Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Bugtong

Nagkita muli sa parehong kapehan ang lalaking may pakpak at ang operadang bakla. Walang nagbago, pansin ng operadang bakla, liban sa bago nitong gupit.

“Bagay ba?” tanong ng lalaking may pakpak. Hindi niya ‘to sinagot, bagkus dumukot lang ng isang kaha ng sigarilyo mula sa mamahaling bag, at bagamat kakaunti lang kumpara sa nakasanayan ang suot na mga alahas at burloloy, may pagkatinis-tinis pa ring kalansing ang pumapailanlang.

Tinaktak ng operadang bakla ang kaha,“Bawal manigarilyo rito,” suway ng lalaking may pakpak, sumitsit ang lighter at humithit ang operada, “Mukha kang pato,” at tumayo ang lalaking may pakpak, ‘di naiwasang mahagip ng bagwis sa mukha ang kasama. Kahit hindi sundan, alam ng operadang bakla kung sa’n ‘to nagpunta. Pagbalik, ubos na ang kaha ng sigarilyo; pagbalik, may dala na ‘tong isang supot ng chesa. Nagbukas ‘to ng isa.

“Hindi ako kumakain ng chalk.” Sinapo ng operadang bakla ang kanyang suso. “Notice anything?”

“Bato?”

“That’s the point, silly. Tumaba ka.”

“Naputulan ako ng kuryente.”

“Oh you poor bean, what did I tell you? ‘Pag nagigipit, gamitin ang pinakamalaking asset –”

“Kuya!”

Naglabas muli ng isang kaha ang operadang bakla – punung-puno na ng usok ang buong kapeha’t halos wala nang magkakitaan.

“May susunduin ako sa MRT ng four. Spill.”

Tumanghod lamang ang lalaking may pakpak sa may bintana; papalayu na nang papalayo ang kalansing. “Ba’t sa tingin mo lumingon pa siya?”

Lumindol nang bahagya.

“Nagkita na naman kayo ni O, ‘no?”

“Hindi ba siya niloko, kasi kung ako ‘yon –”

“Anong number ni O?”

Kumulog, kumidlat.

“Ba’t ko ibibigay sa’yo?”

“Hijo de puta –”

“May eyebags ka.”

“How dare you!” at mabilis na ‘nilabas ng operadang bakla ang kanyang compact mirror.

“May bugtong ako –”

“Everything’s a fucking game! Ano, hinga lang ng hinga –”

“Malambot, hindi tinapay, matigas, hindi bato –”

“Palit kaya tayo, just for once, and see how it fucking feels. Tingin mo paruparo, tingin mo bulaklak –”

“Kumikibot parang daga, kumikitil kapag humupa –”

“Oh no. Nabubulok sila, inuuod, nagiging lupa –”

“Ano ‘ko?”

Napatigil ang operadang bakla’t napatitig nang maigi sa kapatid; bumaling ‘to sa kanya’t mula sa pagkaitim-itim nitong mga mata, pinanood niya ang paglingon ng isang lalaki bago ‘to tuluyang tumalon sa riles upang salubungin ang paparating na tren. Sumambulat sa katauhan ng lalaking may pakpak ang pagkakalasug-lasog, ang pagkakabali-bali, ang bawat lagutok at pisil ng katawang humalik at kumapit sa bakal ng gulong at sumuot sa ilalim ng makina upang ‘di na mapag-iba pa ang dugo sa langis; habang no’n din nama’y nanuot sa operadang bakla ang pagkakalipol tungo sa iisang butil ng gunitang magkasabay na sumagi’t nabura, animo kinang sa mata. Kapwa nakatanghod na ngayon sa baba ng riles ang lalaking may pakpak at ang operadang bakla at sa kanilang paligid, ang galaw ng lahat ng pasahero’t nilalang, pinaghimay-himay, huling-huli nila’t tangan-tangan.

Sumulyap ang lalaking may pakpak sa kanyang kuya.

“I swear,” hinubad ng operadang bakla ang kanyang mamahaling sapatos, “balang-araw, papatayin kita,” at pinahawak ‘to sa lalaking may pakpak.

Paglundag, mabilis na dinaluhong ng operadang bakla ang lusak at nalalabing bahagi ng isang hindi-na-si O; ibinaon niya ang kanyang mga kamay sa itim at pula at hinalukay mula ro’n ang tumitibok pa rin nitong puso. Sa kapehan, nasa pagitan na ng magkapatid ang puso ni O; sa istasiyon ng tren, no’n pa lang nagsisipaghangusan ang mga pasahero’t mga pilit pinauurong ng mga guwardiya, ang iba nagtititili, ang iba napatunganga, ang iba at ang iba kalilikha pa lamang ng sari-sarili nilang mga bersiyon ng nakita, at ang iba’y mananaginip, at ang iba’y babangungutin, at ang iba’y itatabi na lamang ‘yon sa ubod ng kanilang mga alaala upang muli lang din namang sumagi, tulad nitong nagtitinda ng mga chesa, ‘di ga’nong mabenta. Pero may bibili no’n; ipampapasalubong niya ‘to sa kanyang kapareha pag-uwi dahil ito lang ‘ata ang kilala niyang mahilig; kakagatan ng kapareha ang chesa, hindi mapapansing may dugong kumulapol sa bahaging nakagatan; sasandal siya rito pagkayari nitong magsalang ng isang pelikulang katatakutan; hindi man pahalata’y anong kabog ng dibdib ng kanyang iniibig at makakatulog siya sa ritmo nito; hanggang sa mapansin ng kanyang kapareha na siya’y himbing at bubuhatin siya nito papunta sa kanilang kuwarto, papalayo nang papalayo sa sigaw ng babaeng hinahabol ng mamamatay-tao; at mapapanaginipan niya ang chesa na nang kanyang kagata’y naging isang tuyo’t pagkalawak-lawak na disiyerto sa kanyang dila, ang bigla ro’ng pagkakalatag ng riles at ang tren na huminto’t nabalutan na lamang ng seda, kasama ng mga pasahero nito’t nang umalagwa sa kukun ay isa nang mariposa; at nang hubaran niya ang kanyang kaparehang biglang lumitaw sa kanyang tabi, gamit ang kanyang ipin, pinagtatatastas ang sinulid na nakatistis sa yaring dibdib at saka ro’n inilagay ang pusong inabót sa kanya ng isang lalaking may pakpak, kung sa’n ‘to nanggaling basta ando’n na lamang; sa kanyang paggising, anong hinayang niya’t panaginip lamang ‘yon at naabutan niya ang kanyang kaparehang nakatitig sa sulok ng kisame, may kape na’t agahang nakahain.

“Hindi ka ba nagtataka?” tanong nito.

“Saan?”

“Tumutulo ‘yong kisame.”

Pagbalik natin sa kapehan, wala na ang magkapatid, naro’n na lamang ang supot ng chesa. Dumaan ang isang naliligaw na kostumer na no’y bigla nang nahanap ang kanyang daan nang mahawi ang usok. Pumasok ang guwardiya para imisin ang ilang mga mesa at napahinto nang makita ang mga nakabuyangyang na prutas. May bahid ng pula ang hawakan ng puting supot, may bahagya ring amoy ng langis ngunit para lang nalingat, at matapos magpalinga-linga, nagbiyak siya ng isa. Pagkagat, may pumintig, sa sinapupunan ng kanyang asawa bago umalis kanina, nagpabaon ito ng bugtong: “Malambot, hindi tinapay, matigas, hindi bato; kumikibot parang daga, kumikitil kapag humupa. Ano ‘ko?” Isang saglit nang pagdududa, may dumating nga ba kaninang lalaking may pakpak, hindi naman lasang tisa ‘tong chesa. Napangisi ang guwardiya sa kalansing, may nagkakantian sa isang sulok.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »