Isyu 2
   Hunyo 2013


   DALAWANG TULA
   May Bahagi Tayong Nabibighani Ngunit
      Hindi Nabibihag

   Suliran

   ALLAN POPA

Suliran

Ayaw na ayaw kong
sumasayad ang kumot sa sahig,
para bang may pamahiin

na hindi maalala,
para bang may bigat na nakasulsi
sa pinagtupian

kaya’t laging nakagigisnan
malalamig na paa.

Madalas na may bahid ng pula
o hugis-puso
ang tusukan ng aspili’t karayom.

Kapag inihiga ito sa palad
maririnig ang gaspang
ng sandakot na buhangin

na hindi kayang magsinungaling
sa loob ng munting unan.

Mahusay maging tanod
ang sinumang hindi nakakatulog
sa ibabaw ng orasan na hindi dumadaloy.

Ipikit mo ang isang mata
upang mamulat
sa nakikita ng mata ng karayom.