Isyu 4
   Agosto 2016


   TATLONG TULA MULA SA “BRUHA”
   Na
   Antigo
   Binago

   FAYE CURA

Na

Napapasingap na ako sa larawan
ng parang sa harap: naninilaw
na ang mga dahon. Nagsimula na
ang tag-araw, at nagniningas
na akong makita ka; ikaw rin marahil
sa akin, ang makita ako ay gatong
sa nariktan mo nang haraya
kung saan itinakda akong umupo
sa paanan nitong kawayanan
at tumayo lamang upang salubungin ka.
Pagod na pagod na ako, at malapit
nang mamatay, sa totoo lang, ngunit
iniibig na kita nang lubos,
na muntik mo nang hindi malaman,
kung hindi mo pa nalalaman, gayong
alam mo nang gayon nga: nang
hawakan mo ang kulubot kong kamay,
nakita ko kung ano na ito—papel
na linamukos at muling inunat
upang sulatan ng tula. Kanina pang
bukang-liwayway ako naghihintay
sa tren na umalis na rin sa oras na iyon
mula sa iyong bayan. Tanghali na, at
naninibugho na ako sa dumaang umaga
na pagnanasa na ang nagsilang: ikaw riyan,
ako rito, hanggang kailan? Tuyong-tuyo
na ang aking lalamunan, ngunit dama
ko na sa balat ang malaon nang natutuhan
ng isip na napipintong pagbawi ng ulan
sa init na dinulot nito sa aking katawan,
isang panahon na ang nakalipas,
sa damuhan ding ito, nang ako
ay yakapin mo, at halikan, at bulungan
na hindi na siya ang iyong babalikan.