Isyu 4
   Agosto 2016


   Mata

   MONCHING DAMASING

Mata

Kagandahan ang salarin sa pagkatha sa mata,
Sa paghiwa sa balat upang likhain ang mga talukap,
Sa pagbuo ng balisa sa loob ng sugat.


Sa magandang bagay, ako’y hindi
Ako, at ako’y nangungulila.
Sa bawat pagkamangha, nawawala ako

At unti-unti akong yumayao.
Kaya kabalintunaan ang pagsilay.
Panandaliang pahinga ang pagpikit.

Ang pinakamasaya kong panaginip
Ay isang mahabang daan
Balot ng masukal na kakahuyan.

Marahan akong naglalakad pabalik sa simula.
Parati akong bulag.
Ngunit minsa’y nagiging ibon ang mga sanga’t

Inilalantad ang matayog na mga gusaling
Kinakagat ng tanghali.
Umiinit ang mga paa ko sa bangketa,

Nadarama ko ang mga parang
At mga bakanteng lote.
Ang pawis, luha, dugo

Ng bakang kinakatay ng matador.
Dugong binyag ng toro sa katanghal.
Kahit saan, walang paghilom.