Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



PAGHIHINTAY SA ‘AHA’

[43] Ano nga uli ang mga tanong? Heto ang mga elemental na tanong na siya nating isaisip:

(1) ano ang mga tanong na dapat nating itanong?, at kadugtong nito,
(2) kung mangalap man tayo, para ano?

Dagdag: pabirong nabanggit ito ni Pons Bennagen sa isang pag-uusap, ‘Gusto kong simulan ang tatawagin kong So-what Anthropology.’ Isisiksik lagi ng antropolohiyang ito ang tanong na: so ano ngayon? Para laging matauhan.

[44] Hindi masama ngunit peligroso. Habang hindi masama per se ang mangalap, para sa isang Pinoy na may makabansang paninindigan, peligroso ang nawawala-sa-pook na ‘pagbubunganga’ at ‘pakikisawsaw’ sa mga hindi-pinopook51 na diskurso. Mahalagang ideya: mas lilitaw ang mga sariwang punto ng mga nakalap na kaalaman kung iisiping iba ang pook nila.

[45] Proyekto at praxis ng pag-i-‘iba’ at pagpapalitaw ng ‘bago.’ Malawak ang mga tema at tanong [71, 72] kaya’t maaaring magtanong (ang isang nagmamadali): ‘halos lahat naman pwedeng ipasok d’yan, kaya ano ang bago?’ (Malamang na i-gloss din ang mga tema bilang ‘ways of living,’ ‘everyday life,’ ‘social classes,’ ‘ecosystem,’ o ‘ecology.’) Ngunit pagmunimunihan natin ito:

(1) Iba ang magiging pananaw kung dumaan ang isa sa kritika ng Pantayo (at ng mga naumpisahang proyekto nina Enriquez, Covar, at Salazar). Iba ang direksiyon ng pag-iiba kung ang diin ay bilang ‘tayo’ at ‘sila’ (kumpara sa ‘kami’ at ‘kayo’).
(2) Mahirap talaga ang tanong (‘may bago ba?’) dahil ang magiging buong pagsagot nito ay lumalampas na sa simpleng pag-uusap at pagbubukas-bibig.52

Bagong ano? Pang-unawa sa ‘pagka’ at ‘pagiging’53 ng ‘sarili,’ ‘kapwa,’ at ‘iba,’54 ng ‘buhay’ at ‘pamumuhay’ [71].

[46] Pagpapalitaw sa aha. Kailan masasabing ang konseptwalisasyong ginawa ay talagang nagbubukas ng bago at sariwang pang-unawa sa isang bagay (isang aha!) at di lang isang porma ng sopistikadong ‘redeskripsyon’ ng mga bagay na matagal na nating alam?

[47] Pagtuntong (at pag-iisip-muli) sa karaniwan. Ang tinutukoy rito ay ang paglilinang sa mga konseptong karaniwan na sa atin at ang pagpapatalas ng mga ito: (1) pag-iisip-muli sa kanila sa loob ng karaniwang buhay, at (2) paghahambing nito sa iba pang konsepto (loob o labas man ng kalinangan), at iba pang mga kaparaanang panglinang.55 Ibig sabihin, pag-aaralan ang paraan ng matino at disiplinadong pagsagot sa ating mga tanong, ang sining/lohika ng pagbibigkas ng mga tanong at paglilikha/pagbubuo ng mga tangkang-sagot. Ang punto ay ang pagpapatalas mismo ng mga karaniwang kategorya at pag-aangat sa potensyal nito bilang kasangkapan sa diskursong pang-agham.

Ang tagumpay ng tinatanaw na proyekto ay isang bukas na tanong: makikita lamang ang bisa/hina nito sa daloy mismo ng pagsasagawa at paghaharap sa mga aktwal at praktikal na mga hamong hindi buong maisip sa umpisa. Kaya nasa programatikong lebel ang tono ng iniendorsong mungkahi rito. Hindi bawal ang mangalap, o mangisda o mangaso, ng konsepto: ngunit pwede ring maglinang.


51 Para sa isang historikal na pagpopook sa ilang diskurso ng antropolohiya ng Europa, tingnan ang inedit na akda nina Han F. Vermeulen at Arturo Alvarez Roldan (1995), Fieldwork and footnotes: Studies in the history of European anthropology (London: Routledge).
52 Sa isang interbyu, binanggit ni Salazar ang gawaing,

tracing, revealing that which has never been written about because we were following leads set for us by another foreign discourse. (S Lily Mendoza, Between the Homeland and the Diaspora, p. 85, akin ang diin.)

53 Laging binabanggit ni Covar sa aming klase noon ang dalawang katagang ito.
54 Mula kay Salazar, tingnan: Manifesto, p. 198.
55 Kasali na ang pagkritik sa maalamat na ‘etnograpiya’ at pagbabalanse sa penomenolohiya at pagsasaagham.



« SINUNDANG PAHINA    |    SUNOD NA PAHINA »