Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA

Krokis

Nanggaling ang surot mula sa lumang foam ng kutsong ngayo’y nasa sandalan na ng upuan ng dyipni drayber. Nangitlog ito’t dumami tulad ng inaasahan at dahil nagkumpol nga ang mumunting laksa sa isang siwang ng plastik na turukan ng ulunan, at marahil dahil na rin napagigitnaan ng unan ang likod ng drayber at ang mismong sandalan, hindi makuhang maabot ng mga ito ang laman ng taong alam naman nilang naroroon lamang pero tila hindi masumpungan. Kaya naman no’ng araw na may bisig na dumagan sa balikat ng sandalan, buong sigasig ang mga ‘tong nagsipagsalakay, na ang akala naman ng may-ari ng bisig ay mga langgam kung kaya saglit lang niya iyong itinaas para pagpagin upang ipahinga rin naman pala ro’n ulit. Huli na ang anumang pagpapasubali na ‘di na maaaring bukod pa nga sa inakala niyang langgam ang kumakagat sa kanya, kinilabutan siya nang masilayan ang mga tunay na may sala, ‘di lang iisa kundi sanlaksang surot, pagkakintab-kintab ng mga aani-aniw na katawan, mga lango sa biyaya’t kasabikan. Umaga at simula at pilit man niyang pigilan ang sarili sa pagkamot, namula, nagpantal ang kanyang balat, mga pulu-pulong umbok no’ng una ngunit nang lumao’y nagsanib-sanib para bumuo ng isang mapa, isang malaki’t pagkakati-kating kontinente. No’n din ipinangako niya sa kanyang sarili na kahit kailan, hindi na siya uupo sa likod ng drayber ng kahit na anong dyip, ano’t nakaramdam siya ng kakaibang dumi pagpara, na para bagang humalo sa kanyang dugo ang iba pang dugong napagpiyestahan na ng mga peste, pagsasalu-salong hindi niya lubusang matanggap.


Mas kilala ang pintor sa mga iginuguhit nitong mga dambuhalang bulaklak at biniyak na prutas. Nakapagtataka kung gayon para sa curator na nang alisin niya ang bubblewrap sa isang 11x14 na kuwadro’y hindi mga wangis ng labiya’t tinggil ang bumungad sa kanya kundi isang eksena: isang mag-inang nasa gitna ng pagtawid sa isang malapad na avenida, ang ina, karay-karay ang anak nitong halos magkandahulog-hulog ang mga tabang laruan, nagmamadali ‘pagkat sa kanilang likod, papaandar na ang mga sasakyan. Isang krokis sa lapis, hindi man lang oil ang ginamit. Napapalatak ang curator; bukod pa sa abala kung sa’n niya ‘to p’wedeng isiksik, gahol na rin siya sa oras para hanapan pa ito ng kabuluhan (kung matatawag nga ‘yong gano’n). Uyam na uyam na siya sa mga bakulaw na pistil at talulot na animo anumang sandali’y sasaklob sa kanya at heto siya ngayon, tangan sa magkabilang gilid ang kuwadro ng mag-ina. Isinandal niya ‘to saglit; malapit na silang magbukas at paparating na rin ang catering. Tinawagan niya ang pintor. Ang sekretarya nito ang sumagot. Pero kung bakit niya ‘to tinawagan, bigla na lang siyang nabigla dahil biglang hindi na niya alam. Sa halip na usisain sa sekretarya kung asa’n ang kanyang amo para ito mismo ang magpaliwanag sa kaululan – at natawa siya sa sariling panukala – ibinalita na lang niya na kahapon pa lang ay kalahati na ng mga dibuho ang nabili. Napatigil siya sa paglakad paroo’t parito, natigil sa pagsasalita’t natigil sa harap ng nakalapag na kuwadro; napauklo siya, animo ba ipinagsisiksikan ang ulo sa loob ng isang pagkasikip-sikip na butas. Hindi nakatangáng maigi ang bata sa kamay ng kanyang ina, malapit na itong makabitiw at anumang saglit, maiiwan ‘to sa gitna.


Hindi maintindihan ng sapatero ang gustong mangyari ng nagpapagawa ng sapatos: iyon na ‘ata ang pinakamaayos, pinakamakintab, at pinakanaalagaang sapatos na kanyang nakita’t nahawakan, isang pares ng brown longwings na ‘di niya mapaniwalaang sampung taon nang gamit ng nagpapagawa. Ang gusto nito’y ayusin niya ito. Ayusin? Pirmi pa rin ang aglet sa sintas, ang sintas walang tastas, ang suwelas, bagamat halata namang ipinanlalakad ay parang kahapon pa lang ginamit, at ang pansapin sa loob, oo kupas na nga ang marka pero nakapakat pa rin; ninais niyang tanungin kung sa’n iyon gawa (sa balat, halos ‘di mo makita ang mga bitak na dulot ng paghakbang na animo sa tuwing ibinabaling-baling ay unti-unting naglalaho, nabubura) ngunit mas inalihan siya ng pagkabanas sa muling pagdidiin ng matanda: Tapalan mo, pinapasukan na kasi ng tubig, at saka ito tumalikod at umalis. Nagtinginan sila ng kostumer na kanina pa kamut-kamot ang bisig, gano’n din, no’n lamang nagsibalik ang kanyang mga katuwang sa kanilang mga inaasikaso, mga naengganyong magmiron sa katatapos pa lang na palabas. Dumako ang sapatero sa likod. Hindi nga kaya tama ang kanyang asawa na kailangan na niyang pataasan ng grado ang kanyang antipara, ngunit nang ipasa niya ang sapatos sa taga-sulsi upang tiyaking ‘di siya nalingat o namalikmata, ang sagot din naman nito’y wala hong deperensiya, baka ‘yong nagpapagawa ang may sira. Nagtawanan sila at napakamot ng ulo ang sapatero. Baka lipas lang ‘yon ng gutom. Ngunit nang papalabas na siya sa kanyang pagawaan, napatda siya’t muling binalikan ang sapatos at idinikit ang talampakan nito sa talampakan ng kanyang laspag na loafer: Magkapaa sila ng nagpagawa.


Dumaan ang binata sa botika para bumili ng anti-histamine. Kanina sa kumpunihan, hindi na lang basta makati ang kagat kundi humihilab na at sa pagitan ng pagsulat ng kanyang cellphone number sa resibo, kaliwete ka pala, puna ng kasamahan ng kahera, tinanong niya rito kung mayro’n ba silang alkohol. Tumingin ang kahera sa kanyang kasamahan, may sinabi sa Ilokano’t sabay na nagsipaghagikgikan, ang arte raw niya, at do’n ‘di na nakapagtimpi, nakagat nak ti sinalit nga surot, nag bayag kayo nga agasikaso! Napatulala ang dalawa. Nanatiling nakapagkit sa kanyang ilong ang amoy ng biton at balat ng mga sapatos; suminga siya habang inaantay sa counter ang gamot at sinilip ang puting panyo. Inusisa niya ang mga lumulutang-lutang na tae sa inidoro, tiningnang maigi kung pantay ang kulay, kung luray-luray ba o buo, kung may nakasabit o wala. Nabasa kasi niya kagabi – at nag-internet lang siya para malaman ang direksiyon papunta sa isang gallery – na magandang ugaliing tingnan ang mga inilalabas na dumi ng katawan dahil mainam daw ‘yong pang-agap sa sakit. At ngayong mayro’n siyang ‘di mabilang na kagat ng surot, ‘di siya mapakali sapagkat ang gusto na niya’y matapos ang araw para makapag-internet na siya’t matingnan kung may idudulot ba ‘yong malubhang karamdaman. Inabót niya ang bayad sa staff, boss, bungad niya, may sakit ka bang makukuha sa surot? Sumulyap lang ‘to mula sa rehistro’t nagkibit-balikat. Ilan sa tingin ‘nyo ang kailangan kong inuming anti-histamine, at ipinakita niya ang pantal. Pinagtinginan siya ng iba pang mga mamimili, ang matatandang naghihintay ng mga tabletas para sa kanilang rayuma’t gout, mga nanay na nagtatanong kung aling paracetamol o bitamina ang tama para sa kanilang mga uding; pinamulahan siya. At tila ba lahat ng dugo’y nagtungo sa kahila-hilakbot na umbok sa kanyang balat, dumaplis at nagbitak ang paligid at humalo ito sa mga puting tuldok sa kanyang tanaw at ang malubhang silay ng umaga’y sumanib, at wala nang tubig-tubig, kumakalam pa ang tiyan dahil hindi na niya nakuha pang mag-agahan, lumagok siya ng dalawang tabletas. Tumayo siya sa gilid ng kalsada at pinakiramdaman ang katawan niyang sa kanyang tantiya’y sasabog o magkakalas. May biglang tumapik: ang kasamahan ng kahera sa kumpunihan. Hindi ba ‘yon – naro’n nga lang pala ‘yon, katabi ng botika. Hindi raw kumpleto ang phone number niya, mahalaga raw para mateks siya ‘sakaling makalimutan niyang daanan ang pinagagawang maleta. May mali ba sa ‘kin, tanong niya. Ha? Mukha ba ‘kong maputla, matamlay, mukha ba ‘kong mamamatay?, at sinulyapan lang siya nito, magulo buhok mo.


Hindi sumipot ang pintor sa kauna-unahang pagkakataon; ilang taon na nga ba silang magkapareha? Hindi na niya mabilang. Naalala niya no’ng nagsisimula pa lamang ‘to. Hindi ito nagbago ng estilo, mula pa noon, mga dambuhalang bulaklak at prutas na ang hilig ipinta at sa mga pagkakataong napapadaan siya sa mga palabas nitong isa o dalawa lamang ang dumadalo (hindi iyon gawa-gawa) ilang beses na niya ‘tong pinaringgang baka naman kailangan mo nang mag-iba ng sabjek. Baka naman hindi mo talaga linya ang “still life”, kung still life nga ba iyong matatawag, baka ang kailangan mong ipinta, mga hayop o kaya naman, tulad ng uso no’ng mga panahong iyon, abstrak. Napangiti lang ang pintor, patpatin gaya ng inaasahan, humpak ang pisngi’t nakabagsak ang mga balikat. Nudes, kaya mo?, mas gusto ko ‘yong nahahawakan, halika tulungan mo ‘ko. At habang isa-isa nilang ibinababa mula sa dingding ang mga dibuho, tatlong dipa’t sintaas ng pader ang bawat isa, ang baling nito sa kanya, nakakita ka na ba ng ari ng hermaphrodite? Umiling ang curator, ako nakakita na, pero may bayad, depende sa lapit, pataas nang pataas ‘yong presyo habang papalapit ka nang papalapit. Iyon lang ang tanging huntahan nila ng pintor na tumatak sa kanya nang buong-buo, hindi ‘yong kagyat, hindi ‘yong mamaya na lang pagkatapos ‘pagkat no’ng mga sumunod, hindi na niya ‘to masolo sa mga pagtitipon, hindi na rin matanong kung kumusta ka na ba o do’n ka pa rin ba nakatira sa inuupahan mong kuwarto sa P. Tuazon dahil mayro’n na ‘tong sariling bahay, ‘di na rin kailangang manghiram ng pamasahe dahil may sarili nang sasakyan; napahikab siya. Ngayon, kausap na niya ang sekretarya. Kapagdaka, anumang kapanataga’y magkakaroon din ng sukdulan. Kausap niya ang sekretarya, may dalawang kuwit sa pagitan ng kilay at kung gumalaw ay parang dikya, at ang unang tanong nito’y bakit kasama ang “Mag-ina” at kung bakit hindi muna siya kinonsulta. Gusto mong malaman kung ano’ng pagkain, ang ‘sinagot niya, at dito ang pagkasuya, sa suot na imported at kung gayo’y pagkasangsang-sangsang na pabango ng mga bisita, at hindi nila gusto ang bandehado ng sushi, ga’no man kaganda ang presentasyon. Ha’mo sa susunod, sabi ng curator, magbabarbekyu ako. Hindi natawa ang sekretarya na lumutang na lamang sa pulutong ng mga nakabaróng (mga nakapalibot sa “Mag-ina”) at tinangka nitong ilayo ang mga ‘to’t igiya sa mga nakabukakang orkidyas, papaya, at gumamela. Tumungo na lang ang curator sa isang sulok at do’n nakatabi ang isang weyter, nakatitig sa nakabuklat na melon, nahawakan ko na, ang biglang sabi ng pintor no’ng inaayos nila ang pangalawa nitong eksibisyon, anong pakiramdam?, at tunay ang kanyang usisa, parang… at napatigil ‘to’t napatunganga, animo biglang nawala, at hindi siya p’wedeng magkamali, ito na ‘ata ang pinakamasayang nilalang sa buong sansinukob, Anna, kung may mukha ang Diyos, ‘yon na ‘yon. Hindi siya nakaimik. Gusto man niyang magulantang ay parang hindi ‘yon nararapat sa okasyon: nangangalumatang walang kakurap-kurap ang weyter, paikot-ikot ang isa nitong kamay sa bulsa. Excuse me?, pero parang walang narinig. Tiningnan niya ang dibuho at tiningnan niya ang weyter at tiningnan niya ang bukol sa bulsa at tiningnan niya muli ang melon. Pinigil niyang mapahalakhak. May sugat ito sa likmo ng kanyang bisig.


Hindi na nga p’wedeng ipagkaila, ay!, kay sarap ilakad ng sapatos ng nagpagawa. Pero bago pa man makarating ang sapatero sa gano’ng kongklusyo’y inilakad muna niya nang inilakad ang pagkagara-garang sapatos. Hiniling niyang bigla sanang umulan nang mapatunayang pinapasok nga ‘to ng tubig pero alam niyang hindi ‘to p’wedeng mangyari; hindi ‘to p’wedeng mangyari dahil sapakat na sapakat ang pagkakakapit nito sa kanyang paa, at hindi lamang ‘yon, wala siyang maramdamang balat na iba pa sa kanyang balat – para nga siyang walang suot na sapatos! Naghanap siya ng maliit na lawa ng tubig at nang makakita ng baradong kanal ay umapak do’n. Iyon ba? Hindi siya nagkasya, inilublob niya ang isa pa niyang paa. Baka nga. Nagtampisaw siya, nilundagan ang maliit na lawa’t nagsitalsikan ang itim na tubig na no’y nagsaburak at natigil lamang siya nang biglang may sumigaw na aleng natamaan sa mukha, ano ba ‘yan, ang baboy! Dali-dali siyang tumakbo. Tama ba ‘yong naramdaman niya, hindi siya makasigurado, kaya naman agad niyang pinasok ang pinakaunang gasolinahang nadaanan. Ipinatanaw niya ang sapatos sa gripo at do’n napatunayang a!, may butas nga dahil ramdam na ramdam niya ang pagpasok ng tubig – pero hindi, hindi iyong unti-unting gumagapang ‘pag nakasipsip ng basa ang medyas, hindi, parang – parang ‘yong – nagpagpag siya sa kongkreto – parang ‘yong tubig mismo ang dumadantay, ang tumatama sa kanyang paa, na mismong ang kanyang balat ang nababasa’t hindi ang sapatos. Pinagtuturo siya ng mga gasoline boy; bumalik siya sa kumpunihan. Pagpasok, nangagmimirindal na kun’saan ang kanyang mga katuwang at naro’n na lamang ang tagasulsi, nag-aantay ng rerelyebo. Nag-alis ito ng apron, ano, boss, sira nga ba? Oo. Saglit silang tumayo sa tabi ng makinang nagtatahi ng mga nakangiting suwelas; inaabangan siya nitong tanggalin ang sapatos. Hindi sila tuminag. At nang sandaling magsasalita na sana siya, may pumasok na kostumer at agad na lumabas ang tagasulsi para asikasuhin ‘to. Ikinandado ng sapatero ang pinto’t umupo, tinitigang pagkaigi-igi ang yari ng sapatos; kay bilis ng tibok ng kanyang puso, bagay na huli niyang naramdaman nang halikan niya ang kanyang asawa sa harap ng altar. Bumalik iyon at nawala rin at kumatok ang tagasulsi, boss may nagpapaduplikeyt, nagmamadali, balikan na lang niya ‘ka mo, nagmamadali, balikan na lang niya ‘ka mo! Balikan mo na lang. Dahan-dahan at buong ingat, inalis niya ang pagkakatali ng sintas at pinaluwag iyon; parang may nagbukas ng bintana’t nagpapasok ng hangin. Gano’n din ang ginawa niya sa isa, o, anong ginhawa!, pero natigilan siya – sandali, natigilan nga ba, kasi, aalisin na sana niya ang sapatos pero – hindi niya ‘to mahubad. Huminga siya nang malalim at nagbilang isa dalawa tatlo at parang nanggigigil magpalabas ng tubol hinigit ito pero ayaw pa rin. Inayos niya ang kanyang upo, ayaw pa rin, ay bahala na kung magkágasgas, matatago naman ‘yon, alumpihit niya ‘tong itinulak sa may sakong gamit ang isa niyang paa pero ayaw talaga, sinuksukan niya ng disturnilyador para sungkitin, at kumatok ang tagasulsi, boss, ayos ka lang – magmiriyenda ka na! Hindi niya alam kung ga’no na siya katagal do’n at naliligo na siya sa pawis. Sumilip siya sa pintuan at naro’n na ang kasamahan ng kahera’t mayro’n nang pila. Napaupo ang sapatero sa isang sulok, pilit pinakakalma ang paghinga; ginalaw-galaw niya ang mga daliri sa kanyang paa, maaligasgas sa alipunga.


Sa tuwing may tinatrabaho, nagtatanggal siya ng pustiso. Binalak naman talaga niyang pumunta sa eksibisyon pero naantala siya ng isang pangitain. Palabas na siya ng sabdibisyon nang mamataan niya ang isang dalaga sa kabilang bahagi ng kalsada at hindi siya maaaring magkamali, kilala niya ang dalagang ‘yon; pinasakay niya ‘to’t dumiretso sila sa P. Tuazon, sa paupahang tuluyan na niyang binili. Siya lang ang may alam. Mukhang ilang araw na ‘tong hindi kumakain at pinagmasdan niya kung pa’no nito nilantakan ang inihanda niyang chicken sandwich; ang sabi nito’y no’n pa lamang siya nakatikim ng gano’ng palaman, nakatikim ka na n’yan, umiling ‘to, hindi ko po kayo kilala. S’yempre, hindi siya naniwala at hinanda niya ang kanyang kanvas. Luminga-linga ang dalaga, animo lula sa mga kalahating-tapos na mga dibuho, balangkas ng mga bulaklak at mga prutas na sumasanib sa mga naro’n nang nakulaya’t nagbunga. Naaamoy daw niya ang mga ito at natawa ang pintor at sumunod ang kanyang bisita nang makitang wala na siyang ipin, ba’t kaya nakakatawa ang bungal, alisin mo na ‘yan. Hindi ‘yon utos. Imposibleng hindi siya nito naaalala, o kung hindi naman talaga’y naiintindihan niya ‘pagkat bata pa ‘to no’n, paslit, at nakita niya silang mag-inang patawid sa kalsada, kasabay siya, ang bata namumuwalan ang bisig sa mga laruang plastik, plastik na pigi ng manok, takure, maliit na kalan, at nang mapansin ng inang nakatitig siya rito, ito na ang nagpaalám sa kanyang galing sila sa isang bertdey party. Masarap ‘yong chicken sandwich. Hindi siya magaling magbasa ng mukha pero no’n din, nabanaag niyang alam nitong mayro’n siyang balak; dahil kaya sa kipkip niyang sketchpad, dahil ba humpak ang kanyang pisngi, gaya ngayon, dahil ba parang anumang saglit parang malalaglag ang kanyang mga balikat? Idrowing mo kami, sabi ng ina, mas utos kaysa panukala; hindi niya alam ang isasagot dito pero ang totoo, marahil, ay hindi naman talaga niya kailangang sumagot, ang kailangan niya’y tumalima. Gusto mo kaming idrowing, ‘di ba, ang sabi ng ina, minsan kinukunan kami ng retrato pero hindi pa kami napipinta, kahit hindi mo kami bayaran. Nataranta siya’t ang tangi niyang nausal: tumawid kayo ng kalsada. At tumawid nga ang mag-ina, nang walang pasubali, nang walang ano-ano, kahit na ba papalít na ang kulay ng stoplight at tila baga may tumudyo sa kanya’t may humiwalay, may iba, ibang kamay, ibang mata, mabilis niyang iginuhit ang mag-ina at nang muli niyang iniangat ang kanyang paningin, naglaho na ang mga ‘to’t natabingan na ng mga rumaragasang sasakyan. Ngayon wala nang tabing, ngayon habang namumuo ang laway sa kanyang bibig na sa bawat hagod ng brotsa’y sinisipsip niya, pinatutunog ang itiming gilagid, naro’n ang dalaga sa kanyang harapan, isang sapin ng himala. Hindi mo maipaliwanag, ang sabi niya sa curator, gusto mong matakot, luhuran, gusto mong malaman kung pa’no gumagana pero magdadalawang-isip ka, ga’no katagal?, sandali lang kasi may time limit, may ekstra ‘pag dalawang kamay. Inabót niya ang krokis sa dalaga, isang dipa; ito ba ang anak o ito ba ang ina? Anong kinamatay ng nanay mo, tanong niya habang pinapanood ‘tong magbihis-talop-bihis-talop, ano ‘tong mga ‘to, turo ng dalaga sa mga dibuhong hindi tapos, ano sa tingin mo?, mga peklat, at bumaling ito sa kanya, nalanta, parang gulay, matanda na kasi, dugtong ng pintor pero napailing at napatawa lang ang dalaga, hindi, nalanta si nanay, nanguluntoy ang balat, nangitim, nabitak, natuklap, pinanood mo na bang mabulok ang kisame, anayin ang dingding, parang gano’n. Parang gano’n ang sabi niya sa curator, parang mukha ng Diyos. Gusto niya si Anna pero hindi niya alam kung bakit hindi man lang niya ‘to naamin dito kahit kailan. Ito ang nagpasikat sa kanya. Nagpaalam ang dalaga at pinanood niya ‘tong mawala; nagbilang siya ng ilang segundo’t nang sigurado na siyang malayo-layo na ang nalakad nito, bumuntot siya. Hindi ito nag-bus, hindi nag-dyip, basta naglakad lang ‘to nang naglakad at naglakad din ang pintor hanggang sa maglaho ang dalaga sa isang mataong lugar kung saan man ‘yong kanilang kinapadparan at baligtarin man niya nang baligtarin ang kanyang suot, batid niya sa pinakaubod na hindi na siya p’wedeng makauwi pa.


Kinaskas pa nang kinaskas ng binatang weyter ang kanyang titi. Napansin niya bigla ang kanyang sarili sa salamin: nakasampa sa lababo, nakahubo’t hawak ang bumubulang ari. Pero parang hindi pa rin ‘yon sapat, pinindot niya nang pinindot ang dispenser ng hand sanitizer at ‘kinusot ‘yon sa kanyang bayag, sa lupi ng ulo, sa bulbol. Hindi pa sana siya titigil kung ‘di niya napansing malapit nang maubos ang sabon. Nagbanlaw siya. Pagbaba, bago isuot ang kanyang pantalon, tinitigan niyang maigi ang kanyang sarili sa salamin. Wala siyang katighiya-tighiyawat at ‘pag tumapat siya sa ilaw ay lumiliwanag ang kanyang kutis. Tuluyan na siyang naghubad; inamoy niya ang kanyang kili-kili’t ando’n lamang ang amoy ng deodorant na humalo sa kanyang pawis, hindi maanghit at hindi rin naman mabango, para lang may nahinog. Binatak niya ang kanyang leeg para tingnan kung mayro’n ba siyang kulugo – isa rin daw kasi ‘yong senyales ng sakit sabi sa website – o kung may lumitaw bang bagong nunal; wala, naro’n lamang ang kaisa-isang nunal na mayro’n siya, katabi ng kanyang gulung-gulungan. Sinipat niya ang kanyang tadyang, tinapik-tapik ang matigas niyang abs, hinagod ang kanyang dibdib, anong kinis; at naro’n na rin lang, ininspeksyon niya ang kanyang singit, kung maitim na ba o mayro’n pang butlig mula sa pagkakaahit, ang ilalim ng kanyang betlog at naro’n lamang ang kumpol ng bulbol, maging ang butas ng kanyang puwet pinilit niyang masilayan kahit na ba magkandapili-pilipit siya, kung may bukol, almoranas, o hemorrhoids, at nang makita niyang nakatikom pa rin ‘tong parang tahong saka pa lang siya nakahinga nang maluwag. Napatitig siya sa kanyang lupaypay na titi. Hindi mapigilan ang curator. Hindi naman niya masabing hindi siya nasarapan, hindi rin naman sa wala siyang naramdaman. Naghilamos siya’t sinigurong tuyo ang kanyang mukha hanggang sa kasuluk-sulukan ng kanyang ilong. No’n pa lamang siya natsupa. At pagkatapos no’n, ang tanong ng curator sa kanya, napa’no ‘yan? Do’n siya nahimasmasan at ‘tinago niya ang kanyang bisig. Pinanood niya itong yumukod sa may gripo para magmumog. Nakakakuha ka ba ng sakit sa tsupa?, ang nabulalas ng binatang weyter sa repleksyon, at napahalakhak ang curator na umalingawngaw hindi lang sa loob ng CR kundi sa buong bulwagan. Inayos niya ang kanyang pagkaka-tuck-in, at paglabas, biglang sumagi sa kanyang isip, gano’n din kaya ang magiging pakiramdam ng puke kunsakali?


“‘Nay, bakit mahalagang mabuhay?” ang urirat naman ng anak sa ina. Hindi sila agad nakatawid at hindi ‘yon taranta, sadya lang talagang masela’t kailangang pag-isipang mabuti. Kung narinig lamang ‘to ng iba, o nanggaling sa kuwento ng isang nagkuwento mula sa isa pang palakuwento, ang susumahi’y walang bata ang maaaring makapagtanong ng gano’n gayong mayro’n na nga, ito!, at ihaharap ng ina ang kanyang anak, hindi bilang patunay kundi bilang tanda. Pero naro’n sila no’n at hindi niya sinabing ano ba naman ‘tong batang ‘to, hindi rin, sa’n mo ba napagkukukuha ‘yan, bata ka, kalokohan. Naro’n sila. Ano kayang p’wede niyang itugon dito liban sa hindi ko alam at saka na, saka na, at may sagot, siguro sa mga gumagalaw na kiskisan ng mga plastik na laruan, sa pagdaiti rito ng malilinggit na kamay na kay dudumi ng mga kuko at ng goma sa aspalto at sa busina at sa alipugpog at animo paglakad ng berdeng analog na tao para sabihing p’wede nang tumawid o ng pulang kamay na nagsasabing, hep, sa pagsingit ng pedikab at sa pag-iwas ng kotse para hindi ito masagasaan, sa sanlaksang ibong tuldok na lumilipad lang tuwing dapithapon o sa enerhiyang nagpapatakbo sa isa-isang pagkisap ng mga ilaw ng poste, kung isasagot niya ‘to sa kanyang supling, ang sasabihin lang nito sa kanya, ito lang naman pala, ‘nay, wala nang iba, hindi ito magkakasya, pero kailan ba nagkasya ang mga bata sa kanilang nagisnan?, kaya ang mas minabuti na lang sabihin ng ina’y ganito, ‘pag bigla kang natulala, alam mo ‘yon?, ‘yong hindi mo maalis-alis ‘yong tingin mo tapos madodoble lahat, parang naghihiwalay pero nagsasanib pala, tapos parang mas makapal ‘yong mga bagay, parang mahahawakan mo na pero anlayo-layo pa pala, parang ganito, at nagduling-dulingan ang ina, at humalakhak ang bata ng isang pambatang halakhak, banyaga’t nakaliliyo, pero hindi ‘yon, kasi ‘pag bumalik ‘yong paningin mo sa dati, ‘yon ang kailangan mong abangan, kasi magugulat ka.


At pagdating ng binata, sarado na ang kumpunihan, inabutan na lamang niya ro’n ang tagasulsi’t katropa ng kahera, mga naninigarilyo. No’n lamang niya napansin ang lila nito sa buhok, si Lucille, ayon sa kanyang name tag. Kanina pa pala siya nakatitig do’n at nang iiiling na sana niyang hindi ako nakatingin sa suso mo, nagbulungan na ang dalawa’t pangisi-ngisi sabay kindat, umalis ang tagasulsi. Inapakan ni Lucille ang beha; sinabihan siya ng binata na masama sa kalusugan ang manigarilyo. Nagpusitsit ‘to ng breath freshener. P’wede ko pa bang makuha ‘yong maleta?, wala sa ‘kin ‘yong susi, hindi ba talaga p’wede?, bakit, itatanan mo na ‘ko?, at no’n din, hinatak siya nito sa pinakamalapit na humbergeran, buy one-take one. No’n din naman, pag-uwi, dumaan ang sapatero sa likod-bahay at nagtuloy-tuloy sa banyo, at doon sinubukang padulasin ng sabon at shampoo ang bunganga ng sapatos. Nasa punto na siyang malapit na niyang kontakin ang nagpagawa, mukha naman ‘tong maunawain at bigla siyang napatunganga, ‘yon, ‘yon ba ang sinasabi nitong diperensiya? At ang totoo’y wala naman talaga sa kanya kung suot-suot niya ‘yon, ‘yon nga lang, anong paliwanag ang kanyang maibibigay sa mga magtatanong, at mana pa, hindi ba mamamaho ang kanyang maantot na ngang paa kung gano’n na nga’t habambuhay itong makukulob, hindi ba ‘to mabubulok o maaagnas tulad ng isang bangkay sa kabaong, pangit na nga ang paa niya, mamamatay pa. May kumatok nang mapasalampak siya sa ilalim ng dutsa. May mayonnaise ka, ang sabi ni Lucille, at tinangka nitong pahiran ang gilid ng bibig ng binata pero mabilis itong nakaiwas – at agad din namang nagpaubaya. Hindi niya masyadong gusto ang mga babaeng nagkukulay ng buhok pero kay Lucille, bagay, bagay sa ’yo. Ano’ng ginagawa mo r’yan, tanong ng asawa ng sapatero, tumatae, hindi ka tumatae, lumabas ka nga r’yan, kinakabahan ako sa ’yo. Ano’ng mainam na gawin, apuhap ng sapatero sa sarili, ano pa bang mas mainam na gawin kundi umamin. Tinanggap na niya nang maluwag sa puso ang pagkatalo at tinanggap din naman ng binata ang alok ni Lucille na ihatid siya nito sa kanyang tinutuluyan. At paglabas ng banyo ang sumalubong sa kanya’y isang masigabong pagtawa, tawa na maaari lang ibigay ng isang asawang matagal nang kasama, hindi na kailanman nagugulat sa anumang katarantaduhan; at hindi pa nga dahil suot niya ang sapatos na ayaw matanggal-tanggal kundi dahil sa kalunos-lunos niyang itsura. Bakit ano bang itsura ko?, tanong ng binata. Mukha kang ginahasa, ang sabi ng asawa ng sapatero, at pinaupo siya nito at inayos ang kanyang buhok at hinalikan sa noo bago pagtimplahan ng kape. Parang ang dami mong alam, sabi ni Lucille habang nagsisindi ng sigarilyo na mabilis namang inagaw ng binata’t binali pero nagsindi lang ito ng isa pa, habang sa komedor ng sapatero’y nakapatong na sa kandungan ng kanyang misis ang kanyang paa. Ang ganda naman nito, bati ng asawa sa sapatos at pareho silang napatango, at dahil alam ng misis na natataranta na ang kanyang mister – at hindi lang naman nito miminsan ‘yong ginawa, ang isuot ang sapatos ng kanilang kostumer – hindi na niya binanggit na nang buklatin niya ang bunganga ng sapatos ay nagsanib na ang balat ng paa sa balat ng sapatos na parang sinunog upang maipaghinang at mabilis pa sa alas kuwatro’y nakaisip siya ng paraan para ‘yon maalis. Inalis ng binata ang tabing ng lila sa mata ni Lucille, sa ilalim ng poste ng ilaw, sa tapat ng kanyang boarding house; nang gawin niya ‘yon, do’n napansin ni Lucille ang sugat-sugat na pantal at hinatak ‘yon sa liwanag para makita nang mas malapit. ‘Wag kang sisigaw, sabi ng asawang may hawak na labaha; ‘wag kang malikot, ang sabi ni Lucille at parang pusang dinilaan niya ang sugat ng binata. Pareho silang napangiwi at tinigasan ang binata at napakapit ang sapatero sa gilid ng mesa’t natapon ang kape sa kanyang salawal at inanyayahan ng binata ang dalaga sa loob at nang matapos ang operasiyo’y animo bagong sanggol, inilapag ng asawa ang sapatos sa kandungan ng sapatero, may tastas pa ng mga lamang nakadikit sa loob at sa loob ng tinutuluyan ng binata, amoy paa’t humihilik ang mga kasamahan, aalis ‘yong isa sa kamakalawa, pupunta ng Dubai, isa-isang nilagyan ng betadyne ng misis ang napilas na sugat ng kanyang asawa, buong lambing at aruga habang kinukuwento nito ang kanyang araw, at laking gulat ni Lucille dahil hinatak siya ng binata sa madilim na sulok ng kusina’t pilit siya nitong pinaluluhod, sa pangako ng sapaterong hindi ko na uulitin, hindi na nga dapat dahil sa susunod lalagariin ko na ‘yan, at sabay silang napatawa, sabay layo ni Lucille, sabay sampal sa binata at walang ano-ano’y pumalahaw, dinig na dinig sa buong gusali’t kalsada, matinis at puno ng pangamba, reyp!, tulungan n’yo ‘ko, rereypin ako!, at dahil sa taranta, imbis na takpan lang ang bibig ay nahampas ‘to ng binata ng kawali sa mukha, ang unang bagay na kanyang nahagilap, at ang mungkahi ng asawa bago ‘to tuluyang pumasok sa kanilang silid, bumili ka na lang ng katulad n’yan, siguradong hindi na ‘yan mahahalata.


At sa wakas nakabili na rin ang hindi na ga’nong-bagong kasal ng bagong kama, hindi na lamang iyong luma’t amagi’t mabahong kutsong nakabalandra lang sa sahig na sa sobrang gamit ay numipis na’t nanigas. Sa sobrang pananabik, bára-bára lang silang naghapunan, ‘di na nagwalwal pa sa harap ng telebisyo’t naghilamos at nagsipilyo na ka’gad para makatulog na nang mahimbing. Totoo ang sabi sa katalog, sinasapo nito ang kanilang likod ayon sa kurba ng kanilang katawan at tulad ng anumang pag-aasam, gumanda nga sana ang kanilang postura. Napakakinis ng bagong kobrekama at kung magpabaling-baling man sila’y hindi sila parang nakikipagsikuhan sa sahig. Kulang na lang ay kamayan nila ang isa’t isa dahil bunga ito ng ilang buwang pag-iipon at pagtitiyaga. At bago nga tuluyang makapalaot ang mag-asawa sa himbing, ang sumagi sa isip ng babae’y ano kaya ang nangyari sa dati nilang kutsong pamana pa ng kanyang nakatatandang kapatid, sana napakinabangan pa; kailan kaya iyon maghihimulmol, magmamantsa, mag-aamoy pawis at panis na laway?, dili naman ng lalaki. Sa kalagitnaan ng gabi, maaantala ang tulog ng babae dahil animo nakarinig siya ng sangkatutak na malilinggit at nagkakaluskusang mga paa at babangon siya at hindi iingit ang higaan bagkus ang maririnig lang niya’y ang marahang hilik ng kanyang bana; at dahil sa pagkibot, maaalimpungatan ang lalaki’t mararamdan na parang may kumagat sa kanyang likod na kakamutin naman niya nang buong layaw kahit wala naman.


At gaya nang nakaugalian, dumaan muna ang curator sa bahay ng kanyang ama’t naabutan itong nagluluto ng instant noodles. Hindi ba kayo nilutuan ni manang ng hapunan, mariin niyang tanong, ang mahal-mahal ng binabayad ko sa kanya, at ang sagot ng kanyang ama, hindi ko gusto ‘yong ulam. Sinilip niya ang ref at naro’n ang isang kawali ng kaldereta. Bahagya siyang kinabig nito’t sinimulan iyong isalin sa basyong lalagyan ng ice cream, ibigay mo sa nobyo mo nang tumaba-taba naman, at sa halip na isagot ang dapat isagot, hindi ko ho siya nobyo, inilapag na lang niya sa mesa ang inuwi niyang sushi. Ito naman ang binusisi ng kanyang ama’t siya ang nakapansing bumubula na ang pinakukuluang noodles, at nang makita ang laman ng supot, ayoko nito hindi luto. Lumabas ‘to ng kusina para tumungo sa banyo. Ibinudbod ng curator ang pampalasa’t dinala ang umaasong noodles sa kuwarto ng ama. Sa banyo, naabutan niya ‘tong naka-brip na lang at nakaupo sa natatakpang inidoro. Lumuhod siya sa harapan nito’t nang tumingala’y nginitian ang amang nakangiti na sa kanya; inalis niya ang sinturon ng isa nitong prostetik na binti at isinunod ang isa, buti’t hindi na ‘yon ga’nong malansa kumpara no’ng una; hindi na siguro siya masasanay kahit kailan sa bigat ng mga ‘to. Sapu-sapo ang ama sa kili-kili, iniupo niya ‘to sa maliit na bangkong ito mismo ang gumawa nang sa gayo’y kapantay ang gripo’t hindi na niya kailangan pang yumuko. Lumabas siya para hayaan ang ama, pero bago pa man makapagpatuloy, sambit nito, may dumaan kanina ritong mag-ina, at animo ang curator ang binuhusan ng malamig na tubig, buti naabutan ko no’ng pagbalik ko galing sapatusan. Nagpagawa na naman kayo ng sapatos? Hindi ito umimik. Ano raw kailangan, pa? Tinatanong nila kung dito ka raw nakatira, ang sabi ko hindi na. Umupo siya sa tabi ng pintuan, tapos? ‘Yong nobyo mo, ‘yong nagpepeynting, dito rin daw ba, sabi ko, tumutuloy siya dito dati pero may bahay na siyang sarili, ano bang kailangan n’yo? Nakita niya ang kanyang ama, nakahawak sa seradura ng tarangkaha’t gusto nang pumasok dahil ngawit na sa pagtayo, ano ho bang kailangan n’yo, pero umiling lang ang ina, nagpasalamat at hinatak papalayo ang bata. Lumingon ito sa kanya. Kinarga ng curator ang kanyang ama sa kama matapos ‘tong magbihis ng pantulog. Tumayo siya sa tabi nito ng ilang saglit. Alam na niya ang susunod nitong hihilingin, anak, pakikamot mo nga. “Anak, pakikamot mo naman.” At kinamot niya ang walang lamang espasyo sa baba ng putol, ibaba mo pa, at ibinaba niya hanggang tuhod, at para ‘to patawanin, sinama pang kiniliti ang talampakan. Tumawa ito, banyaga’t nakaliliyo, dala-dala sa pagtulog. Bago umalis, sinigurado muna niyang nakaayos ang mga polo’t nalistunang pantalon nito sa kabinet, ang mga panlakad at pambahay nitong nakasalansan ayon sa kulay nang hindi na mahirapan si manang, ang mga sapatos nitong nakahilera pa rin sa tabi ng tukador kung saan nakapatong ang magkakatabing pomada, pabango, suklay, at pulbos; wala ang brown longwings, dadaanan na lang niya ‘to bukas sa pagawaan. Hindi na umaaso ang sabaw na hindi man lang nito ginalaw, hindi nito gagalawin at masasayang lang, pero iniwan na rin niya. Ngayon, kumakalam ang kanyang sikmura nang maamoy niya ang pekeng bango ng nilagang baka, kahit na ba nasa loob na siya ng kanyang sasakyan papunta sa bahay ng pintor para isauli ang “Mag-ina” na, gaya ng kanyang inaasahan, walang bumili. Sinulyapan niya ‘to sa rearview mirror at muling kumalam ang kanyang sikmura. Nakalimutan niya ang kaldereta. Ang hindi alam ni Anna, hindi ‘yon gutom. Sa loob ng kanyang t’yan, bagamat napatay na ng mga asido ang ilan sa mga bakteryang salmonella bareilly, mayro’n pa ring nakalampas dito nang buhay at naglakbay na papunta sa maliit niyang bituka para himlayan ang mga tisyung naro’n kung saan ito tuluyang magpaparami, habang ang mga patay na salmonellae naman, matapos lang ang ilang oras ay maglalabas ng endotoksins na lalason sa sikmura; pagkayari ng incubation period ng mga nagsidami nang salmonellea, lulusot ‘to sa tisyu ng t’yan at bituka para humalo sa dugo’t kakalat sa atay, apdo’t pali na magdudulot ng pagkaliyo, pagsusuka’t dugo sa tae, mga katibayan ng impeksyon.