Isyu 2
   Hunyo 2013


   LIMANG TULA
   rubrica
   ang karaniwan
   amid
   celerideros
   saliminar

   NILES JORDAN BREIS

celerideros

sa halip na itim, dinalipay na pula ang lupa
at, tiyak, pagdating ng baha,
wala nang mananangis, wala nang mauulila.

sa panaginip na lamang ang sumusunod:
tatlong daliring nakadiin sa di-maampat
na dugo sa abarikig na balakang.
pangungunyapit sa mga puno
na tuluyan ding mabubuwal.
mga sanggol na nabitawan
at mapalad na kung magsipaglutang pa
pagkaraan ng ilang araw.

ang langit ay bughaw
sa bawat maaliwalas na umaga;
mayroon bang kataka-taka?

anong maibubuod
kung magpapapagpag sa poot
sa paulit-ulit na trahedya?

natuto na tayo
sa paglilinlang ng de-kulebra.
tutuklaw lamang sa ating mga binti
kung tila hinihila natin ang sari-sariling paa.

samantala, di natin inasam
ang ganitong bagong kapangyarihan:
lipad na simbilis ng kisapmata
at maliksi ring makahahapon,
parang mga ibon
ngunit mga tuhod lamang ang ipinantutugdon.

mula sa itaas (anuman ang itawag nila
sa ating kinaluluhuran)
nakatutuwang pagmasdan ang lahat ng rumaragasa
mula sa paanan ng di-maiwanang bulkan.