Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Pares-Pares





______________


... nagkukuwentuhan kami sa bus nang bigla na lang siyang tumahimik. Ibinibida ko sa kanya ang tungkol sa napanood kong pelikula, sa bus din, no’ng papauwi ako no’ng isang araw at ang lakas ng ulan, tungkol sa kidnapper at nakidnap na nagkain-lovean. “A Walk to Remember?” hula niya, at ibubulyaw ko na sanang, “Hindi!” habang patuloy pa rin siya sa pagsasabing nasusuya siya’t ayaw maalis ng lasa ng sushi sa kanyang dila, nang napapihit ako sa bintana, “Tingnan mo may mga baka –” at ang kanya, naputol sa, “Pekeng Japa –”

______________





















______________


Naabutan ko pa rin siyang talop, sumasagot ng crossword puzzle, sa kama naming mag-asawa. “Magbihis ka na,” ‘ka ko’t nagtaas ng dalawang hikaw. “Pst. Ito o ito?” Tinuro niya ng lapis ‘yong ahas na kinakain ang sarili nitong buntot. “Scam. Four letters.” “Joke?” Hindi, verb. “Dupe.” Hindi. “Jerk.” Hindi.

______________





















______________


Nanatili akong nakapagkit sa salamin: isang pulutong ng baka, walang nagmamando, animo naisipan na lang biglang maglimayon sa matrapik at mausok na lansangan. Naghamog ang salami’t ‘di ako tumigil sa pagkalabit, at sa muli kong pagbaling, “Baka, bilis, an’daming baka!” saka ko napagtanto nang walang anumang pag-aalinlangan na pumanaw na nga siya, ang humalili sa ‘di pagkakasaksi sa katumpakan ng kailan. Umaalog ang bus, malapit na siya sa kanyang bababaan ...

______________





















______________


... kinaiinggitan niya ang kaibigan naming ito, kung anong partikular na okasiyon niya sinabi, hindi ko na matandaan. “Basta,” sabi niya, “Naiinggit ako sa kanila.” Ngayon ko lang ulit ‘yon naalala at kagyat ko siyang ipinagpaliban danga’t pinanonood ko ang bata sa isang sulok, nagpipilas-pilas ng clay. Hindi ko rin alam kung bakit kami pumunta; ga’no ba kadalas dapat ipinagdiriwang ang anniversary? Humagikgik ang anak ng kaibigan; hindi rin naman sila mag-asawa. Nasa kabilang sulok sila ng tanggapan, kasama ng iba pang mga girlfriend, habang pinaliliwanag ng kaibigan namin ang tungkol sa bagong gadget na nabili nila sa Hong Kong; nahuli kong may magtanong kung kamusta ang Hong Kong, kung may nabili ba silang painting at ang sabi ng kaibigan namin, wala, baka raw sa susunod. “Para sa’n ‘yan?” tanong niya, “Power saver,” sagot naman ng kaibigan. Sinaksak nito ang gadget. Tumango siya. Anong nakakainggit do’n? ...

______________





















______________


Kung may kaba, kung may katiting na pakiramdam nang inaasahang kahinaan, wala iyon sa ngayon, bagay na tila mangyayari lang pagkatapos isigaw ng konduktor, “Buendia!”, pagkatapos ko siyang maitayo na para lang may kasamang lasing, kargahin mula sa likod ng bus hanggang pag-ibis, karga-kaladkad-karga sa sakayan ng traysikel, o baka pagkayari ko pang sabihin sa drayber kung sa’ng kalsada kami ihahatid, ang tanggihan ‘to pagkatapos mag-alok tumulong na buhatin siya paakyat ng apartment, paakyat ng hagdan, pagkayari ng katok, at pagbukas ng pinto, at pagsalubong ng mister niya sa kanya, sa amin, pagkayari ko ‘tong patahani’t pagsabihang, “Magigising mga kapitbahay,”

______________





















______________


pagkalatag pa namin sa kanya sa kanilang kama, pagkatawag ko sa funeraria, pagkabili ko pa ng beer, ang muli kong pagyakap sa mister, ang alkohol niyang hininga sa ‘king balagat, o nang halik-yapos-halik, nang pagniniig namin sa ibabaw ng marupok na mesa, pagkaguho, ‘pag tumigil na siya sa pag-ayuda, isip ko, pa’no nangyaring nakadamit pa kami?, hanggang sa hingahan niya ‘ko ulit, hanggang sa umalis siya sa pagkakakubabaw, at ako naman, ‘di minsang nagtanggal ng titig sa’yo habang ginagawa namin ‘yon, nakatingala,

______________





















______________


... Lumapit ako sa bata. Hindi ko alam kung anong pinagdiriwang namin, pero dahil holiday naman, umoo na rin ako. Ipinakita sa ‘kin ng anak nila – anak nga ba nila ‘to? – ang ginawa niya sa clay: Kabayo sa taas, tao sa baba; lalaki (tikbalang?) lalaking may malaking titi’t bayag, kulay lumot, at do’n ko narinig ang sigaw ng kaibigan namin, sigaw ng sindak, ang pasok ng mga boyfriend na may dalang isang case ng beer, at ang mabilis na paghablot sa tao/kabayo. “I told you I told you...” saway niya sa anak. Hinatak nito ang ari’t minasa kasama ng nilalang na unti-unti nang nagiging bilu-bilo. Gusto kong sabihing gusto ko ang amoy ng Clay-do. Nag-anino ang boyfriend sa likod namin, “Ginawa na naman niya?” Inisip ko, pa’no kung sirenang may puke, magagalit kaya sila? Pinigilan ko na lang tumawa’t hinanap ang dahilan kung bakit ako napunta rito. Lahat nasa harapan na ng TV’t naglalaro sa Wii, tumatawa, sumisigaw, “Ipasok mo, ipasok mo!” pilit ginagabayan ang player na makalusot sa magkakasunod na pader na may butas na hugis-tao; pumipintig ang tunog mula sa speaker na nasa apat na sulok ng sala at panay ang bunggo ng naglalaro, sumasabog, gumuguho, tawanan, ako naman! ako naman!

______________





















______________


ang kuwarto nakabaligtad, ang kama nakabaligtad, ikaw nakabaligtad ngunit hindi ka malaglag-laglag, parang butiki sa kisame, parang agiw, at pagkasara niya sa pinto ng inyong kuwarto, pagkatapos niyang bumulong sa ‘kin ng “Sorry,” at nasa sahig pa rin ako kasama ng kahel na liwanag, ang buong silid nakabaligtad, at kung may pakiramdam man ng kaba o ng inaasahang kahinaan, hindi ko na rin naman ‘to p’wedeng ipabatid sa’yo, ang galaw ng daigdig na nakasentro sa marahang pag-ugoy nitong bus, kung ikaw pa rin ang ikaw o ang talupak, o kung ikaw ang lamig ng aircon ng lamig ng iyong balat, dahil habang nakatitig ako sa’yong putlang mukha, alam kong wala nang ibang sandaling p’wede pang maganap sa labas nito, at malapit na tayo sa’yong babaán ...

______________





















______________


Nahanap ko siya sa kusina, sa’n pa ba?, kumakain ng sushi. Bigla akong natigilan sa may bintana’t napatitig sa mga trabahador sa tuktok ng isang ginagawang bahay, nagpapasahan ng balde ng semento; natauhan lang ako nang may isang nakahuli sa ‘king nakatitig. “Gusto ko nang umuwi,” ang sabi niya at alam kong wala ring maitutulong kung sinabi ko pang, “Ba’t pa tayo pumunta?” pero sa halip, ang naibulalas ko, “Shit, nahulog siya,” nahulog mula sa tablado ‘yong nakatitigán kong trabahador. Nagtatarang siya. Maya-maya, naro’n na kaming lahat sa may bintana, nakatanghod sa aksidente, ‘yong bata pilit tumitingkayad, “Dad, I want to see,” at kinarga siya ng kanyang dad. Labas ‘yong buto, may nagsabi, mukha naman siyang okay, may nagsabi, is that blood, sabi no’ng bata, at do’n kami lumayo, do’n kami nagsimulang maglaro ng Guitar Hero, pero manaka-naka pagkatapos niyang tumugtog, wala siyang ibang masabi kun’di, “Ba’t natin siya hindi tinulungan, sa tingin mo dapat tinulungan natin siya?” ...

______________





















______________


Pag-uwi, alam kong kararating pa lang din ng asawa ko, amoy kasi ng kuwero. Mula pa lang sa sala, dinig ko na ang TV sa kuwarto. Nginitian niya ‘ko pagpasok at hinalikan ko naman siya. “Ano ‘yan?” tanong ko sa palabas, ‘di naman talaga interesado. Naghubad lang ako ng sapatos at ‘di na nagtanggal pa ng kahit ano’t sumampa na lang basta sa kama. Napaigik siya pagsiksik ko sa kanya, natusok siya ng hikaw. Binulsa ko ang kambal na ahas; kagaguhan ang hinahanap niyang salita kanina. Pakiramdam ko hinihiga’n ko siya habang sinisimsim naman ng asawa ko ang amoy-araw kong anit. Sa TV may mukha ng isang pangit na lalaki. “Sino ‘yan?” tanong ko ulit pero wala pa rin talagang interes, mas interesado pa sa bisig niyang nakaunan sa batok ko, kung sa’n nagtatagpo ang balat at ang buhok, dahan-dahang dumidiin hanggang sa magsala-salabat para gumawa ng marka. “Tarantado. Kinulong niya ‘yong anak niyang babae sa bodega tapos inanakan niya nang inanakan. Twenty-four years ngayon lang nahuli. Gago. Kamusta bonding ‘nyo?” “Okay lang. An’daming baka.” Sa palabas ang sabi ng kapitbahay, tuwing umaga nagkakawayan pa sila’t nagngingitian, pero gano’n pala siya. Gano’n. Hindi siya makapaniwala.

______________



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »