Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Silid II

Pasintabi kay Bong Joon-ho

Nang dumating ang araw na gigibain na ang gusali, nagkaroon ng alingasngas sa pulutong ng mga magdedemolish na mayro’n pa rin do’ng nakatira. At wala mang gustong umamin na sinuman sa kanila’y mapamahiin, nadatnan na lamang ng kapatas ang kanyang sarili no’ng umagang ‘yon na napapalibutan ng mga trabahador, alalang-alala kung totoo nga ba ang kanilang narinig. Hindi niya alam kung pa’no ‘yon nakarating sa mga ito. Basta na lamang isang gabi, bago umuwi, nakatanggap siya ng isang tawag. Hindi nagpakilala ang nasa kabilang linya, at hindi rin niya malaman kung bakit hindi man lang siya nagtanong, at nang ipaalam nga nito nang hindi na nagpatumpik-tumpik pa na hindi pa tuluyang abandonado ang nasabing lugar ay gano’n di’t wala niyang kaabug-abog na ibinaba ang telepono’t ipinagpaliban na ang anumang pag-uusisa at sa isang banda, pagtataka. Bago na lamang matulog, pagkahilamos at pagkasipilyo at pagkakaskas sa animo hindi na mabakbak-bakbak na puti ng semento sa kanyang balat, do’n lamang niya ‘yon muling naalala, hindi na parang sumagi kun’di para lamang dumulas, at wala sa sarili, habang sinasalat-salat ang lambot ng kumot na kahit pa man anong alinsanga’y ibinalatay na niya sa kanyang katawan nang sa gayo’y makaramdam man lamang ng kahit na kaunting lamyos, ikinuwento niya ito sa kanyang nobya. Umabót ‘to’t may tinanggal sa kanyang pisngi. “Taas, baba?” tanong nito, na ang tura’y ang magkadikit na hinlalaki at hintuturo. “Humiling ka.” Pumikit siya’t humiling. “Hipan mo.” Hinipan niya. At pagkatapos dumilat. Nagtaas siya ng kamay para pakalmahin ang kanyang mga tauhan pero bago pa man siya makapagsimula, mayro’n nang sumabad: “Boss Atoy, akala ko ba nasarbey na ‘to?” Nasarbey na nga, Gil, ang isasagot na sana niya pero may humabol, “Hindi na namin trabaho ‘yan, ‘pag gan’yan, dagdagan ‘nyo sahod namin.” Kong, wala namang nagsabing kayo ang tatrabaho. “Sa ‘min, an’tigas ng ulo no’ng kontraktor, binawalan na ngang itumba ‘yong mangga sa gitna ng kalsada, tinumba pa rin. Ayon, ‘yong pumutol no’ng puno, lumobo paa, namaga, gan’to kalaki.” At iminuwestra pa ‘yon ni Rommel. Lumuwag ang kumpol at umurong isa-isa ang mga obrero, isa-isa, hanggang kaharap na lang niya si Rommel, ang pinakabata sa lahat. Bagamat wala naman talaga sa kanila ang aalis, nakita niyang gumuhit na ang mga ‘to ng linya ng kung hanggang saan lamang sila p’wedeng lumapit, at ang iba pa nga’y kung kailan lang p’wedeng tingna’t duruin ang gusali. Gusto niyang kutusan ang binata, kun’di lang ‘to naka-hardhat. “Ikaw tumawag sa ‘kin, ‘no, sa’n mo ba napagkukukuha ‘yan?” “May dinala ‘kong bebot dito no’ng isang gabi, tsip, tapos, pramis, bigla na lang kaming may narinig na tugtog –” Pinatigil niya ‘to do’n pa lang at inabután ng isang istik ng sigarilyo. Kapwa sila sabay napatingala sa magkakatabing housing kompleks na ngayo’y ‘di mo na alam kung sa’n nagtatagpo ang kongkreto ng pader at ang mga lumot at ang mga baging na nagsikapit sa tagiliran na para bang ‘yon na lamang ang tanging tukod na nagtataguyod upang ‘wag itong magsitumba. Aba’y kung gano’n nga, magdadamo na lang sila. Inapakan ni Atoy ang kanyang sigarilyo. Hindi na niya nilingon si Rommel, pero nang tumawag ‘tong “Uy, boss –” na parang piniga sa bayag, alam niyang susubukan sana siya nitong awatin kung ‘di lang siya mas malaki rito’t kayang-kaya ‘tong ibalibag. Ayaw na niya ng gulo. Kung walang gagawa, siya ang gagawa, kung nag-syortkat ang kontraktor, hindi naman p’wedeng pababayaan na lang niyang may madisgrasya – at paghakbang sa unang baitang, umaligasgas ang karayom sa isang plaka ng gramafono. Sinusundan siya nitong awit at nag-isip siya nang maigi: kung titigil siya sa pag-akyat, paniguradong mas lalong matataranta ang mga trabahador na alam niyang nagsama-sama na muli sa bungad ng gusali para siya tanawin, ngunit kung magpapatuloy siya, ano naman kaya ang ibabalita niya sa mga ‘to pagbaba? Pinihit ng drayber ng taksi ang dial ng radyo, puno ng istatik; sumapaw sa boses ng anawnser ang natutunaw na boses ni Sarah Vaughan, sa simula ng kanta nito tungkol sa tag-init. Gusto niya ‘tong ipahina pero bakit? Abuhin ang araw at umaambun-ambon, kaya ba para siyang nalito’t naligalig? Gusto na niyang mag-alis ng sapatos, ang totoo, humiga sa sarili niyang kama pero tinawagan siya ng kanyang nobya dahil may natagpuan ‘tong pugad ng putakti sa kusina. At para nga bang hindi naputol ang kanta, pag-ibis na pag-ibis niya sa elevator, mula sa dulo ng pasilyo kung sa’n naro’n ang yunit nito, dinig na dinig niya – at madali ang mabuhay/ mga isda’y nagsisilundagan – at pagpasok gamit ang susi na binigay nito sa kanya no’ng kanyang kaarawan, wala siya ro’ng nadatnan, liban sa bumibirit na isteryo. Pinatay niya ‘to sa gitna nang papalapit na crescendo at pagbaling, nadapurak niya ang lalagyan ng CD. Nagmarka sa dyaket ang tulis ng plastik kung sa’n ‘to nagbitak, sa mukha ng babaeng mang-aawit. Hindi niya ‘yon pinulot, “Des?” Nagulat siya nang bigla ‘tong sumagot, “Nagdidilig.” Pupuntahan na sana niya ’to pero sa halip, naghagilap siya ng pandikit; saglit niyang nakaligta’n kung bakit siya nando’n. Kumatok si Atoy. At pagkayari’y tumalikod. Dito ba talaga nanggaling ang kanta, dahil pagtungtong niya sa palapag, huminto ‘to’t ang umaalingawngaw na lang ay ang maliliit na bato sa ilalim ng kanyang bota. Tumawa siya; panigurado rin pagbaba, magtatawanan sila ng kanyang mga kasamahan, hindi totoo, ginugudtaym lang tayo ni Rommel, wala nang nakatira rito, matagal na, matagal na matagal na, magsasampung taon, “Andito pa ‘ko.” Kumurot ang kape sa kanyang sikmura. “Buksan mo ‘to.” “Sino ka?” “Idedemolish na ‘tong gusali, nagsaskwat ka, bawal ‘yan.” “Sino ka?” “‘Pag ‘di mo ‘to binuksan, sisirain ko ‘tong pinto.” Natawa lang ang boses sa loob. Hindi na nito kailangang ispelengin, gusto mong buksan, subukan mo. Inalog ni Atoy ang hawakan. Para ‘tong nag-iisang ipin sa hilera ng bungi, ang ibang yunit halatang pin’wersang buksan at malamang pinanirahan ng mga pinalayas na lagalag, ngunit ito ngayong kaharap niya’y walang anumang bahid ng rupok. ‘Di tulad ng ibang pintong wasak o nakalaylay, mga nakasabit sa tig-iisang bisagra, nakapagkit pa rin itong pagkaigi-igi sa kuwadro, hindi man lang mauwanga’t sinelyuhan pa ‘ata mula sa loob. Kaya naman tulad ng sa pelikula, ang sunod niyang ginawa’y binunggo ito ng kanyang balikat sa pag-asang bibigay rin sa kalaunan ang kahoy ngunit pagkatapos ng pangatlong subok, sumuko na rin siya, namimilipit sa sakit; bahagya siyang nagitla nang biglang tumambad ang kanyang mga kasamahan na kanina pa pala ro’n mga nakatanghod. No’n din, nagsipanaog ang mga ‘to’t matuling nagsibalik, may bitbit nang mga barena, malyete, bareta, at kung anu-ano pang pan’tibag. Napaurong siya. “Kailan ka pa nakinig nito?” Nagpalit ng baro niya si Des sa kanyang harapan. “Kanina lang. Sale. Maganda naman, nakakaantok. Atoy, ‘yong mga putakti.” Sa katunayan, hindi takot si Des sa mga ‘to; sa katunayan, siya ang may ayaw sa mga insekto. Tilapia ang pinili nitong iluto, pampalubag sa kanya. Hindi gumana ang bareta, sumagitsit ang mantika. “Ngayon mo talaga gagawin ‘yan?” “Nagrerebolusiyon t’yan mo, narinig ko.” Tinungo niya ang maliit na balkonahe ni Des para kunin ang pang-spray na ginagamit nito sa kanyang mga halamang nakatirik sa maliliit na paso, at sa dilim, naaninag niya ang berdeng tangkay na sa wakas sinulputan na ng dalawang dahon mula no’ng huli niyang bisita, habang ang iba na tulad pa rin ng mga nauna’y ilang palit na’t lumipas ay isa o dalawang araw lang ang itinagal bago manguluntoy at malanta. Sinabi na niya kasing kailangan ng mga ‘to ng liwanag, pero ang sagot lang nito sa kanya, “Bakit sa basement, may tumubong bulaklak?” Napaisip tuloy si Atoy habang namimili ng shampoo sa banyo, oo nga naman, pa’no nga kaya ‘yon, at saan galing ang mga putakti gayong kabit-kabit na mga semento’t bakal ang iniinugan nila? Nangalisag siya nang maisip kung ano ang nasa likod ng mga pader, ang nasa ilalim ng sahig, ang mga naninirahan sa taas ng kisame. Inalog niya ang botelyang may pinakamaraming laman, siyang siguradong hindi kadalasang ginagamit ni Des, tinaktak ang shampoo’t inihalo sa tubig. Kung p’wede lang patulugin si Des sa bahay niya, tatadyakan na lang niya ang pugad at saka tatakbo palabas, pero hindi, naro’n ang kanyang tiyuhin, ang asawa nito’t ang kanyang pinsan, nakikituloy at nakaabang na makasakay sa barko ang kanilang anak. Hindi niya alam kung gagana ‘to. Lahat nang sumubok, humihingal, hindi ang barena, hindi ang malyete, hindi rin ang pinaorder pa niyang chainsaw na dahil sa pagtataka ng kontraktor kung para saa’t anong silbi’y nagpasyang bumisita ro’n. “Nagsungit ba?” tanong niya kay Gil. “Oo, boss.” “Istorbo ka kasi, busy ‘yong nagdyadyakol.” Natawa ang mga nakarinig. “Sige, merienda na kayo.” Naiwan si Rommel, sumandal siya sa pinto, “Parang kailangan muna natin ‘tong ipabendisiyon, tsip,” at sa kabila, naramdaman niyang mayro’n ding sumandal. “Sige na, Rommel.” Nag-krus muna ‘to bago umalis. Kanina pa niya ‘yon naisip, nang mapansin niyang may butas na silipán ang pinto, baka p’wede niya ‘yong bakbakin. Inilabas niya ang kanyang Swiss Army Knife. Sinungkit niya ang pagitan ng salamin at ng kahoy. Bumigay! Animo siya sinaniban, unti-unti, ‘ginalaw niya ang tulis paikot hanggang sa tuluyan na nga iyong matungkab! Sumilip siya sa nakapasak na silindro at walang ibang nakita kun’di ang refleksiyon ng liwanag sa salamin pero hindi busilak na puti o dilaw, kun’di pula. Pulang pintura, pulang kurtina? Itutulak na sana niya ang silindro para makagawa na ng butas nang maalala niyang nakasandal pa rin ang nasa kabila ng pinto. “P’wedeng lumayo ka sandali?” Papalayong yabag. Gamit ang maliit na disturnilyador, inasinta ni Atoy ang butas at pabigla iyong itinarak. Tumurit ang silindro’t mula sa loob, tumingaling ang malilinggit na mga bakal sa sahig. Hindi niya alam kung bakit sabik na sabik siya, takang-taka na dapat ikinagagalit niya ‘tong sandali dahil malamang ay mauurong bukas o sa kamakalawa ang dapat sana’y isang araw lang na trabaho, pero ano’t pigil-hininga siyang sumilip. “Tao po?” Inayos niya ang kanyang puwesto, biniling-biling ang ulo nang hindi inaalis ang mata sa butas. Pula, wala siyang ibang makita kun’di pula. At may amoy. Itinapat niya sa butas ang isang butas ng kanyang ilong, suminghot, pilit iyong kinikilala. Tama kaya ang kanyang hinala? Pero saka na! Inilapit niya ang kanyang labi sa butas. “Idedemolish na ‘tong gusali, matatabunan ka ‘pag hindi ka umalis.” “Kung kaya ko lang.” Kung kaya ko lang; pinigilan niyang tumawa. “Madali lang, lumapit ka uli sa pinto, ilagay mo ‘yong kamay mo sa lock, pihitin mo, bingo, makakalabas ka na.” “Kung gano’n lang kadali –” Hinampas niya nang hinampas ang pinto, “Putang ina mo, buksan mo ‘tong pinto!” “Atoy, ano pang hinihintay mo?” Nakahain na pero hindi pa rin niya napupusitsitan ng tinunaw na shampoo ang pugad. “Atoy?” Nagulat siya, “Pa’no mo alam pangalan ko?” “Kanina, sa mga tauhan mo. Alam ko gusto ka nila.” “Ikaw, ayaw ka nila, pinatatagal mo trabaho. ‘Pag hindi ka lumabas, hindi ‘to madedemolish, hindi sila sasahod!” “Pero hindi ko nga alam kung pa’no.” Narinig niya ulit tawagin ni Des ang kanyang pangalan. Hindi iyon hugong mula sa aircon sa kabila, hugong ‘yon ng maliliit na pakpak ng mga putakti. Pinapunta siya rito ni Des kasi hindi nito kayang siya mismo ang pumatay, pabayaan ang ulam na langgamin, ‘wag hatawin ang mga ipis, kinakain ng gagamba ang mga kulisap, at ang kulisap, minsan, inurirat na rin niya rito, anong silbi ng mga kulisap na umaali-aligid sa ilaw, ng niknik na ang alam lang, kumagat? “Basta, Atoy, lahat mayro’ng silbi.” Nilubugan na sila ng araw at nagsiuwian na ang mga trabahador. “Pinagtawanan ko lang siya.” Pinagtawanan niya si Rommel pagbalik nitong dala ang pinabili niyang alak. “Maligno kausap ‘nyo.” Maligno? Pinadyak niya ang kanyang bota sa sahig, hinampas ang mga pader. “Anong nakikita mo, Rommel?” “Wala.” “Alikabok. Umaalipugpog. Hindi mo nakikita pero and’yan, parang ‘yong nasa loob,” tumuktok si Atoy, “magsalita ka, hoy!” “Mag-ingat ka pag-uwi, Rommel.” Napakaripas ng takbo ang binata, gusto sana niya ‘tong tagayan. “Bakit mo siya pinagtawanan?” Umiling siya na para bang nakikita siya nito. “Patugtugin mo ulit, ‘yong pinapatugtog mo kanina.” Lumagutok ang ulo ng tilapia sa pagitan ng kanyang mga labi habang winawalis ni Des ang mga patay na putakti. Pagkatapos, umupo ito sa kanyang harapan. “Atoy, pakasal na kaya tayo?” Puno ang silid ng mga gamit; puno ito ng mga bagay na kailangan, ng makapagpapalamig kapag mainit, ng sisindihan kapag nagugutom, ng papatungan, ng mga babasahin, ng mga p’wedeng paglibangan, ng mga samu’t saring bagay na sapat. Para siyang natinik na kahit hindi naman. Tinitigan niya nang maigi si Des; bumunghalit ito ng tawa. Hindi niya alam kung bakit para siya nitong pinagdamutang magpaliwanag. “Ano naman ba kasi ang isasagot mo sa kanya?” “Sasabihin ko, oo, sige, pakasal na tayo.” At naisip niya pagkayaring kumain ang kanyang pinsan at ang una nitong beses na pag-apak sa barko. Ang pasilyo nitong lalakaran, makitid at natatanglawan lamang ng mapusyaw na liwanag, at papasok siya sa isang maliit na silid kung saan, dalawa, tatlo, o minsan pa nga’y lima silang magsasama-sama; amoy ng kalawang at ng alat, ng mga siniksik na panghi at anghit, nakulob na yosi, o pinagdyakulang bimpo, mga pilit ‘tinatago ng sabon, pulbos, deodorant; o marahil ng pinabanguhang liham mula sa isang sinisinta. O minsan hindi na. Sa taas ang lawak, ang langit at ang dagat. “Nag-aaksaya ka ng tubig,” sabi ni Des sabay patay ng gripo’t kanina pa pala malinis ang kanyang plato. Inakap siya nito mula sa likod. “Wala ka rito ngayon –” “Andito lang ako, mahal.” Hindi na siya nito pinauwi’t do’n na pinatulog, kasama ng isang halik sa nanlalagkit niyang batok. Ang hindi namalayan ni Atoy, ilang araw na pala siyang naro’n. Kung ikakasal sila ni Des, ang sabi niya sa boses sa kabilang pinto, kung siya ang tatanungin, kahit hindi magarbo, kahit hindi sa simbahan, kahit sa city hall lang, sa huwes, at iimbatahin ni Des ang kanyang mga kaibigan sa drugstore, at iimbatahin naman niya sina Gil, Kong, at Rommel sa pagtitipon. Ang resepsiyon, sa isang restawran, at pagkatapos, kung gusto pa nilang magkantahan, magbibidyoke sila, kapwa naman sila mahilig kumanta, at ‘pag pagod na talaga sila, iiwan nila ang mga ‘to para ituloy ang kasiyahan, at baka nga isa pa sa kanila ang magkakursunadaha’t magkatuluyan, tulad nilang dalawa na nagkakilala rin sa kasal ni Gil, at uuwi sila, hindi sila aalis ng Siyudad, ‘di na kailangan pang lumayo, at do’n, sa kuwartong iyon sila hihiga, si Des suot pa rin ang kanyang bestidang puti, magara ang tabas, may bulaklak na nakaipit sa tenga, at siya, nakasando pa ri’t naka-slacks, ‘di na makukuha pang mahubad ang sapatos at sabay silang hihimbing. “Ikaw ba?” “Ano ‘ko?” “Binalak mong magpakasal?” “Dati. Bago ‘to. Bago ‘ko manakawan. Bago ‘ko bumili ng kandado para hindi na ulit ako pasukin ng magnanakaw.” Naramdaman ni Atoy na palayo nang palayo ang tinig; lumapit ‘to sa bintana, sa kanyang tantiya. Pang-ilang umaga na ba? Kamusta na kaya si Des? “Atoy. Parating na sila.” At sa huling pagkakataon, umakyat si Rommel para hikayatin siyang umalis dahil narito na ang taning, wala na talagang palugid, umalis man ang nasa loob ng silid o hindi, idedemolish na nila ang gusali. “Walang tao d’yan, tsip.” Dahil oo nga naman, tulad ng iba pang mga paliwanag, wala pang nakakakita rito, ni anino man lang na sumilip sa bintana. “Pero narinig ‘nyo siya, ‘di ba? Narinig ‘nyo.” Kaharap na niya ngayon pati sina Gil at Kong at ang kontraktor, nakakurbata’t anong linis ng polong longislib. May kausap ‘to sa selpown na maya-maya’y inabót din sa kanya, “Si Des.” “Des?” “Kailan ka uuwi, Atoy? May namulaklak nang halaman!” “Malapit na.” “Uwian mo ‘ko ng bubuyog.” Ibinaba niya ang telepono. “And’yan ka pa ba?” “Andito pa ‘ko.” “Hinihintay ka na ni Des.” Pinili niya ang taas bago sila matulog. Ibinuka ni Des ang kanina’y magkahinang niyang mga daliri. Natawa ‘to, nasa hinlalaki ang kinurot nitong naligaw na pilik-mata sa kanyang pisngi. Umayos siya ng higa. Gustung-gusto niya ang kutsong ‘to, hindi dahil sa regalo niya kun’di dahil nando’n siya, ngayon, katawan. Inakap siya ni Des at mas kinuyumos pa siya ng lamyos. “Anong hiniling mo?” “Hindi naman magkakatotoo, ‘di ba?” Ibinulong niya. Oo, hinihintay siya ni Des, ang kanyang tinig, nakakabibe sa loob ng tenga, pero kailangan, kailangang makapasok! May dumagundong at mula sa kanyang kinatatayuan natanaw niya ang unang gusali ng kompleks na binukadkaran ng usok mula sa ilalim at animo gawa lamang sa tisa’t hindi sa bakal at salamin at semento, abo itong dahan-dahang nalugmok. Pihado siyang makabababa, ipinangako niya sa kanyang mga kaibigan, aábot siya alam niya, sinabi niya kay Des na uuwi siya, kaya naman kesahodang masugatan o mabalian, pipilitin niya. Tinadyakan niya ang pinto, at nakatingala ang mga trabahador nang may takip ang mga mukha, si Rommel, nananalangin, habang ang kontraktor nasa malayo, katabi ang mga nakabili sa lupa. “Ano ba kasing itatayo nila rito?” tanong ng boses sa loob na alam niyang hindi lamang boses, buo’t may laman at buto. “Carpark. Kailangan nila ng carpark.” Gumuho na ang pangatlong gusali, pan’lima ito, at nabakli ang buol ni Atoy at siya ay nagtagumpay. Isinigaw niya, sa kulog at sabog ng pang-apat, “Nabuksan ko, sandali lang, hintayin ‘nyo kami, bababa kami!” Kumibot ang paa ng huling putakting nalaglag. Inasahan niya ang dawag, isang maliit na gubat, o kaya naman mga bagong nilalang, mga insektong ‘sinlaki ng aso o baboy ang biglang susunggab sa kanya o kung hindi kahit man lang mga daga, at do’n ang hari ay ang kanyang kausap, at ito, ang maliit na nasasakupan – pero wala, hindi. Umalagwa lamang ang samyo ng isang pagkalaki-laking rosas. Puno ng usok ang pasilyo at sa bawat paghinga, nanunuot, sinesemento ang kanyang baga. Sa pintuan, inabot ni Atoy ang kanyang palad. Yumayanig ang buong paligid.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »