Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Seismometer

Nagtala ang seismometer nang pinakamalakas sa pinakamalakas na lindol ngunit wala sinuman sa opisina ang nakapansin. Nilapitan siya ng nago-OJT para magtanong kung gusto ba niya ng kape. Kape? Aanhin niya ang kape gayong kalulundag pa lang ng karayom sa papel, hindi mo ba napansin, ang nais niyang idiin, ngunit para lang siya ro’ng estatwa, nakaturo sa aparato; malayo na ang nago-OJT’t may iba nang kausap. May protokol para sa mga bagay na ‘to pero hindi para rito. Ipaalam kaya niya ‘to sa isang kasamahan? Ano ngayon, wala namang tumunog na alarma, ni ang mga computer hindi nagpakawala ng babala. Sa nangangasiwa kaya? Wala ‘to sa kanyang opisina, may meeting siguro, kumain sa labas. O baka dapat, dumiretso na lang siya sa disaster coordinating council – pero para ano, para sabihing, “Lumindol, napansin ‘nyo?” Umupo siya sa isang sulok, animo batang nagmamaktol; kung may lalapit sa aparato’t magigitla, do’n lamang siya magpapakita ng reaksiyon – o ng interes – ngunit hanggang wala – tumigtig ang lupa: Dumasog ang mga kabinet, nagbagsakan ang mga nakasalansang papel, kumislap ang ilaw, at nagliparan ang mga makina, ang kape sa mga tasa’t mug nagsiligwak – nabilang niya, trenta segundo – at nang matapos ang pagwasiwas, no’ng akala niyang pagdilat niya’y nasa ilalim na siya ng mga bato’t kongkreto, ang muling bumati sa kanya’y ang monotonong huni ng aircon, ang puti ng bombilya’t sitsit ng printer, ngunit wala, ni isa, sa kanyang mga kaopisina ang no’y nagsitinag, patuloy lamang sa kanilang pagmamatyag sa mga monitor at graf, samantalang napakapit na siya sa may pintuan kung sa’n sa sulok no’y nagkalamat, liban marahil sa sekreteryang pumulot ng mga nahulog na ballpen mula sa natabig na holder, at nag-aya sa isang kasamahang “Tara, baba na tayo sa canteen,” para mag-merienda.

*

Nanonood no’n ang batang seismolohista ng Sound of Music kasama ng kanyang kapatid nang biglang lumindol. Ang totoo’y hindi niya ‘to naramdaman, nakatutok na kay Maria at sa pagbirit nito sa buról habang hinahagod ng camera ang plantsadong tanawin ng Alps. Lumitaw ang kanyang ama’t napakapit sa pintuan, “Lumilindol,” ang sabi. Nagtatarang tuloy ang batang seismolohista, nagparuo’t parito sa kabuuan ng silid, “Anong gagawin natin!” habang ang nakababata naman niyang kapatid ay nagpalinga-linga lamang, animo hinahanap ang binanggit na lindol ng ama; nahimasamasan lamang siya nang sabihan siya nitong tumahimik ka. Naputol na ang kuryente’t dilim na lamang ang nasa iskrin. Kapwa tangan sa kamay, inilabas sila ng kanilang ama’t do’n sa kalsada sila nagkita-kitang magkakapitbahay, “Naramdaman mo ba? Naramdaman mo ba?” ang panay tanong nila sa isa’t isa. Nagtaka ang bata na no’y wala pang kaalam-alam na magiging isa siyang siesmolohista; paano, paano siya makikibahagi sa kanilang karanasan kung siya mismo, sa kanyang sarili’y nais niyang amining hindi niya alam kung anong kanyang dapat na dinanas? Tumango na lamang siya nang siya na ang tanungin, opo naramdaman ko po. Kinagabihan, sa dilim ng kandila, habang naghahapunan, binalaan sila ng kanilang ama na isa ‘to sa mga senyales na malapit na ngang magtapos ang daigdig at hindi na nila maaabutan pa ang taong 2000; napaiyak ang batang seismolohista, ngunit kung bakit siya naiyak, kung anong ibig sabihin ng “matatapos na ang daigdig”, hindi niya watas. Ginawa na lamang biro ang kanyang pagtatarang para maibsan ang pangamba, ngunit lalo siyang naiyak dahil alam niyang tutuksuhin siya ng mga magulang at kapatid hanggang siya’y tumanda.

*

Pag-uwi galing sa sentro ng vulkanolohiya, sinalubong siya ng kanyang anak na nakakuha ng perpektong marka sa reading, habang ang isa nama’y nagsumbong na nadapa siya’t ‘di naman naiyak nang lagyan ng nurse ng alkohol ang sugat, habang ang panganay na malapit nang tuliin sa darating na summer ay ‘di na humalik o nangumusta at nakipag-apir na lamang. Hindi siya agad nagbihis, ‘di rin tinanong sa kanyang panganay kung nakapagsaing ka na ba o inurirat man lang kung anong gustong ulam ng kanyang mga uding, bagkus, umupo siya ka’gad sa harapan ng TV. Naglipat siya nang naglipat ng tsanel. Cartoons, sweepstakes, angelus, mga Hapon, at kung may balita man ang balita, walang balita tungkol sa pinakamalakas sa pinakamalakas na lindol na naitala. Mula sa kanyang bag, inilatag niya sa hapagkainan ang perforated na papel na pinunit niya mula sa seismometer; pinalibutan siya no’n din ng kanyang mga anak. “Ano ‘yan?” tanong ng anak na ‘di umiyak nang maalkohalan, “Patingin,” sabi ng nakakuha ng perpektong marka sa reading at nakipaggitgitan sa panganay na malapit nang tuliin. Pinanood niya ang mga ‘tong pagmunian ang bagay na hindi naman talaga nila nauunawaan; alam niyang hindi niya ‘yon dapat ginawa, ‘di niya dapat inuwi ang papel ngunit pagkayari niyang masaksihan ang pag-uga na wala ni isa man lang sa mga kaopisina niya ang nakapansi’y ‘yon lang ang nakita niyang pinakamatamang gawin. At nang maalala nga niya ang bigwas ng lupa, no’n lang niya napansing tumabingi pala ang kanilang tahanan – hindi lamang tumabingi, lumubog pa nga ang isang bahagi’t kita sa hiwa ng bubong ang mga bituin. Amoy ng nasusunog na kable, ng papalapit na hapunan – asa’n na kaya ang kanyang asawa? Tatawagan na sana niya ‘to nang matanaw niya sa tapat ang paghinto ng isang taksi, Living Well. Sinalubong niya ang kanyang misis ngunit nang kakawit na sana ang kanyang mga kamay para tulungan ‘to sa mga bitbit na pinamili, natigilan siya sa namalas na tanawin, ‘di na nakuha pang marinig ang pagpapaumanhin ng asawa, na kung gusto na lang nila’y umorder na lang sila ng pizza. Giba ang kalahati ng pader ng kanilang kapitbahay at ang bahay sa tapat nila’y nagsambulat ng apoy, kasabay ng mga ningas mula sa mga nagsibagsakang poste ng kuryente; kumaway ang isang napadaang kapitbahay na inilalakad ang alaga nitong shih-tzu. Bago tuluyang pumasok ng tarangkahan, nilingon siya ng kanyang misis at nagtanong, “May problema ba?” Anong kanyang itutugon? Kung sabihin niyang mayro’n, mapanghahawakan ba niya ‘to’t mapatutunayan, at kung wala, “Wala” ang tangi niyang naisagot, sunod ng “Susunod ako.” Sinipat niya muna ang kanyang paligid at ang taimtim nitong kapayapaan, “Ako nga lamang at wala nang iba.” Paghakbang niya, tulad ng kanyang inalintana, bumira na ang aftershock, aftershock na kadalasa’y mas malakas pa sa aktuwal, at ito, mula pa ‘ka mo sa pinakamalakas sa pinakamalakas na lindol na naitala, at nilamon ang seismolohista ng lupa.

*

Hanggang isang gabi naalimpungatan ang seismolohistang-hindi-na-bata dahil sa isa na namang lindol. “Naramdaman mo kagabi?” tanong ng kanyang ama kinaumagahan, at pagsapit muli ng gabi, nagka-Luzon-wide blackout naman – ito na ba ‘yon, ang ipinangakong Millenium bug na magbabalik sa petsa ng mga computer sa zero, ang ‘di matagumpay na pagre-restart at pagguho ng sistema, ang pamamayani ng gulo? Hindi. May laksa-laksang dikya lang ang bumara sa isang planta. Disyembre 1999, ilang araw na lang, Bagong Taon na.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »