ang karaniwan
ang atas: ibunyag natin sa lalong madaling panahon
ang lihim ng dromenang pagtitipon.
ang inusal na paalala, isulat sa balat.
kunsintihin ang lahat ng wala roon;
hahabi sila ng magkakaibang kuwento.
kani-kaniyang palabok—
ang sayaw, naging talik;
ang buhangin, naging hamog.
naging dugo ang dagta,
naging pangil ang kuko.
ang iba pang ipagkakalat:
namaga ang nalango sa tuwa;
ang tumulo ang laway,
sinapian ng balat-ahas na aso.
kung ano ang totoo, tayo pa rin ang nakaaalam.
tayo lamang ang aako ng mensahe
na ang karaniwan:
wala sa mata ang lasa ng luha;
ang lahat ng nabubulok na bangkay,
aalingasaw pa rin. magsanib man
sa iisang punyal ang purol at talim.