Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Dila

“Lasang yero ‘tong crispy pata.” Pinagtinginan siya ng mga naro’n sa mesa na waring bigla na lamang siyang sumulpot kun’sa’n at ipinagpalagay naman niyang gano’n na nga. Nagkunwari siyang hindi niya ‘yon naibulalas – at ang mga nakapalibot sa kanya’y nagkunwa rin namang walang narinig – at agad-agad silang nagsibalik sa pagkain. Ninais niyang sana, sa susunod na pagkagat, pagkalapat na pagkalapat ng laman ng pata ng baboy sa kanyang dila’y malalasahan niya ang pamilyar nitong linamnam at kunat ngunit pasasaan pa? Ang kasunod ay isang kabisadong taludtod na kahit pa anong dasog ang gawin niya sa dulo ng kanyang sentido komo’y ‘di ‘to maaaring mapakimi, at ang payak na tanong na bakit, nakatikim ka na ba ng yero’y ‘di rin naman sasapat ‘pagkat mayro’n ba namang makapagpapasubaling yero, lasa pa rin ‘tong yero. Hindi niya ‘to nilulon, sa halip, binusal at siniksik muna sa pagitan ng kanyang dila’t ipin at nagmuwestrang pupunta lang ako saglit sa banyo; walang pumansin. Pagtayung-pagtayo, nakasalubong niya ang kanyang team leader kasama ng ilan pa nilang kasamahan, mga galing sa paninigarilyo; hindi siya nito pinalampas at marahan siyang kinabig palayo. May kung anong gustong bumukal mula sa kanyang sikmura sa pagkakalanghap ng magkahalong amoy ng naglaging beha sa damit at cologne. Ito ang dahilan ng kanilang pagtitipon, hindi lamang dahil kaarawan nito, na isang linggo na ‘ata nilang ‘pinagdiriwang, kun’di dahil sa natamong tagumpay ng kanilang grupo. Humabol sa kanila ang isang baklang kaopisina, “Sir, anikla, sastart na ba tayey?”; may mantika pa ‘to sa labi. At animo isang paring nagpapahayo, binulungan ng team leader ang bakla’t nagtitili naman ‘to pabalik sa mesa. Mapanghi ang daanan papuntang banyo’t may nasusunog na laman ng manok galing sa kusina, ano’t mas tumindi pa’t mas naging buo (‘ata) ang lasa na ‘di na lamang lasa kun’di nagsasakatawan na sa kanyang bunganga. “Alam mo na siguro, Menchu…” Kawangis lamang ba ang pakiramdan na ‘to nang ipaalam ng teacher niya sa kanyang magulang no’ng grade one na uulit siya? “Hindi sa hindi kita gusto – actually (at dito may pagpihit sa tono, sa tigas ng twang), I really really like you, I think you’re very brave…” O sa tuwing inilalagay siya sa likod ‘pag nagfi-field demo? “Mababa scorecard mo. Team player ka, oo, pero…” may kumaskas at lumagutok sa pagitan ng kanyang ipin, “… you’re bringing the whole team down…” mamasa-masang pagpiga’t paghalo ng laway sa laman habang unti-unti ‘tong nalulusaw na siya lamang ang nakauulinig, We want dok! We want dok! hiyaw ng mesa. Naikuwento ko na ba sa’yo, dok (sic), ang gusto niyang simulan ngunit sa ulo lang niya naituloy, kasabay nang pagsasabi nitong, “I’m sorry, Menchu, but I have to let you go, pero promise ko…” no’ng grade six ako habang tinutyutoran ako sa math ni Miss Peralta, hindi ko alam kung naburat lang siya kasi hindi ako magaling sa fraction pero bigla na lang siyang umiyak, bigla na lang siyang humagulgol, tumigil ako sa pagso-solve, inalo ko siya, parang pag-aalo niya sa ‘kin ‘pag may test at ako na lang ‘yong natitirang sumasagot at time na, hindi mo kasalanan, Menchu, kaya ‘yon din ang sabi ko sa kanya, hindi mo kasalanan, Miss Peralta, mag-aral ka lang, at natawa siya, hinagod niyang buhok ko, may naiwan pa ngang pulbos ng chalk pero hindi ko inalis kasi parang uban, tumango siya ta’s sabi niya, oo nga naman, pasasaan pa, finish your exercise, saka siya tumayo, lumabas, narinig ko ‘yong sapatos niya palayo, at nayari ko ‘yong exercise pero hindi na siya bumalik, hinanap ko siya, “… hahanapan kita ng team na malilipatan…” matagal-tagal pero hindi ko na siya nakita, pero hindi naman ako natakot, “… or perhaps rethink your career options…” ang sabi lang ng principal sa ‘kin kasi siya na ‘yong nag-aabang sa classroom pagbalik ko, anak (sic), ‘wag mong gagayahin ‘yon, ha, ‘wag kang magsusubo ng basta-basta lang kung anu-ano, “… pero that doesn’t mean pinauuwi na kita. Consider this your despedida. Let’s party, people!” May naramdaman siya sa loob ng kanyang bibig at hinatak siya ng (hindi na niya) team leader pabalik sa mesa. Lasa minsang turnilyo ang sinigang, lasang bolang Styrofoam na binalutan ng mga pulang glitters ang saging, ng kurdon ang pinapaitan. Nagpalakpakan sila, kung para saan at sa kung para ano, saglit niyang nakaligta’n, at binanggit niya kinagabihan habang naghahapunan silang mag-anak, gaya ng gabing ‘to, napapalibutan ng mga kapatid na may matataas na marka’t palagiang nabibigyan ng samu’t saring mga parangal, gaya ng pagpupugay ni dok sa bawat isa, kasama siya, last but not the least, ‘ika nga, at ang team nila ang best in caller satisfaction, best in dealing with irate callers, best sa pinakabest kahit sa inter-office basketball tournament (boys) at cheerleading competition (girls + bakla) at kung gayo’y magkakaroon sila ng raise, parang dagdag baon, ang sabi niya, bilang ambag, “Buhay si Miss Peralta. Kaya lang nagalit ‘yong principal kasi nilulon niya lahat ng karayom sa home ec room, kulang na nga sa budget. Malaki pala utang niya sa Avon. Magaling ‘yong magturo si Miss Peralta. Gusto ko siya.” Pero hindi ‘yon ang lumabas sa kanyang bibig – at ‘di rin naman malalagom ng salita ang nais niyang tumbukin – at sa pagitan nang pagtaas ng baso, pagpapasalamat kay God, at higit sa lahat sa team leader nilang nagdala sa kanila sa rurok, nagsuka siya. At hindi lamang basta ‘di nanguyang suka, malansa’t malaput-lapot bagamat kasama pa rin nga ang lusak na galing sa kanyang pinakakaibuturan, nagsuka siya ng mga diyamante at perlas, nagsilagutuka’t nagtililingan sa tiles. Sa party ng isa niyang kapatid, pag-alis niya ng piring, anong galak ang dumapo sa dibdib ng batang si Menchu nang kahit na inikot siya nang ilang beses sa dilim ay natunton niya’t nahataw ng isang tirahán lang ang palayok, at sa kanyang paligid sumambulat ang mga kendi, at nagkumahog at nagsidaluhong ang lahat, tulad ngayon sa restaurant kung saan hindi lang ang kanyang mga kaopisina ang mga nangandarapa kun’di pati na rin ang iba pang mga parokyano, kasama ng manager at ng mga waiter, mga taga-luto’t mga busboy. Habang sa labas, ipinagpapalagay na lang ng mga dumadaa’t napasusulyap sa bintana ng kainan na ito’y isang magiliw na laro at ang kaisa-isahang babaeng nakatayo, tagapangasiwa’t diyos nang nagaganap na kahibangan.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »