Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



TUNGKOL SA PAG-ANGKIN KAY MARX

[60] Kamay. Paano namumuhay at nakikibaka-sa-buhay ang Pinoy?

Gagawa ang tao: batas-kalikasan
pangunahing gamit ang dalawang kamay;
at mapaghimala ang kamay na iyan,
mundo ay pinuspos ng kababalaghan.
—Amado V. Hernandez, “Ang Kamay,” Isang Dipang Langit61

(60.1) Kasaysayan ng Kamay bilang Lipunan. Ang pag-iisip tungkol sa lumilikhang-kamay ay tutungo sa konsepto ng panlipunang-ugnayan sa paglikha dahil hindi lang isang tao ang lumilikha. Dugtong nito ang mga nakapaloob na konsepto ng panlipunang ugnayan:

(1) ng ‘uri’/class62 dahil sa magkakaibang katayuan-sa-paggawa;
(2) ng produkto (halimbawa, bigas), o ‘halaga’ nito;
(3) ang ‘sobrang produkto’ o ‘sobrang halaga’ (surplus value) (ang natira matapos makuha o makain ang ‘tamang-tama’ sa ikabubuhay);
(4) ideya ng ‘pagdami’ at ‘pagtubo’ ng mga gawang-bagay;
at sa huli (na mas binigyang-diin ni Marx),
(5) ang tanong kung ‘saan napupunta ang sobrang-produkto ng panlipunang-paggawa?’

(60.2) Paglitaw at pagpapanatili ng mga uri. Ang class bilang:

(1) epekto ng di-pantay na direksyon at sirkulasyon ng sobrang-produkto (ang Marxistang aha: ang piling uri bilang benepisyaryo ng ‘sobrang produkto o halaga’); at, (2) epekto ng pagkakatali sa isang ‘katayuan sa kaayusang-pamumuhay’ (class position).

Halimbawa, ang tinatawag na katayuang-proletaryo: walang matatag na boses sa paktorya, tagapagbili lang ng kanyang ‘lakas-paggawa,’ binabayaran ng ‘tama lang’ para mabuhay (kadalasan, kulang lagi, at nagiging takbuhan ang ‘kamag-anak,’ ‘kaibigan,’ ‘mabubuting mayayaman’). Na kung iisipin, ang lakas (at talino) ng ‘manggagawa’ ay lumilikha ng masasagana at napapakinabangang bagay (surplus value). Pansinin na isang collective ang ‘manggagawa’ at napapaibayo nito ang paglikha dahil sa pag-uugnay nito sa iba pa, tao at di-tao.

(60.3) Balangkas ng pamumuhay (at paghihirap). Sa pagdaan ng panahon, nagiging masalimuot ang mga ugnayan at mga kaayusang-bayan, mas lumalaki ang agwat ng mga taong may magkakaibang ‘katayuan-sa-buhay’ (= ‘katayuan sa produksyon’ =‘uri’). Dumadami ang tao at mas naiipon sa iilan lang ang nalilikhang ‘yaman’ (‘gamit-paggawa’, gawang-bagay, at iba’t ibang porma ng kasangkapan-upang-mabuhay).

Mas mahirap nang gawin kahit ang ‘simpleng-buhay,’ mahirap makakita ng ‘trabaho.’ Namimili ang ‘may-ari’ ng papatol sa mababang ‘sahod,’ mas malaki ang tsansa ng mga ‘may-kaya’ na makakuha ng ‘maginhawang-trabaho.’ Nagkakarerahan din ang mga may-kaya at mga ‘may-ari ng pagawaan’ sa pagpapalaki ng ‘kita.’ Natatalo ang mahihina at nagbabawas ng trabahador. Nagsasara at nawawalan ng trabaho ang marami at nagiging lumulutang na manggagawa.

Mahirap makahanap ng lupang malinang (nabakuran na ng mga may-ari). Kulang ang naipong pera para makapagpagawa ng bahay na matirhan at hadlang ang pera para makakuha ng gamot para sa iba’t ibang ‘karamdaman-ng-katawan.’ Ang mga karamdamang ito ay kadalasan may kaugnayan din sa uri ng pamumuhay.

Ang kahirapan-sa-buhay ay may kaugnayan sa kaayusan-sa-pamumuhay.

(60.4) Politics. Teoretikal na kontribusyon ni Lenin: ang pagbubukas sa tanong tungkol sa ‘panlipunang-ugnayang-pang-kapangyarihan’ (politics): ang usapin ng pamumuhay ay usapin ng kapangyarihan. Iisa: kapag dito tingnan, ‘pamumuhay’ (economic relations); kung doon, ‘kapangyarihan’ (politics, power relations). Mga tanong:

(1) Sino ang kinikilala ng bayan na mas ‘may kapangyarihan’ (may gahum o kusog)?
(2) Bakit nagkaroon ng ganitong pagkilala: ano nga ba ang gahum? (Ikumpara ito sa [38])
(3) Gaano kahalaga ang papel ng kaayusang-pulitikal sa pagpapanatili ng umiiral na kaayusan-sa-pamumuhay?

Konsepto ng ‘rebolusyon’: pag-atupag sa larangang pang-kapangyarihan. Sentral na tanong dito ay: paano mabubuo bilang makapangyarihang-lakas ang ‘taong-bayan’ (‘anakpawis’ o ‘bayang-sawi’) upang bigyang-daan ang pagbabago ng kanilang buhay (‘pag-unlad’)? Ang tinatawag na class struggle ay umpugan ng dalawang (o nagiging-dalawa) linya ng makapangyarihang-lakas: ng naghaharing-uri at ng nag-iipon-ng-lakas na taong-bayan.

(60.5) Praxis at tindig. Ano ang papel ng nililikhang kaalamanan ng antropolohiya (pag-aagham-tao, pagbibiyolohiya, pagmamatematika, pamimilosopiya) sa pagsasa-kapangyarihan ng taong-bayan? Ibig-sabihin: ano ang papel ng kaalaman sa pamumuhay?

Itanong din dapat: gaano katotoo ang balangkas sa itaas [60.1 hanggang 60.4]? Paano mas mapag-aaralan ang mga katagang nasa [‘ ’] upang mas maunawaan ang kilos ng lipunan? Anong balangkas ang naisantabi dala ng ganitong istilo ng pagtitig?

[61] Matinong kanibalismo (nguyaing mabuti si Bourdieu). Dapat matunaw sa tiyan ng bayan ang mga naangkat na teorya at teorista.

Pagmunimunihan, sa muli, itong pandaigdigang kanibalismo ng karagatan.… Mga kanibal? Sino ang hindi kanibal? [Consider, once more, the universal cannibalism of the sea.… Cannibals? Who is not a cannibal?]—Herman Melville, Moby Dick63

Imbes na magbunganga lang ng habitus at field, imbes na gawin lang itong palamuti (pagbuburda ng Bourdieu sa teksto), o makipagngatngatan tungkol sa kanya: kagatin, kainin, at nguyaing mabuti si Bourdieu (at marami pang iba). Pag-aralang mabuti (sa saling Ingles o sa orihinal) paano mag-isip ang isang Pranses, tungkol sa suliraning pantao at panlipunan. Ano ang mga tanong na pinagkakaabalahan nila? Ano ang mahahalagang puntong mahuhugot sa kanila?

Gawing libangan ang pagsasalin sa kanila (sa Bisaya o sa Pinoy) kahit ng isang akda o tsapter man lang. Gisingin ang potensyal ng wika sa bawat pagsasalin. Ipook ang kanilang diskurso sa kontekstong intelektwal ng kanilang panahon at pook. Baka makita ang ganitong galaw: na ang matinong pagpopook ng isang akdang-labas ang mismong landas upang mas maipaloob ito sa bayan.

[62] Marx at ang tiyan ng bayan. Ang totoong ‘Marxista’ ay baka hindi na kailangang sumipi kay Marx: dahil natunaw na siya sa iyong tiyan at sa loob ng bayan. Baka tanda ng hindi pa buong pag-angkin kay Marx (pag-angkin sa kanyang mga tanong at istilo ng pagsagot) ang lagi-laging pag-uusap tungkol sa kanya.


61 Amado V. Hernandez (1961), Isang dipang langit (Lungsod Quezon: Ken, Inc.), p. 20.
62 Ang class dito ay mahigpit na tumutukoy sa mas malawak na konsepto ni Marx ng mode of production.
63 Herman Melville (1980), Moby Dick (New York: NAL, Signet), mp. 270, 293.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »