Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Salita

ISA

Hindi na bago pero tila may kakaiba, nasa dulo na ng kanyang dila, kung anuman ang ibig sabihin – at ang tunog ng biyolin – ano pa bang silbi kung kanyang uuriratin? Pawis na pawis ang kanyang mga palad. Sa salamin, hindi niya makita ang kanyang sarili at nang ipinagkit niya ro’n ang kanyang kamay, nag-iwan ‘to ng bakas – sinong tumutugtog? – at do’n nanatili hanggang naging hugong na rin pati ang kanyang paghinga. May mali sa kanyang tenga, siguro, “Narinig mo ‘yon?” tanong niya sa katrabahong kapapasok pa lang, mayumi’t nan’lalagkit. Sumagot ‘to ngunit ang buka lamang ng bibig ang nag-senyal na mayro’n itong sinabi, itong binanggit, o, ang lukso ng kanyang pulso, at sa kanyang tiyan sumambulat ang kaskas. Hindi siya nagugutom. Hindi na ‘yon mahalaga. Inakap siya ng kanyang katrabaho; ano itong katawan, ano itong sumasaklaw na init – sa tunog ng biyolin – sa kumakarag na dyip, sa pag-ugoy ng ina sa isang sanggol at sa kaliit-liitang detalye ng pagkakalinggit-linggit na labing nakapalibot sa utong at ang munting pagsirit at pagtalsik ng gatas sa palibot. Umabót ang nakaakap sa salamin at mula sa pawis ng palad na naiwan do’ng nakatatak, isinulat ang kanyang pangalan, nakalimutan na niya, at ang taos-puso at ang pighati, at ang kumakanta ng pasiyon at ang agiw, wala siyang matapos na pangungusap at nang maramdaman niya ang higpit, tumayo siya at lumabas, at hindi ito ang kanyang inaasahan. Ano, kung gayon? Na may isang piging at namumuwalan ang mesa ng mga prutas at kakanín, at sa umaasong mga kung anu-anong katay? Pumasok siya sa kusina at naro’n ang mga kababaihan, nagmamasa, naghahalo, naghahalukay, nakita niya ang kanyang ina at ang nakalilis nitong daster, nakasalampak sa gayatan at ang mga basyo ng niyog sa paligid, nanganganak ito ng gata.


DALAWA

Nagsísipulan ang mga kalalakihan, kung may bukas, bukás, ano ang kaibahan, yaríng-yarí na siya. At ang yari ay ang katapusan. Hinanap niya ang tunog ng biyolin. Kung may tawag para rito, tatakbo kaya ‘to sa kanya na parang isang batang sa kauna-unahang pagkakatao’y natutong tumalima sa pagkakarinig sa sariling pangalan? Aurelia. At ang bukbok. At ang kalatagan. Sa haraya lamang kaya ito nangyayari, ang pagtatalop? Nahuhubdan ang nakahubad, lango ang lango. Pagkakinis-kinis ng tuhod ng kanyang ina, nakasisilaw, kay lalakas ng bisig ng kanyang mga tiyahin, may diin at lagutok at ang pagbulwak ‘atang tunog na ginagawa nito at ang itim sa puwet ng kaserola. “Take it off! Take it off!” Walang bituin. Mayro’ng bituin. May liwanag. Walang liwanag. Kay rami-raming turan ngunit alin ang tanggi, alin ang talima? Sa kisame nanatili ang lumot at ang diskobol at ang turit ng mga alitaptap, kagat ng lansa’t dura ng nganga, ng kisap ng uling na dumidila sa laman, ang aromang siya lamang ‘ata ang nakasamyo nang punitin ang dahon ng saging. Nilingon siya ng kanyang ina, “Anong ginagawa mo rito?” Ang salita ang umakap at hindi ang katawan. Hindi niya alam maging ang sarili niyang kasaysayan, ang biyolin, parang dalawang pusang nagpapalitan ng kuru-kuro hinggil sa talim ng kanilang mga kuko – “Naih’an ka na ba ng pusa? Nakakaliyo, ‘day, hindi makatao –” kasaysayan, masusukat ba ang layo ng panahon kapag binigyan ito ng pagtatangi, mas magagagap, mas titimo? Malilirip kaya ng mga nakapalibot sa kanya ang kabihasnan kung masasaksihan nila, madadalumat ang tumatakbo sa kanyang bumbunan, kung ang susong kanyang nasa panagimpa’y ang suso ng baka na nakalaylay at dinadapuan ng mga langaw, langaw sa ibabaw ng kalabaw, langaw sa ibabaw ng etchas ng kalabaw, kung alam nilang kanina, lulan ng dyip papunta’y kadikit niya ang braso ng isang ketongin, ang sambulat sa pusod: sinundan niya ang kanyang ina, ang hagod ng bisig nito sa noo upang palisin ang pawis, at sa kuwarto naghubad ‘to ng daster, at nang humarap sa kanya’y ipinabatid ang nakaguhit na peklat sa tiyan, ikaw ‘to, pan’labin’tatlo dahil ayaw nang magpaubaya ng puwerta ko, ‘di ko na kayang umiri, ang kanyang inang mulagat, babad sa anestesiya, hiniwa na sa wakas, binuklat na parang maleta – pagsasaulo rin kaya ang ginagawa tulad ng pagsasaulo sa mga nota; anong kanilang pinag-eensayuhan: instrumento/katawan – hinawi ang bituka, ang apdo, ang atay, at sumulyap ang doktor sa kanyang ina tulad nang pagsulyap ng isang biyolinista sa kanyang piyesa, walang ekspresiyon, mayro’n lamang mukha – at saka lamang siya lumitaw, isang kalipunang balot ng bahay-bata. Ni hindi nga raw siya umuha at sa halip nagsambit, ipuipu. Nahuli siya ng kanyang inang nakasilip, hindi ito tuminag, hindi siya tuminag, anong koneksiyon ng tunog sa nota? “Aurelia,” ang paglipad ng tinig, “Halika.”


TATLO

At ganito kalapit, ga-hibla, ang mga labi sa kurba, ang mga bigote sa ngalisag, ang unday sa lagkit, ng tingin sa sikip, hulí sa pinakahuling harana, at tumama ang kanyang g-string sa ikakasal, takatak sabi ng mga palatak ‘pagkat may nagsisilbing panghatak sa kalamnan upang pagbuka’y sasara muli, ‘wag magkalas-kalas, litid, malansa at parang goma at anong hirap nguyain, pero kung dito dapat ang tulay, kung dito dapat ang paliwanag, sa puntong ito titigil lahat ng alituntunin, pito’t sutsot, at pa’no man niya sabihin sa kanyang inang, ina, hindi bagay ang nakikita ko kun’di mga letra, na ang balik-bulyaw, isa pa, sasapukin na kita, walang ibang karugtong kun’di ang katuparan, unti-unti siyang pinaglahuan at ang kanyang mga bahagi’y naging iyon na nga, naging u-l-o ang kanyang ulo, b-a-l-i-k-a-t ang balikat, b-u-h-o-k ang hibla ng bawat buhok, ang singit, s-i-n-g-i-t, tinitistis ang kanyang ina, k-a-m-a-y, b-e-w-a-n-g, hanggang sa maging p-u-k-e. Nilabasan ang mga lalaki, pinakamarami’t pinakamalakas ang sa bestman, kahit pa man ‘di nila hinawakan ang kanilang mga titi, nagmantsa sa kani-kanilang mga pantalon. At no’n din, kapwa sila inalihan, hindi ng hiya, at kung may pagtataka ma’y saglit lamang, habang nakatitig sila sa – matatawag pa ba nila ‘to sa tamang turan gayong ‘di naman nila kailanman tunay na mawawawaan ang nagdulot ng kaluwalhatian – at wala na nga silang iba pang nagawa kun’di tumitig na lang, wala, ni ang payak na pag-usal na siyang magbibigay katuturan. Tinawag ng bestman ang isa pang puta at maging ito’y natigilan sa kanyang nadatnan; nakalatay pa rin sa kanya ang samyo ng kanilang yapusan. Dali-daling nagpulong ang mga lalaki habang ‘di pa rin alam ng kasamahan ang gagawin, pilit iniintindi ang nagsa-salitang ano, patay na ba ‘to? May kumalabit sa kanya, ang ikakasal, at dinakma siya nito sa leeg sabay salya sa kanya sa pader. Isinubo nito ang kimpal ng pera sa kanyang bunganga. “‘Wag kang magsusumbong, kilala kita, papatayin kita.” Pagkaalis ng mga ‘to, iniluwa niya ang pera, basa at mas malaki pa sa kanyang inasahan. Pumasok ang bugaw. Ibinigay niya ang porsiyento nito habang kapwa sila nakatanghod sa tinatanghuran. “Marunong kang magbasa?” tanong niya rito habang naghahanda ng titirahin nilang shabu, “Hindi. Pero marunong akong magbilang,” sabay kambyo. Nalingat ang puta, “Sa’n galing ‘yong tunog?” Hindi sumagot ang bugaw, abalang-abala na sa pagsupsop sa kanyang utong. Kung kaya lang makapagsalita.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »