Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao


   
DADALHING LISTAHAN

[74] Mga proposisyon. Ilan sa mga puntong dapat bigyang-diin ay ang mga sumusunod:

(74.1) Pagkabitag. Peligro ng pangangalap mula sa labas (kadalasan Euro-Amerikanong konteksto): baka ang nangangalap ay mabibitag, ang namimingwit ang siyang mabibingwit. Mahalaga (at minsan kinakailangan) ang pangangalap at pangingisda (at pakikipag-ugnay sa ‘iba’) ngunit laging may dalang peligro, na hindi lang dahil sa ‘karaniwang takot sa iba.’ Ang napakahalagang peligro ay ang di-pagkilala sa peligro: (a) harap-palabas na preokupasyon—sunud-sunurang galaw sa iba’t ibang sentro ng labas81; (b) di-pagpansin sa marami pang larangan ng pamumuhay-bayan; (c) di-paglinang sa potensyal ng mga kategoryang-bayan, mga istilo, kapamaraanan ng karaniwang-buhay; (d) pagsasawalang-bahala sa kategoryang ‘Pinoy’ at sa nibel ng ‘bansa.’

(74.2) Paradox ng pantayo. Narito ang paradox: kailangang panindigan ang pananaw na ‘pantayo’ (tindig upang ipagpatuloy ang malalimang talastasan/galaw na ‘panloob’) upang mas lalong maunawaan ang mahalagang tensyon ng loob-labas, at kahit pa ang kahalagahan ng ‘labas.’ At: kahit ng tunggalian dito mismo sa loob ng ating bayan (at sa napakarami pang ‘loob’). Masdan na hindi ito simpleng ‘pagpili,’ na parang labas sa atin ang pinipili.

Ang tanong tungkol sa ‘pagpipili ng tindig’ ay para lamang sa isang nanonood ng sine (na ang palabas ay bakbakan ng tindig pang-kami at pantayo, o di-kaya tunggalian ng mga posisyon at pook). Sa totoong buhay, hindi ito pinipili: direkta mong namamalayan na nasa loob ka na ng isang umiiral na ‘mundo,’ magalaw, at may mga umpugan. Narito uli: kailangan (lamang) nating panindigan ang nangyayari na mismo ngayong (mga) tindig.

(74.3) Paglinang (sa mga kategorya). Lubos na kinakailangan ang patuloy na paglinang ng ating mga batay-sa-wikang mga kategorya (sa iba’t ibang etnolingwistikong grupo at pormasyong panlipunan). Ang paglinang ay hindi pagsamba, kundi malalimang pag-usisa at kritika upang mas maunawaan ang katotohanang tinutukoy ng kategorya. Dito muling-papanimulain ang ating ‘agham-panlipunan’ at mula riyan papag-ibayuhin ang naumpisahang mga proyekto ng Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, Pantayong Pananaw, at ang akdang Pagbabago/Pag-unlad (Pons Bennagen) bilang papag-ibayuhing teksto ng agham-taong Pinoy. Sa seryeng ito dudugtong ang agham-tao.

(74.4) Dalawa ang anyo ng pagtiteorya. Narito ang kambal na gawain (ng tatawaging pagti-‘teorya’):

(1) ‘paglikha’ sa ‘bagay’ na inaalam: ang diin ng tanong dito ay: ‘ano ang x?’ (‘ano ito?)’; tingnang-muli: [kapsula 56]; at,
(2) pagsagot sa tatluhang tanong tungkol sa paglitaw, pagpapanatili, at pagbabago: ang tanong dito ay: ‘paano [lumitaw] [nanatili] [nagbago] ang x?’ (‘paano ito lumitaw?’); tingnang-muli: [kapsula 55].

(74.5) Ang di-tao. Pagtugon sa mga ugnayang lampas sa tao-at-tao: tao-halaman at tao-hayop na mga relasyon. Mahalaga ang konsepto ng banwa at sangkinabuhi sa larangang ito at bilang pagkilala sa ‘iba’ at di-tao bilang ‘kapwa-nilalang’ sa loob at labas ng bayan (o sa loob mismo ng ating katawan).

(74.6) Mahalaga ang pag-uusap sa ‘mekanismo.’ Pagbibigay-diin ito sa tanong tungkol sa—lampas sa mga pagpapakahulugan o pananagisag at paninimbolo ng tao at lipunan—lohika, batas, istruktura, at dinamiks ng buhay at lipunan.

(74.7) Matematika. Mahirap ngunit napakahalaga ang pag-angkin at paglinang ng metodong matematikal—at pagkilala sa intrinsikong papel nito sa agham-tao: pagbibitiw ito sa nangingibabaw na dualistikong diin ng: social science=qualitative kontra natural science=quantitative, isang namanang-iskema na mula-Kanluran at, kahit-doon, nilalansag na.

(74.8) Ebolusyon. Mahalaga ang pag-angkin at paglinang sa ‘ebolusyunaryong teorya’ (sa malawak nitong anyo) bilang pagpapaibayo ng ating katutubong pananaw patungkol sa kinabuhi/buhay, ‘Daigdig ng Buhay,’ at pakikipamuhay sa iba pang nabubuhay-sa-mundo. Ekolohikal na ugnayan (sa daloy ng panahon at sa lawak ng mundo) ang nasa puso ng ‘ebolusyon’ (hindi ang ispontanyo-popular at kakatuwang kwento, kapag naririnig ang pangalang ‘Darwin,’ na ‘tayo’y galing sa mga unggoy’).

(74.9) Hypothesis-testing. Mahalaga ang pag-angkin (dahil ang pormalisasyon nito ay vintage na henyong-Kanluran) at paglinang sa klasikong hypothetico-deductive na metodo bilang paglampas sa mga kalituhang dala ng impluwensiyang postmodernista (sa di-matino nitong anyo) at bilang paghulagpos sa iskemang natural science/social science, isang division of knowledge na lumitaw sa partikular na yugto ng kasaysayang-Kanluran82 na unti-unti nang nawawalan ng gamit at kahulugan sa ibang praktika ng kaalaman. Hindi hadlang ang institusyunal na mga dibisyon sa kasalukuyan upang, sa aktwal na praktika, gawin na natin ang isang porma ng pananaliksik na totohanang interdisiplinaryo sa metodo at pilosopiya nito. Hindi rin hadlang (baka nga mas mainam pa) ang pagiging labas sa mga pormal na institusyon, katulad ng unibersidad, kung talagang may sigasig.


81 Tingnan ang isang diskusyon tungkol dito sa: Zeus A. Salazar (1998), “Philippine Studies” and “Pilipinolohiya”: Past, present and future of two heuristic views in the study of the Philippines, sa The Malayan connection (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi), mp. 301-323.
82 Mahalaga ang ginawang pag-aaral historikal, para rito, nina Steven Shapin at Simon Schaffer (1985), Leviathan and the air-pump (Princeton: The Princeton University Press), at ang ‘kakaibang’ aklat ni Donna Haraway (1997), Modest_Witness@Second_Millenium.FemaleMan©_Meets_OncoMouse™: Feminism and technoscience (New York: Routledge).



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »