Isyu 2
   Hunyo 2013


   ANG UNANG TATLO SA
   ANIM NA PAG-AMIN
   Ang Pag-amin bilang Pagtatapat
   Ang Pag-amin bilang Pag-angkin
   Ang Pag-amin bilang Plural

   EDGAR CALABIA SAMAR

Ang Unang Tatlo sa
ANIM NA PAG-AMIN
Ilang Balangkas at Mga Talang Personal sa Pagbibigay-saysay sa Panitikang Filipino

  Ang Pag-amin bilang Pag-angkin, Sesyon 1/6

Hindi lamang pagtatapat ang ihinahayag ng pag-amin; isa rin itong pag-angkin, isang pagkilala ng pagmamay-ari. Hindi sa inyo’t hindi sa kanila ang amin. Dito mahalagang siyasatin ang authorship bilang awtoridad din sa paglikha, bilang isang uri ng karapatan, ng kapangyarihan. Subalit may kabilang talim ang pagmamay-ari na ito bilang responsabilidad. Sa sandaling angkinin ang isang bagay, kakabit noon ang pagkakaroon ng pananagutan para rito. Malinaw na isang pamanang kolonyal ang nosyon ng awtor. Bago ang pagdating ng mga Kastila, ang mga teksto, sapagkat nagbubukal sa kalikasan, o ipinagkakaloob ng mga bathala, ay hindi inaari ng mga indibidwal. Ganito ang kalikasan ng tulang-bayan, awiting-bayan, kuwentong-bayan, na maaaring ipahayag ng sinuman sa anumang paraan at panahon o kondisyon batay sa kaniyang pangangailangan. Lalo pa’t nasa tradisyong oral, lalong naging madulas ang kapasidad ng mga itong iangkop sa kahingian ng bawat isa sa bayan. Kaya naman, sa kabila ng pagdating ng palimbagan, matindi ang pag-aalinlangan ng mga makata na itakda ang isang tula bilang kanila na nga. Ganito halimbawa ang pagtataya ni Bienvenido Lumbera sa pagkakaiba ng “May Bagyo Ma’t May Rilim” at “Salamat Nang Walang Hangga” ni Fernando Bagongbanta, na parehong nalathala bilang pagpupugay sa aklat ni Francisco Blancas de San Jose na Memorial de la Vida Cristiana noong 1603. Ang unang tula na mas gumagamit umano ng katutubong kasanayan at sinop sa pananalinghaga na nauna nang naipamalas ng mga sinaunang bugtong at salawikain ay walang tiyak na awtor, basta’t kinatha ito ng “una persona tagala,” o isang katutubong Tagalog. Samantalang ang tulang ladino’t may mas marupok sa kariktan na ikalawang tula’y malinaw na may byline, sagisag-panulat man iyon o hindi. (Tinalakay na ni Virgilio S. Almario ang posibleng “pakana” sa mismong pangalan bilang Ladino: kombinasyon ng Kastila’t katutubo, at pareho pa umano ang inisyal kay Francisco Blancas—kaya’t hindi umano malayong ang pari mismo ang pumupuri sa sarili niyang aklat!) Tataglayin ang ganitong pag-aalangan na mag-angkin ng katha ng isang Tagalog hanggang sa klasikong Ibong Adarna o maging sa pagpirma lamang bilang F. B. ng makatang nagsakit sa Florante at Laura, na kinilala na lamang, labas sa paglilimbag ng teksto, at saka sa mga sumunod na edisyon, bilang si Francisco Balagtas.


Mga Keyword: authorship, teksto, ladino, byline, sagisag-panulat, akdang-bayan.
Mungkahing Basahin: Virgilio S. Almario, Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas, atbp.: Mga Imbestigasyon sa Panitikan ng Kolonyalismo (Anvil Publishing, 1992), 196 mp.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »