Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



SANGKINABUHI AT PAMUMUHAY SA BANWA (DAIGDIG)

[69] Ekolohiya ng banwa/daigdig. Paano tayo nakikipamuhay-sa-iba-pang-nabubuhay (sangkinabuhi ng Banwa)?

(69.1) Symbionts. May banwa sa loob (at labas) ng ating katawan: konsepto ng symbionts71 sa loob ng tao, o di kaya, ang tao bilang banwa ng libong-libong organismo. Ano ang implikasyon ng biyolohikal na sitwasyong ito sa pagsasakonsepto ng ‘tao’ sa agham-tao?

Tao-Kahaw
Ilang ispisis/species ang isang indibidwal na tao? Tila balintuna (oxymoronic) ang tanong.

Ngunit ang isang naglalakad na tao sa may kanto ng Mintal ay maituturing na isang konsorsiyum ng mga ispisis: isang ekosistemang naglalakad: isang buong banua. Sa lens ng maykrobayoloji, isang buong nagtutulungang-daigdig (ng tao-at-maykroorganismo) ang isang naglalakad na tao.

Hindi ito dahil sa may mga bulate-at-kigwa sa tiyan ang isang tao. Di ito bago sa marami. Mas nakakagulat, ay ang punto pang ito: na hindi maaaring magpatuloy mabuhay ang isang indibidwal na Homo sapiens sapiens kung ihihiwalay siya sa iba’t ibang maykroorganismong namumuhay simbayotikali/symbiotically sa loob ng kanyang katawan. Isipin itong bagong tuklas ng agham: 1013 hanggang 1014 na mga microbiota [maykroskopikong organismo] ang naninirahan sa loob ng tiyan ng isang malusog na tao. Ang kolektibong jinom/genome (tinatawag na microbiome) ng mga organismong ito ay sandaang beses na mas marami kaysa jinom mismo ng tao.

Ibig sabihin, kapag binilang mo isa-isa ang mga organismong ito sa loob ng tao, ilan sila lahat? Sa pinakaminimum, ayon sa ulat: di-kukulang sa 10,000,000,000,000 (10 trillion). Kung wala sila: (1) di natin matutunaw ang marami sa ating mga kinakain; at (2) hihina tayo dahil sa nakakasirang epekto ng nakukuha nating mga lason (toxins) mula sa mga kinakain:

Colonic bacteria and archaea not only help to keep the gut wall intact and healthy; they supply us with a suite of glycoside hydrolases to digest plant carbohydrates, trophic chains of organisms for fermentation of fiber to short chain fatty acids, methanogenesis for hydrogen scrubbing, the means to synthesize amino acids and vitamins, and pathways for the transformation of xenobiotic compounds from plant phenolics to tetrachloroethene.72

Dahil ang pinakamaliit na buhay-na-organismo [microorganism] ay tinatawag na kahaw […] ng ating mga Bagobo sa Kimaymana, maaaring i-apropreyt ang kahaw bilang Pinoy na termino sa maykroorganismo sa pangkalahatan. Kaya’t ang tinatawag nating ‘tao’ ay talagang isang super-organismong entidad ng Tao-Kahaw na pagsasama. Katulad ng pagtutulungan ng uod-sa-lupa (earthworm) at ng magsasaka upang mapanatiling malusog ang lupang-taniman, maraming kahaw o oled/uwod-sa-katawan-ng-tao ang tumutulong upang gumana ang metabolismo ng tao at mapanatili ang kalusugan ng katawan.

Ang tema ng organikong simbayosis (o nagtutulungang-pagsasama) ang pinapatingkad ng ganitong mga tuklas. Sa pilosopikal na larangan, kinikwestyon nito ang ideya ng pagka-indibidwal, ng ako/ikaw bilang “iisa,” at palaot, ang konsepto ng “sarili,” “sariling-pag-iral,” at “sariling-pagkukusa.”

Winawasak ng tao-kahaw na konsorsiyum ang isang konseptong sagrado sa burgis-liberal na kaisipan, ang ideya ng simpleng individual at (sa sunod-sa-modang bokabularyong nasa Ingles) ng self-birthing at self-agency.

Kahaw/Animalcula
Paano ba isalarawan ang Bagobong kahaw (Bisaya, kagaw; Espanyol, microbio; Ingles, germ) ng mga taong di nakakita nito sa mikroskopyo? Kay Antony van Leeuwenhoek […], animalcula (maliliit na hayop) o “buhay na mga Atom” ang tawag niya sa nakitang mga buhay na bagay sa kanyang mikroskopyo […]. Ito ang bahagi ng kanyang report (Philosophical Transactions, 1677):

Noong taong 1675 nadiskubre ko ang mga buhay na nilalang sa tubig Ulan … [mga] maliliit na hayop na sa aking paningin ay mga sampung libo ang liit kaysa sa isinalarawan ni Mons. Swammerdam, at tinawag niyang Kutong-Tubig, na maaring makita sa tubig ng hubad na mata. (Aking salin at diin.)

Ito ang mga unang hakbang sa paglitaw ng konseptong germ, maliliit na hayop na nagiging sanhi ng sakit. Mas kuminis ang konsepto pagpasok nina Louis Pasteur (1822-1895) at Robert Koch (1843-1910).

Saan nga ba galing itong konsepto ng kagaw? Lumitaw ito sa isang ispekulatibong pag-uusap noong kami ay nasa Sityo Kimaymana: ang kagaw ay baka galing sa *kigaw o (metatesis) kigwa (maliit na bulate, pinworm). Kagaw = super-liit na kigaw/kigwa (bulate). Sa oras na iyon, parang tama ito sa aking paningin dahil ayon kay ‘Tay Benig, isang Bagobong mangangaso-magsasaka, ang kahaw ay maaaring ilarawan-sa-isip na isang “uod sa katawan” na di makita ng mata sa sobrang liit.

Ngunit nai-text sa akin ito ni Dr. Zeus Salazar: May karaw sa Bikol (Bikolano/Pinoy si ZAS) sa k[a]hulugang p[a]glaruan ng isang aswang o ispiritu para m[a]gkasakit ang tao. Sanhi ng sakit. Sa Pinoy lingwistiks maaaring magkapalitan ang r/h/g/l: ka[r]aw, ka[h]aw, ka[g]aw.

Maikukumpara rin ang karaw sa oled (uod) a sakit ng Maranaw, na siyang tawag sa germs (maliban pa sa kaloli [pag-aaralan pa, o ikokonsulta kay Zeus, ang etimoloji] a sakit at bisa [lason]). Mukhang mas lapat itong karaw kaysa hakang kigwa. Sa antropolohiyang medikal ng Pinoy, nagbago ang ating dominanteng pakahulugan: mula kagaw 1 (aswang/espiritu, o ang kanilang delikadong paglalaro sa tao, bilang isang sanhi ng sakit), tungo sa kagaw 2 (germ) dahil sa bagong-angkat na instrumento (mikroskopyo), na nagpalalim/lawak sa ating mga sentidong-biswal, at sa mga konseptong dala ng mga Kanluraning kolonisador. Bagong palaman sa dating tinapay. Pagdaan ng ilang taon, natuto na rin tayong sumilip sa paradigmatikong-instrumento ni Leeuwenhoek, at, sumali/nakisali sa paglinang ng germ theory: lumitaw ang mga Pinoy maykrobayolojist, mga dalubhasa sa kagaw.

Ngunit maaari pa ring itanong: paano isinasalarawang-isip ang di-makitang karaw ng mga Bikolano o mga sinaunang Pinoy? Dahil kahit ang espiritu ay kailangang isipin/ilarawan bilang “katawan.” (Naisa-katawan: ito iyong naganahan-tawaging embodied ng mga mahilig sa Ingles.) Sa larawang karaw ng Bikol, oled ng Maranaw, at ideyang uod-sa-katawan ni ‘Tay Benig (Bagobo), maaaring sabihing super-liit na uod nga talaga siguro ang kagaw/germ sa guniguning Pinoy, mula noon hanggang ngayon. O pwede ring maliit na kuto [tungaw!] (cf. kutong-tubig na nabanggit ni Leeuwenhoek), dahil ang sisif ng T’boli ay nangangahulugang kutong-manok (bunhok sa Bisaya) at germs. Superduper-liit na uod man o kuto, malamang na ang orig/sinauna/matanda-kaysa-germ na kagaw, bilang larawang-isip na entidad (imagined being sa mahilig mag-Ingles), ay espiritu, o ang aktibidad nito, na nagdadala ng sakit: at ito’y naisasakatawan/nagsasakatawan bilang di-makitang uod o kuto.

(69.2) Banal. Antropolohiya ng ‘relihiyon’: mga kapaniwalaan tungkol sa espiritu, ‘anito,’ ‘engkanto,’ at iba pang ‘kahiwagaan’: bunga ng pakikipamuhay ng tao sa lipunan at mga di-tao (sangkahayupan) ng banwa.

(69.3) Daga, tuko, damo, at tao. Pansinin ang mga di-taong elemento (daga, tuko, damo; sa buong tula: pagong, paruparo, ibong kanaryo, alamang, aso) na ginagamit sa sumusunod na tula upang mapagnilay-nilayan ang buhay ng tao. Bakit di maiwasan ng taong banggitin ang mga larawan ng di-tao sa tuwing namimilosopiya?

May isang pulubing singhirap ng daga,
kundi makalimos tutong man ay wala;
kapit-tuko pa rin sa buhay na dusta
gayong usad-uod sa pagdaralita.
[…]
Isang katanungang mahirap sagutin,
nanggaling sa wala’t sa wala hihimpil;
subali’t may taong buhay nga’y patay din,
at may di magawang patayin ng libing.
[…]
Madaling isilang ang tao sa mundo,
madaling mabuhay ang masamang damo,
subali’t ang laging bilin ng nuno ko:
“Atong, sikapin mong ikaw’y maging tao.”
—Amado V. Hernandez, “Ang Buhay,” Isang Dipang Langit [p. 10, akin ang diin.]

(69.4) Darwin. Kailangang lampasan ang pag-angkin kay Darwin sa antropolohiya sa lebel lang ng pagkukuwento ng ebolusyunaryong naratibo, na kadalasang sa umpisa lang ng klase naipapasok.73 Ang dapat pag-aralang mabuti ay hindi ang kwento kundi kung ano ang mga tanong na binuksan ni Darwin at paano niya ito sinasagot. Mahalaga ba ang tanong? Paano ito napalawig ng mga sumunod sa kanya?

[Mula kay Darwin] Napansin ko sa maraming lugar ang iilang uri ng mga damo na, katulad ng mga daga, napilitan akong kilalaning kababayan. [In many places I noticed several sorts of weeds, which, like the rats, I was forced to own as countrymen.]—Charles Darwin, Voyage of the Beagle74

(69.5) Patuloy na pagtatalaban ng ‘batas ng buhay’ at ‘batas ng tao.’

Tao:
sumipot nang ayon sa batas
ng buhay
at katalagahan:
tulad ng halaman,
ng isda, ng hayop, ng ahas, ng ibon;
nabuhay nang ayon sa batas
na gawa ng tao.
—Amado V. Hernandez, “Tao 2,” Isang Dipang Langit [p. 7, akin ang diin.]

Totoo ba ang ipinahihiwatig ng tula sa itaas, na kung ang ‘pagsipot’ man ng tao dito sa mundo ay ayon sa ‘batas ng buhay,’ ang kanyang patuloy na pamumuhay ay ayon na lang sa ‘batas na gawa ng tao’? Paano ipakita ang pagtatalaban pa rin, hanggang ngayon, ng ‘batas ng buhay’ at ‘batas ng tao’?

Ang pananaw na nakakalimot sa ugnayan ng bibig, tiyan, kamay, paa, lupa, bulate, kagaw, kalabaw, buwaya, at buong sangkinabuhi at Sanlibutan, ay pananaw na humihiwalay sa totoong daigdig. Sa mas maingat na pagtingin, ang tindig-amnesik na ito ay nananaginip lang sa pagkaka-hiwalay sa meron: ang kanyang ‘di-pagkapit’ ay isa ring porma ng di-maginhawang pagkakapit sa meron ng mundo.


71 Tingnan: Lynn Margulis at Dorion Sagan (2002), Acquiring genomes: A theory of the origin of species.
72 Tingnan: [http://www.sciencemag.org/cgi/content/short/312/5778/1273g] at, [http://www.sciencemag.org
/cgi/content/short/312/5778/1355
]. Makikita ang mas mahabang pagtalakay ng symbionts dito: Jian Xu at Jeffrey I. Gordon (2003), Honor thy symbionts, PNAS, Tomo 100, Blg. 18 (2 Setyembre), mp. 10452–10459. Iniendorso ng mga autor ang pagbubuo ng isang malawak na pag-aaral na tatawaging microbial anthropology:

A microbial anthropology that focuses on genome-based analysis of the microbiota in suitably preserved and procured samples of feces and or intestines derived from ancient humans (93), from current, relatively isolated human populations living in ecologically distinctive niches of our planet, or from nonhuman primates that inhabit various locales, should provide new understanding of how our migrations, dietary transitions, and social innovations interactions conspired to craft modern symbionts (and Homo sapiens), as well as how they influenced the birth and spread of pathogens (p. 10458).

73 MJ Paluga (2004), Integrating Darwin’s “view of life” in anthropological knowledge/education: Foregrounding human-nonhuman entanglements, sa Aghamtao (Journal of the Anthropological Association of the Philippines [UGAT]) 13: 37-62.
74 Charles Darwin (1958), The voyage of the Beagle (New York: Bantam Books), p. 370.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »