Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



PAGHARAP-MULI SA PROYEKTONG PANTAYO: PALIHIS NA PAGPAPATULOY

[33] Akrobatiks ng tayo at ng ‘iba.’ Makikita siguro na ang proyektong ito ay tumutulay sa mga ideyang nabuo bilang ‘pantayong pananaw’ ni Zeus Salazar (at kaugnay na mga ideya ng ‘pilipinolohiya’ ni Covar at ‘sikolohiyang pilipino’ ni Enriquez). Bilang isang pagtugon sa kritikang ‘pantayo’ ni Zeus Salazar (at proyektong tinatawag na indigenization ng agham) at ng kaniyang praktika ng pagsasalin mula-labas-paloob, maaaring tingnan ang ganitong pagtatangka bilang pagpapakita sa pagkahabi-habi&mdashdi-pagkakahiwalay&mdashng talastasang:

(1) pantayo (tagaloob ang kausap sa topikong karaniwan, o di-karaniwan, sa ating pamumuhay), sa,
(2) pansila (tagalabas ang pinag-uusapang mga bagay-bagay, kahit tagaloob ang kausap),
(3) pang-kami (tagalabas ang kausap at, kadalasan, ito ay tungkol sa mga topikong mainit sa kanila o di-kaya ay mga bagay-bagay na meron silang interes), at,
(4) pang-kayo (tagalabas ang kausap, at sila rin ang bagay na pinag-uusapan).

Makikita ang peligroso at akrobatikong tindig nito sa tangkang sabay na pag-iiba-at-pagpapaibayo ng praktikang ‘pantayo’ ni Salazar: pagkilala sa kasalimuotan ng—at kinakailangang bungguan sa—umiiral na nabubuong talastasang-bayan/intelektwal.

[34] Pagtaya na makabuluhan (pa rin) ang ‘karanasang Pinoy.’ May pagtaya rito na ang iniendorsong magkakabit na tema [71] ay nakaugat sa kasaysayan at karanasang Pinoy at tumutugon sa mga praktikal na tunguhin at preokupasyon ng bayan/bansa: at ang kaugnay na punto na makahulugan pa rin ang kategoryang ‘loob’ bilang bayan/bansa. May pagtaya rin na meron talagang maipagpapatuloy na ‘kasaysayan’ at ‘karanasan’ na ‘Pinoy,’ at makabuluhang ipagpatuloy ito.

[35] Simplipikasyon at ang totoong anyo ng ‘pantayo.’ May ipinakitang mahalagang dimensiyon ang ‘alamat ng tayo at sila’ [03, 04], ngunit isa pa rin itong ‘pantasya’ sa ilan nitong hibla: may peligro sa simplistikong naratibo. Kailangan itong lagyan ng supplement.

Ganito: Paminsan-minsan, nag-aanyong Pan-sila ang pag-uusap, dahil hindi nila maiwasang hindi pag-usapan ang tagalabas at ang kanilang mga mapang-akit at makapangyarihang mga diskurso. Minsan naman, kausap na ng elit ang bayan, ngunit sa mode na tuturuan nila ang bayan ng mga bagong bagay na natutunan nila (kay Marx at Lenin, halimbawa), na mahalaga rin naman (mangangako rin naman sila na matamang makikinig sa bayan, ‘mula sa bayan, balik sa bayan,’ matapos i-process ang mga kuwento-ng-bayan sa makina ng Marxismo: ang masalimuot na tagpuang ito, gaano kagaling silang makinig-sa-bayan, ang malikhaing mga istilong lumitaw, ay di pa buong napapag-aralan). At minsan uli, ang pag-uusap ay sa pagitan lang ng mga elit, mag-uusap-usap ang mga Ingleserong Pinoy (tungkol sa gamit ng mga saling-akda nina Foucault at Derrida, halimbawa); minsan, sa hybrid at pidgin ng mga Tagliserong Pinoy rin. Minsan din, sa pagitan lamang ng akademikong Pinoy at isa pang akademikong Pinoy ang pag-uusap, tungkol sa buhay-buhay ng kanilang bayan. Sa huling halimbawa na ito, di-maiwasang may mga bokabularyong hindi direktang maunawaan ng isang labas-sa-akademikong-larangan (ang maalamat na ‘magbabalot’ at ‘tindera ng palengke’). Ganito ang totoong anyo ng Pantayong Pag-uusap.

Sa pagbubuo natin ng matatag na ‘pantayong pananaw,’ dapat masalungguhitan na ito ay:

Hindi: ‘Ito lang, at huwag iyon’ (binaryo ng 0 o 1).
Kundi: ‘Gaano kabigat at kadalas ang ibibigay rito, kumpara roon’ (range ng values sa pagitan ng 0 at 1).

Taktika ang binaryong pagpapatingkad sa katotohanang gumagalaw sa malawak na pagitan ng 0 at 1.

[36] Ang mga sumunod sa mga Propagandista. Binigay ito ni ZA Salazar sa isang lektura44 sa UP Mindanao (Hunyo 2006):

Masasabing ang mga ilustrado’t propagandista (Paterno, Lopez-Jaena, Rizal) ang siyang mga unang “pre-siyentipikong” antropolohistang Pinoy na, tulad ng kanilang mga katunggaling Kastila, ay di nagsanay sa nabubuo na noong “siyensya” ng antropolohiya. Samakatuwid, ang wala sa kanila ay pamamaraan at konting pagrerenda sa sariling damdamin.

Masasabing mas iskeptiko—di mapapaniwalain, di madaling mapaniwala—sila kaysa sa kasalukuyang mga “siyentipikong” antropolohista na “nagsanay” na “sa abroad” at dito na rin sa atin. Ang tendensya—sa katunayan, ang tanging Gawain—ng mga ito kadalasan ay hanapan ng mga patunay (Tangco, Manuel, Zamora, Jocano, Clavel, Paz at iba pa) sa reyalidad etnograpiko at arkeolohikal ng Pilipinas ang mga teorya ng kani-kanilang mga propesor o isponsor sa ibayong dahat. Ang kailangan nila ay pagpopook ng sarili sa Pilipinas at malaking dosis ng iskeptisismo,45 batay sa katotohanan na lahat ng pananaw—lalo na, sa teoryang antropolohika—ay nakapook, nakapaloob sa isang kontekstong pangkalinangan. (Akin ang diin.)

[37] Hindi simpleng ‘wika’ lang ang isyu. Bagaman malalim dapat ang pagkilala sa halaga ng wika (sa proyekto ng pagbubuo ng ating tradisyong pang-agham at proyektong makabansa)46 hadlang sa pag-unawa sa mga puntong iniendorso rito ang labis-na-pagtitig sa isyung pang-wika. Sa mga nagsasabing ‘mahirap ang Tagalog o Filipino,’ walang ibang masasabi kundi, (1) paghiling ng pasensiya sa isang papel na nagpapahasa pa rin sa wikang Pinoy, at (2) pagbigay-pangako na pwede ring pag-usapan ito sa Ingles o Bisaya, sa isang karaniwang usapan, kung ang isa ay talagang may malasakit sa mga tema at tanong na pinipresenta.

Mahalaga rin ang panlipunang aspeto ng wika. Halimbawa, subukang makipag-usap sa isang ‘kapareho’ mo ng wika ngunit nasa ibang panlipunang katayuan. Kailangan mong makipamuhay muna sa ginagalawan niyang larangan bago maging maayos ang inyong pag-uusap. Alam na alam ito ng mga aktibistang nakipamuhay sa maraming nagbi-Bisaya-nang mga lumad sa Mindanaw.

[38] Bakit ba tayo naaakit sa labas? Hindi maitatangging mapang-akit ang maraming diskursong Kanluranin. Namamangha tayo sa mga bungang-isip nila. Ngunit imbes na tumunganga sa ating pagkamangha, itatanong natin: ‘bakit tayo namamangha?’

Ilang puntong maaaring makasagot:

(a) namana natin (at naging idee fixe) mula sa Propagandistang tradisyon ang pagkahumaling sa Pangkaming praxis (mula kay Salazar ang pagtayang ito);
(b) nasalamangka tayo sa ‘marayang ningning’ (sensu Emilio Jacinto) ng ‘kaisipang kolonyal’ bunga ng ‘misedukasyon’ (Renato Constantino);
(c) magaling talaga sila sa marketing ng kanilang mga ideya;
(d) nagkataong nauna talaga nilang nahukay ang malalalim na katotohanang ‘unibersal’ (malawak) ang aplikasyon. (Nakaangkas dito ang ideyang: meron talagang “abanse” at “atrasado” sa larangan ng teknolohiya at, kung gayon, sa kaalaman: dahil sa akses na dulot ng makapangyarihang teknolohiya, mas masaklaw ang maaaring abutin ng kaalamang Kanluran patungkol sa tao at daigdig.)

Isa pa, nagiging magaling ang mga Kanluranin dahil magaling din silang humulma ng malalaking tanong: isipin ang mga tanong nina Kant, Hegel, Marx, Freud, Darwin.

[39] Bakit sanay sa ‘malalaking tanong’ ang taga-Kanluran? Isa sa naging sangkap sa alindog ng Kanluraning diskurso ang lalim ng tradisyon nito sa pagsasaaklat ng kanilang mga naisip, ang nagpapatuloy na paglinang nila—walang katapusang pagpu-footnote—sa mga naisip ng mga nauna: halimbawa serye ng mga komento kay Plato, komento sa komento kay Plato, komento sa komento sa komento kay Plato, kaya sasabihin ni Whitehead na ang buong kasaysayan ng Kanluraning pilosopiya ay serye ng mga footnote kay Plato. Pangalawa, natutuhan nilang gumawa ng mga sulating ang frame ay kadalasang pandaigdig, sa pinakamalawak nitong anyo (global na diskurso): malaki ang kaugnayan nito sa kanilang karanasang Pananakop. Mas masaklaw ang tingin dala ng mas masaklaw na pananakop, na nagpalitaw na rin sa mas sopistikadong paghahambing, klasipikasyon, at titig-mula-sa-taas na pag-aaral ng mga nasaklaw na bayan.

Ang aklat at iba’t ibang teknolohiya ng pag-aaral sa katutubong nasakop, ay nagpatatag sa kaalamang naipon ng mga taga-Kanluran. Kadalasan sa mga kaalamang nabuo nila, kahit pa sasabihing mantsado-ng-kolonyalismo, ay di-maitatwang ‘nakakagat din talaga sa meron.’

[40] ‘Purong pampanitikan lamang’. Balik-tanawin ang ‘Sermon’ ni Padre Damaso at ang ‘pagbabasa’ nito ng mga indio: at ikumpara ito sa komento ni Marx sa mga Alemang intelektwal na nanghihiram ng teorya mula sa Pransya:47

Masibang pinagkakamkam ng mga [Alemang] pilosopo, mala-pilosopo at intelektwal ang literaturang ito [mula sa Pransya]; lamang, nakalimutan nila na, sa pagpasok ng mga sulating iyon mula sa Pransya, ay hindi kasabay na lumipat ng lupain patungong Alemanya ang mga kondisyong Pranses ng kabuhayan. Sa harap ng mga kondisyong Aleman nawalan ng lahat ng direkta’t praktikal na kabuluhan at nagkaanyong purong pampanitikan lamang ang kasulatang Pranses.

Bilang ‘purong pampanitikan lamang’ bukas sa ‘pangingisda’ ang mga sulating galing sa labas na pumapasok sa bayan.

[41] Ang isdang bangsi at ang loob at labas ng bayan. Balikan natin ang metapora ng ‘pangingisda.’ Baka kenkoy ang gawaing ‘pangingisda’ kung bayan ang inaalam at inuunawa? Paano mangisda ang isa ring isdang-bayan? Baka dapat ‘paglangoy’ at ‘pagsisid’ ang dapat gawin. Baka ang mas magandang metapora ay ang ebolusyunaryong estratehiyang nalikha ng isdang bangsi (flying fish). Isang isdang marunong sumisid at lumipad sa ibabaw ng dagat. Maaaring ikumpara ito sa isang doble-tindig na pamamaraan na tatawagin ni Padre Ferriols (Mga Sinaunang Griyego) na ‘tanaw’ at ‘tarok’:

Para tayong nakasakay sa isang helikopter na linilibot ang isang malawak na karagatan. Matatanaw natin ang buong ibabaw nito. Hindi tayo mababasa. Hindi natin sisisirin ang kailaliman nito. Tatawagin nating “tanaw” itong patakarang ito.

Ang pangalawang patakaran naman ay may pagkaiba. Nakasakay tayo sa isang motorboat na may radar na nakatatarok kung gaano kalalim ang dagat. Paminsan-minsan ay hihinto tayo upang mag-iskuba nang talagang maranasan natin ang mga kahiwagaang umiiral sa ilalim ng tubig. Sa ating pagkaginaw, matatauhan tayo kung gaano kalawak at lalim ang hindi natin nararanasan. […] Tatawagin nating “tarok” itong patakarang ito. (Akin ang diin.)48

[42] Sarili at ang dinamiks ng ‘indibidwal.’ Isang anekdota: Matapos ang talakayan,49 isang 1st year na estudyante, ang lumapit sa akin at nagtanong:

‘Sir, bakit ba umiikot lahat ang usapan sa kayo, tayo, sila, kami at walang ako, pang-ako?’ ‘Oo nga, Sir,’ pag-sang-ayon ng dalawa pa niyang kasama. Matapos kong sabihing, ‘magandang tanong ‘yan, pag-isipan ko pa,’ sinabi ng isa na: ‘Sir, okey lang po na pag nagkatagpo tayo kahit saan, sabihin mo sa amin kung may sagot ka na?’

Ang tanong kung saan ang ‘ako’ at ‘sarili’ sa usaping ‘tayo’ at mga kaugnay na tindig-pook ay talaga namang mahalaga. Dapat ding bigyang-diin ang kategorya ng ‘indibidwal’ (di lang ‘bayan’) sa pag-usisa ng panlipunang dinamiks: halimbawa, bilang balon ng mga mapanlikhang galaw na sasalain (ala ‘seleksiyong natural’) ng ‘talastasang-tayo.’

Batayang elemento rin ang ‘ako’ at ‘sarili’ sa pagbubuo ng isang matalik na pag-uusap (‘ikaw at ako’) sa pagitan ng mga ‘kapwa.’ Ang ‘ikaw-ako’ na pag-uusap ay nakapook din sa matatag na ‘tayo,’ ang ‘tayo’ ng ‘ikaw’ at ‘ako.’ Pag-isipan din ang mga payong ito ni Rene Villanueva (sa larangan ng pagsusulat):50

(1) ‘Habang nagsusulat, sarili lamang dapat ang masiyahan.’
(2) ‘Ang tunay na sukatan ng akda ay sa silbi nito sa iba.’
(3) ‘Maging seryoso sa buhay, pero huwag laging seryosohin nang husto ang sarili.’


44 Zeus A. Salazar (2006), Kasaysayan at tunguhin ng antropolohiya/aghamtaong Pilipino, CHSS Activities for the 98th Foundation of the University of the Philippines (Tema: “Kabansaan, Ka-Mindanawan, at Dayaspora”), UP Mindanao, SOM, 19 Hunyo, mp. 1-2.
45 Ang kaugnayan ng matibay na loob (‘kabuuan’) at ang mas kapaki-pakinabang na ‘pag-aangkin’ ng mga bagay mula sa labas. Sinalungguhitan ito sa komprehensibong pagtalakay ni Lily Mendoza sa Pantayong Pananaw at mga aspeto nito, tingnan sa: S. Lily Mendoza (2002), Between the homeland and the diaspora (New York: Routledge). Narito ang isang mahalagang sipi tungkol sa usapin ng ‘pag-angkin’:

[to] have one’s own sense of kabuuan (totality) now allowed for appropriation (pag-aangkin) of foreign knowledge without being unduly overwhelmed or impressed by such and, more importantly, without reinscribing psychic domination (p. 85).

46 Habang iniendorso ni Dr. Ricky Nolasco (personal na pakikipag-usap), ng Komisyon ng Wikang Filipino, ang pangangailangang maging eksperto, ng bawat Pilipino, (sa minimum!) sa apat na wika (Tagalog/Filipino, Bisaya, Ilokano, at Ingles), kailangan pa ring bigyan ng higit na atensyon, upang lalong malinang, ang wikang Filipino/Pinoy.
47 Salazar (2000), Manifesto, p. 85.
48 Roque J. Ferriols, SJ (1992), Mga sinaunang Griyego (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University, ORP), p. 1. Pansinin ang medyo teknolohikal na mga metapora ni Ferriols (‘helikopter,’ ‘motorboat,’ ‘radar’ (at ang pag-‘iskuba’), na maikokontrast sa relihiyosong papel ng mga ito sa ‘pagdanas ng hiwaga’ (ikumpara kung, halimbawa, sasabihin na: ang mga nabanggit na teknik ay upang mas makita ang mga ugnayan ng mga nabubuhay sa ilalim ng dagat).
49 Sa naunang presentasyon ng papel na ito.
50 Villanueva, (Im)Personal, mp. 114, 125.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »