Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao


 
PAGPAPAIBAYO SA MGA NAUMPISAHAN: PAGBUBUO NG KANON NG AGHAM-TAO

[63] ‘Lupa’ ay Banwa. Ang sumusunod na sipi ay mula kay Pons Bennagen, sa kahulugan ng ‘lupa’ para sa mga Agta:

Ang lupa ay binubuo ng luto (soil), mga halaman, hayup at iba pang bagay-bagay na matatagpuan doon, likas man o gawang-tao. Ito ang karaniwang pakahulugan sa lupa. … Iba’t ibang katangian ang nagbibigay-ganda sa lupa.

Ang pang-uring aking ginamit ay ganda sa halip na halaga sapagkat higit na angkop ito sa diwang Agta. Sa kanilang gamit, ang isang patag na lupa ay dapat a ganda o kaya ay maganda a tahod (tunay na maganda). Ang bukid at talon ay maganda dahil sagana ito sa hayup-gubat, nakakaing bungang-kahoy, naglalamang-ugat, puno ng almasiga at ilog na mapagkukunan ng isda, suso at iba pa. (PB, p. 30.)

Maririnig dito ang alingawngaw ng ‘lupang tinubuan’ ni Bonifacio, ng yutang kabilin ng mga Lumad, ng banwa ng mga Bagogo bilang kabuuang ‘daigdig,’ ng isinakonseptong Banwa ni Salazar bilang ‘tirahang espasyo ng tao at di-tao,’ at makikita ang lohika ng argumento ni Gus Gatmaytan na ang ancestral land ng mga IPs ay dapat talagang iugnay sa domain na pumapaloob sa lahat ng likas-yaman at iba pang nabubuhay.

[64] Tagapagbigkis ang pag-unawa sa pagkakaiba (ng wika at pamumuhay). Ang pag-i-etnograpiya ni Pons ay isinagawa niya bilang isang porma ng ‘pakikipagtalastasan’ sa mga Agta, na nangangailangan ng ‘malalim na unawaan’ ng nag-aaral at ng mga Agta. Nagsikap siyang matuto sa wikang Agta. Isang ‘pakikiugaling-pagmamasid’ o di-kaya, pakikipamuhay:

Sila naman ay tuwang-tuwa sa aking pagsusumikap [na matuto ng kanilang wika] at sila rin ang nagbigay-sigla sa akin: “Sige, Banagan [tawag nila kay Pons], mag-Agta ka na lang upang lalo mong matutunan at mawatasan.” Anupa’t nang malaunan ay Agta na ang aking ginamit sa pakikipag-usap sa kanila. … (PB, p. 17-18.)

Ngunit lalong mahalaga ang huling pangungusap sa kabanatang ito: makikita mo ang pakikipagkapwaan ng dalawang Pinoy (Agta at di-Agta) na lampas sa kanilang pagwiwika bilang verbal na pagsasalita:

Sa maraming pagkakataon, ang hadlang ng wika ay hindi naging balakid sa aming pag-uunawaan, sa halip ay naging tagapagbigkis sa amin. (PB, p. 18, akin ang diin.)

(64.1) Agta laban sa matsing, daga, ibon, at baboy-damo. Masisilip sa teksto ni Pons ang isang porma ng tao-hayop na ugnayan—nasa metapora ng ‘labanan’ at ideya ng ‘mapaminsalang hayup’ ang nasipi—na hindi pa nabigyan ng buong atensyon sa mga pag-aaral dito sa atin. Narito ang ilang sipi:

Ang pagsasaka ay nangangailangan ng matagalang pagtigil sa isang lugar upang maalagaan ang tanim at maipagtanggol laban sa ibang taong maaaring magkainteres sa lupa sampu ng mga mapinsalang hayup kagaya ng baboy-damo, matsing, daga, at ibon. … Ang mais, kamote at samara ay pinipinsala ng baboy-damo at matsing, ang kaunting palay ay inuubos ng daga at ibon[,] kung may natira pa ng usa. (PB, p. 80, akin ang diin.)

(64.2) Paano naging ‘hayup’ ang mga hayop? ‘Labanan’ ba lagi ang namamayaning porma ng ugnayan ng taumbayan at mga ‘mapinsalang hayup’? Ano ang mga sosyo-ekolohikal na salik na nagpalitaw sa ugaling ‘pagka-mapaminsala’ ng ilang kahayupan? Ibig sabihin, anong uri ng kaayusan (tao-kalikasang ugnayan) ang nagpapalitaw at nagpapanatili sa ‘mapaminsala-sa-taong’ galaw ng mga kahayupan?64

(64.3) Bakit hindi masarap ang alagang manok para sa mga Agta? Nabanggit ni Pons na nag-aalaga ang mga Agta ng mga manok hindi para pangkonsumo kundi para lang maipagpalit:

Mayroon din silang mga alagang manok na kundi man nila kinakain dahil hindi raw masarap ay kanilang ipinagpapalit sa mga di-Agta ng ibang pangangailangan. (PB, p. 2, akin ang diin.)

Isang atityud ito patungkol sa domesticated animals ng mga hunter-gatherers na mga pangkat na nagpapa-iba sa kanila sa mga tuluyan nang agrikultural na mga grupo. May bagong pag-aaral sa atityud na ito si Stefan Seitz65 na magpapatatag sa nakita ni Pons sa mas malawak na konteksto. Malawak na pananaliksik pa rin ang kailangan upang masagot ang tanong tungkol sa pagbabago ng atityud ng tao tungkol sa mga nadomestikang hayop sa magkakaibang konteksto ng pamumuhay.

(64.4) Hayop bilang teknolohiya (ekstensyon ng katawan). Maliban sa aso bilang kasangkapan sa panghuhuli ng baboy-damo at usa, may isa pang di-karaniwang praktis na narekord si Pons: ang paggamit ng matsing sa “pangangaso.”

May isang mag-asawa na sa paghuhuli ng baboy-damo ay nagdadala ng unggoy. Ayon sa kanila, ang unggoy ay tumatahimik kapag malapit na [ang] baboy-damo. Kapag tahimik na ang unggoy, hahanapin na nila ang baboy-damo upang barilin o panain. (PB, p. 61.)

Ang paggamit ng hayop bilang ekstensiyon ng ating pandama/katawan (katulad ng paggamit sa aso at unggoy dahil sa kanilang lampas-taong mga pandama [pang-amoy/pandinig])—at nabanggit rin sa unahang bahagi na “ang teknolohiya ay ekstensyon ng katawan ng tao” (PB, p. 8)—ay isa pang mahalagang tema na maaaring palaliman.

(64.5) Iba pang mahahalagang topiko ng pamumuhay. Makikita sa mga linyang-sipi sa ibaba ang ilang bagay na nangangailangan ng mas malaliman pang pananaliksik bilang pagpapayabong sa temang natumbok. Mga punto ito na magandang pag-ibayuhin ng antropolohistang Pinoy bilang pagpapatuloy sa pag-unawa ng buhay at buhay-buhay ng bayan/Banwa. Binigyang-diin sa ibaba ang mahahalagang termino na dapat isa-konsepto. Maaaring gawing panandang poste ang mga termino upang tingnan ang papel nito sa iba pang lugar at bayan:

‘Ang pandaigdigang sistemang ekolohikal ay may epekto maging sa kasulok-sulokang bahagi ng bayan.’ (PB, p. 90, akin ang diin.)
‘Ang pag-unlad ay pagbabagong-anyo’t pagbabagong-diwa ng pagkatao.’ (PB, p. 90, akin ang diin.)
‘Nananatili ang pamilya at sambahayan na batayang buklurang pangkabuhayan.’ (PB, p. 82, akin ang diin.)
‘Nagsisilbi ang ‘pagkukwento bilang sagot sa mangha at takot sa mga di-maipaliwanag na bagay sa kalikasan.’ (PB, p. 53, akin ang diin.)
‘Ang mga hindi sumusunod sa kapasyahan ay dadanas ng paglibak mula sa mga kasapian.’ (PB, p. 52, akin ang diin.)
‘Mayroon ding isang sabungan na siyang pangunahing pook-aliwan ng nakararami kapag Linggo.’ (PB, p. 21, akin ang diin.)
‘Mula sa pang-araw-araw at karaniwang palitan umusbong ang ugnayang Agta at di-Agta’ [inter-etnikong ugnayan]. (PB, p. 50, akin ang diin.)
‘Ang pag-unlad bilang isang proseso ay may lohika’ [pag-aaral sa ‘lohika’ at mekanismo ng panlipunang galaw]. (PB, p. 90, akin ang diin.)


64 May umpisang pag-aaral dito, sa kontekstong Timog-silangang Asya, sa: MJ Paluga (2007), Cultural attitudes to animals in Southeast Asia: Human-animal relations as a dimension in cultural identity formation and dynamics, naipresenta sa 6th Workshop-Conference of the Asian Public Intellectuals, Marco Polo Hotel, Davao City, 25-29 November 2007.
65 Stefan Seitz (2007), Game, pets, and animal husbandry among Penan and Punan groups, sa Beyond the green myth: Borneo’s hunter-gatherers in the twenty-first century, inedit nina P. Sercombe at B. Sellato (Copenhagen: Nordic Institute of Asian Studies), mp. 177-191.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »