Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Mandelbrot Set

Nagising si Anna sa tunog ng sipol. Marami akong bagay na hindi kailangan, ang unang sumagi sa kanyang isip. Pagsilip niya sa bintana, naro’n ang kanyang asawa, si Bong, sumisipol habang winawalis ang mga natuyong dahon sa bakuran, galing sa punong walang alam gawin kun’di maglagas. Saglit siyang nagtaka kung bakit siya nakahiga sa sopa sa sala at napagtantong, oo nga pala, kagabi – at pagbango’y nagulantang nang bumagsak sa sahig ang nakakandong sa kanyang laptop. Kung sa ibang pagkakataon, oo, matataranta siya pero hindi ngayon; ano ‘yong sinisipol ni Bong?, na sinabayan niya upang mabatid ang pamagat ngunit wala rin namang pinatunguhan. Pinulot niya ang kanyang laptop; gumana nang kanyang pindutin. Dumaplis sa wari na kapag ibinalibag kaya niya ‘to, gagana pa kaya? Saka na, nangyari at bumalik. Dahil naka-standby mode, lumitaw ang huli niyang ginagawa. Naro’n ang mga graph at chart, ang powerpoint presentation, at ang babasahin niyang talumpati bukas. Narinig niyang pumasok si Bong sa kusina – a, ang tanyag kong kusinero, agad niya ‘tong tinungo ngunit napatigil siya sa may likmuan: Hindi si Bong ang pumasok kun’di isang ‘di kilalang lalaki. Ito rin kaya ang sumisipol kanina?, at tila baga sagot, itinuloy nito ang pagsipol, hindi sa simula ng kanta kun’di sa kung sa’n ito natapos bago pumasok sa kanilang bahay nang walang paalam. Sa kanyang kinatatayuan, pinagmasdan niya ang lalaki, sanay na sanay na sa lugar. Alam nito kung sa’n nakalagay ang mga kasangkapan, alam kung sa’n kukunin ang mga panggisa, ang tamang lakas ng apoy sa kalan, kung kailan sasahugan ang nilulutong ulam. Lumayo siya’t tinungo na lamang ang silid nilang mag-asawa; hindi niya kailangang mag-alala – at bakit pa? – hanggang langhap niya ang amoy ng niluluto, alam niyang hindi ito guni-guning basta-basta na lamang mawawala. Tama bang naghubad siya, nagtanggal ng kanyang pamasok na ‘di na niya nakuha pang tanggalin kagabi sa pagod; tama bang habang may estrangherong pinangangahasan ang kanilang kusina – ngayo’y ang komedor sa pagkalansing ng mga kubyertos – ay tinatanggal niya’t pinakakawalan mula sa pagkakatali ang kanyang buhok? Hindi niya kailangan. Tumawid siyang talop sa pasilyo papunta sa banyo. Una, hindi niya kailangan ng panahon; pangalawa, hindi niya kailangan ng direksiyon; at pangatlo, hindi niya kailangang maging maligaya. Natawa siya’t nahilam. Ligaya – aanhin ko nga ba ang ligaya, maibubulsa ko ba ‘to gaya ng barya, mapapalis gaya ng dungrit, maihuhuni gaya ng isang awit? Paikut-ikot ang pinagsabunan, naglalaho sa paagusan, ang banil na humalo sa bula, sa tinig, sa ingit, sa mantel, sa isang restaurant, tumawa si Bong nang pagkalakas-lakas at no’n lamang napansin ni Anna ang borda ‘pagkat may tumurit mula sa bunganga nito; may ikinukuwento siya rito, tungkol sa isang pagong – ano kayang nakakatawa sa pagong? – ang pinakamatandang pagong sa daigdig, pinakahuli na sa kanilang lahi; marahil, tanda pa rin nito ang saglit nang una niyang pagkakatuklas, gayundin ang pagkakatanto sa sariling kategorisasiyon; nakatatak pa rin kaya sa makunat na panangga ang sinaunang daigdig na walang ibang muwang liban sa pangil at laman? Malapad ngumiti si Bong, nakahanay na parang nililok na perlas ang pagkakaputi-puting mga ngipin, may tinga ba ‘ko, wala, kaya madalas silang magkita ng kanyang dentista. Ang borda’y hinabi – napatungan na ng nginuyang karne – upang maghugis estrella o bulaklak o ulo; hiblang nakapatong sa hibla, at hibla na gawa sa mas maliliit pang hilatsang ‘di kita ng mata, ngunit marahil ay batid ng matematika (sino bang nagtayang kaya niyang bilangin ang anghel na nakatayo sa ulo ng isang karayom?). Bihis na siya sa muli niyang paglabas at handa na ang tanghalian; o p’wedeng hapunan; o agahan; o iyong pagkain sa pagitan nang pagkain sa pagitan pa ng pinakapagitan ng pagitan; may tawag ba ro’n? Malamang hindi merienda. Ano pa ba ang mga hindi kailangan ni Anna? Hindi niya kailangang magpaumanhin, hindi niya kailangan ng kaligtasan, at mas lalong hindi niya kailangan ng kamay na tatangan sa kanyang kamay upang ganyakin siyang maglakbay. Pinagdasog siya ng upuan ng estranghero; tumingala siya at nakita niya ang kisame ng isang katedral at ang ilusiyon ng persepsiyon. “Ikaw ba si Bong, ikaw ba’ng asawa ko?” tanong ni Anna, habang sumasandok ng ginata’ng susó. “Hindi,” sagot ng lalaki, mainam gaya ng pinakamainam na kalkulasiyon. “Ano ka?” muli niyang urirat sa bisita (o baka siya ang bisita at nagbabakasakali lamang siya), at ang tugon nito, “Ako? Isa akong repetisiyon.” Pa’no mo malalaman kung ga’no na katanda ang isang puno? Sa pamamagitan ng mga konsentrikong bilog nito.




« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »