Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



ISANG MAS MAHABA PANG TRADISYON NG PAG-ALAM

[65] Ang buong bilog ay ang ‘Daigdig ng Buhay.’ Noong tag-init ng 2005, naganap ang unang Paaralang-Panlarangan ng mga estudyante sa antropolohiya ng UP-Mindanao. Ginawa ito sa sitio Kimaymana ng Distrito Marilog ng Davao. Dito napag-aralan ni Sheila Tampos ang taksonomiya ng mga Bagobo ng lugar: isang ‘panimulang-lapit sa etnotaksonomiya.’66

Ang larawang kanyang nakita/nabuo ay totoong naipinta/naipalabas ng mga kausap na lumad dala na rin mismo ng ‘mapilit’ na pagtatanong ni Sheila tungkol sa topiko ng ‘pag-uuri-uri ng mga nilalang’ sa kanilang kapaligiran: bagay na hindi nila karaniwang ginagawa sa eksplisitong anyo tulad ng ginawa ng nag-aral. Kaya ang kanyang ‘nakitang’ kaayusan ay, sa totoo, resulta ng kabig-akademikong pagtatagpo ng nag-aral at ng mga nakausap. Gayunpaman, dahil matatawag pa ring resulta ito mismo ng pagkukusang-Bagobo na isaayos-isip ang kanilang karaniwang obserbasyon, napaka-interesante ang larawang lumitaw/iginuhit:67 ang kabuuan ay umiikot sa kategorya ng Buhay, kapwa ang mga karaniwan nating iniisip na ‘buhay’ at ‘di-buhay.’

Ang buong ‘mundo’ (inged no koroanon) ay ‘Daigdig ng mga Nabubuhay.’ Hahatiin nila ito sa dalawa: (1) ang mga ‘makakain’ (kokaan) at (2) mga ‘dekorasyon,’ o di-makain (doppan). Napaloob sa ‘buhay (na nilalang) na makakain’ ang mga sumusunod: hayop/ngaap (ayam, monnanap, manuk), tanim/pinnomwa (kauyahan, laag, durable), at tubig (ilog, ulan, at gatas ng ina). Sa kanilang pangangatwiran, ‘buhay rin sila dahil nakakapagbigay-buhay.’ Naroon naman sa mga ‘dekorasyon’/di-nakakain ang: kalawakan/langit, tao/minuvu, at iba pang hindi nakakaing hayop at mga tanim (ibang monnanap, kayu, sabbot). Nakakabighani ang payak na pag-uuri-uring ito, lalo pa’t papangalanang ‘Daigdig ng Buhay’ ang buong laman ng bilog, ang buong-libot ng Sanlibutan. Dapat ding pagkaabalahan ng agham-tao ang lalim at lawak ng pakikipag-ugnayan (o di-pakikipag-ugnayan) ng tao sa ‘bilog’ na iyan.

[66] Antropolohiya ng ‘buhay’ at ‘pamumuhay.’ Dapat pagdugtungin itong ‘daigdig ng buhay’ at ang (sa pormulasyon ni Pons Bennagen) pag-aaral ng mga ‘pamamaraan ng buhay’ at ilan pang tema ng kanyang akdang Pagbabago/Pag-unlad. Magiging-diin ng antropolohiyang ito ay hindi na lang simpleng ‘simbolo’ (proyekto ni Geertz na pinaunlad ni Rosaldo), ‘signipikasyon’ (proyekto ni Taussig), ‘representasyon’ at ‘kapangyarihan’/power (proyekto ni Rabinow), o iba pang temang angkat mula sa labas. (Hindi sinasabing babalewalain sila.) Kung mangalap man tayo sa labas, ito ay upang mas mapayabong pa ang larangang natukoy. Mapapakinabangan siguro natin sa puntong ito ang proyektong ecology of life (Tim Ingold) at ang antropolohiya ng Lebenswelt/lifeworld (Michael Jackson), maliban pa sa agham ng mainstream na ekolohiya.

Sa tema ng buhay/pamumuhay, mas bibigyang-pansin natin ngayon, kung mga obra ni Marx ang babasahin, ang mga konseptong umiikot di lang sa ‘produksiyon’ (Produktionverhältnisse, ‘ugnayan sa produksiyon’) kundi sa Leben/buhay, na di-kinaligtaang markahan ni Salazar sa kanyang pagsasalin sa Manifesto ni Marx: Lebensverhältnisse (‘ugnayan sa buhay’ o ‘kabuhayan’), Lebenslage (kinalalagyan-sa-buhay), Lebensbedingungen (kondisyon-sa-buhay), at Lebenstellung (kalagayan-sa-buhay).

[67] Ano ang nakataya? Ano ang mababago sa praktika ng antropolohiya dahil sa temang ‘buhay’ at ‘pamumuhay’? Lalampasan nito ang tila-pundasyunal na Kanluraning debate sa nature at culture na relasyon.68 Maitatabi ang importansya ng kategoryang ‘kultura’ (na masyadong preokupado sa ‘simbolo’) at mas papagitna ang ‘pamumuhay.’ Hindi na isisentro ang mga debateng umiikot sa ‘simbolo’ kontra ‘materyal’ na aspeto.



[68] Tiyan. Sa tatawagin ni Salazar na ‘dating sikolohiyang Pilipino,’ ipinakita niya ang isang posibleng anyo ng kognitibong pagmamapa ng ating mga ninuno sa kanilang katawan. Sa sinaunang kabihasnang ito, tumatayo ang tiyan at pusod bilang larawan, metapora at sinekdokiya ng ginhawa at buhay:

[A]ng “ginhawa,” na nakaluklok sa rehiyon ng sikmura (atay, bituka, at iba pa), ay lundayan ng buhay, hininga, at iba pa, tulad ng mahihinuha sa kasabihang “kung may buhay, may ginhawa” o sa sinasabi, kung hindi “seryoso” ang tama (ng punla o saksak, halimbawa), na “malayo ‘yan sa tiyan.” Ang rehiyon ng sikmura sa paligid ng pusod, samakatuwid, ang “pusod” din ng buhay at ng lahat ng makapagpanatiling buháy at nasa buhay (nasa mundong ibabaw) na ang pinakapalatandaan ay ang hininga/paghinga. Pagkabuhay at pamamalagi sa daigdig o, sa mas praktikal, kabuhayan at pamumuhay, samakatuwid, ang batayan ng dalumat ng kaginhawaan. (Akin ang diin.)69

Ginhawa, paghinga, tiyan, pusod: mga pagsasakatawan ang mga ito ng buhay at pamumuhay.

Malaki ang papel ng kategoryang kinabuhi/buhay sa karaniwang Pinoy: (sa Bisaya) ‘lisod gyud ‘ning atong kinabuhi,’ ‘paita (metapora ng paglalasa) sa kinabuhi diri uy.’ Masinop at napakahalaga ang ginawang pag-aaral tungkol dito ni Prof. M Hilario-Patiño,70 na tumingin sa etnograpikong larangan ng kategoryang kinabuhi (madagway ha kinabuhi/‘magandang buhay’ at malugon ha kinabuhi/‘mahirap na buhay’) sa pang-araw-araw na buhay ng kasalukuyang mga Higaonon ng Bukidnon. Makikita rin ito sa ideya ng ‘magandang lupa’ at ‘magandang buhay’ ng mga Agta (sa Bennagen, Pagbabago/Pag-unlad); at sa iba pang pag-aaral, kung saan nadaplisan ang kahalagahan ng kategoryang ‘buhay’ sa larangang panlipunan (halimbawa, kina Cannell at Rosaldo).


66 Sheila Mae G. Tampos, Exploring Bagobo ethno-taxonomy, Fieldwork Paper (1st Field School 2005, UP Mindanao), 19-pahina. Maliit na pamayanan lamang ang Kimaymana, halos animnapu katao lang ang naroroon, at dahil hindi rin gaano katagal at katutok ang ginawang pag-aaral sa kanilang ‘etnotaksonomiya,’ magandang tanong kung gaano kalaganap at katatag ang nakita ng panimulang pag-aaral ni Shiela Tampos. Gayunpaman, ang nakuhang obserbasyon ay resulta ng maingat na pagtatanong at ang nabuong anyo ay ipinakita at sinang-ayunan ng mga naroroon.
67 Bilang direkta kong reaksiyon noong sumangguni sa akin si Sheila, dahil medyo ‘magulo’ sa tingin ko ang larawang ibinigay (matatag ang kapit ni Carolus Linnaeus), at bilang suhestiyon tungo sa komparatibong lapit, nagmungkahi ako ng isang mas ‘maayos’ na interpretasyon sa nakitang paglalarawan. Salamat kay Sheila (na hindi nagpadala sa suhestiyon ko) at kay Gus Gatmaytan na sinusugan ang ‘simpleng nakita’ bilang napakahalaga.
68 MJ Paluga (2004), Knowledge practices traversing nature/culture divide: Review of recent themes in “social” studies, sa Banwa (Journal of UP Mindanao). Tomo 1, Blg. 1, mp. 11-36.
69 Tingnan: Zeus A. Salazar (1999), Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang diwang Pilipino sa agos ng kasaysayan, Bagong Kasaysayan, Blg. 6 (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi), p. 77.
70 Tingnan ang buong diskusyon sa: Maricel Paz Hilario (2004), On “development”: Competing perspectives and practices in Northern Bukidnon, Mindanao. MA Thesis, Department of Anthropology, UP Diliman.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »