Isyu 2
   Hunyo 2013


   LIMANG TULA
   rubrica
   ang karaniwan
   amid
   celerideros
   saliminar

   NILES JORDAN BREIS

saliminar

huling hudyat ito ng kahandaan mong maihandog
ang sarili sa akin:
humupa na ang iyong pananabik sa dati’y itinuturing
na nakabibighaning sisidlan
o kanlungan ng mumunti man o malalaking hiwaga—
puyo sa nakatambak na buhangin,
guwang sa madulas at nagrarasay na dalisdis,
bahagyang kislot sa mga patay na dahon,
dugong tumilamsik sa kapipinturang dingding,
mangilong kaluskos sa kisame,
tuyong lumot sa dati’y nahahamugan at nauulanang pader,
nagnanaknak na sugat sa talampakan,
yumuyupyop na mga talukap,
papalayong halakhak.
napakahaba pa ng talaan na minsa’y nagkanulo rin
sa bantulot na pagkilala sa umano’y karaniwang kagandahan
ng pinanggalingan mong daungan—
ang malalansang lubid ay pinaitim ng laksang bangaw na nakahimpil.


                          II
ganap itong pagtatagpo pagkat pinananaig mo ang katahimikan
nakatutukso mang mapabulalas
sa ipinamamalas kong himala bilang mapagsiwalat na Panginoon
na malimit ay inilalarawan sa masasalimuot na pananagisag:
sariwang pilat sa dibdib
na sa sangkurap ay mapaglalangib
o kanang kamao na mapaglalagos
sa hugis-kamao ring bato.
ang pilit kong ipagdidiinan: bawat huling pagtatagpo
ay pagpapaubaya:
bawat huling pagpapaubaya ay proleptiko pagkat mangingibabaw
ang anumang dapat manatili
sa bawat tagpong pansamantala lamang.
di rin makaliligtas
sa gayong lohika ang lahat
ng karanasang di maipipiit
sa samutsaring malikmata.
maging mga sekular na mananaliksik
at paham ay may mga pinasisigasig na patotoo
hinggil sa iba’t ibang pagsinsay
sa pagkagat ng dilim o pag-ihip ng hangin;
di ka man mangahas na pumaimbulog
alinsunod na rin sa payak na pagtanggap
sa likas na paglapat
ng mga paa sa lupa,
lagi’t laging may ilang mamamangha
sa di-matingkalang kalawakan—
sa umano’y bawat isa’t kalahating oras,
higit na nakagigitla
ang karagdagang sumasabog na liwanag ng araw;
sa rabaw ng buwan,
bawat bandilang maitutugdok
ay di makakakaway kailanman.


                          III
sadya ring di ipababatid
ang iba pang pabuya
sa mapagtiwala mong pagkaumid
pagkat mauulinig na
ang hanging mapagtimpi ang pagaspas;
ngayo’y pagmasdan
ang sariling kaluluwa—
sa pagkakahulid,
dahan-dahang bumabangon
hanggang maging nakapangangalisag
na gadangkal na puting kandila.
bakit ang anino
ng malikot nitong ningas
ay walang katinag-tinag?

wala akong hinihintay na tugon
sa gayong tanong na maigigiit bilang isang prologo
sa bawat nagwawakas na paglalagalag
ng sinumang dati’y nagumon
sa mga nakapapagal na mithi’t alab.