Isyu 2
   Hunyo 2013


   ANG UNANG TATLO SA
   ANIM NA PAG-AMIN
   Ang Pag-amin bilang Pagtatapat
   Ang Pag-amin bilang Pag-angkin
   Ang Pag-amin bilang Plural

   EDGAR CALABIA SAMAR

Ang Unang Tatlo sa
ANIM NA PAG-AMIN
Ilang Balangkas at Mga Talang Personal sa Pagbibigay-saysay sa Panitikang Filipino

  Ang Pag-amin bilang Pagtatapat, Sesyon 1/6

Sa hukuman, nagpapababa ng sentensiya ang pag-amin ng kasalanan, ang plea of guilt. Nasa lipunan tayong pinagagalaw ng batas, at minamatyagan ang pagsunod at paglabag dito. Sakaling lumabag, sinasadya man o hindi, minamahalaga ang pagtitimbang at pagtataya sa katotohanan ng krimen, bago pa man ang pagpapataw ng parusa, kung kinakailangan. Naghaharap ng mga ebidensiya at testimonyang ipinahahayag matapos ang panunumpa ng katapatan sa korte. Hindi laging nangungusap ang mga ebidensiyang materyal, lalo pa’t walang sistematikong pangangalap at pangangalaga sa mga ito sa maraming kaso, kaya’t madalas na kailangan ng eyewitness na maglalahad ng mga pangyayari. Sa ganitong kalakaran, mas may bigat ang bersiyon ng biktima (kung buhay pa’t may kapasidad magbahagi) kaysa nasasakdal. Ang pag-amin sa kasalanan ang tanging katapatang tinatanggap ng madlang sumusubaybay mula sa inuusig. Ipinagdiriwang ang whistleblowers, may witness protection program (kahit pa sabihing hindi garantiya ang kaligtasan) para sa mangangahas na magsalita’t sabihin ang nalalaman. Naisakdal na sa bayan natin ang halos lahat, mula sa walang-wala hanggang sa mga naging pangulo ng bansa. Napatalsik sa puwesto sina Marcos at Erap; inilipad palabas ng bansa ang una, ikinulong ang huli (bagaman siyempre’y malaya na si Erap at natakasan na ni Marcos ang lahat ng pananagutan niya sa daigdig na ito). Si GMA, bago pa man siya tuluyang isakdal ay nagbitiw na ng kaniyang “I am sorry speech” habang pinagdududahan ang kataimtiman sa kaniyang poker face. Subalit ano ang ihinihingi niya ng tawad sa binabasang iskrip sa teleprompter? May umamin ba at nag-angkin sa kanilang tatlo sa anumang kasalanan? Ehersisyo rin nga ng retorika ang talumpati, ng kapasidad ng komposisyon na sabihin at hindi sabihin ang mga bagay, ang humingi ng tawad samantalang walang tuwirang ipinagtatapat. Epistolaryo rin ang moda ng talumpati, bagaman binigkas nga ito; may malinaw na pinapatungkulan: “Mga minamahal kong kababayan.” Narito ang liham bilang halos ultimong anyo ng pagsisiwalat ng niloloob, bilang bukal ng katapatan, subalit hungkag ang pormula ng damdamin sa kinasanayang pambungad dito: minamahal, mahal. Mahal natin ang lahat ng kinakausap sa liham, kahit hindi natin kilala nang personal o malapitan. “Ibig kong tiyakin sa inyo na lalo pa akong magsisikap upang maglingkod sa bayan at matamo ang inyong tiwala,” sabi pa ni GMA. Pagkuha ng tiwala ang motibasyon ng pagtatapat; magtiwala ka, manalig ka. Subalit sa dambana’t hukuman ng paglimot, hindi lang bumababa ang sentensiya: walang nasasakdal, lahat ay napatatawad. Magtiwala kayo, malilimot din ninyo ang lahat, ito marahil ang kubling karunungan, hindi katapatan, ng paghingi niya ng tawad.


Mga Keyword: katotohanan, talumpati, batas, retorika, epistolaryo, sentensiya.
Mungkahing Basahin: Manuel L. Quezon III, editor, 20 Speeches that Moved a Nation (Anvil Publishing, 2002), 120 mp.



                                   |    KASUNOD NA PAHINA »