Isyu 2
   Hunyo 2013


   ANG UNANG TATLO SA
   ANIM NA PAG-AMIN
   Ang Pag-amin bilang Pagtatapat
   Ang Pag-amin bilang Pag-angkin
   Ang Pag-amin bilang Plural

   EDGAR CALABIA SAMAR

Ang Unang Tatlo sa
ANIM NA PAG-AMIN
Ilang Balangkas at Mga Talang Personal sa Pagbibigay-saysay sa Panitikang Filipino

  Ang Pag-amin bilang Plural, Sesyon 1/6

Maramihan din ang amin. At sino talaga ang umaangkin kung plural nga ang amin? Sa 78 probinsiya sa bansa, may iba’t ibang wikang ginagamit, may iba’t ibang etnisidad, may iba’t ibang nililingong kasaysayan, na maaaring nagkakaisa, subalit madalas ding nagtutunggalian. Hindi iisa kahit ang mga tinaguriang Igorot, halimbawa: may sariling kalinangan ang mga Bontok na iba sa Ibaloy, Ifugaw, Isneg, Kalinga, Kankanay, Tinguian. Kung itatanong din ang posisyon ko bilang manunulat na Tagalog, kumakatha ng ilusyon ng singularidad ng mga Tagalog ang mismong tanong. Tagalog nino? Mula saan? Hindi lamang ito Tagalog ng mga taga-Bulacan laban sa taga-Quezon o ng taga-Laguna, kung saan ko kinalakihan ang wikang iyon, pero Tagalog din mula sa Davao, o Tagalog ng lumaki sa Ilocos (gaya ng roommate ko sa kolehiyo na isinilang at lumaki sa Vigan pero hindi marunong mag-Ilokano), o Tagalog ng mga anak ng Filipinong nag-migrate na sa US o Canada at nanonood ng The Filipino Channel. Plural ang amin, at kaya ko lamang ipamalas ang ilang aspekto ng pluralidad na iyon. Halimbawa, pagpunta ko rito sa Maynila noong 1998 para magkolehiyo sa Ateneo, napakarami kong salitang Tagalog-San Pablo na kailangang pipilin noong simula dahil hindi ko naririnig na ginagamit. Mirise, guyam, adyo. Noong simula. Paglaon, natuklasan kong bahagi ang mismong pagkakaiba ng signipikasyon sa amin ang lamuyot ng wikang Filipino, na maaari kong ilahok iyon, gawing bahagi ng pambansa, gaya ng pinoproyekto ng maraming manunulat na Ilokano o Hiligaynon o Bisaya, nagsusulat man sila sa Filipino o Ingles, tulad nina Lilia Quindoza Santiago, Rosario Cruz Lucero, at Teresita G. Maceda, tatlo sa mga naging guro ko sa doktorado sa UP. At paano rin ang mga tinuturuan kong Koreano sa klase ng Filipino for Non-Filipino Speakers (FNFS). Isa sa kanila ay dumating sa Pilipinas anim na taon na ang nakararaan, noong sampung taong gulang pa lang umano siya at tumira sila sa Davao. Sa kanila, siya lang daw ang nakapagsasalita ng Filipino, dahil binata na ang kuya niya noong dumating sila rito. Sa ngayon, marunong siya ng Koreano, Ingles, Filipino, at Bisaya. Sabihin pa, daig pa niya ako. Ang kapalit ng pagiging batayan ng Tagalog ng Filipino ay na polyglot ang halos lahat ng Filipino maliban sa mga Tagalog. Lagi kong kinaiinggitan ang tulad ni Kristian Cordero, halimbawa, na nakapagsusulat sa Ingles, Filipino, Bikol, at Rinconada, at kamakailan ay nagsalin pa sa Bikol ng mga tula ni Rainier Maria Rilke. Kaipuhan mong magribay nin buhay.


Mga Keyword: wika, polyglot, Tagalog, Koreano, bernakular, salin.
Mungkahing Basahin: Ma. Luisa Torres-Reyes, Sipat Salin: Transfigurations (Talindaw Publishing House, 2011), 185 mp.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »