Isyu 2
   Hunyo 2013


   LIMANG TULA
   Ilang improbisasyon habang
      may buhat na silya

   Pessoa, Pessoa
   Sarili at sarili
   Patay-Malisya
   Seryosong Usapan

   ROSMON TUAZON

Sarili at sarili

Laking gulat ng pintor nang mamukhaan ang bata
na napabisita sa istudyo: siya

noong siya ay pito o walong taon.
Pinahiran ng mangha ng kaniyang tanging tagahanga

ang mga kambas, na mamasa-masa pa
at gaya ng ibang nasimulan niya ay mananatiling

bahagyang natapos: pinta ng roller coaster
na sabi ng bata ay “pugot na dragon.”

Asul na karitong walang mga gulong. “Kahon.”
Dumukot ng lapis ang pintor, tarantang isinalin

sa kuyumos na papel ang mukha
ng bata bago niya inihandog ang paspasang obra.

Umiling ang bata, waring natutong magpasya
sa unang pagkakataon kung sino siya: Hindi ako.

Hindi siya ang mukha sa dibuho, humpak ang pisngi,
ga-palakol na ngipin, sabukot ang buhok, hindi mo mapinta

ang hitsura kung bagong gising o inaantok.
Tumalilis ang bata palabas sa kalsada,

tangan ang imahen sa kaniyang dibdib
na parang katibayan ng kaniyang pag-iral,

buong-ingat na hindi madagdagan ang mga lukot
sa papel, o matilamsikan ito ng mga luhang

hindi niya malaman kung para saan tumutulo,
at kung susuwertihin nga naman,

bakit ngayon pa umambon? Bakit ngayon lamang?