Isyu 4
   Agosto 2016


   APAT NA TULA NI MIKAEL DE LARA CO
   Tala sa Pagsasalin
   Elehiya
   Warrant
   Manikluhod
   Gravedad

   TILDE ACUÑA AT J.G. DIMARANAN

Apat na Tula ni Mikael de Lara Co

Apat na Tulak: Tala sa Pagsasalin

Maraming gawain ang tagasalin sang-ayon kay Rosario Cruz- Lucero: manunulat, istoryador, kritiko. Sa proyektong ito, baka ang ikalawa lang ang hindi gaanong ginampanan ng mga tagasalin—ang una ay may diin sa pagiging malikhain, ang ikatlo naman, sa pagiging kritikal. Tulad ng nauna nang mga proyekto ng mga tagasalin, ang akdang ito ay isang malikhaing kritika.

Ang pagiging istoryador ay mapaninindigan lamang dito sa introduksyong ito, at sa proyektong ito bilang isang oposisyon sa reaksyon ng manunulat na isinalin—na manunulat ng estado—hinggil sa masaker na nangyari sa Kidapawan City, North Cotabato noong 1 Abril 2016. Tama ang talim ng mga salita ni Teo Marasigan hinggil sa ikinabahala ng gubyerno ng Pilipinas hinggil sa masaker: “Sa harap ng mabigat na krimen at matibay na ebidensya, maaasahan nang hakbangin ng gobyerno—kung gusto nitong bigyang-katwiran ang pandarahas at umiwas sa pananagutan, at malinaw na ganito nga ang gusto nito—ang maglabas ng masasahol na kasinungalingan.” Ang manunulat na isinalin, kung gayon, ay naging instrumento ng estado upang manlinlang at palabuin ang mga pangyayari sa insidente.

Bagamat hindi hinggil sa Kidapawan masaker ang orihinal na mga pyesa, sinadyang bigyang-malisya ito ng mga salin upang itanghal o isagawa ang karahasan sa teksto ng isinaling manunulat. Sa akto ng pagsasalin, naisisiwalat ang tendensiyang pasista ng orihinal na teksto na nahinog, naging ganap at nabigyang-mukha sa panahong maganap ang masaker. Sa isang naunang papel,1 natalakay ang pag-banggit ni Lumbera sa kasabihang “Traduttore, tradittori” (sinasalin kadalasan sa ingles bilang “Translator, traitor”) bilang madalas na pagtingin sa pagsasalin—dahil wala nga namang one-to-one correspondence ang source text at target text at kadalasa’y may nadadagdag at nababawas sa orihinal na akda sa oras na maisalin ito sa ibang wika. “Tagasalin, taong taksil” ang salin ni Lumbera sa kasabihan. Kung gayon, maaari rin itong maging “Pagsasalin, pagtataksil” na kanyang minungkahing paunlarin bilang “Pagsasalin, pagkakawil.” Ang “kawil” ay “link” o “hook,” na siyang magiging tulay ng source text at target text, kaya imbis na aparato ng pagtataksil, nagiging aparato ng pagkakaisa o solidarity o pakikipag-ugnayan ang pagsasalin. Progresibo itong pagpapaunlad ni Lumbera sa naunang pagpapakahulugan ng pagsasalin.

Balak naming ibalik sa “Pagsasalin, pagtataksil” ang proyektong ito, ngunit hindi bilang pag-atras sa mas maunlad nang pagtinging “Pagsasalin, pagkakawil” kundi bilang pag-abante sa salimuot ng pagpili kung kanino o saan nga ba tayo kakawil, at kung kanino o saan ba tayo kakalas. Sa pagkakataong ito, sa partikular na mga pyesang ito, mukhang mas magiging mainam ang “Pagsasalin, pagkakalas, pag-aaklas.” Sa panahong ginagamit ang wika at talinghaga upang magpalabo at manlinlang, kailangan maging malikhain at maging kritikal—mga gawain ng tagasalin—at magpalinaw at magpaliwanag. Kailangang kasangkapanin ang wika bilang larangan ng pag-aaklas at ang metodo ng pagsasalin bilang paraan ng paglikha at pagpuna.

Sa huli’y dapat itulak ang “Four Poems”2 upang ibunyag nito ang kanyang sarili, ang tunay nitong sarili, ang tunay na reaksyunaryong sarili. Itong tulak ang tangka ng proyektong ito.


1 “Tracts of Azucarera,” di-pa-nalalathalang papel ni Tilde Acuña. Isa itong salin-suri (translation study) sa mga tula ni Gelacio Guillermo. Nakabinbin ang publikasyon nito, pero dumaan na sa refereeing at inaasahang lumabas sa lalong madaling panahon. Ang mga sanaysay nina Lucero at Lumbera ay mababasa sa Salin-suri: Panimulang Pagmamapa ng mga Larangan ng Pag-aaral ng Pagsasalin sa Filipinas, 2009. Inedit ni Galileo S. Zafra.
2 “Four Poems” ni Mikael de Lara Co, Kritika Kultura No. 23, 2014.



                                   |    KASUNOD NA PAHINA »