Isyu 2
   Hunyo 2013


   LIMANG TULA
   Ilang improbisasyon habang
      may buhat na silya
   Pessoa, Pessoa
   Sarili at sarili
   Patay-Malisya
   Seryosong Usapan

   ROSMON TUAZON

Ilang improbisasyon habang may buhat na silya

1
Ganyan naman, eeksena ka kung kailan mo
masumpungan. Bago

maglapat ang mga nguso
ng bidang magsing-irog. Bago

ang siil ng halik
habang tumutulig ang kalampag, ang singasing

ng di-tanaw na tren.
At nakaantabay ka sa kabila ng riles,

pigil na pigil na mainip sa pagkakaupo. Binabasa
ang kanilang labì sa ugong ng pagsapit. Nangingiwi

sa bawat buntonghininga ng imposibleng nasa,
habang ninanamnam mo ang paghihintay

sa iyong sandali,
upang ihiyaw ang pagsisiwalat ng bawal o taksil

dahil hindi ikaw ang lilisan, ni hindi ikaw ang iiwan
sa himpilan ng kasukdulan, at kumbinsido ka

na sa iyo nakasalalay ang pag-usad ng kuwento,
kaya’t napipilitan ang magkayakap

na pahabain ang sisihan, o malala pa ay dagdagan ang sumpaan.
Hanggang huli na ang lahat

upang sabihin ang iyong linya.
At buti na lang ay huli na ang lahat.


2
Hindi ka patitinag sa pagkakaupo,
sa taimtim na pagtitimpi sa sulok ng bakanteng silid.

Kailan nila matatalos
na ang iyong pag-upo ay hindi sinsimple

ng karaniwang haka?
Na iginapos ka ng pagkakataon sa silya

at hindi silya ang iginapos sa iyo?
At maiisip mo ang mga susulat ng tula

tungkol sa iyo: paano nga ba ang manatili
kapag hinog na ang lahat

para magwakas? Paanong maging bisyonaryo
mula sa isang sulok, tumanaw

nang mas malayo sa kanilang malayo:
labas sa sakop ng liwanag ng bombilya,

lampas sa hanggan ng karpet, tagos
sa salaming pinto, sa kabila ng pulang bakod,

lampas sa dulong estasyon at lampas
sa lunti ng kapatagan, sa dulo ng tulay at lampas

sa nauna sa iyong mag-abang.


3
Lagi kang may sampung tugon sa isang tanong, bakit
mas matimbang ang iyong mga isinuko, bakit

ikaw ang mas dakilang larawan
ng karukhaan, ng labis na pangungulila,

bakit dusa ang iyong tanging katubusan
kaya’t handa kang mabigo

sa pag-ibig o anumang lihim na larangan
huwag lamang sa pagmamakata.

Naglalagi ka sa mga daungan at estasyon,
pinamumudmod ang mga kopya

ng iyong pinakabagong tula.
Lalarga ang tren at nagkandarapa mong iniaabot

ang iyong paalam, paalam mga minahal at kaibigan,
at magalang na nagsusukli ng kaway

ang mga pasahero, sabay-sabay.
Ibubulalas mo ang unang linya ng pinabaong berso,

waring pagpapaalala sa bagay na hindi nila
ikarurunong o ikayayaman

ngunit baka mapakinabangan.
At maaalala mong may karga ka nga palang

silya, kanina pa. Mauupo ka’t magbubulatlat
ng mapang namumutiktik sa ekis.

Mamarkahan mo ang piraso ng lunang
mapalad na minsang sumalo sa iyong bigat.