Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



DISKURSO NG KAMAY AT AGONISTIKS NG PANGANGALAP

[48] Lampas sa bibig. Ang metapora ng bibig, pagkain, iba pang bahagi ng katawan, at ilang karaniwang gawain (tulad ng pangingisda), ang magpapakita bilang tuntungang-isip ng ating karaniwang mga pag-uusap. Maaaring tumawid mula ‘bibig’ tungong ‘kamay,’ ‘tiyan,’ ‘katawan,’ at ‘daigdig’ ang agham-taong pag-aaral.

[49] Bricolage. Lubos ba o limitadong pagpapakadalubhasa sa diskurso ng labas? Ang ‘pangingisda sa dagat ng mga diskurso’ at ang teorista bilang bricoleur ay kahawig ng ebolusyunaryong istilo na tinaguriang exaptation56 ni Gould, paggamit-muli ng isang bagay na iba kaysa orihinal nitong function. Dugtong na tanong: saang pook (paligid-ng-pangangalap) gagalugad ang bricoleur?57 Kung ‘kamay’ ng bricoleur ang larawang tutuntungan, ang atensiyon ay sa gawain, at sa galing ng bagay na ginagawa, at dito, hindi na masyadong inaalala kung saan nanggagaling ang mga sangkap. Ito ang tinatawag ni Arnold Azurin na ‘pinakbet haypotesis,’58 dahil, ayon pa, kung saan-saang lupalop (ebolusyunaryo at historikal) nanggagaling ang mga sangkap nito ngunit tatak-Ilokano pa rin ang nabuong ulam.

[50] Pagpapakadalubhasa at pragmatikong pag-angkin. Paano kung ang ‘pagbubunganga’ ay talagang mga kailangang hakbang tungo sa bumubunga-ng-pang-unawang ‘pag-uulit’? Paano kung merong sitwasyon na ang ‘pagbubunganga’ at ‘pangingisda’ ay magkabilaang mukha lang ng iisang gawain? Nagiging ‘pagbubunganga’ kung titingnan banda roon: susukatin ang nakita sa métier ng pagpapakadalubhasa; ngunit ‘pangingisda’ kung titingnan sa tabing ito: pragmatiko, may-hinahabol-na-iba, taktikal, gawaing-brikolyur na pag-aangkin ng mga ideyang ‘pwede-na’ at ‘madaling hablutin habang wala pang iba.’

[51] Ngunit paano kung tusô ang bricolage? Ngunit paano kung ang gawaing-brikolyur ay isang porma lang ng katamaran: antuking-isip at katawang tamad makipamuhay sa bayan/Banwa? Paano kung may uri ng bricolage na nambibitag? Paano kung ganito kumilos ang Hegelyanong cunning of Reason? Balikan-muli ang nangyari sa mga indio na nakikinig at ‘nangingisda’ sa sermon ni Padre Damaso: mas tumatag ang gahum ni Padre at ng ‘Poon’ sa kanilang guniguni [05].

[52] Libreng kotse bilang teorya. Minsan: ang isang konsepto ay nagsisilbi ring parang ‘metodo,’ paraan ng pagtitig, kasangkapan sa ‘pagbubuo’ mismo ng ‘bagay’ na aalamin [56]. Hindi ngayon madaling mapaghiwalay ang payak na ‘metodo’ sa teoretikal na konsepto. Isipin ang isang gratis na kotse: bakit hindi tatanggapin, libre nga; ngunit, dahil kailangang alagaan, papagawan mo ng garahe, liliit ang iyong kwarto, kakain ng sahod ang maintenance, at maraming oras ng paglilinis. Kumakasangkapan din ang mga kasangkapan.

[53] Modularity at misreading. Minsan, ang mga konseptong mula sa labas ay natatanggal sa kanilang kinalalagyang konsteksto at ginagamit sa paraang-modyular.59 Minsan nga ang misreading ang nagiging paraan upang magkaroon ng epektong-modyular sa mga nakuhang konsepto. Bilang modyul, nagagamit sila bilang elemento sa pagbubuo ng sariling framework at nagkakaroon ng digri ng pagka-bago ang nalilikhang kaalaman.

[54] Makakapag-isip ba tayo na hindi umaangkin? Ang mahalagang tanong dito ay hindi kung ‘kaya ba,’ kundi kung ‘posible (pa) ba’ (na hindi mangalap sa labas)?


56 Stephen Jay Gould at Elisabeth Vrba, (1982), Exaptation—a missing term in the science of form, sa The philosophy of biology, inedit nina David Hull and Michael Ruse (Oxford: Oxford University Press), mp. 52-71.
57 Ang larawan ng bricoleur ay nasa: Claude Levi-Strauss (1966), The savage mind (Chicago: The University of Chicago Press).
58 Sa maraming impormal na pag-uusap at sa isang di-pa-nalathalang papel (walang petsa, 7-pahina): Arnold Molina Azurin, Savoring the pinakbet prism of cultural analysis.
59 Konseptong unang ginamit sa computer science at cognitive science. Tingnan ang pagtalakay sa modularity of mind at iba pang kaugnay na konsepto sa: Robert A. Wilson at Frank C. Keil (1999), The MIT encyclopedia of the cognitive sciences (London: MIT Press).



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »