Isyu 2
   Hunyo 2013


   ANG UNANG TATLO SA
   ANIM NA PAG-AMIN
   Ang Pag-amin bilang Pagtatapat
   Ang Pag-amin bilang Pag-angkin
   Ang Pag-amin bilang Plural

   EDGAR CALABIA SAMAR

Ang Unang Tatlo sa
ANIM NA PAG-AMIN
Ilang Balangkas at Mga Talang Personal sa Pagbibigay-saysay sa Panitikang Filipino

  Ang Pag-amin bilang Pagtatapat, Sesyon 2/6

Maliban sa katotohanan—o bilang isang mukha ng katotohanan—inaamin din ang kasalanan, at kasalanan maging ang hindi pagtatapat ng mga kasalanan. Ito ang ibininhi ng eskatolohiyang Katoliko, salamat sa mga misyonerong pari na ginamit pa ng ilan sa kasaysayan ang mismong kumpisalan upang pagtaksilan ang katapatan ng kanilang deboto. Isang pagsusulit ang kumpisal, isang prosesong may malinaw na daloy at kahingian, kagaya ng ibinubunyag ng Manual Tagalog para la Administracion de los ss. Sacramentos ni Sebastian de Totanes. Narito ang paglalabas ng nasa-loob, pagsasa-kasalukuyan ng nagdaan, pagsa-salita ng pangyayari. Narito ang pag-amin bilang kaisahan o pagtutugma ng nasa loob (ninanasa) at nasa labas (nasasaksihan). Kaya kasalanan sa sampung utos hindi lamang ang pagnanakaw, kundi maging ang pagnanasa sa hindi mo pag-aari; hindi lamang ang pakikiapid, kundi maging ang pagnanasa sa hindi mo asawa. At kahit na “nasasaksihan naman ng Diyos” ang lahat, kailangan pa rin ng pangungumpisal, sa panig ng binyagan, dahil kailangan ang pagkilala sa sariling pagkakasala at pagsisisi rito. Matatanggap lamang ang absolusyon ng pari pagkatapos isagawa ang ilang “pagpaparusa” sa anyo ng panalangin—na ano pa nga ba kundi ang paulit-ulit na deklarasyon ng katapatan sa Kristiyanong pananalig, pagsasaulo’t paglilitanya ng panalanging naisakatutubo na’t napalaganap sa Doctrina Christiana. Ang sinop at tindi ng interogasyon sa kumpisalan ang masasabing bukal ng katapatan sa pagmamagaling ni Padre Damaso sa Noli me Tangere ni Rizal na kilalang-kilala niya ang bawat isa sa San Diego matapos ang mahigit tatlumpung taon na paglilingkod niya roon bilang kura. Siya na mayroon ding lihim na iniingatan, lihim na piniling pangalagaan ni Maria Clara, sa pagtatago sa liham ni Doña Pia na magbubunyag sa kanilang mga ugnayan. Ang liham ng kaniyang ina, kapalit ng liham ni Crisostomo Ibarra na naghatid sa kasawian ng huli. Upang maging matapat sa isa’y kinailangan niyang ipagkanulo ang isa pa. Itinaboy nito ang dalaga sa kumbento at tinangay siya sa tuktok ng kampanaryo isang gabi, samantalang may malakas na unos, upang isigaw marahil sa kalangitan ang kinikimkim na damdamin. At sa daigdig ng liriko’y paano titimbangin ang tulang kumpesyonaryo, halimbawa? Kay Allan Popa: sa pabalat ng Samsara ay may larawan ng bakanteng kumpisalan; walang nagkukumpisal, wala nang nangungumpisal, subalit naroon at laging banta ang istrukturang tumitiyak na may kumpisal; o sa sanaysay niyang “Kumpesyonaryo” ay inuugit ang papel ng suhetong realidad, ng pagbakbak sa mga loob (para sa mga nagdadalawang-loob). Sa mga Sebwano, ang tula’y “balak,” iyong ibig bumukal sa loob.


Mga Keyword: kasalanan, kumpisal, relihiyon, panalangin, lihim, liham.
Mungkahing Basahin: Allan Popa, Kami sa Lahat ng Masama (High Chair, 2003), 70 mp.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »