Isyu 3
   Agosto 2014


   DALAWANG KUWENTO
   Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay
   Krokis

   CARLO PACOLOR GARCIA


   Silid I
   Dila
   Salita
   Pares-Pares
   Aparador
   Bugtong
   Mandelbrot Set
   Seismometer
   Silid II
   Tala

Ang Kompedio ng mga Imposibleng Bagay


Silid I

Pagkayaring basahin ang instruksiyon, tinitigan niyang mabuti ang papel, habang sa isang kamay, hawak-hawak ang kontrapsiyon. Sinipat niya ang tagiliran ng pinto. Limas ang kanyang silid ngunit naisipan namang itira ang ilang mga bagay, kasama na ro’n ang koleksiyon niya ng mga lumang plaka. Aanhin nga naman ng magnanakaw ang kanyang mga inaalikabok na vinyl? Dumikit ang tungki ng gramafono sa latag ng itim at kumaskas ‘to kasunod ang malamig at umuunday na boses ni Sarah Vaughan. “(1) Ikabit sa gilid ng pinto. (2) Pihitin ang hawakan, saka iangat. (3) Iikot ang dial ng apat na beses. (4) Ulitin ang ikalawa’t ikatlong hakbang nang dalawang beses habang nagbibilang pabaligtad, mula lima hanggang isa.” Sumalampak siya sa sahig. Malinaw ang pangalawa’t pangatlo, ngunit ang panghuli? Nagkaintindihan kaya sila no’ng tinderong Intsik, taga-gawa’t taga-kumpuni, taga-benta ng mga seradura’t kandado nang idiin niyang: “Bigyan ‘nyo po ako ng pinaka-effective, ‘yong kahit ako, hindi makakalabas, ‘pag nawala ko susi ko hindi na ‘ko makakapasok.” Ngumiti ang matandang Intsik; ngumiti o umismid, hindi niya sigurado; tumango lamang ‘to’t tinungo ang isang kurtina, hinawi, at pumasok sa likod. Puno ang estante’t mga dingding ng samu’t saring mga seradura’t kandado; mayroong pamilyar, isang pindot mo lang, sarado na, habang mayro’n din namang hindi niya mawari, hindi lamang mukhang komplikado ang ritwales sa pagsasara’t pagbubukas kun’di gayundin ang hitsura’t hugis; may hugis kamay na may limang daliri’t may hugis din naman ng kamelyo at salagubang; bakal at kahoy na nangangailangang maisapakat ang mga piyesa sa tamang pagkakasunod bago maalis sa pagkakakabit; at mayro’n din namang isang bilog lang, na nang muling lumabas ang Intsik, dahil nahuli siya nitong nakatitig rito’y kinuha mula sa ilalim ng estante’t ‘pinahawak sa kanya. Malamig ang bola sa kanyang palad, parang holen ngunit mas malaki nang kaunti’t mas mabigat. “Baka ‘yan ang hinahanap mo,” pakli nito. Pa’no magiging kandado ang isang bola? Inikut-ikot niya ‘to, pinadaan sa kanyang mga daliri, muntik pa ngang ituktok sa ibabaw ng counter, at dali-dali iyong inagaw ng negosyante. Ipinatong nito ang puwitan ng bilog sa salamin; wala itong pinindot o pinihit ngunit alam niyang mayro’n ‘tong ‘ginalaw, hindi lamang niya nahagilap, at sa isang iglap, bumuka ang bola’t nahati, may maliliit na kadenang nagdurugtong sa dalawang bahagi ng isfero, siyang kapwa susi na ri’t pampakaw. P’wede raw sa mga bisikleta at sa mga motor, pero mahal. “Hindi ‘yan ang gusto mo, alam ko,” ‘a ng Intsik, ito ang gusto mo, at mula sa isang kahon, inilabas nito ang isang kakat’wang kandado: lima-anim na pulgada lang ang haba, may isang hawaka’t isang dial, magaan at parang simple lang paganahin, “Basta, sundan mo lang ang nakalagay sa likod.” Nabilib siya’t walang tanung-tanong, nakipagbaratan sa Intsik at nakuha niya ang kandado sa halagang liman’daang piso (na mahal pa rin). Dumungaw siya sa bintana; sinukat niya ang kuwadro, mas maliit sa kanya, hindi siya kasya. Habang naro’n pa rin sa paanan ng pintuan ang kandado, hindi pa niya naikakabit at nasa huling kanta na sila ni Bb. Vaughan, inuungol ang lupit at lunggati ng tag-init. Hindi siya naniwala sa Intsik, ‘yon ang totoo, sa kakayanan diumano ng kanyang binili; gusto niya itong isauli, parang gusto niyang kunin ‘yong bilog ngunit saan naman niya ‘yon gagamitin gayong danas na niyang mahina talaga siya sa anumang bagay na masalimuot intindihin. Gusto niya ng mga bagay na madaling malutas, kung p’wede nga ‘yong hindi na niya kailangan pang basahin ang manuwal, gagana kung gagana, isang pindutan lang, ngunit, narito siya ngayon, walang kahit ano, liban sa inuwi niyang gramafono no’ng gabing nadatnan niya ang kanyang tahanan nang walang laman. Agad niyang tinawagan ang kanyang tatay para sabihing – para sabihan ‘tong uuwi siya sa kamakalawa – naisip na niya ang kanyang litanya ngunit kung pa’no makarating sa dulo, hindi pa rin niya talos o hindi rin siya sigurado o napaghinaan na lang ng loob dahil na rin sa kahihinatnang suut-suot na mga paliwanag: Kinuha ang ref ngunit inilabas ang mga pagkain, kinuha ang DVD player ngunit hindi kinuha ang mga bala, at ang computer, kamangha-mangha, kinuha rin ngunit iniwan naman ang motherboard, tila ang nais sabihin, wala akong gamit sa’yong alaala. Nagtanong siya sa kanyang mga kapitbahay, may nakita ba kayong pumasok o may nakita ba kayong lumabas ngunit wala sa kanila ang nakakita ng kung anuman, at sa galit bigla niyang naibulalas, “Mabulag sana kayong lahat!” Hindi na niya sinubukan pang tumawag ng pulis; ‘di na rin nagtangkang magdunung-dunungan na kaya niyang lutasin ang misteryong iyon; ilang oras din siyang tumayo sa harap ng kanyang pintuan, inaasahang babalik nang naglalakad ang kanyang mga gamit, ang kanyang 36” flatscreen, papasok nang pasuray-suray, lasing, ang kanyang component, gugulong papunta sa kanya, at ang kanyang CPUng inutil at wala sa sarili, hihilinging ibalik sa ulo ang nadukot na kukote. Kung sinuman ang gumawa no’n sa kanya, wala siyang puso; halang ang kaluluwa, maitim ang budhi, at higit sa lahat, may angkin malamang na kapangyarihan; ‘sabagay, ‘pag nagkasunog nga raw, makakayanan mong bumuhat kahit pa tone-tonelada. At pagkaraan din naman ng bente-kuwatro oras, napagpasiyahan niyang patawarin ang gumawa no’n – o ang mga gumawa no’n – at dali-daling lumabas para bumili ng bagong kandado. Pagkauwing muli, nakakita siya ng mga bakas. Bumalik ang kriminal sa pinangyarihan ng krimen. Hindi siya kinabahan, tumawag lamang sa kawalan, “Andito ka ba?” Walang sumagot. Inulit niya, namumula sa galit, “Putang ina mo, andito ka ba, magpakita ka!” Hinalughog niya ang kanyang tirahan – at natawa siya – sa’n naman ‘to magtatago, sa likod ng pader? sa kisame? sa ilalim ng sahig? Hinalughog. Nakatulog siya sa lapag. Pagkagising, naaninag niya ang maliliit na paa ng isang langgam. Papalapit ‘to sa lawa ng kanyang laway at agad niya ‘tong tiniris. Gusto niyang magkape ngunit naiwan lamang ang container ng tubig at wala na ang dispenser, naiwan ang pakete ng kapeng disinsana’y isasalang ngunit kinuha ang coffeemaker. Isinalang niya si Sarah Vaughan – binasa ang instruksiyon – tumayo sa may bintana – at madali ang mabuhay/ mga isda’y nagsisilundagan – at ngayon, binabasa muli kung pa’no ikabit ang kandadong may hawakan at may dial. Sumigaw ang nagbebenta ng taho sa umaga at sumigaw ang nagbebenta ng balot sa gabi. Nagkapiyesta’t nanalanta ang tag-init, umula’t humupa rin ang baha’t ang pamilya sa kabila’y nagkaroon na ng panibagong pamilya, at naro’n pa rin siya, nag-aabang. Nag-aabang ng ano, ng sino? Nawala na ang mga bakas, napalitan na ng sa kanya. Nakaligta’n na siya ng daigdig, ng mga kaibiga’t kaopisina, ng mga dating naikama’t sinisinta. Naghintay pa siya ng isang araw at kalahati. At nang wala pa ring dumating, nang sa wakas bumukadkad na ang mga amag mula sa mga bulok na pagkain at nagsiliparan ang mga binhi nito sa hangin, ikinabit niya ang kandado. Ikinabit niya ito sa gilid ng pinto. Pinihit niya ang hawaka’t iniangat. Inikot ang dial ng apat na beses. Inulit ang ikalawa’t ikatlong instruksiyon ng dalawang beses sa loob ng lima, apat, tatlo, dalawa, isa. Wala nang makapapasok, wala nang makalalabas. Kumalmot nang kumalmot ang karayom ng gramafono. Ngayon, ligtas na siya. Ngayon, hindi na siya p’wedeng mawalan. Papalitan na sana niya ang bala – nang biglang may kumatok. Hinayaan niya muna ‘tong tumuktok nang tumuktok nang ilang beses bago niya tanungin, “Sino ‘yan?” “Ako ‘to, isasauli ko na’ng mga gamit mo.” Lumapit siya sa pinto. Hindi siya sumilip sa silipan ngunit alam niya, batid, na naro’n ang isa pang katawan sa kabilang bahagi, humihinga. Humihinga silang dalawa ngunit ‘di ‘to magtama, ‘di magsalin-salin. Walang saad kung pa’no alisin sa pagkakandado ang kandado. “Buksan mo,” sumamo ng tinig sa kabila. Ngunit hindi ko siya mabuksan, hindi ko siya mabuksan.



                                   |    KASUNOD NA PAHINA »