Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Aparador

Ibinilad niya sa araw ang mga damit. Pagkayari’y tinungo ang kanyang aparador para pumili ng susuotin. Amoy ito ng neptalina, namana pa kasi niya sa ina. Kagabi pa niya napagmuniang iterno ang bagong-biling cardigan sa pin-stripe niyang slacks ngunit inisip niya ang biyahe papuntang opisina; kay tindi pa man din ng sikat ng araw. Dahil Biyernes at p’wedeng mag-civilian, mas mainam marahil ‘yong medyo kupas at medyo manipis na blusang may sumasabog na makukulay na kulut-kulot sa kaliwang manggas, mahangin naman. Ipapares niya ‘to sa puting palda, at para mas magaan, sa kanyang flats. Bagay. Paghatak sa hanger, nagulat siya nang biglang bumigay ang kahoy na sabitan. Gumawa ito ng tunog sa sahig, animo nakalawit na butong bali. Dali niyang siniyasat ang dulong nakakapit pa rin sa loob: hindi ito inaanay, hindi rin naman binubukbok, napalakas lang siguro talaga ng puwersa sa paghigít. Kakalasin na sana niya ‘to – nang may kung ano siyang nahagip sa sulok ng kisame ng kabinet; makináng. Kumuha siya ng bangkông tutungtunga’t sinulyapan ang orasan; may oras pa para magdiwara. Tapat ng nakangangang damítan, nakaramdam siya ng kaunting katangahan: natural, hindi niya ‘to makikita, tinabingan niya ang liwanag. Kaya naghanap siya ng flashlight. Nang makita niya ang flashlight, wala naman ‘tong baterya, kaya naghanap na lang siya ng kandila. At nang makakita siya ng ‘sang supot ng kandilang ‘di man lamang ‘ata nagamit no’ng undas – nakalimutan ba niya? – wala naman siyang posporong mahagilap. Ilaw na lang siguro ng cellphone; malabo ‘to nang kanyang tutukan ngunit mainam pa rin ang kintab. Nasa akto na siya ng pagdaliri sa butas nang mabilis din siyang napahatak: Pa’no kung may gagamba, may butiki, may alupihan, may bahay ng kung anong insekto? Baka magambala pa niya ang mga ‘to. Nag-isip siya; nagtimpla muna ng kape; diniligan ang mga halaman sa munti niyang balkonahe; tinawagan ang drugstore na male-late siya; nakipagtelebabad; at nagbihis. Napansin lamang niya muli ang kumukuti-kutitap na butas nang pulutin niya sa pumpon ng mga nagsihambalang na damit ang bago niyang cardigan (ha’mo nang mainitan, malamig naman sa opisina). Pag-uwi na lang niya ‘to aayusin. Aalihan pa sana siyang tuluyan nang usisa – pa’no kung may nakatago pala ro’ng kayamanan, pilak o ginto – ngunit sadyang mas malakas ang kutob na baka nga may kung anong naninirahan do’t baka pa ‘to magalit, ano’t sa kanunununuan pa ‘ata ng ina nanggaling ang aparador. Hinablot niya ang kanyang bag, lumabas, at ikinando ang pinto; bumalik siya’t inayos ang mga ibinibilad na damit na bahagyang ginusot ng hangin, at no’n lang nakapagpatuloy. Ano kayang nangyayari sa mga bagay ‘pag iniiwan silang mag-isa, dili ng mga bagay na tuwing iniiwan lang mag-isa nakapagdidili? Ano kayang iniisip ng mga mumó sa plato sa kanilang pagtigas, ng mga platong nababahiran ng mantika habang nilalakaran sila ng mga langgam, habang tinatawiran ng ipis? Nabuburyong kaya ang pridyider sa pakikinig sa sarili niyang hugong, o dahil sa liit din naman ng silid-paupaha’y natatawa kaya sa hitsura ng aparador na iniwang nakabuka’t nakabalandra ang mga gamit? Sapat na kaya ang kama sa pagiging kama niyang ‘di man lamang nililigpit, napapatungan pa ng basang tuwalyang aamoy sa pagkakalumlom? Anong nararamdaman ng sahig at ng mga kagamitan habang nilalatagan sila ng mga alikabok na minsan lang nila makikilala at pagyao’y mapapalitan din ng mga panibagong dumi; o ng saglit na pagdampi, ang bawat segundo na dinadaanan sila ng maliliit na hugis ng siwang na pinagtatagusan ng liwanag, ‘di malaman ang oras ‘pagkat ni ang orasa’y ‘di nakikita ang kanyang mga kamay, ngunit ang tanging may tiyagang nagmamasid sa paggalaw ng panahon. Naghuhuntahan kaya sila? At kung nakakapag-usap, ano ang pinag-uusapan? Sapat na ba ang maging bagay, ang manatili; naidadasog lang kapag napagdesisyonan ng may-aring maidasog, namumulat o napapapikit ‘pag binubuksan o ‘sinasara; kinikilig kaya sila sa tililing, tulad ng oven toaster para sabihing luto na ang iyong tinapay; nangungulila kaya ang kaldero sa init at kulô ng naglalahong tubig habang iniinin ang kanin? Sino bang nag-iisip nito, ang kanila kayang may-ari? Hindi. Wala itong pakialam sa kanila – lalo pa’t pinag-iisipan na nito ang pagpapakasal; at ‘pag nagkagayon, silang mga alaala ng simula, ng bagong buhay, ng pagtayo sa sariling paa’y malaon na ring kakaligta’n, ipamimigay o itatambak o itatapon sa basurahan (at ito talaga ang kaba ng mga figurin sa estante) para mapalitan ng mga gamit-pampamilya. ‘Pag naluma. ‘Pag nalaspag. Ang magkapira-piraso. Pagdating ng may-ari, pagpasok ng susi sa seradura, lahat ng ito’y magiging kathang-isip. Magugulat siya kung bakit nakakalat ang kanyang mga damit, ‘di matandaan kung bakit naro’n ang kanyang tuwalya sa kama. Pagbukas ng ilaw, agad niyang tutunguhin ang lababo, tulad ng kanyang gawi pag-uwi, at do’n uumpisahang alisin ang mga nanigas na butil ng kanin. Kumain na siya sa labas; ang gusto na lamang niya’y matulog. Hindi na niya binabalikan pa ang buong maghapon tulad no’ng magsimula siya sa trabaho, paulit-ulit lamang nama’t malapit na ring matapos ang kanyang kontrata. Walang punto para makipagkaibigan o mangulila. Kinilig siya nang maisip na bukas, maglalakwatsa sila ng kanyang boyfriend: Nakaplano na ang buong araw, susunduin siya nito ng alas diyes, manananghalian sila sa mall, manonood ng sine – ‘yong nakakatawa’t nakakakilig dahil ayaw talaga niya sa bakbakan at katatakutan – pupunta sa parke para bumili ng mga nakapasóng supling, maghahapunan, at pagkayari’y tutuloy dito. Tiningnan niya ang kanyang kalendaryo; p’wede pa. Nagkuskos siya ng kanyang leeg, kili-kili, ilalim ng suso, basa’t maaligasgas ang bimpo, nakaantabay sa pagsirit ng mangitim-ngitim na tubig sa pagpilipit; ay, kay dumi nga naman ng kalsada. Naka-bra lang siyang lumabas para iakas ang mga ‘binilad na damit. Pagkakabangu-bango. Walang pumansin sa bago niyang cardigan, ‘di na niya muling isusuot, at ibibigay na lang siguro sa kapatid pag-uwi. Itiniklop niya ‘to kasama ng mga nakakalat na polo’t iba pang damit pan’lakad. Sinipat niya muli ang butas habang nagsasalansan. Wala nang kumikinang: marahil, butas lang talaga iyon at wala nang iba. Kumuha siya ng packaging tape, umangil sa hila. Kinagat niya ‘to’t may sumamang laway, sumampa sa bangkô’t naghihikab na tinapalan ang butas. Kinatok niya muna ang kisame ng aparador at nang masiguro niyang tunog ‘yon ng kahungkaga’y marahang ipininid. Ha’mo, isip niya, malapit na rin naman siyang bumili ng bago, nakasusuya na talaga ang amoy ng neptalina. Pagkapahid ng astringent sa mukha, pagkasipilyo, pagkalagay ng lotion, nahiga siya’t mabilis na nakatulog pagkapikit na pagkapikit. Sa himbing, tulad ng kanyang pag-alis, muling nagkakaroon ng pagkakataong makapaglimi ang mga gamit ngunit uulit lamang ‘to, uulit ang mga tanong na tanong na nila mula pa sa kanilang pagkakagawa na parang no’n lang unang sumibol ang pagtataka sa mga bagay nilang isip. Sa paanan ng kama, ang aparador na ‘di kailanman makapagsasalita, pilit nililiglig ang kanyang may-ari: Gumising ka, gising! At marahil sa panaginip, sa alimpungat, sa gitna ng pagtulog-at-paggising, sabay maaalala at makalilimutan ng babae na kumislot ang kanyang kabinet, animo may gustong sabihin. Marahil, ganito na nga talaga ang kahihinatnan ng isang aparador na tulad niya, ang pumanaw nang walang imik, at kasama sa hukay, nakasilid nang pagkaigi-igi sa naka-packaging tape niyang kisame, ang panibagong uniberso na nitong umaga lang nailalang.


Tony Perez, pagkayari



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »