan na ang malambot na lupa. Naging tuloy-tuloy na semento naman ang batuhan. Hindi nagtagal, nang hindi ko man lang namalayan, nagkatabi-tabi na ang mga bahay, at nasa bayan na pala ako.

Nadaanan ko ang ilan sa mga lugar na kinalakihan ko. Ang sementeryo sa kaliwang dako ng kalsada at ang pareho pa ring tindahan sa harap nito. May mga biyak na sa semento, pero matibay pa rin ang lumang tulay papuntang Cabigcing. Ang dami na ng mga bagong bahay sa paligid. Iba na sila sa mga bahay na kinalakihan ko noon. Nadaanan ko ang bahay namin. Ang dati kong bahay.

Wala masyadong nagbago. Gawa pa rin sa kahoy ang itaas. Bato pa rin ang mga dingding sa ibabang palapag. May mga ilaw akong nakikita sa loob nito. Inisip kong dumaan dito, tumayo sa labas, tumingin kahit mula sa bintana lang gaya ng ginagawa ng mga kasamahan ko sa Nalubuan sa mga bahay na naiwan nila. Malaman ko lang sana kung kumusta na silang lahat doon, kung sino na ang mga nakatira sa bahay ngayon.

Wala na sigurong nakakaalala sa akin sa lugar na ito, kahit sa mismong bahay kung saan ako lumaki. Umalis na raw ng Cuyo sina Manang at ang pamilya niya. Hindi ako sigurado kung pumunta ng Maynila o lumipat na ng Iloilo. Mga bali-balita na rin lang ang mga pinagbabasehan ko ng mga kaalaman ko tungkol sa Cuyo ngayon.

Ilang taon na rin namang patay si Nanay. Inatake raw sa puso nang umuwing mag-isa si Andoy kinaumagahan galing ng Nalubuan nang wala ako. Hindi na niya kinailangan pang ipaliwanag pa noon sa kahit sino kung ano ang nangyari sa akin. Alam na nila iyon. Dalawa o tatlong dekada na rin ata ang nakalilipas magmula noong araw na iyon.

Tuloy-tuloy lang ako sa malawak na kalsada hanggang sa makarating ako sa kanto. Sa tabi ng dating gasolinahan, naroon ang isang malaking lumang bahay na wala ring masyadong ipinagbago mula noong huli ko itong nakita.

Sa labas, sa may harap ng pintuan nito, nakaparada ang isang lumang motorsiklo na natatandaan ko pa mula sa kabataan ko, sa kabataan namin ni Andoy. Tanda ko pa ang tawag namin sa motorsiklong ito. Si Kidlat.

Buhay pa pala itong si Kidlat. Gumagana pa rin pala. Ang pagkakaalam ko bugbog-sarado na ito. Ilang beses din naman itong nasira ni Andoy sa walang-humpay niyang pagmamaneho.

Hinawakan ko ang manibela ni Kidlat, ang balat ng upuan nito. Buhay na buhay pa sa alaala ko ang marami-rami ring mga hapon na nilustay ko habang nakasakay sa ibabaw ni Kidlat, paikot-ikot lang sa isla ng Cuyo, kung saan man kami mapadpad.

Lumayo ako kay Kidlat at tinitigan ang malaking bahay. Hindi ko lang siya gustong tawagin papalabas, gusto ko siyang hilahin papalabas at dalhin sa Nalubuan ngayon din, ibalik siya kung saan siya nararapat. Kumukulo ang dugo ko sa pag-iisip pa lang tungkol dito, tungkol sa lahat. Pero higit sa lahat, gusto ko talaga siyang makausap.

Ako naman.

Ako naman, Andoy. Iyon ang usapan.

May narinig akong malalakas na boses na nagsasagutan sa loob. Kumatok ako sa pinto. Humalo lang ang katok ko sa ingay ng mga kaguluhang nangyayari sa loob. Naghintay ako na may lumabas at sumagot sa akin.

Wala.

Nagkakasigawan na yata sa loob. Lutang na lutang ang kaguluhan sa loob ng bahay sa katahimikan ng lugar. Tulog na ang karamihan ng mga tao sa bayan. Tulog na ang Cuyo.

Malalim na ang gabi. Alam ng nakararami ang tungkol sa akin, sa amin, sa sumpa at sa mga ginagawa ng mga kasamahan ko sa pagsapit ng gabi sa ngalan ng minimithi nilang kalayaan. Ikinandado na ng mga taong-bayan ang mga pinto nila at maiging isinara ang kanilang mga bintana.

Kumatok ulit ako. Kumatok ulit ako nang kumatok. Tinawag ko na ang pangalan niya. “Andoy!” isinigaw ko sa kanya, “Si Gracia digi. Pagbukas anay imong pinto!”

May narinig akong mas malakas pa na ingay. May nahulog yata na kagamitan, o ‘di kaya’y nabasag na baso o pinggan. May mga paang mabilis at nagmamadaling bumaba. Padabog na bumukas ang pinto. May lumabas.

Hindi niya ako napansin. Tumuloy-tuloy lang siya. Umakyat siya kay Kidlat. Sinusian niya ito at pinaandar. “Andoy?” pabulong kong tinanong sa sarili ko. Agad niyang napaandar ang makina ni Kidlat. Agad din niyang pinatakbo papalayo si Kidlat.

“Andoy!” Hinabol ko siya. Tinawag ko ulit ang pangalan niya. Paulit-ulit ko siyang tinawag habang tumatakbo gamit ang lahat ng makakaya ko. Sa tagal kong nakaupo lang at naghihintay sa loob ng Nalubuan para sa araw na ito, nakadarama pa rin pala ako kahit papaano ng pakiramdam ng matinding pagod.

Naging lakad na lang ang takbo ko nang maramdaman ko ang sarili kong naghahabol na ng hininga. Kinailangan kong tumigil para mahabol ito.

Hindi ko nakuhang tumigil. Tumuloy-tuloy lang ako. Ito na ang pagkakataon ko. Wala nang balikan. Nakarating na ako rito. Hindi na ako susuko pa. Nagpatuloy lang ako kahit hindi ko na siya makita sa harap ko.

Nagsimula nang magkaroon ng lubak-lubak ang kalsadang dinadaanan ko. Sinikap kong hindi madapa. Pumagilid ako sa mga lubak. Paunti-unti ring nawala ang mga ito. Natapos ang sementadong kalsada. Naging batuhan ulit ang daan.

Kahit sa dilim ng gabi, alam ko ang dinadaanan ko. Pabalik na ako sa Nalubuan. Napabilis ang lakad ko.

Sinundan ko ang direksiyong nakita kong pinatunguhan niya, tuloy-tuloy sa mahabang daan papuntang Magsaysay. Kailangan ko siyang maunahan bago pa siya makarating ng Nalubuan at may makakita sa kanya. Kailangang ako ang sumalubong sa kanya pagkarating niya roon, at hindi ang mga ibang gusto ring makalaya. Baka kung ano pa ang gawin nila sa kanya. Baka kung sino pa ang makinabang sa buhay niya.

Paunti-unting naging malambot ang lupa. Wala pa rin akong nakikita sa harap ko maliban sa kadiliman.

Bitbit ang kingking, nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad hanggang sa matanaw ko ang isang makintab na tuldok sa ‘di kalayuan. Kinailangan ko pang ipihit ang mga mata ko para matukoy kung ano ito.

May nakatayo sa gitna ng kalsada. Nakayuko siya. Nakasandal ang noo niya sa upuan ng isang nakaparadang motorsiklo. Nagpatuloy ako sa paglalakad.

Iniangat niya ang ulo niya mula sa pagkakayuko. Tumingin siya sa direksiyon ko, sa liwanag ng ilaw ng kingking na dala-dala ko. “Who’s there?” narinig kong sinabi niya. Lumayo siya mula sa motorsiklo. Nagsimula siyang maglakad papunta sa akin.

Nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad. “Hello, who’s there?” sabi ulit niya. Tumingin ako sa likod ko. Ako lang naman ang nandito. Humarap ulit ako sa kanya. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.

Tumigil ako sa paglalakad bago siya makalapit sa akin. Tumigil din siya. Isang metro pa yata ang layo namin sa isa’t isa. “Hi.” bigla niyang sinabi. “Hi.” inulit pa niya. “Can you, uhm. Puwede ba akong magpatulong?” tanong niya sa akin.

Itinuro niya ang motorsiklo. Hindi ko napansing si Kidlat pala ito. Napagtanto ko lang ito nang lumapit ako rito at makita ang kinakalawang nang manibela na tinitigan ko kanina at ang napansin nang kumukupas na balat ng upuan.

Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Nakayuko lang ako. Nakababa ang aking kingking. Si Andoy pala ito. Hindi ko na nakilala ang boses niya. Iba ang pagkakaalala ko rito.

Hindi ko alam ang sasabihin. Matagal ko nang hinihintay ang pagkakataong ito, pero nauutal ako ngayong narito na ako. Nararamdaman kong lumalapit siya sa akin. Nanatili akong nakayuko. Nakikita ko ang katawan niya sa harap ko, sa kabilang gilid ni Kidlat. Nagsalita ulit siya.

“Tumirik.” sabi niya. Napatingin na ako sa mukha niya. Napakamot siya sa ulo. Hindi ko maintindihan ang gupit ng buhok niya, kung bakit tila inahit ang mga gilid ng ulo niya at iniwan para mapahaba ang natirang buhok sa itaas. Sa kabila nito, iyon pa rin ang mukha niya. Parang walang nagbago magmula nang huli ko siyang makita, ilang taon na ang nakalilipas. Ang buong akala ko, para lang sa aming mga nakakulong sa loob ng Nalubuan ang pagtigil ng oras.

“Can you help me ba?” Iba talaga ang boses niya sa pagkakaalala ko. Mas malalim ang boses ni Andoy na natatandaan ko. Mas madiin ang punto niya. Cuyonen na Cuyonen magsalita si Andoy. “Hello?”

Tinaas ko ang kingking para mailawan ang mukha niya. “Andoy?” tinanong ko sa kanya.

“Excuse me?”

Ipinatong ko ang kingking sa ibabaw ng upuan ni Kidlat. Sunod kong ipinatong sa upuan ang mga kamay ko upang masuportahan ang bigat ng sariling katawan Tumindi ang pagod na nararamdaman ko.

“Miss, okay ka lang?” nagtanong ulit siya sa akin, “Naiintindihan mo ba ako?”

Ipinikit ko ang mga mata ko. Tinawag niya akong Miss. Hindi na yata niya ako naaalala. O baka naman madilim lang at hindi pa niya ako nakikilala. Hinayaan kong lumipas muna ang ilang sandali bago ako tumayo nang tuwid. Binuksan ko na ulit ang mga mata ko. Tumango ako sa kanya.

Naiintindihan ko naman siya. Kahit paano, naiintindihan ko siya. Kahit na ilang taon na mula nang huli akong makarinig ng mga salitang hindi Cuyonen, naiintindihan ko pa rin siya. Best in English and Filipino kaya ako noong high school. Balak ko pa nga sanang ituro ang mga ito kapag naging guro na ako, kapag nakapagtapos na ako ng kolehiyo. Hindi nga lang nangyari iyon.

“Tumirik.” Itinuro niya si Kidlat. Napakamot ulit siya sa ulo. “I tried everything na, hindi ko na talaga alam,” sabi niya sa akin, “Can you help me ba?”

Hindi ko mapigilan ang sarili kong mapatingin sa mga mata niya. Sa unang tingin, hindi maipagkakailang si Andoy ito. Pareho sila ng pagkasingkit ng mga mata. Parehong-pareho ang hugis ng mukha. Pero, iba nga. Ang hindi ko lang napansin agad, mas makapal ang mga kilay niya kaysa kay Andoy, mas mahaba ang mga pilikmata. Napansin ko ang sarili kong napapatitig na sa kanya. Agad kong iniwas ang tingin ko sa mga mata niya.

Sinubukan kong huminga muna sandali. Bumigat ang loob ko. Hindi si Andoy itong kaharap ko. Nakakapanghinayang. Ang layo na ng narating ko. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko ngayon. Hindi ko ito dapat ipahalata sa kanya. Nagpatuloy na lamang ako.

Tiningnan ko si Kidlat. Ginalaw-galaw ko ang mga abubot sa may manibela nito. Binuksan ko ang takip ng upuan at tiningnan kung mayroon pang gasolina ang motor. Kahit ilang taon na rin itong si Kidlat, mukhang maayos pa rin naman ang lahat.

Wala akong maibigay na paliwanag sa kanya. Nararamdaman kong naghihintay siya ng sagot mula sa akin. Isinara ko ang takip ng upuan ni Kidlat, “Ayamo kasi digi kaw,” sinabi ko sa kanya, “anong oras na ng gabi.”

Pagkabitaw ko ng mga salitang iyon, may hinalungkat siya mula sa kailalim-laliman ng bulsa niya. Naglabas siya ng mukhang isang makintab na bato na natatakpan ng salamin. Pinindot-pindot niya ito. Bigla itong umilaw.

Pinakita niya ito sa akin. Nakakasilaw itong tingnan. May mga numerong nakalagay rito. May larawan ng babaeng nakangiti sa ilalim ng mga numero. Iniisip ko pa kung ano ang ibig sabihin ng mga ito nang ilayo niya mula sa akin ang bato.

“Tatawag sana ako, wala nga lang signal.” sabi niya, “Baka ikaw. May phone ka ba?” Tinitigan ko lang siya habang naghihintay siya ng sagot mula sa akin. Inulit niya ang salitang iyon – “phone.” Dahan-dahan ko siyang tinaasan ng kilay.

Sumuko rin siya kalaunan. Ibinalik niya sa loob ng kailalim-laliman ng bulsa ng pantalon niya ang bato. “So ano, Miss.” Ipinatong niya ang isa sa mga kamay niya sa baywang niya, “Matutulungan mo ba ako o hindi?”

Hindi nga siya si Andoy pero nauutal pa rin ako sa harap niya. Ilang sandali ulit ang lumipas bago ko siya nabigyan ng sagot. Ang naisagot ko lang sa kanya ay isang bahagyang pagkibit ng mga balikat.

Naglabas siya ng isang buntonghininga. “Fine, sige.” lumayo siya mula kay Kidlat, “Puwede mo bang ituro sa akin kung paano bumalik sa amin?”

“Adin kamo?” katuwang kong sagot na tanong sa kanya.

Naglabas siya ng isa pang buntonghininga, “Ewan.” Kinagat niya ang kanyang mga labi, iniangat ang isang kamay sa noo niya at minasahe ito. “Putangina naman, o!”

Sinipa niya si Kidlat. Mabilis akong lumayo sa takot na mabagsakan ng matandang motorsiklo. Naalog ito nang kaunti pero nanatiling nakatayo. Mukha siyang nadismaya nang hindi natumba si Kidlat. Tumalikod siya sa akin.

Hindi ko pa rin alam kung ano ang sasabihin ko. Sa pagtalikod niya, muling namayani ang katahimikan. Tanging ang pagsitsit ng mga gagasing ng gabi at ang paminsan-minsan niyang pakikipag-usap sa sarili ang naririnig ko. Minabuti kong lapitan siya.

Nandito na rin naman ako, at nandito na rin naman siya. Ipinangako ko sa sarili ko na ngayon ang gabing makalalaya na ako. Isasakatuparan ko ang pangakong ito nandiyan man si Andoy o wala. Huminga muna ako nang malalim bago nagpatuloy.

Tinapik ko siya sa balikat. Tumingin siya sa akin. “Kung maliyag kaw,” sinimulan ko. Tumigil ako sa pagsasalita nang maisip na maaaring hindi niya ako naiintindihan. Kanina pa niya ako kinakausap ng halo-halong English at Tagalog. Inisip ko muna nang mabuti kung ano ang sasabihin ko sa kanya.

“Ano?” tanong niya sa akin nang napuno na siya sa pagkainip.

“Kung gusto mo,” sinimulan ko ulit, “dalhin kita sa amin. Gising pa ang mga tao doto, baka mi makaayos digi kay Kidlat.” Napatingin siya sa motorsiklo nang tawagin ko itong Kidlat. “Sa motor pala.”

“Tagasaan ka ba?” tanong niya sa akin.

“Doon lamang,” sagot ko sa kanya nang may kasamang turo ng direksiyon, “sa Nalubuan, marapet den sa Magsaysay.”

Sinundan niya ng tingin ang tinuturo ng daliri ko. Mula sa kinatatayuan ko, kadiliman lang ang nakikita ko. Pinihit niya ang mga mata niya na para bang may makikita siya kung pinilit niya.

Tumigil ako sa pagturo. Ibinalik niya ang tingin niya sa akin. “Dito na lang kaya ako.” sabi niya, “Madaling-araw na rin naman.”

“Aruy-” sabi ko sa kanya, “Kaadlik digi. Alam mo naman, probinsya.” Sinubukan ko siyang kumbinsihin, “Baka kung ano mangyari kanimo digi. Doto ka ren lang kanamen, puwede ka pang magpa’inga.”

Kinagat ulit niya ang mga labi niya at napakamot ulit sa ulo. Hindi man siya si Andoy, ngayon habang pinapanood ko siya, kung sino man siya, tila wala silang pinagkaiba. Kung gumalaw siya, Andoy na Andoy talaga.

Matagal-tagal din ang hinintay ko bago siya sumuko at napa-oo sa inaalok ko. “Paano ‘tong motor?”

“Dalhin den lamang naten.” Tinanggal ko ang kingking mula sa pagkakapatong sa upuan at isinabit ito sa manibela ni Kidlat. “Tara, tulungan kita.” sabi ko sa kanya.

Tinanggal ko ang istand ng motorsiklo. Ipinatong ko ang mga kamay ko sa manibela. Nagsimula akong itulak si Kidlat papuntang Nalubuan.

Natigil siya sa kinatatayuan niya. Nakailang hakbang na rin ako bago niya naisip na sumunod sa akin at tulungan ako sa pagtulak. “Sorry!” narinig kong sinigaw niya. Hinabol niya kami ni Kidlat at nakasabay na rin sa paglalakad ko. Ipinatong niya ang mga kamay niya sa mga kamay ko.

Hinila ko agad papalayo ang mga kamay ko nang maramdaman ang mainit niyang mga kamay. Nawalan ng balanse si Kidlat. Muntikan na itong matumba ngunit nasalo namin ito.

“Sorry,” inulit niya, “Sorry talaga.”

“Ayos lamang,” sabi ko sa kanya. Ipinunas ko muna ang mga kamay ko sa aking palda bago muling hawakan si Kidlat sa may upuan. Nagpatuloy kami sa paglalakad.

“Hindi ko nga pala nakuha ang pangalan mo,” sabi niya sa akin habang diretso pa rin ang tingin sa madilim na kalsada sa harap namin. “Ako nga pala si Andy,” pakilala niya sa pagitan ng malalalim na mga hininga. “Andy Ong,” sabi niya.

Natawa ako sa sarili ko. Kaya naman pala. Anak siya ni Andoy. Hindi ko alam kung bakit hindi ko ito naisip kanina pa. Talagang pinilit kong si Andoy siya kahit hindi. Marahil naghihintay na siya ng sagot ko.

“Gracia,” sagot ko sa kanya. “Gracia Fernandez,” pinagpatuloy ko.

Nilingon niya ako sa kanyang likuran. May ngiti sa mukha niya. Binalik niya ang tingin sa kalsada. “Gracia,” dahan-dahan niyang sinambit ang pangalan ko. “Nice name.”

Dahil sa pagsambit niya ng mga salitang iyon, ng pangalan ko, napaisip tuloy ako. Baka nabanggit na ako ni Andoy sa kanya. Baka naikuwento na ng kanyang ama ang tungkol sa aming nakaraan. Mapapangiti na sana ako. Anak nga lang niya ang nasa harap ko. Anak niyang mukhang kasing-edad ko lang, hindi pa tumutuntong ng beinte. Anak niya sa ibang babae.

Nakakaabalang tumingin sa kanya na patuloy pa rin sa paglalakad at pagtutulak. Iba’t ibang bagay ang bigla na lang tumakbo sa utak ko. Sa loob ng ilang taon, inasahan ko sanang kahit papaano’y kumupas na ang larawan ni Andoy sa utak ko. Ngayong nasa harap ko ang anak niya na tila walang pinagkaiba sa kanya, lumilinaw lang lalo ang larawang ito. Iniyuko ko muna ang ulo ko habang patuloy ang pagtulak namin kay Kidlat. Ang dami pa rin talagang hindi nagbabago.

Sariwa pa rin sa alaala ko ang mga ‘di ko na mabilang na pagtirik ni Kidlat sa gitna ng kawalan. Kung saan-saan na namin ito naitulak ni Andoy noong kabataan namin. Galing Aguado, kay Mamis. Nakaabot pa noon sa Suba itong si Kidlat. Hati kami noon ni Andoy sa pagtutulak sa kanya papunta sa pinakamalapit na talyer. Ang ibig sabihin ng hati noon, kalahating magkasama kaming nagtutulak kay Kidlat at kalahating nakasakay ako kay Kidlat habang itinutulak kami ni Andoy. Kahit pagod na pagod na siya, hindi pa rin napapawi ang ngiti sa mukha niya. Iyon ang ngiting minahal ko.

“Uy, Gracia!” tawag sa akin ni Andy. Tila nagising ako mula sa isang panaginip. “Tuloy lang ba?” tanong niya sa akin, “Tama ba ‘tong dinadaanan natin?”

“Een, tuloy lamang,” sagot ko sa kanya.

Inayos ko ang hawak ko sa upuan ng motorsiklo. Nilipat ko ito sa may puwetan ni Kidlat. “Bakit ka nga pala nandito ngayong oras ng gabi?” tanong sa akin ni Andy.

Hindi ko nakuha masyado ang tanong niya. Minabuti kong huwag na lamang sumagot. Inulit niya ito. Napilitan na akong tumugon. “Ara,” agad kong isinagot, “Maliyag lamang ako maglakwatsa.”

“Ngayong oras ng gabi?” sunod niyang itinanong.

“Bakit ikaw?”

Natahimik siya sa sagot ko. Tahimik kaming nagpatuloy sa paglalakad nang ilang sandali bago siya muling nagsalita. “Patay na naman ako kay Dad,” sabi niya nang may kasunod na buntonghininga. “Baka kilala mo siya, si Andoy Ong,” tuloy pa niya, “Iboto mo raw sa susunod na eleksiyon.”

Natawa ako. “’Di pa ko ka-boto,” ipinagtapat ko sa kanya. Natawa ako kasi katawa-tawa talaga. Mabigat pa nga rin ang loob ko. Isa iyon sa mga madalas kong pinanghihinayangan sa ilang taon ko nang pamamalagi sa Nalubuan.

Nilingon niya akong muli sa kanyang likuran at mabilis ding ibinalik ang tingin niya sa harap. Nakailang hakbang kami bago siya muling tumingin sa akin. “Sure ka?” tanong niya, “Mukhang magkasingtanda lang tayo.”

Natawa na lang ako. Paunti-unti, nauulinigan ko na ang nakasanayan ko nang mga awit at tugtugin. Nakikipagsabayan ang mga ito sa awit ng mga gagasing na tila nakalimutan ko na ang huni sa lakas ng ingay gabi-gabi sa Nalubuan. Naririnig na rin ito ni Andy. Natigil siya sa paglalakad. Tumingin ulit siya sa akin, “Ano ‘yun?” tanong niya, “Galing ba sa inyo ‘yun?”

“Een. Marapet den tayo, kaunti na lang.”

Malapit na kami. Kaunti na lang. Masisilayan ko na ulit ang araw nang hindi nakakulong sa anyo ng isang bato. Makapaglalakad na rin ako sa liwanag, saan ko man gustuhin. Makalalaya na ako.

Mula sa kinaroroonan namin, nakikita ko na ang bahagyang kinang ng mga ilaw. Palakas na nang palakas ang ingay na nagmumula sa Nalubuan. Sa pananabik, napabilis ang lakad ko.

Nakipagsabayan siya sa bilis ko. Hindi nagtagal, nakarating na rin kami sa Nalubuan. Walang nagbago mula noong umalis ako kanina. Buhay na buhay pa rin ang buong paligid. Tila isang piyesta pa rin ang nagaganap. Nasa labas pa rin silang lahat na naririto, nagkakainan, nag-iinuman, nagsasayawan, at nagkakantahan.

Napatigil si Andy nang makita niya ito. Bakas sa mukha niya ang pagkabighani. Mukhang natatawa siya. “Is this even real?” tumingin siya sa akin, “You’re from here?” Tinagalog pa niya ang tanong, “Taga-rito ka?”

Tumango ako bilang sagot sa kanya. Ibinaba ko ang istand ni Kidlat. Sabay naming binitiwan ang motor. Umikot ako para tumabi sa kanya. Nakatingin pa rin siya sa napakaraming nangyayari. Para rin siyang ako nung una kong makita ang Nalubuan, nung una akong dinala ni Andoy dito. Nakabibighani talaga.

Natatandaan ko pa ang gabing iyon. Nanatili sa akin ang pakiramdam ng pagkabighani buong gabi, magmula nang sinundo ako ni Andoy mula sa amin. Laking tuwa ko nang makita ko siya sa labas ng bahay pagkatapos ng ilang linggong tila nawala siya sa balat ng lupa ng Cuyo. Akala ko’y kung ano na ang nangyari sa kanya; kagagaling lang namin noon sa isang matinding pag-aaway. Halos tumalon ako mula sa pagkakaupo sa balkonahe ng bahay namin. Ang higpit ng yakap ko sa katawan niya habang nakaangkas ako sa kanya at sakay kami ni Kidlat. Pagdating namin sa Nalubuan, pakiramdam ko noon, wala na kami sa Cuyo. Ikinatuwa ko ito. Pangarap ko iyon mula’t mula, ang makaalis sa Cuyo. Sa loob ng isang gabi, tinupad ni Andoy ang pangarap na iyon. Sa gabi ring iyon pansamantalang naantala ang mga pinapangarap ko.

“Andoy, aruy!” may narinig akong matinis na pagsigaw. Nabalik ako sa kasalukuyan, sa tabi ni Andy na nakatitig sa kagandahan at kaguluhan ng Nalubuan. Nakita kong patakbong sinasalubong kami ni Manang Jinky. Binalot niya kaming pareho ni Andy sa isang mahigpit na yakap. “Aruy, aruy, aruy!” sigaw pa niya, “Ang lovers, togeder agen!” Kumalas siya mula sa yakap niya sa amin at humarap kay Andy. “Aruy, Andoy. Ang guwapo-guwapo mo pa rin.” Pinisil-pisil niya ang mga pisngi ni Andy. “Dyaski ra, parang walang nagbago. Ano imong secret?” Tumawa si Manang Jinky sa sarili niyang biro.

Nakaukit sa mukha ni Andy ang hindi pagkaintindi sa mga sinasabi ni Manang Jinky. Minabuti kong mamagitan na sa kanilang dalawa. “Manang,” paliwanag ko kay Manang Jinky, “Digi si Andy, bata ni Andoy Ong.”

“Aruy.” Natahimik si Manang Jinky sa sinabi ko. Tinakpan niya ang bunganga niya at umatras nang kaunti palayo kay Andy.

Nagpatuloy ako sa pagsasalita. Ipinaliwanag ko kay Andy kung sino siya. “Andy,” sabi ko, “si Manang Jinky.”

Ngumiti lang si Andy habang pinapakilala ko sila sa isa’t isa. Iniabot niya ang kamay kay Manang Jinky. “Nice to meet you po.”

Tinitigan muna ni Manang Jinky ang kamay ni Andy bago ito tanggapin. “Pasensiya ka ren,” sabi nito sa kanya, “Akeng akala ikaw imong tatay. Kamukhang-kamukha mo kasi.”

“Kilala mo po ba siya?” tanong ni Andy.

“Een. Bata pa lang doto kilalang-kilala ko ren,” kuwento ni Manang Jinky. Kumunot ang noo ni Andy habang nagpatuloy siya sa pagkukuwento. “Makon ko noon, magiging mayor dato balang araw. Ngayon, matakbo ren sa pagkamayor!”

Tumawa si Manang Jinky. Nakitawa na rin ako. Napilitang tumawa si Andy. Nang tumahan na kami, tumingin sa akin si Manang Jinky. Mukhang marami siyang gustong sabihin sa akin. Hindi nga lang siya makapagsalita sa harap ni Andy.

Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa braso. Nagkatinginan kami nang ilang sandali bago niya ako niyakap. Niyakap ko rin siya bilang tugon sa mga tanong na alam kong namumuo sa isipan niya. Tinapik ko ang likod niya. Kumalas siya mula sa yakap naming dalawa at pinisil-pisil ang braso ko. “Mauna ako ren,” paalam niya sa amin ni Andy.

Kinuha ni Manang Jinky ang mga kamay ni Andy. “Nays to mit yo too,” pilit nitong sabi sa Ingles, “Si yo den lamang, ano?” tanong nito kay Andy.

Tumango na lamang si Andy. Niyakap siya ni Manang Jinky at hinalikan sa pisngi bago umalis at bumalik sa mga pinagkakaabalahan sa loob. Kumaway naman si Andy habang pinapanood ang paglakad palayo ni Manang Jinky. Nang mawala na ito sa paningin namin, tumingin sa akin si Andy.

“Ano iyon?” tanong niya sa akin sabay punas ng pisngi niyang hinalikan ni Manang Jinky.

Natawa ako. “Ganun lamang si Manang Jinky,” sabi ko sa kanya. Pinulupot ko ang braso ko sa may braso niya. “Amos,” sabi ko, “patingin den natin diyang si Kidlat.” Nakakalimutan ko pa ring hindi si Andoy ang kasama ko. Winasto ko ang sarili ko, “Ang motor, bale.”

Dinala ko si Andoy sa likod ng malaking bahay kung saan kadalasang tumatambay at nag-iinuman ang mga grupo-grupo ng lalaki. Nang makita nila kaming papalapit sa kanila, nagsigawan silang lahat.

“Aruy, diyang si Gracia—” sigaw ni Alvin na nakaupo sa gitna ng mga nag-iinuman, “Mi nobyo ren!” asar niya sa akin. “Limot mo ren si Andoy?” tanong niya sa akin.

Agad kong inangat ang daliri ko sa ibabaw ng mga labi ko. Tumawa silang lahat sa akin. Tumingin sa akin si Andy. Ibinaba ko agad ang daliri ko. Umubo muna ako nang kaunti upang pagtakpan ang ginawa ko. “Way—“ pinasimulan ko, “Digi si Andy,” pakilala ko sa kanila. “Nakasalubong ko tana pauwi, nasiraan kuno motorsiklo.” Habang nagsasalita ako, sinigurado kong naiintindihan ako ni Andy, na nagmumukhang tinutulungan ko siya, “Puwede daw ba kuno paayos ng motor?”

Tiningnan ko silang lahat, umaasang naiintindihan nila ang mga sinasabi ko sa pagitan ng mga salitang binitiwan ko. Nagkatinginan din silang lahat. May isa sa kanilang lumapit at bumulong kay Alvin. Pagkatapos nito, nagkatinginan ulit silang lahat. Tumango muna si Alvin bago tumayo. “Adin itong motor?”

Nabuhayan si Andy nang tumugon si Alvin. “Ah!” sabi niya, “Doon.” Tinuro niya kung saan namin iniwan si Kidlat. Nagsimula na siyang maglakad pabalik sa motor. Tinabihan ako ni Alvin.

Sinundan namin si Andy. Pabulong na nagsalita sa akin si Alvin. “Huli mo diya?” tanong niya sa akin. Itinuro niya si Andy na ilang hakbang na ang layo sa amin. Tumango ako. Hinawakan ko ang braso ni Alvin habang naglalakad kami pabalik kay Kidlat. “Patulong a, Vin.” pakiusap ko sa kanya. “Een,” sagot niya sa akin.

Binitawan ko siya at sumunod siya kay Andy. Tinuro sa kanya ni Andy si Kidlat. Nagkunyari si Alvin na tinitingnan ang motorsiklo. Sinubukan niya itong paandarin. Binuksan at isinara niya ang upuan ni Kidlat. Kung ano-ano na ang mga ginalaw niya sa manibela ni Kidlat. “Aruy,” sabi niya kay Andy pagkatapos ng lahat ng ito, “Ara ren akong magagawa digi. Bukas den lang, tabidan pa kita sa talyer.”

Napakamot si Andy sa ulo. “Sige, sige.” sabi niya, “Salamat.”

“Kung maliyag kaw, mi beer kami doto.” alok ni Alvin kay Andy, “habang nag-aabang tayo sa umaga.”

Tumingin sa akin si Andy. Kinagat ko ang mga labi ko at umasang tatanggapin niya ang alok ni Alvin para mauna na ako. Natawa nang kaunti si Andy, “Thanks bro, pero ‘di na,” sabi niya, “Dito na lang muna ako kay Gracia.”

Nanlaki ang mga mata ko nang sinabi niya iyon. Sinubukan ulit ni Alvin na yayain siyang sumama na lang sa kanya. Tumanggi ulit siya. Pagkatapos ng pangatlong alok niya, kinibit na lamang ni Alvin ang mga balikat niya. “Sige, doto lamang kami kung mag-iba imong isip,” sabi niya kay Andy.

“Sige, sige. Thank you,” sabi ni Andy. Inalukan niya si Alvin ng kamay, “Nice to meet you—“

“Alvin. Ingat ka ren lamang.” Nagpaalam siya kay Andy at nagsimula nang maglakad pabalik sa tambayan nila. Sinubukan ko siyang pigilan pero nagpatuloy siya sa paglalakad.

Lumapit sa akin si Andy, “Dad will kill me na talaga if I went home drunk with a broken motorcycle,” sabi niya. “I hope you don’t mind if I stay with you muna for a while. Hanggang sa sumikat ‘yung araw, at least.”

Hindi ako sumagot. Ipinikit ko ang mga mata ko, pilit na nag-iisip ng ibang paraan para makatakas. “Kilala talaga si Dad dito, ‘no?” sabi niya. Lumapit pa siya sa akin. “Ikaw ba,” tanong niya, “kilala mo ba si Dad?” Iniling ko agad ang ulo ko. “Para kasing—”

“Ara iyon,” sabi ko sa kanya bago pa niya maisa-isa ang mga pagkakataong nadulas ako kanina. “Maliyag kaw pagkaen?” pinalitan ko agad ang usapan.

Napakamot ulit si Andy sa ulo. Tumingin siya sa langit. Tumingin din ako. Hindi ko na makita ang buwan. Puro bituin lang ang naroon at hindi na sila kasingkinang tulad kanina. Hindi lamang ito dahil sa tindi ng ilaw dito sa Nalubuan. Malapit na ang umaga. “Sige,” biglang sabi ni Andy.

Dinala ko siya sa mesa ng mga panghimagas. Hindi nauubos ang mga pagkain dito. Laging may natitira. Laging may nasasayang. Nandito kaming lahat dahil sa isang sumpang ipinatong sa unang pamilyang nanirahan dito. Kapalit ng paglulustay nila noon ang paglulustay namin ngayon ng mga buhay namin, ng oras at panahon sa kawalang-halaga ng lahat ng mga ginagawa namin dito sa Nalubuan.

Tinitigan ko lang ang mga matatamis at masasarap na pagkain. Nawalan na ang mga ito ng lasa para sa akin pagkatapos ng ilang taon kong pamamalagi rito. Inanyayahan ko si Andy na kunin ang anumang mapusuan niya. Sinunod naman niya ito. Pinanood ko siya habang dinadampot niya ang isang piraso ng buti-buti na nakalatag sa loob ng bilao. Kumagat siya ng maliit mula rito. Nanlaki ang mga mata niya nang hayaan niyang matunaw ang tamis ng buti-buti sa dila niya. Tumingin siya sa akin.

“Gracia,” inalok niya sa akin ang kinagatan niyang buti-buti, “Tikman mo, ang sarap.” Tumanggi ako. Sawang-sawa na ako sa buti-buti. Tumigil na ako sa pagkain nito makalipas ang dalawa o tatlong taong pananatili rito. “Sige na,” pilit niya, “One bite lang.” Tumanggi ulit ako. Ayaw niyang magpaawat.

Bumigay na rin ako para matigil siya. Kumagat ako sa hawak niyang buti-buti. Napapikit ang mga mata ko. Naramdaman ko ang malambot na paglangutngot nito sa ilalim ng mga ngipin ko, ang dahan-dahan nitong pagkatunaw sa ibabaw ng dila ko. Naaalala ko ang pagkain ko ng buti-buti tuwing Pasko, pagkatapos ng simbang gabi. Laging dalawang balot ang binibili ni Andoy para raw may maiuwi ako. Binuksan ko ang mga mata ko.

“Masarap ‘di ba?” sabi ni Andy. Kumagat siyang muli hanggang sa maubos na niya ang isang piraso ng buti-buti. Inikot niya ang mesa at tiningnan ang iba pang mga panghimagas. Kumuha siya ng puto at isinubo ito. “Nasaan ‘yung pamilya mo?” bigla niyang tinanong sa akin.

Napatingin ako sa kanya. Hindi ako sigurado kung tama ba ang narinig ko. “Ara digi.” sagot ko.

“Bakit?” tanong niya sa akin habang ngumunguya. Kinibit ko na lang ang mga balikat ko. Naubo siya. Tumatalsik-talsik ang dami ng sinubo niya mula sa bunganga niya. Kumuha ako ng baso, nilagyan ito ng sago’t gulaman at ibinigay sa kanya. Ininom niya ito at tumigil na rin ang kanyang pag-ubo.

Natawa ako sa kanya. Sa laki ng katawan niya, kung kumain siya, para bang ilang araw na siyang hindi nakakakain. Parang si Andoy nga lang talaga. Kahit na galing sa mayamang pamilya, hindi pa rin talaga marunong kumain nang maayos. Tumalikod muna ako sa kanya para mapigilan ko ang sarili sa pag-alaala kay Andoy.

Pinanood ko ang mga nagsasayawan sa harap namin. Masigasig ang musika at lahat ng sumasayaw, umiikot-ikot sa ilalim ng mga nakasabit na parol. Pumapalakpak ang mga nanonood. May narinig akong palakpak sa likod ko. Tumalikod ako at nakitang pumapalakpak na rin si Andy. “Gusto mo?” tanong niya sa akin nang makita akong tumitingin sa kanya. Umikot siya mula sa kinatatayuan niya at biglang hinila ako papunta sa sayawan.

“Andoy!” napasigaw ako. Iyon ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ng gabing iyon. Dinala niya ako rito pagkatapos iikot nang kaunti. Hinayaan akong mabighani sa kakaibang pakiramdam na mayroon sa Nalubuan. Pinatikim niya sa akin ang lahat ng puwedeng matikman sa hile-hilera ng mga mesang napupuno ng pagkain. At pagkatapos, hinila niya ako papunta sa ilalim ng mga parol para sumayaw.

Nagpadala ako sa hila sa akin ni Andy. Umikot-ikot kami sa ilalim ng mga parol, nakikisabay sa mga tugtugin ng iba’t ibang instrumento. Paminsan-minsan, naaapakan ko ang mga paa niya. Paminsan-minsan, naaapakan niya ang mga paa ko. Natatawa ako sa mga pinaggagagawa namin. Natatawa rin siya.

Habang patuloy kami sa pag-ikot, bigla siyang nagtanong sa akin. “Ano’ng gagawin mo mamaya?”

“Ano?”

Hindi ko siya marinig sa lakas ng musikang tumutugtog. Nagpatuloy kami sa pag-ikot at hindi namin namamalayang paunti-unting nagbabago ang musika mula sa isang buhay na buhay na awitin tungo sa isang tila uyayi na kanta. Tumigil ang masayang sayawan ng mga tao sa paligid namin at nagsipares ang mga lalaki at babae. Nang makita ito ni Andy, hinila niya ako papalapit sa kanya. Iniyakap niya ang mga braso niya sa baywang ko at sinimulang igiya sa mabagal na pagsayaw.

Lalo akong nabahala. Napakalapit ng mga nagaganap ngayon sa mga naganap noong gabing iyon ilang taon na ang nakalilipas. Nang magsimula na kaming sumayaw nang mabagal ni Andoy, nagsimula na rin siyang magsalita. Nagsimula siyang makiusap.

Nakinig ako sa kanya sapagkat matagal ko na siyang hindi nakikita noon. Pinagbigyan ko siya sapagkat mahal ko siya. Ang bata-bata ko pa noon. Ang dami-dami kong mga pangarap. Sa kabila ng lahat ng iyon, namayani pa rin ang pagmamahal ko kay Andoy.

Ang kasunduan namin ni Andoy, ako muna ang tatayo sa lugar niya. Ang usapan, babalikan niya ako at maghahanap siya ng kapalit ko rito sa Nalubuan. Nagpatuloy ako sa bawat araw ng kawalan dito sa Nalubuan nang may tiwala sa katuparan ng kasunduang iyon. Ilang taon ko ring pinanghawakan ang pangako niya bago ko napagtantong marahil ay kinalimutan na niya ko, na marahil, noon pa man, wala na talaga siyang balak panindigan ang mga salitang binitiwan niya sa akin.

Nararamdaman ko na ang pagyanig ng lupa sa ilalim ng mga paa ko. Tumingala ako. Maputlang asul na ang tinta ng langit. Tumigil na ang sayawan. Tumigil na ang tugtugan. Nagsimula nang magwala ang mga tao gaya ng ginagawa nila sa bawat pagsikat ng araw. Pinipilit nilang iligpit ang iilan sa mga bagay sa paligid. Ang iba, inaayos na ang kanilang mga sarili. Kumalas si Andy sa pagyakap sa akin, “Ano ‘yun?” tanong niya. Nararamdaman din niya ang pagyanig ng lupa sa ilalim ng mga paa niya. Ito na. Ito na ang pagkakataon ko.

“May lindol,” sabi ko sa kanya. “Halika, doto tayo sa ligtas.”

Nagsimula nang pumuwesto ang mga tao sa kani-kanilang mga lugar. Ang ilan, nakahanda na’t nakapilipit sa mga anyong kahihinatnan nila sa oras na maging bato na sila. Nararamdaman kong paunti-unti nang naninigas ang mga paa ko, bumibigat ang bawat hakbang. Gamit ang natitira kong lakas, hinila ko si Andy sa isang malawak na lugar sa Nalubuan. “Sundan mo tana,” utos ko kay Andy habang itinuturo ang mga taong nagsipuwesto na sa paligid.

Nanginginig siya sa hawak ko. Nakatingin lang siya sa akin habang sinasabi ko sa kanya ang mga kailangang gawin. Inulit ko sa kanya ang utos. Nagsisigawan na ang mga tao. Nararamdaman ko na rin ang sakit sa katawan na hatid ng bawat pagsikat ng araw. Pinilit kong itago muna ito sa harap ni Andy. Inulit ko sa kanya ang utos ko. Sinunod na rin niya ito. Ginaya niya ang mga tao sa paligid. Lumuhod siya sa sahig at niyakap ang katawan niya.

Upang mahikayat siya, ginaya ko rin siya. Tiniis ko ang sakit, kahit kaunti lang. Yumayanig pa lang naman ang lupa. Hindi pa ito gumuguho. “Ano ba ang nangyayari?” tanong ni Andy na patuloy pa ring nanginginig. Hindi ko siya masagot. Lumulukob na sa akin ang pamilyar na sakit na araw-araw kong nararamdaman. Tumingala akong muli. Paunti-unti nang sumisikat ang araw.

Pilit kong itinayo ang sarili ko. Hirap man dahil sa bigat, sakit, at paninigas, nagawa kong makatayo kahit papaano. Pinilit kong balansehin/ibalanse ang sarili ko sa gitna ng pagyanig. Hindi ako nakikita ni Andy. Nakatago na ang ulo niya sa pagitan ng mga siko niya sa takot. Hindi na ako nagdalawang-isip. Bahagi itong lahat ng plano ko, si Andoy man itong nasa tabi ko o ang anak niyang si Andy.

Nagsisimula nang gumuho ang lupa. Gaya ng dati, ang malaking bahay ang laging nauunang mahigop; sumusunod na lamang ang mga kagamitan sa paligid. At nananatili ang mga tao kung saan at kung anong posisyon sila dinatnan ng pagguho ng lupa. Hindi sila nilalamon ng lupa, ngunit nagiging bato ang kanilang anyo.

Pinuwersa ko ang naninigas ko nang mga paa na tumakbo papalayo sa Nalubuan. Ito na iyon. Makalalaya na ako.

Narinig ko ang sarisaring iyak, pagtili, at pagdaing. Narinig ko rin ang ilang boses na tumatawag sa akin. “Gracia!” Paulit-ulit nilang sinisigaw. Naririnig ko na rin ang kanyang pagtawag sa akin, “GRACIA!”

Nagpatuloy ako sa pagtakbo hanggang makalabas ako sa Nalubuan, kung saan namin ipinarada si Kidlat. Bago makarating dito, nararamdaman kong hinihila ako ng lupa ng puwersang hanggang ngayo’y hindi ko pa rin mapangalanan. Tumalon na ako nang makita ko si Kidlat. Gumulong-gulong ako sa batuhang lupa ng kalsada hanggang sa wala na akong nararamdamang paninigas o pamamanhid. Sakit na lamang mula sa paggulong sa mga bato ang nararamdaman ko.

Nararamdaman ko pa rin ang pagyanig, pero hindi ko na nararamdaman ang pagguho, ang paghila sa akin ng Nalubuan. Pinilit kong umupo. Pinagmasdan ko ang natitira sa Nalubuan. Hinihigop pa rin ng lupa ang malaking bahay at mga kagamitan. Nangingitim na ang mga tao sa paligid. Ang iba, naging bato na. Ganito pala ang mukha ng pinagdadaanan naming lahat sa bawat pagsikat ng araw. Nakalaya na ako mula sa masaklap na siklong ito.

Tumigil din ang pagyanig nang mahigop na ng lupa ang lahat ng kagamitan at matapos maging bato ang lahat ng tao. Kapansin-pansin ang isang matayog na bato kung saan ko iniwan si Andy. Iba ang anyo nito, mataas kung ikukumpara sa mga bato sa paligid. Malawak din ito, na para bang may mga kamay na pinipilit abutin, hagilapin. Hindi ko na gustong tingnan ito nang matagal. Nakalaya na ako. Iyon ang mahalaga.

Pinilit kong itayo ang sarili ko. Pinagpag ko ang alikabok na kumapit sa akin sa pagtakas ko sa Nalubuan. Inayos ko ang buhok ko, tinanggal ang mga duming dumikit dito. Lumapit ako kay Kidlat. Hinawakan ko muna ito. Kung kaya ko lang siyang yakapin, yayakapin ko sana siya. Kung kaya ko rin sanang humingi ng tawad sa kanya, hihingi ako ng tawad.

Ibinaling ko si Kidlat sa direksiyon pabalik sa Cuyo. Itinaas ko ang istand nito. Huminga muna ako nang malalim. Ito na. Dahan-dahan kong itinulak si Kidlat papunta sa bayan, pabalik kay Andoy.