Isyu 2
   Hunyo 2013


   LIMANG TULA
   rubrica
   ang karaniwan
   amid
   celerideros
   saliminar

   NILES JORDAN BREIS

rubrica

susukatin ang kapirasong kahoy
at bagama’t ang pula ang hangganan,
gigitna ang humindig
ng inaakalang kahulugan: ang tiyak na galaw
ng kamay ay lampas
sa pilit aakuin ng naturang kulay.
o ipagkikibit-balikat na lamang
pagkat oras ngayon ng pagbabalik
sa ilang nakaligtaan:
sindaming balahibo ang titindig,
sa unggoy man o sa tao,
sa huling pagkutab ng nakatambak
na malulutong na dahon—
hishis din sa nakangingilong humihingal;
nakatutuksong ituro gayong di lumilitaw.
dito, dito rin aabangan;
saklaw ng pang-amoy, madadangkal:
ang nakatirapa sa malamig na lupa,
nangangarap na bumangon nang buo;
ngatal ang mahihinuhang kulang.
magninilay sa kalagitnaan ng winasong tulay—
mas umaalog habang pinipigilan.
ituon na lang daw ang pansin sa hamig
ng ilang karaniwan:
pawis na hihimpil sa pusod
at maglalasang banil, alamang.
mantsa ng natapong ulam
sa tila inalmirol na mantel.
gigil sa malikot na pamangking nakatabig
ng plorerang mukhang mamamahalin.
o iigpaw hinggil sa mga akala’y babalik
pagkat nauulit:
mga hibla ng buhok na winalis palabas.
kisay ng ipis sa libaging sahig.
pustisong ibinabad sa tubig na maligamgam.
o pilit itatanggi:
mas tumitinghas ang mga utong ng taksil
kapag inaantala ang inaasahang pagbibintang.
at salimbayan dito ang maiisip pa.
ang himala sa iba, mahika para sa atin.
parang bulag na agarang nakakita
ngunit ang pagkabulag?
maililipat sa iba upang may matirang pagkamangha
sa mga atubiling magtanong.
o iiwas sa engrandeng pagbubunyag
bago sumulpot ang buwan:
makikintab na balat na malalagas;
paglapat sa kinatutuntungan, matutunaw.
o magsimula ulit tayo sa ritwal na atin-atin lang
pagkat kamatayan ang husga sa mga di kabilang,
sa mga bawal katalamitam.
may bubulalas ng “malalim. totoong malalim!”
pagkat di nga ba malirip?
mabubura sa kapirasong kahoy ang pula;
may magbubukas ng bintana at ibabandilyo:
kahapon, may naligaw na diyos dito.
pinulbos ang sarili niyang rebulto.