Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



PILOSOPIKAL NA PAKIKINGATNGAT: UNTUL NG DI-BUO

[29] Ironya. Itatanong dapat lagi kung ang napapansing “bungguan” ba ay talagang magkaiba (galing sa magkaibang direksiyon) o talagang magkabilaang-posisyon ng iisang problematiko. Minsan, ang tonong sarkastiko ay para lamang bigyang-diin ang isang punto at hindi upang ipakitang maling-mali ang nakantiyawang posisyon. Ironya: ilang hibla ng nakantiyawang ideya ang gagamitin mismo.

[30] Hindi pagpapatagpo kundi pagbabalangkas sa banggaan. Kadalasan, mapapansin ang ganitong sitwasyon sa problemang panteorya (mula kay Žižek):

Paano kung ang totoong tanong ay hindi kung paano pagtagpuin ang magkabangga [punan ang puwang sa gitna ng magkabilaang tindig] kundi kung paano balangkasin ang banggaan, paano ito unawain nang mabuti? [What if the actual problem is not to bridge the gap but, rather, to formulate it as such, to conceive it properly?]38

[31] Larangan ng di-(pagbu-)buo at pag-aadhika ng ‘kabuuhan.’ May ideya ng pagka-‘buo’ na, labas sa karaniwang sentido ng inaasam natin na ‘tayo sana’y mabuo’ (bilang ‘loob’ at ‘bayan’ o ‘bansa’), ay kakatwang guniguni lamang kundi man kabalintunaan. May isang larangan kung saan ang hindi pagiging ‘buo’ ang nakikitang kaayusan o tunguhin.

Paano kung, sa larangang iyan, ang pagka-di-buo ang siya talagang kalagayan-ng-pag-iral? Isipin ang mga sumusunod: ‘pagka-tao,’ ‘isang partikular na panlipunang-uri,’ at ‘isang partikular na disiplina’ (halimbawa, antropolohiya). Dito, walang ‘pagbubuo’ dahil kalikasán at lohika nila ang di-pagkabuo o di-pakikipagbuo. Isipin uli sila:

(1) ‘TAO’ (at ‘di-tao)’ at isipin ang ‘ebolusyon,’ symbionts, at dinamiks ng post-human39;
(2) ‘URING-API’ (at ‘uring mapang-api’) at isipin ang rigor ng class struggle40;
(3) ‘ANTROPOLOHIYA’ (at mga di-antropolohikal na disiplina) at isipin ang pagpapaibayo ng interdisiplinaryong praktika at makabansang pag-aagham, hanggang sa pagwawasak ng ‘antropolohiya.’

Sa isang kakaibang pilosopikal na pormulasyon, may larangan kung saan ang ‘isa’ ay ‘hiwalay na kaagad sa sarili.’41 Maging alisto tayo sa (hangganan ng) adhikang ‘kabuuhan.’ Ibig sabihin, pragmatikong adhikain ito, hindi ontolohikal na proposisyon.

[32] Sitwasyong untul. Ngunit sa huli, makikitang may ‘sitwasyong-untul’ (deadlock) sa pinakapusod ng pagtiteorya at ng nagtiteorya. Tinutukoy rito ang (tila) di-mabuburang banggaang-posisyon sa sumusunod na mga usapin:

(1) kung anong bagay ang isasateorya (ibig sabihin, pagkakaabalahan);
(2) kung anong ‘pook’ ang papahalagahan at kung anong paninindigan42 meron ang isang nagtiteorya (matingkad na makikita sa usaping ‘makauring paninindigan’ at pagiging makabayan/bansa, ‘anong bayan?,’ ‘anong bansa?’);
(3) (kung mang-angkin man) anong mga konsepto ang aangkinin mula sa labas.

Magkakaugnay ang mga nabanggit. May mga bungguang posisyon na elemental: intrinsiko ang gap:43 ito ang ‘untul’ o deadlock na sitwasyon.

Ano ngayon kung isang ‘untul’ ang sitwasyon? Kung untul nga ang isang banggaan, hindi ‘pagkakasundo’ ang proyekto, kundi ang matinong pag-unawa sa gap. Paano kung may mga porma ng ‘banggaan’ na hindi kailangang ‘lutasin’? Paano kung may mga posisyong hindi talaga posibleng pagtagpuin—dahil talagang magkabilaan, mukha ng iisang barya?


38 Žižek, The Parallax View, p. 214.
39 Tingnan: N Katherine Hayles (1999), How we became posthuman (Chicago: The University of Chicago Press).
40 Ito ay kung tinatanggap ng isa na tumpak ang Marxistang analisis na umiikot sa konsepto ng mode of production at social formation. Isang anyo ng pagtaya ito na nagsasabing: kung totoo ang ‘tunggalian ng uri,’ walang malalimang antas ng ‘pagkakabuo’ (ng tao) kung hindi muna nilalansag ang kaayusang nagpapanatili sa mga ‘uri.’ Sa diretsong pagkasabi ni Guillermo (sa Salazar, Manifesto, p. 206):

[P]ara sa akin ang salungatan ay salungatan sa pagitan ng mga “hindi-nagkakaintindihan” sa loob ng iisang wika. Kaya nga ito humantong sa armadong labanan ay wala nang makukuha sa pakikipag-usap pa.

41 Maikukumpara ito sa argumento tungkol sa non-all logic mula kina Hegel, Jacques Lacan, Slavoj Žižek, at iba pa (na buong siglang pinanindigan at pinag-ibayo sa: Žižek, Parallax View). Tingnan rin: Žižek (2003), The puppet and the dwarf: The perverse core of Christianity (Cambridge: The MIT Press).
       Bibigyan natin dito ng mahaba-habang diskusyon ang ideya ng non-all. Ang ideyang ito ay tila magbubukas ng bagong lapit sa usaping ‘kabuuan’ kung itatabi sa ginawang kontrast ni Guillermo (Pook at Paninindigan, p. 51) tungkol sa pag-iisip sa ‘kabuuan’: ang ‘kabuuang-walang-lamat’ kontra ‘kabuuang-may-hidwaan.’ Ang laro rito ay: (1) ilatag ang ‘kabuuan,’ at (2) gawan ng kaunting pagbabago (i-qualify): ‘may hidwaan’ o ‘walang hidwaan.’ Parehong ‘kabuuan’ ang umpisang postulate. Paano kung ang ilalatag, sa umpisa pa lang, ay ang pagka-di-buo?
       Kung itutuloy natin ang pag-iisip sa daloy na ito (pag-uusap sa ‘kabuuan’), maaari tayong mapunta sa ideya ng dialectics. Ang popular na paglalahad ay: ‘ang isa ay naging dalawa, at may hidwaan sa dalawa.’ Ang laro ay: (1) may ‘isa’ na magiging ‘dalawa’ (mahahati sa dalawa), at (2) ang hidwaan ay lilitaw lamang matapos lumitaw ang dalawa: ang hidwaan, samakatuwid, ay hidwaan ng ‘isa’ at ‘isa.’ Ang lohikal na implikasyon ay: hindi kayang isipin (ng istilong ito ng pag-iisip) ang ‘hidwaan’ kung hindi sa gitna ng ‘marami’ (sa minimum, dalawa o ‘maraming isa’). Plurality ang prerequisite upang maisip ang hidwaan (contradictions, struggles). Tatawagin natin itong ‘hidwaan 1.’ Paano kung, sa umpisa pa lang, ang ‘isa’ ay ‘may hidwaan na sa sarili’? Ito ang pinakapayak na anyo ng totoong ‘hidwaan’ at pinakapayak na anyo ng pagka-‘iba’ (pure difference): hiwalay na kaagad ang ‘isa’ sa kanyang sarili (sa umpisa pa lang), di-pagkakatugma-ng-isa-sa-kanyang-sarili (non-identity of the one from itself). Tatawagin natin itong ‘hidwaan 2.’
       Bakit mahalaga ang pormulasyong ito? Ang argumento ay: may nakatagong (maling) assumptions sa ‘hidwaan 1’ na wala sa ‘hidwaan 2.’ Heto sila: (1) panlabas ang hidwaan (‘isa’ vs ‘isa’; kung sasabihing may hidwaan sa loob ng ‘isa,’ ito ay dahil nahati na naman ito sa dalawa na naghihidwaan, ad infinitum); (2) ligtas sa hidwaan ang panloob na ‘isa’ (at ‘isa’ sa loob ng ‘isa,’ ad infinitum) sa pinakaloob-loob nito: kaya napapanatiling-ligtas ang ideya ng pagiging ‘buong-buo’ ng ‘isa,’ kahit pa sa pabalat na pagsang-ayon sa hidwaan: sa istilong ito: kailangan talaga munang ‘maging dalawa’ upang maisip ang hidwaan: halimbawa, maiisip lamang ang hidwaan sa ‘loob ng isip’ sa horizon ng ‘pagdadalawang-isip’ o pagkakaroon ng ‘dalawang personalidad’ (ibig-sabihin, hindi normal ang hidwaan); (3) sa huli, liliko ang ideya (‘ang isa ay naging dalawa’) sa (pilosopikal na) pagpapalagay (dahil bibigyang-diin ang ‘hidwaan 1’) na ‘marami na sa umpisa’: na ‘plural’ ang katutubong kaayusan (tuntungang metapisika ng Postmodernismo, na may obsesyon sa plurality).
       Kung iiwasan ang tatlong ideyang iyan, ang magiging alternatibong lohika lamang na naiwan ay ang lohika ng non-all o ang ‘hidwaan 2.’ Dito, pinapanatili (kung iisipin, ipinaglalaban) ang ideya ng ‘isa.’ Ito ang sasabihin: pagiging ‘isa’ talaga ang katutubo at nagpapatuloy na kaayusan, ngunit ang ‘isa’ ay meron na kaagad bitak sa sarili, di-tugma sa sarili, di-buo. ‘Di-buong isa’ (o ‘isang may lamat’) ang konseptong maaaring itabi (bilang panghambing) sa ideya ng ‘kabuuang-may-hidwaan.’ Ang totoong pormulasyon ng ‘diyalektika ng loob,’ kung gayon, ay hindi ‘ang isa ay naging dalawa,’ kundi: ‘ang isa ay di-buo’ o ‘ang isa ay may tagpas na (sa umpisa pa lang).’ Isisingit ito ni Žižek, bilang Kristiyanong pormulasyon (na hindi makikita sa ibang mga relihiyon) sa mahalagang ideya: ‘isang sugatan at nagdurusang Diyos,’ di-buong Diyos (may Diyos, pero siya’y di-buo, nasa loob ng di-buong Kasaysayan). ‘Monoteyistang Kristiyanismo’ ang nasa pinakapusod ng ‘materyalistang dayalektiks’ o, vice versa, may diyalektikang kernel ang Kristiyanismo. Ang galaw ng ‘pagbubuo,’ kung gayon, ay bumubukal mula sa primordiyal na pagka-di-buo (ng iisang Mundo).
       Ano ang mahuhugot natin sa pilosopikal na konsepto ng non-all (di-buo) para sa pag-iisip tungkol sa ‘kabuuan’ at ng ‘hidwaan’ sa loob ng bayan, lipunan at kalinangan? Na: maaaring pag-ibahin ang tanong tungkol sa pagiging ‘buo’ at tanong sa pagiging ‘isa’ (pag-iisip na, ‘iisa ang ating pinanggalingang ninuno,’ ‘nasa iisang kalinangan tayo,’ ‘iisa ang ating mundo,’ o di kaya, sa popular na advertisement noon, ‘isang bangka tayo’). May mahalagang ‘nibel ng meron’ kung saan totoo, at makabuluhang adhikain, ang ating pagiging ‘isa.’ Hindi iyan nangangahulugang binobola na natin ang ating sarili na tayo’y ‘buo’ (‘isang di-buong Bayan’).
       Ikinahihiya ng Postmodernismo ang magsalita tungkol sa ‘isa’: ang matinding pang-unawa nito (na halos isang epiphany) sa pag-iral ng ‘hidwaan’ (matapos ang mahabang kompleks sa ‘kabuuan’/totality/whole) ay hahantong sa lagi’t laging pagbabanggit sa ‘marami’ (selebrasyon ng ‘plural’) dahil hindi nito kayang isipin (maliban kung tatanggapin ang lohika ng non-all) ang (maaaring) pagkakasabay ng konseptong ‘isa’ at ng konseptong ‘hidwaan.’ Sa kaparehong daloy ng pag-iisip, ganito ang kanyang pormula: ‘isa’ = ‘buo.’ (Selebrasyon ng ‘plural’: sabagay, maaari nga silang magdiwang dahil ang hidwaang iniisip ay talagang hidwaang panlabas lang: bungguan ng maraming ‘isa’ na, sa loob-loob nito, ay nag-iilusyong ‘buong-buo.’ Maya-maya pa, maaaring ilaglag na nila ang epiphany ng ‘hidwaan’ at ang pluralidad na lang ang tanging pahalagaha’t ipagbunyi: mula ‘kabuuan,’ tungong ‘hidwaan,’ tungong ‘pluralidad’ (tungong ‘anarkismo’ pa siguro). Ang trahedya ng panahon. Sa kabilang banda, ay ang pormula na: ‘isa’ ≠ ‘buo’ at ‘isa’ = ‘di-buo.’
42 Ang kahalagahan ng ‘paninindigan’ (kaiba sa ‘pook’), na ang diin ay ang ‘maka-uring’ dimensiyon, ay binigyang-diin sa: Guillermo, Pook at Paninindigan.
43 Ang ganitong ideya ng gap ay hiram kay Slavoj Žižek (Parallax View), na may kaunting pagbabago at (sa puntong ito) maaari munang ihiwalay sa iba pang implikasyon ng tatawagin niyang parallactic gap sa pilosopiya, kognitibong agham, at pulitika.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »