Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Tala

Saglit na napatda ang manghuhula. Ito kaya ang pakiramdam ng “hindi inaasahan”? tanong niya ngarud. Wala siyang nagawa kun’di kumunsolta sa bolang kristal; sunod sa mga baraha; at nang ‘yon pa rin ang lumabas, sinubukan na niya ang tawas, ang mga batong mineral, pati ang pagbasa sa mga dahon ng tsaa na wala siyang kaalam-alam, hanggang sa pati ang usok na iniiihip ng kaserola, hinintay niyang mag-senyas ng kabaligtaran – ngunit wala itong ibang sinabi kun’di gano’n na nga, ‘di nangilin sa pagbubunyag na “Oo, oo! Umiibig ka.” Pinag-isipan niya ‘tong mabuti; alam niyang wala siyang kakayanang basahin ang mga guhit sa sarili niyang palad, gayundin, maging ang ulap na nagkukubli sa mismo niyang kahihinatna’y ‘di kailanman mahahawi at iyon ang nagkumbinsi sa kanyang ito na nga marahil ang katapusan; o simula? Itinadhana na ito; itinadhana. Napailing siya’t napahigikgik. Kung naitadhana na ang isang bagay, paliwanag niya sa kanyang sarili, mag-isa (senyales ba ‘to ng katunayan?), hindi ba ito nararapat na lumipas, siyang bagay na maaari mo na lamang mapagtantong “S’yananga!” matapos lamang nitong maganap? Nakabubu’ang! dili ng manghuhula; nagsindi siya ng incense, dumulog kina Buddha, Amaterasu, kina Ganesha’t Shiva, pero gano’n pa rin, ni sa dasal ‘di makuha. Gumayak siya; tama, ‘pag tinungo niya ang kanyang puwesto sa harap ng simbahan, ‘pag nalunod na siya sa mga tanong at pag-aagam-agam at pagbabakasakali, tiyak, maaari na niya ‘tong pasubalian; ngunit tumingin na siya sa mga palad, ibinilíng na niya ang mga baraha, pinagtagni-tagni pa nga ang mga nunal at pekas sa mukha ng isang matandang binatang sa edad na singkwenta’y nagkakandapili-pilipit pa rin sa paniniwalang nangangaliwa ang kanyang disesais anyos na nobya, at niliglig siyang patunayang tama ang kanyang hinala, ang naisagot niya – hindi – ang pumuslit sa kanyang mga labi – wala sa sarili, nakalutang sa ere, nananaginip ng gising: baka ho praybet detektib kailangan ‘nyo, hindi manguhuhula. Pinamulahan siya’t dali-daling ibinalik ang bayad ng matandang binata; at sa pagitan pa ‘ka mo ng pagkataranta, ang ipinakli pa ng kaharap: “In lab ka! Kitang-kita ko, in lab ka gaya ko!” sabay tawa ng malakas. Ano ka, manghuhula? ang itutugon pa sana niya ngunit wala na siyang ibang nagawa kun’di kumaripas palayo na animo mayro’n nga ‘tong nabanaag sa kanyang kaibuturan na ayaw niyang maisiwalat kaninuman. Ano na ngayong mangyayari sa tulad niya, na sa dinami-rami ng mga nagtatanong ng kailan at kanino at saan sila magtatagpo ng kanilang mga sisintahin – o sisinta sa kanila – nang habambuhay, narito siya ngayon sa liwasan, animo nasa kabilang bahagi ng mesa, ang nag-aabang sa sagot na ‘di rin naman makukuha ang kasagutan, walang duda sa kanyang kalagayan, naglalakad na parang lutang, kulang na lang ay ibukas ang kanyang mga bisig at sumigaw, o, siyudad, anong sarap umibig! na hanggang sa abot ng kanyang makakaya’y kanyang pinigilan, kipkip ang mga bisig na animo may sariling buhay – at pagdating sa silid na inuupaha’y do’n ‘to ibinuyangyang, o, siyudad anong sarap umibig! Napatakip siya ng bibig; nagitla ang mga kalapit-silid, at ang mga kalapit na gusali, at ang kalapit na mga kalsada, at kumilapsaw, bagamat puro kilapsaw na ang ‘di mahimasmasang tubig ng kalapit na ilog. No’n din, nagsulat ang manghuhula na biglang natutong tumula – nagsumpuan ang mandurukot at ang dinudukutan sa gitna ng isang eskinita; natutong gumuhit – nagtanan ang binata’t dalaga na ‘di na muli pang makikita; at natutong tumipa ng gitara (kung pa’no siya nagkaroon ng gitara, hindi na niya inusisa pa) – at naghalikan ang dalawang maton sa isang beerhouse na ikinasawi ng iba pang mga matong sumubok tumuligsa sa kanila. Tumagal ito nang magdamag at naramdaman niyang sumikip ang kanyang dibdib, halos mapanawan ng hininga. Kinabukasan, pagkagising, agad niyang pinasok ang pinakaunang klinikang madaanan, nilagpasan ang mga nakapilang aso, pusa’t ibong naka-hawla. Hindi siya napigilan ng katuwang na bumulaga sa silid-gamutan; napatingin kapwa ang isang iguana at beterenaryo sa kanya, nang-uusisa; napangiti ang doktor nang mamukhaan niya ang manghuhula. Sa muli niyang pagpasok, ang bati nito: “Ang aliwalas mong tingnan, nagba-vitamins ka ba?” Hindi niya ‘to pinansin; may mali sa ‘kin, ang sabi niya, ngunit walang iniangat na kamay ang manggagamot, walang itinutok na flashlight sa mata, walang itinarak na herenggilya, ‘di siya pinanganga, o nanghingi man lamang ng sampol ng ihi o dugo. Nagmakaawa ang manghuhula; nasa ‘kin lahat ng simptomas, paninikip ng dibdib, hindi ako makahinga. Kibit-balikat at animo nag-aalburuto, kinuha ng doktor ang kanyang stethoscope; ipinaalis nito sa kanya ang kanyang blusa; lalong may humigpit. Idinikit nito ang malamig na tenga ng instrumento sa kanyang likod. “Hinulaan mo ‘ko no’ng estudyante pa ‘ko,” patuloy ng doktor, “hinga.” Huminga siya. “Sabi mo, hindi ako magiging doktor. Natakot ako. Pero ‘eto ‘ko ngayon – hinga – alam mo tingin kong silbi ng mga manghuhula?” Sasabihin na sana niyang wala akong pakialam ngunit may biglang lumiyab sa kanyang loob, animo pinitik na mitsa. “Walang kinalaman sa kapalaran. Pinapipili ka nila dahil walang tiyak na bagay sa daigdig. Tao o hayop? Hayop pinili ko. Nakatapos ako.” Napakapit siya sa kobrekama. “In love ka ba?” tanong ng doktor na walang narinig mula sa kanyang likod – ngunit nang sandaling idikit ang stethoscope sa kanyang dibdib, bigla ‘tong napaigtad. Bakit, tarantang tanong ng manghuhula, “Napaso ako,” sagot ng beterenaryo. Agad nitong pinatay ang ilaw: sa dilim, may ningas na tumilapon sa kanilang mga mukha. Anong nangyayari sa ‘kin? “Lumiliyab ka – parang araw.” Bakit, dok, bakit? “Malay. Ikaw ‘tong manghuhula.” Mabilis na nagbihis ang manghuhula; hindi siya p’wedeng umuwi, hindi siya p’wedeng pumunta sa kanyang puwesto, wala siyang ibang p’wedeng takbuhan – p’wera na lang – p’wera na lang do’n. Do’n nga kaya? Pumara siya ng taksi, ngunit pagsakay, nang makita ng drayber na nasusunog ang kanyang blusa, itinaboy siya nito, pumara siya ng bus, pumara siya ng dyip, ngunit lahat ng bus at dyip na sakyan niya, lahat ng pasahero, ultimo mga drayber nito, nangangandarapang nagsipag-ibis. Kung kaya naman, naglakad na lamang siya: nabutas ang aspalto sa ginawa niyang bawat hakbang, nakapigtas ng ilang oberpas, flyover, at tulay sa pagdaan; nalanta’t yumukod ang mga poste ng ilaw gaya ng pagkakalanta ng mga halama’t puno sa mga island; natusta ang ilang pusakal, askal, at daga na sinubukan siyang lapitan; nabulag ang mga tao’t kumalat ang sunog sa mga lansangan. Gabi na nang mapadpad siya sa isang laboratoryo kun’sa’n siya dinala ng kanyang mga paa. Hindi siya napigilan ng guwardiya sapagkat paglapit, natunaw ‘to sa pagkakatitig sa tumitibok niyang puso, busilak mula sa nanganganinag niyang dibdib. Lumusot siya sa mga nalansag na dingding; kung anumang kaululan ang nagdala sa isang manghuhulang gaya niya rito, ito na ang pagkakataon para malaman. Hanggang sa marating niya ang isang silid na puno ng mga sumasabog na kemikal. Isang kemist na nago-overtime para sa pabrikang ‘yon ang no’n di’y natigilan sa binubusisi nitong kumukulong ekperimento, napabaling sa kanya, nagtanggal ng safety goggles at ng mga guwantes na animo pagkatagal-tagal na siya nitong hinihintay; hindi ito natunaw at hindi rin ito nawalan ng kakayanang makakita. Buksan mong TV, utos niya. Ginawa ‘yon ng binata’t sa iskrin, naro’n ang mga kuha ng sakuna, ngunit animo ingay lamang ‘yon para rito’t ‘di man lang natinag sa pagkatitig sa kanya, ang nagdulot no’ng lahat. Anong ginawa ko? “Nagkalat ka ng radiation, lagot ka,” biro nito. Hindi ‘yon nakakatawa. “24.85% helium, .9% nitrogen, 73.46% hydrogen… Pa’no mo ‘ko nahanap?” Manghuhula ako, sagot ng manghuhula. Natawa ang binata, papalapit nang papalapit sa kanyang liwanag. ‘Wag, baka mamatay ka. “Hindi ako p’wedeng mamatay,” buo’t mainam nitong sambit, “‘di ba? Itinadhana tayong dalawa.” Walang alinlangang idinantay ng kemist ang kanyang palad sa manghuhula at sumabog sila.



« SINUNDANG PAHINA    |