Isyu 2
   Hunyo 2013


   Sola Dios Basta

   KRISTIAN SENDON CORDERO

Sola Dios Basta

Ang Testimonya ng Dila

Malaon nang tinanggap ng mga mongha na iniligaw na ng kamatayan ang kanilang kasamahan pagkatapos na magkulong ito ng dalawang linggo at latiguhin ang kanyang sarili dahil umano sa takot sa purgatoryo. Katulad ng inaasahan, agad nila itong inilibing matapos ang isang gabing pagsasanto-rosaryo ng labing-limang beses ng misteryo ng hapis. Hindi maaatim ng kongregasyon ang amoy ng nabubulok na laman. At kasalanan ang iharap sa dakilang hukom ang katawang inembalsamo: bawal sa mga banal.

Nang dumami na ang mga taong nagsasabing napapanaginipan nila ang mongha na makadalawampung beses na raw nakita sa bukana ng monasteryo tuwing bumabagyo, hawak ang kanyang rosaryo, nagkasundo ang lupon ng matatandang mongha na muling buksan ang kanyang silid. Dito muli nilang nakita ang lubid na ginamit ng namayapang mongha. Lubid na ginamit niya sa pagtali sa kanyang baywang hanggang sa kainin ng tali ang kanyang laman. Hanggang sa maging isa ang lubid at ang katawan.

Ang pinakamatanda sa mga mongha ang nagsabing hinulog mula sa langit ang lubid upang gamitin sa pagpanhik ng buong kongregasyon: ‘Tayo ang balon ng Diyos. Ang ating mga buhay ang pumapawi sa kanyang banal na pagkauhaw…’ Lubos na napuno ng galak ang buong lupon sa narinig na deklarasyong ito na magmumula lamang sa bibig ng pinakasuanoy na kasamahan.

Matapos mapagpasyahan ng lupon na may angking kabanalan ang kasamahan nilang namatay, sunod nilang hinanap ang kanyang mga liham. At natagpuan nila ang ilang isinulat na berso sa kanyang brebyaryo. Agad nilang napansin na isang katutubong anyo ng pagtula ang ginamit ng kasamahang mongha, mga rawitdawit na dumadakila sa katawan, sa katawan ng isang lalaking agad nilang inisip na walang iba kundi ang Kristong nakaratay sa loob ng magarang kabaong na yari sa salamin.

Sa isang sulat ng nasabing mongha na sabay-sabay na binasa ng lupon, na di natagalang di umiyak, pinagtiyagaan nilang basahin ang isang talâ tungkol sa kung paano nararamdaman ng kanilang kasamahan ang napakabigat na krus, na sa pagdantay nito sa kanyang katawan, nagiging mga anay ang bawat butas ng kanyang balat at nag-uunahang ngatngatin ang buong krus at pati ang Poon, na maaari lamang kainin bilang walang lebadurang tinapay at segunda-klaseng alak na gawa sa ubas. Sa isang tulang may apat na saknong, tugmaang dalisay, walang impit, katinig, inilarawan ng nasabing mongha ang mga kulay-rosas na sugat ng lalaki at sinabi niyang hawig ito sa kanyang pagkabirhen na tanging ang lalaki lamang na binabanggit sa kanyang tula ang hahayaan niyang humalik sa kanyang sugat, sa kanyang rosas. May ilang mongha ang tuluyang nabasâ nang binasa ang tulang ito na tila muli silang bininyagan sa Ilog Jordan. At tuluyang nabuksan ang langit at pumasok ang puting kalapati sa kanilang kaloob-looban. Sa pagtapos ng kanilang pagbasa, sumang-ayon ang lahat sa lupon na ipabasa ang mga natagpuang akda sa labing-dalawang teyologo na agad namang nagkasundo sa angking kabanalan ng mongha. ‘Matayog na isip, kailangang ibantayog…’ Ang sabi ng punong teyologo.

Kung kayâ matapos mailibing sa loob ng limang taon muli nilang ipinahukay ang bangkay. At natuklasan nilang walang bahid ng kahit anong pagkabulok ang namayapang mongha. Iginalang ng mga uod ang kanyang pagkabirhen. Nawala maging ang bakas ng lubid. Ayon sa utos ng obispo, kailangang ihanda ang proseso ng ganap na pagkilala sa kabanalan ng nasabing mongha. At kailangan ang malaking pondo para dito, kung kayâ ipinakuha nila ang puso nito at inilagay sa isang relikwaryo. Binuksan ang opisyal na akto ng debosyon at tuluyang dumami ang mga dayong deboto sa monasteryo.

Kinalaunan, naging tanyag ang mongha bilang patrona ng mga may balakubak. Isang kuwentong wala sa mga lupon ng mga mongha ang nakakaalam kung bakit naging patrona ang kanilang kasamahan ng binabalakubak at maging ng mga kinukuto. Pati ang mga asong ginagarapata’y dinadala rin sa monasteryo para hilingin ang intersesyon ng mongha. Sa paglipas, natuwa na rin lang ang lupon dahil may ilang deboto na ang nagsimulang magbigay ng itlog at kung anu-ano pang kakanin at donasyon, mapaganda lamang ang kanilang mga buhok, o maalis lamang ang mga kuto sa kanilang ulo at ang mga namimiratang garapata sa mga mamahalin nilang alagang aso. Nagkaroon na rin ng debosyon ang mga batang mongha sa kanilang dating kasamahan dahil na rin sa pagkakaroon ng ilan sa kanila ng balakubak na lalong nagpapahirap sa pagsusuot nila ng inalmirol na belo.

Matapos ganap na kilalanin ng Santa Iglesya ang kanyang pagiging santa, sa isang prosesong higit na madali kaysa mga naunang kandidato’t kandidata sa pagkabanal, muling pinabuksan ang kabaong dahil sa paglipas ng panahon, hindi namalayan na naubos na ng mga deboto ang benditadong puso ng mongha. Nang buksan na ang kabaong ng mongha, agad na napansin ng mga teyologo ang pangangamoy-insenso ng labi ng mongha at tila may bukal na sumisibol mula sa bibig ng bangkay, kayâ naman napagkasunduan nilang kunin ang kanyang dila. Kinuha rin ang ilang hibla ng buhok na ipapamudmod sa mga parokyang ipapangalan sa kanya. Inilagay ang kanyang dila sa pinakataas na bahagi ng retablo upang di na muling maabot ng mga deboto. Ito ang dilang puno ng salitang puspos ng pag-ibig at pagdakila. Ang dila ng makatang mongha. Ang dilang tumatawag. Ang dilang patungong langit.

Makalipas ang limampung dekada, walang araw na walang dalaw sa monasteryo—mga nagmiminang deboto na dumadayo pa’t pumipila makita lamang ang milagrosang dila ng mongha na balitang dumudugo sa tuwing kapiyestahan nito. Sa silid ng santa, naroroon pa rin ang nakabitin na lubid na tila sinulid na hindi makapasok-pasok sa butas ng karayom.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »