Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao


  
ANO NGAYON?

[70] Pamamaraan ng pamumuhay (‘kultura’). Ganito ang gagamiting kategorya ni Pons Bennagen sa pagpapakahulugan sa ‘kultura’:

Ang kultura ay ang kabuuang pamamaraan ng pamumuhay. … batay sa kakayahang managisag at matuto. [Ito ay] pamamaraan sa pag-angkop sa nagbabagong kapaligiran … [Sa kulturang Agta, tinutukoy ang] kabuuan ng kanilang pamumuhay, … kakayahankinamihasnan, na nilikha at nililikha nila sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa kapaligiran ng Palanan at sa lalong malaking lipunang Pilipino. Ang mga ito ay nahahayag sa pang-araw-araw na gawi at sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao, sa mga bagay-bagay, at sa mga pangyayari, alalaong baga’y, sa kanilang panghuhuli ng hayup-gubat, sa pangangalap ng pagkain at iba pang ikabubuhay, sa paghahalaman, sa pakikisalamuha sa kapwa nila Agta at sa mga di-Agta, sa kanilang pakikipag-ugnayan sa kalikasan at sa mga anito. (PB, p. 7-8, akin ang diin.)75

Pamumuhay, ikabubuhay, kakayahang-managisag-at-matuto, salamuha-sa-kapwa, ugnayan-sa-kalikasan: ito ang mahahalagang konsepto sa nasiping teksto.

[71] Ano ang dapat nating paksain 1: Buhay at Lipunan. Dulong-layunin dito ang magmungkahi ng mga tema at kategorya (at mga katumbas nito sa iba’t ibang etnolinggwistikong grupo sa Mindanao, at buong bansa) na bibigyan natin ng sentral na pokus sa ating agham:

(1)pamumuhay,’
(2)lipunan’ (at ‘panlipunang-uri’), at,
(3) sangkinabuhi: ugnayan ng lahat ng mga nabubuhay sa isang ‘espasyong-tahanan ng tao at di-tao,’ ang konsepto (o rekonseptwalisasyon) ng banwa.76

Ang mga temang iyan ang magiging tuntungang paksa ng teoryang agham-tao. Sila ang maaaring:

(1) pagmumulan ng mga kategoryang lilinangin bilang mga konseptong pang-agham;
(2) pagmumulan ng mga sanga-sangang katanungan; at,
(3) magiging tabla na paglalatagan at paghahambingan ng mga nabuo nating mga konsepto sa loob ng ating kalinangan.

Sa diin, kulay, at abot-tanaw (horizon) ng mga kategoryang ito—at sa komparatibong bigat ng mga kaugnay pang kategorya—maaari (at kailangang) maipaloob ang mga nakalap natin ‘mula sa labas,’ dala ng ating walang-tigil na pakikibalita sa kalagayan ng iba (‘kapwa-tao’ sa malalayong bayan/bansa/kabihasnan), at ng mga di-tao (‘kapwa-nilalang’).

[72] Ano ang dapat nating paksain 2: Kaugnay at Iba (pa). Maaaring maikumpara ito sa:

(1) mga susing dalumat—‘kapwa’ (Enriquez), ‘kapatiran’ (Covar), ‘bayan’ (Salazar)—na nalinang ng tatlong dalubhasa sa agham-panlipunang Pinoy77 simula noong dekada-70;
(2) tatlong key concepts ng (Euro-Amerikanong) antropolohiya na nabanggit ng antropolohistang si Adam Kuper: culture, social structure, at evolution78;
(3) ng dibisyon ni Tim Ingold sa malalawak na saklaw ng antropolohiya (scope of anthropology), na hinuhudyat ng mga konseptong humanity, culture, social life79;
(4) ng ibinukod-ng-sakyod na mga kategoryang ‘culture/power/history’ ng isang kalipunan ng mga pag-aaral sa ‘kasalukuyang panlipunang teorya.’80

Talagang may pagkakahawig, sa magkakaibang tono at kulay, ang mga set na nabanggit (nakapagtatakang laging tatluhan). Ngunit lampasan muna natin ang tanong sa digri ng posibleng pagkakahawig. Hindi orihinalidad kundi pagbubuo ng pokus ang kasalukuyang objektib. Kung bakit tatlo ay hindi rin mahalaga, dahil walang dalang pagkasara ang mungkahi, o di-kaya, maaaring iisa nga lang dahil dito na huhugutin ang iba pa. Sa umpisa, hindi pa ilan ang mahalaga kundi ano. Implisito, kung gayon, ang pagbubukas sa tanong kung ano ang dapat nating magiging sentrong paksain bilang tunguhin ng isang partikular na hinuhulmang programa o larangan.

Paano kung ayaw nating itanong ito? Mangyayari na ang pag-uusapan natin ay iyon lamang: (1) uso (sa Pransya o kung saan), (2) nilalakong temang may dalang funding (mula USAID o The Asia Foundation o kung saan), (3) teoryang aksidenteng nabasa o teoristang aksidenteng nakilala (sa roleta ng kapalaran), o (4) biglang naisip habang nagkakape o naliligo.

[73] Matinong ‘pakikingatngat.’ Simptoma ng pakikingatngat ang pagtuturo ng teorya bilang paglilista ng teoristang Euro-Amerikano at pagtatalun-talon—mula a hanggang z sa mga paboritong mga teorista, at pagkokomento sa kanila. Maliban sa ngatngatang praxis, idadagdag ito ni Zeus Salazar: mahilig tayong ‘makisawsaw sa kanilang diskurso.’ Ngunit baka dapat pag-ibahin ang uri ng ‘pakikingatngat,’ na may matatawag na matinong pakikingatngat at pakikisawsaw: matino dahil iba kaysa sa ‘nawawala-sa-sariling pakikingatngat,’ at dahil kinakailangan bilang bahagi ng pakikipagtunggali sa mga pwersang nilalabanan din ng bayan. (Isa pa: pakikingatngat bilang teknik sa paghahasa ng isip.)


75 Lahat ng sipi bilang PB ay sa: Ponciano L. Bennagen (1977), Pagbabago at pag-unlad ng mga Agta sa Palanan, Isabela, inilathala bilang Diwa, Tomo 6, Blg. 1-4 (Enero-Disyembre).
76 Unang nabanggit ang ‘sangkinabuhi’ (na mungkahi rin ni Zeus Salazar) sa: MJ Paluga (2006), Ang Sangkinabuhi ay mahalagang larangan ng Agham-Tao: Ang antropolohista sa harap ng sari-saring fild ng Agham-Buhay, ibinahagi sa rountable discussion sa paksang “Practice in Anthropology (When is Anthropology),” 28th Annual Conference of UGAT (Anthropological Association of the Philippines), “The Philippines Unbound: Anthropological Critiques of Globalization,” Silliman University, Dumaguete City, October 26-28.
77 Clemen C. Aquino (1999), Mula sa kinaroroonan: Kapwa, kapatiran, at bayan sa agham panlipunan, Professorial Chair Paper, CSSP (UP Diliman).
78 Adam Kuper (1994), Anthropological futures, sa Assessing cultural anthropology, inedit ni Robert Borofsky (New York: McGraw-Hill, Inc.), mp. 113-118.
79 Tim Ingold (2002), Companion encyclopedia of anthropology (London: Routledge).
80 Nicholas B. Dirks, Geoff Eley, at Sherry B. Ortner (mga pat.) (1994), Culture/Power/History: A reader in contemporary social theory (Princeton: Princeton University Press).



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »