Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao



MAHABANG PAKIKINGATNGAT: PUNTOS, KANTIYAW, AT KONTRA-PUNTOS

[12] Pagpuno sa balde ng tubig. Minsan, nagkakaanyo ang pagtiteorya bilang ganito: ‘heto ang balde, punuin natin ng tubig.’ Ang balde ay ang mga konseptong pupunuin ng katutubong tubig bilang mga datos. Halimbawa: ang tema ni Eric Wolf ng panunuot ng napaamo o inangkop-ng-katutubong kapitalismo hanggang sa kasuluk-sulokang mundong-lumad: kaya iaalingawngaw ngayon ng ating intelektwal ang tanong: ‘paano naangkop?’ at ‘paano nanuot?’ ang kapitalismo. O di kaya: dudugtong tayo sa ganitong serye: commodity fetishism at sympathetic magic/animism mula Marx, tungong Frazer, tungong Walter Benjamin, hanggang kay Michael Taussig.

[13] Pamamalengke. Tadhana ng liberal-intelektwal ang mahalina sa isang ala-mall (o smorgasbord o buffet) na sitwasyon ng pagtiteorya: ‘pamamalengke’ ng konsepto sa librarya, Internet. Kakatwang-kilos ng intelektwal na namrumroblema sa ‘paghahanap ng teorya’: ang agon ng ‘iskolar’ na ito ay ang paghahanap lang ng pamalot ng kanyang data, na parang wala talagang kaugnayan sa kinabuhi ang ginagawa, para mabalot lang, at magmukhang respectable ang kanyang ‘akademikong artikulo.’

[14] May krisis ba ng ‘representasyon’? Noon, biglang naging sikat, na halos gawing parang kanon, sa ilang mga intelektwal ang Writing culture.23 Nahawa yata tayo mula noon ng tatawaging “krisis ng representasyon.” Mainam pagmuni-munihan (sisiksikan ng tanong) ang medyo-malokong punto tungkol dito ni Stephen Tyler:24

The whole point of “evoking” rather than “representing” is that it frees ethnography from mimesis and the inappropriate mode of scientific rhetoric that entails “objects,” “facts,” “descriptions,” “inductions,” “generalizations,” “verification,” “experiment,” “truth,” and like concepts that, except as empty invocations, have no parallels either in the experience [kaninong karanasan?] of ethnographic fieldwork or in the writing [kaninong mga akda?] of ethnographies.

Ethnographic discourse is not part of a project [kaninong diskurso at proyekto?] whose aim is the creation of universal knowledge. It disowns the Mephistophelian urge to power through knowledge, for that, too is a consequence of representation. … The true historical significance of writing is that it has increased our [sinong ‘atin’?] capacity to create totalistic illusions with which to have power over things or over others as if they were things. The whole ideology of representational signification is an ideology of power. To break its spell we [sinong ‘tayo’?] would have to attack writing, totalistic representational signification, and authorial authority, but all this has already been accomplished for us [sinong ‘atin’?]. … Post-modern ethnography builds its program not so much from their principle as of their deconstruction. (Akin ang diin.)

[15] Nilaga at pastiche ng namatay. Ang larawan ng dami at sari-saring panindang-konseptwal mula sa Euro-Amerikanong paktorya ng mga teorya ang laging hihila sa atin. Ang larawan ng pastiche ay matingkad sa postmodernismo:

What is post-modernism? … Going beyond the by now “classic” definition of Lyotard—the end of metanarratives—Jameson defines its second element as pastiche. The dictionary definition—“(1) an artistic composition drawn from several sources, (2) a hodge podge” [ang English-Tagalog na salin ni Fr. Leo English: ‘gulo’, ‘gusot’, ‘kagusutan’]—is not sufficient. … Jameson is pointing at a use of pastiche that has lost its normative moorings, which sees the jumbling of elements as all there is. Hodge podge is defined as “a jumbled mixture”, but it comes from the French hochepot, a stew [nilaga], and therein lies the difference. […] Today, beyond estrangement and relativism, lies pastiche. […] We are back at the “Fantasia of the Library,” this time not as bitter parody but as celebratory pastiche. [Mula kay Rabinow]25

Nakaligtaang banggitin ni Rabinow na (naglalaro na rin lang tayo ng etimolohiya) nasa itaas na sangang-ilog rin ng hodge podge ang hotchpot: paghahati-hati ng mana ng mga anak ng isang yumao na nakaligtaang makagawa ng last will. Nakakatakot ang imahen ng ‘patay’ sa hihiguping ‘nilaga’ mula sa ganitong sulok ng Kanluran:

hodge•podge (hojÆpojÅ), n. a heterogeneous mixture; jumble. [1615–25; var. of HOTCHPOTCH]
hotch•potch (hochÆpochÅ), n. 1. a thick soup or stew of vegetables or meat, often thickened with barley. 2. Brit. hodgepodge. 3. Law. a hotchpot. [1350–1400; ME hoche poche, rhyming var. of HOTCHPOT]
hotch•pot (hochÆpotÅ), n. Law. the bringing together of shares or properties in order to divide them equally, esp. when they are to be divided among the children of a parent dying intestate [ng yumao na hindi nakapagsulat ng ‘last will and testament’]. [1250–1300; ME hochepot < AF, lit., shake-pot.] [Mula lahat sa: Webster’s Unabridged Dictionary]

[16] Doktrina ng Pagsipi. Dahil nabanggit sa itaas [15] ang larawan ng ‘pagmana ng yaman,’ maganda itong kalikutin. Isipin ito: minsan may napag-isipan kang isang bagay na wari mo ay mahalaga, isang paglitaw-isip na dala lang ng likas na kalikutang-isip ng karaniwang Homo sapiens sapiens. Ano ang gagawin mo? Parang kasalanan kung isusulat mo ito nang hindi muna pinuntahan ang Aklatan, ang Di-Maabot-Tanaw-na-Hanay-ng-mga-Aklat-mula-Kanluran. Imposibleng ikaw talaga ang nakaisip n’yan!, ibubulong sa iyo ng Ideolohiya ng Pagsipi. Kaya pupunta ka ngayon sa librarya, maghanap ng mga ‘patunay’ sa mga nakasulat at (dahil sabi nga ng Ecclesiastes, ‘wala talagang bago sa ilalim ng araw’) makakukuha ka naman, at mas yumabong pa nga ang nauna mong haka, salamat sa mga palaisip mula labas. Resulta: lahat ng Pinoy ay ‘nagmana lang’ sa mga inisip ng iba.

Kailangan ba talagang retroaktibong manipi? Ang tanong ay kung ano talaga ang nangyari noong lumitaw ang isang pag-iisip. Ang pagiging ‘una,’ ay hindi laging pagiging ‘ninuno.’

[17] Sobrang pag-aalala sa ‘representasyon’ at ‘power’ at ang tugon ni Derrida. May ganitong alamat: ang ‘nawasak na salamin ng Kalikasan.’ Naimbento ang ‘epistemolohiya’ matapos ding maimbento ang ‘isip’/mind (isang di-makitang sulok sa loob ng tao) bilang salamin. At kaya nagsimula ang paghahanap ng matibay na pundasyon ng ‘pag-iisip’/representation, na ang naging dominanteng sagot ay ang labas na ‘reyalidad’ na nare-reflect ng isip. Ngunit dahil nga sa ‘pagkabasag ng salamin,’ nawala na kapwa ang salamin at sinasalaming ‘labas.’ Nalalansag na rin ang pag-iisip ng Reyalidad.

Tila napaniwala ng kwentong ito ang ilang Amerikanong antropolohista. Ano ang kanilang tugon? Lumitaw ang Krisis ng Representasyon: iisiping ‘krisis’ dahil ang ‘re-presentasyon’ ng kaalaman ay nawalan ng pundasyon, wala na kasing matibay na kahulugan ang ‘reyalidad.’ Sayaw lang ng différance lahat: walang-katapusan at nakakahilong ‘pag-iiba’—at laging-napapabukas, sa walang-hanggang hanay ng mga sulatin, ang pagtatakda ng hangganan ng ‘kaibahan.’ Ito siguro ang pwedeng larawan: pagsasayawan ng mga teksto sa walang-mundong kalawakan, o di-kaya, ng mundo na lamang ng mga teksto.

Kaya, ano na ngayon? May ilan, katulad ni Rabinow na makakahugot ng sagot sa pamamagitan ng pagkapit kay Foucault at sa konsepto ng social upang maka-iwas sa nakakatakot na solipsismo ng ‘pagsasalsal-utak’ at ‘walang katapusang pagbabasa ng mga kanonikal na teksto.’ Para bang sa isang banda, sasabihing, ‘oo, nawala ang referents,’ ngunit, sa kabilang banda, ‘teka, meron pa namang society na kinapapalooban ng mga representasyon.’ Parang nature lang ang nawala, meron pa ring social referentiality.

Pansinin na naroon pa rin, sa lens na ito, ang ‘krisis’ (na mag-aanyong contestations) dahil naa-undercut lagi ang tangkang-pagmamataas ng truth dala ng pagkakalublob nito sa society bilang regimes of power. Pansinin din ang pagkahumaling sa ‘representasyon’ ng mga nasilo ng diskursong ito. Oo, may society, pero titingnan ito bilang kalipunan ng mga ‘representasyon.’

Serye mula Nietzsche ang makikita: dahil wala nang inosenteng truth, ang tanging matibay na bagay na naiwan ay ang ‘kapangyarihan’/power. Kaya: Nietzsche (will to power), tungong Foucault (regimes of truth), detour sandali kay Rorty (wasak na ang mirror of nature26), at punta kay Rabinow (pagbibigay-diin sa kategorya ng power). Ang mga sisiksik ngayon sa seryeng ito ay magbabandila sa power bilang sentral na temang dapat masaliksik. Paano nalilikha ang power ng x sa isang partikular na kaayusan, lugar, at panahon? Hindi na, ‘totoo ba?’ ang tanong; kundi, ‘kung sinasabing ‘totoo’ sino ang nakikinabang, anong pamamayani/hegemony ang magpapatuloy, anong posisyong panlipunan ang nasisikil?’ o ‘saan at kailan nagiging totoo ang isang bagay?’ (Mga tanong na meron talagang halaga; ang punto dito ay: merong partikular na kwentuhang Kanluranin kung saan napahalagahang mabuti ang ganitong pagtatanong, na halos wala nang mas mahalaga pa.)

Minsan, dahil magiging parang lens ito na kukulay sa lahat ng matitigan, ang lahat ay magkakakulay bilang regimes of power. Mula ngayon, lahat ng ‘representasyon’ ay tumitindig, hindi na sa lumalabong ‘reyalidad’—hindi ng nature—kundi ng power: kahit saan ka lumingon, representasyon lahat ng power. Parang hot pan de sal, power/politics ang magiging mabiling paninda at tema ng pag-uusap. (Iba rin ang hot pan de sal sa ibang lugar: cognitive science at evolutionary psychology, halimbawa.) Kaya lohikal rin sa loob ng diskursong ito ang paglitaw at pagdami ng riserts tungkol sa negotiating [x]: kung ang power ay nakakalat sa kung saan-saang mga sulok, di ito pantay, magalaw, maaari ring makipagtawaran sa mga magalaw na sentro ng kapangyarihan.

Kaya nga pagkatagal, medyo magtatanong na rin si Derrida: ‘ang usaping-pangkapangyarihan ba ay isang pangkalahatang makina ng pagsasalin?’27

[18] Pook nina Foucault at Chomsky. At ano naman ang tindig ni Foucault sa tanong na, ‘ano ngayon ang pwedeng gawin?’ Kakapit siya sa ideya ng ‘intelektwal bilang kritiko ng lahat ng porma ng dominasyon.’

Interesanteng basahin ang ‘debate’ noong 197128 nina Foucault at Chomsky na umiikot sa mga mga kategoryang justice at power, at masdan kung paano, kung papansinin ang papel ng mga katagang we at our sa palitang-kuro, maingat nilang nilalagyang-hangganan ang kanilang mga tindig at pananaw:

Chomsky: ‘Bagay, sa tingin ko, ang anarko-sindikalismong tugon at alternatibo, para sa industriyalisadong mundo.’ Foucault: ‘Para sa kaayusang pang-Europa, wala akong mailalakong alternatibo, tama na sa akin ang walang-tigil na pagkritik at pag-atake sa iba’t ibang porma ng dominasyon at paniniil.’29

[19] ‘Imbitasyon’ hindi konklusyon. Liko tayo sa usapin ng ‘konstruksiyon’ na uso kamakailan lang sa ilang sulok ng Kanluran: na minsan may nakakabit na social (social construction of reality). Noong naging problematiko ang social (hindi ba’t kawan-kawan ang mga di-taong elemento kabilang sa network) naging construction na lang.30 Parang halos magkakamukha ang mga temang biglang lumaganap sa maraming lugar: construction of [ ], inventing [ ], imagined [ ]. Para bang noong magkaroon ng ‘haka’ tungkol sa construction ng [ ], tapos na ang usapan. Pakinggan ang obserbasyon ni Taussig (Mimesis and Alterity):

When it was enthusiastically pointed out within memory of our [‘atin’?] present Academy that race or gender or nation … were so many social constructions, inventions, and representations, a window was opened, an invitation [sino ang nag-iimbita?] to begin the critical project of analysis and cultural reconstruction was offered [para kanino?]. And one still feels its power even though what was nothing more than an invitation, a preamble to investigation has, by and large, been converted instead into a conclusion—e.g. “sex is a social construction,” “race is a social construction,” “the nation is an invention,” and so forth, the tradition of invention. … Nobody was asking what’s the next step? … If life is constructed, how come it appears so immutable? How come culture appears so natural? … To adopt Hegel, the beginnings of knowledge were made to pass for actual knowing. (Akin ang diin.)31

Ang tanong nga: kailangan ba talagang tugunan ang bawat imbitasyon? Baka bagay pa rin dito ang payo ni Rene O. Villanueva (‘Mga natutuhan ko bilang tao’): ‘Piliin ang pakikisamahan. Huwag pakaladkad sa iba, kahit pa sa pinakamahal.’32

[20] Mga bulok na ideya. May babala si Terry Eagleton33 sa ilang bulok na kaisipang dala ng late capitalism. Ngunit paano maihiwalay ang ‘bulok’ at ‘sariwa’ sa kaalamang mula-Kanluran? Iisa-isahin ang mga nakahilera, isusukat bawat isa sa kasalukuyang mga tunguhin: walang short-cut dito, uupuan, idadaan sa pag-uulit-isip, at isusubo sa hurno ng praktika, at baka sa huli ay lilitaw ang nakatagong ‘bago’ at makabuluhan para sa atin.

[21] ‘Liwanag ng napaglumaang bagay.’ Pinansin ni Michael Taussig ang ‘mangha’/amazement, ‘galak’/delight, at ‘piyesta’/feast ng Kanluraning mga mata sa pagkakita sa ‘lapastangang liwanag’/profane illumination na sumilakbo noong kumawala itong ‘hangin’/atmosphere na nakakubli sa mga ‘napaglumaang-mga-bagay’/outmoded things ng Kanluran at ngayo’y ginagamit/ginagaya ng mga katutubo o ng Iba/Other:

But what is this “atmosphere” and how is it released? To a certain extent it is created by the way Third World and its objects are in a global perspective [ibig sabihin: Euro-Amerikano] generally seen as permanently “recently outdated,” a reservoir of First World hand-me-downs and sleepy-eyed memories of its earlier consumer items. Defined in advance as backward and always lagging behind, Third Worlds are exemplary of the recently outdated… This character of being permanently out of date, moreover, applies not only to things actually made in the Third World, but with greater force to the objects imported and preserved over time—the 1930s and 1940s cars, the 1950s telephone systems, the prewar Singer sewing machines, the mechanical typewriters, and a thousand and one more such relics of modernity preserved in the time-warp of permanent underdevelopment and poverty, not to mention the dumping of First World waste, toxins, cigarette ads, and technologies found to be harmful, like DDT crop-spraying. (Akin ang diin.)34

Ngayon: isa rin kayang masalamangkang galaw ng mimesis (pagkokopya/bakas) ang nangyayari sa atin sa bawat ‘pagkokopya’ ng kanilang napaglumaang teorya? Magpipiyesta rin kaya ang mga mata ni Taussig sa ‘lapastangang liwanag’ na kanyang makikita sa ating mga pinagbubungangang teoryang nasalo mula sa kanila? Kailan nagkakaroon din ng kakaibang spectral quality ang isang teoryang-angkat (tulad ng komoditi)?

[22] Pagkubli sa sopistikadong salita. Sa pagbansag ba sa isang ordinaryong kilos bilang habitus: may lumilitaw bang bagong pag-unawa sa kilos? May kasabihang ‘nilikha ng tao ang wika upang ikubli ang laman ng kanyang isip.’ O di kaya: ‘nilikha ng tao ang wika upang ikubli ang kawalang-laman ng kanyang isip.’ Pagbubunganga (Zeus Salazar): ‘wala talagang sinasabi, nagbubunganga lang.’

[23] Florid speaking at labaha ni Occam. Pansinin ang mga sumusunod:

We can clearly see that there is no bi-univocal correspondence between linear signifying links or archi-writing, depending on the author, and this multi-referential, multi-dimensional machinic catalysis. [Sipi ni Richard Dawkins kay Felix Guattari]35

Kargadong mga salita ang mga ito, na madalas makikita sa ilang teorista. Sa tingin ng biyolohistang si Dawkins (na napakalinaw magsulat, di mo man sasang-ayunan ang ilan niyang punto), pretensiyoso at peke ang mga teoristang ganito magsulat. May mapupulot siguro rito kay William ng Occam upang gamit ang Occam’s Razor (prinsipyo ng parsimony) ay marendahan ang istilong ito kung di naman talaga nakakapagbigay-linaw.

[24] May mahirap unawain na hindi peke. Ngunit maging maingat dapat sa pagsasabing pakitang-gilas ang akda dahil lang hindi madaling unawain. May mahirap na pagwiwika dahil nagsisikap buuhin sa wika ang isa talagang bagong porma ng pag-iisip at pag-unawa sa inaalam na bagay (halimbawa, depende sa husga, ang wika nina Heidegger o Hegel).36 Minsan, sa paulit-ulit mong pagbabasa sa kanilang mga linya, may bumubungang pang-unawa na sariwa.

[25] Pagrenda sa ating liksi. Ang tinutukoy rito ay hindi ang pagiging mali per se ng mga Euro-Amerikanong palaisip, kundi ang pagrerenda ng ating nagpapatuloy na liksi-sa-pagsalo, sa medyo-kenkoy na kislap ng ganitong pasahan-saluang laro, isang sitwasyong halos hindi na pwedeng kahit tumitig man lang sa kahit anong sulok ng bayan/buhay na hindi mala-multong lilitaw (o pinilit palitawin) sa harapan ang kakatwang anyo nina Giddens, de Certeau, Foucault, at iba pa. Ito ang komento ni Zeus Salazar: tadhana ng kumprador na intelektwal ang pag-angkat-paloob ng mga sopistikadong-konsepto at pag-angkat-palabas ng mga datos na ang objektib ay mapalusog-lalo ang mga kategorya ng tagalabas.

[26] Paghinto at pag-atras (o pagliko). Kung seryosohin natin ang kanilang repleksyon, baka ganito ang dapat gawin, huminto at magtanong: meron bang ganitong karanasan? Dapat maging maingat dito, sa pakikinig, sa pagdanas, dahil pumapasok tayo sa porma ng pag-alam ng kilos-loob at galaw-katawan/daigdig. Ang ‘katotohanan’ ng bawat inaalam ay, kadalasan, parang kislap magpakita, mahirap hulihin. Sabi ng mga Griyego (ayon kay Ferriols), sozein ta phainomena, ‘iligtas ang nagpapamasid.’ May naririnig tayong balita tungkol sa kanilang kalagayan (mula kina Marx, Benjamin, Taussig, at iba pa): meron ba tayong kaparehong karanasan?

[27] Di-pagtugon. O, baka mas mahalaga, pwede ring umatras ng hakbang (o umiba ng direksiyon), at magtanong: ano ngayon kung meron o wala? Ano ang nakataya kung hindi masasagot ang kanilang binuksang tanong?

Paano kung ang tamang tugon ay ang di-pagtugon sa ‘hamon’ (ng labas)? Baka di-pagtugon ang kailangang daan upang magkapuwang ang sariling mga tanong (ng loob o bayan)? Kakaibang atityud: ‘No, Thanks!’37

[28] Pag-imbentong-muli ng gulong (at mata). Isang ispontanyong kritika noon sa Pantayong Pananaw ay: ‘bakit pa mag-imbento-muli ng gulong, ba’t di na lang manghiram?’ May punto ito. Ngunit balikan natin ang nangyaring ‘pagsisipi.’ Sasabihin nating: totoo, paano nga kung ang talagang nangyari ay hindi ‘pagmana’ kundi ‘pag-imbento-muli ng gulong’? Sa ebolusyunaryong teorya, maaaring maimbento muli ang isang disenyo (halimbawa ang ‘mata’ ay maka-ilang-beses na naimbentong-muli sa magkakaibang Sanga ng Buhay). Dahil sa ‘lohika ng sitwasyon’ at simpleng ‘pagka-nariyan ng sangkap’ na oportunistikong ginamit ng seleksiyong natural, lumitaw makailang-beses sa iba’t ibang sanga ang mata. Ang resultang disenyo ng dalawang organismo ay may pagkakamukha hindi dahil sa magkaparehong ninuno (divergent evolution) kundi sa magkakaparehong-kondisyon-ng-buhay (convergent evolution). Paano kung kailangan ngang imbentuhing-muli ang gulong (at ang mata)?

Ang ‘gulong’ ay talagang mag-aanyong bilog kahit saan: kakatwa kung dumaan muna sa pagiging parisukat, tapos, poligon na may anim na gilid, tapos walo, labing-anim, hanggang maging ‘bilog’ na talaga. Kaya maaaring naiimbento nga lagi ang ‘gulong’ sa magkakahiwalay na mga pook na may-pangangailangan ng trabahong ‘pagpapa-gulong’ ng x: hindi na ito kailangan pang ‘sipiin’ sa iba (sa Doktrina ng Pagsipi) na nagkataong nauna-sa-panahon.


23 James Clifford at George E. Marcus (1986), Writing culture: The poetics and politics of ethnography (Berkeley: University of California Press).
24 Stephen A. Tyler (1986), Postmodern ethnography: From document of the occult to occult document, sa Writing culture, inedit nina J Clifford at GE Marcus (Berkeley: University of California Press), mp. 130-131.
25 Paul Rabinow (1986), Representations are social facts: Modernity and postmodernity in anthropology, sa Writing culture, inedit nina J Clifford at GE Marcus (Berkeley: University of California Press), mp. 248-249.
26 Richard Rorty (1979), Philosophy and the mirror of nature (Princeton: Princeton University Press).
27 Jacques Derrida (2005), The politics of friendship (London: Verso), p. 196: Is the political a universal translating machine?
28 Tingnan ang nalathalang bersyon nito sa: Noam Chomsky at Michel Foucault (2006), The Chomsky-Foucault debate on human nature (New York: The New Press), lalo na ang mp. 38, 39, 45, 55 (para kay Chomsky); at mp. 40, 41, 43, 57 (para kay Foucault).
29 Naka-upload ang isang kuha ng porsyon ng debate sa YouTube (huling na-access nitong 12 Marso 2008): [http://www.youtube.com/watch?v=hbUYsQR3Mes] at, [http://www.youtube.com/watch?v=VXBfOxfmSDw&
feature=related
].
30 Dramatikong nangyari sa kaso nina Bruno Latour at Steve Woolgar. Halimbawa, ang unang edisyon (1979) ng kanilang librong Laboratory Life (Princeton: Princeton University Press) ay may sub-pamagat na ‘social construction of scientific facts.’ Tinanggal nila ang ‘social’ sa pangalawang edisyon (1986), dala ng dumaraming puna sa relatibismo ng social constructionism at pagpapalawak ng mga elementong sakop ng ‘social.’ Tingnan ang Postscript ng pangalawang edisyon (mp. 273-286) para sa mas mahabang paliwanag.
31 Michael Taussig (1993), Mimesis and alterity (New York: Routledge), p. xvi.
32 Rene O. Villanueva (2006), (Im)Personal (Lungsod Quezon: Anvil), p. 125.
33 Tingnan ang buong diskusyon sa: Terry Eagleton (1996), The illusions of postmodernism (Oxford: Blackwell).
34 Michael Taussig (1993), Mimesis and alterity (New York: Routledge), p. 232.
35 Tingnan ang pagtalakay sa ganitong porma ng pagsusulat at paglalahad ng kaalaman ni Dawkins sa: Richard Dawkins (2004), Postmodernism disrobed, sa A devil’s chaplain (Boston: Mariner Books), mp. 47-53.
36 Bagay na binibigyang-diin ni Alfred North Whitehead sa marami niyang mga akda. Tingnan, halimbawa: Alfred North Whitehead (1933), Adventure of ideas (New York: Mentor Book).
37 Ito ang ‘pulitika ng pagbabawas’ (Žižek: politics of subtraction) sa larangang pagtiteorya. Ganito ang kahawig nitong anyo sa larangang pulitikal:

The threat today is not passivity but pseudo-activity, the urge to “be active,” to “participate,” to mask the Nothingness of what goes on. People intervene all the time, “do something”; academics participate in meaningless “debates,” and so forth, and the truly difficult thing is to step back, to withdraw from all this. Those in power often prefer even a “critical” participation, a dialogue, to silence—just to engage us in a “dialogue,” to make sure our ominous passivity is broken. [….] We can imagine the varities of such a gesture in today’s public space: not only the obvious “There are great chances of a new career here! Join us!”—“I would prefer not to”; but also “Discover the depths of your true self, find inner peace!”—“I would prefer not to” [Gelassenheit? No, Thanks!]; … This is the gesture of subtraction at its purest… (The Parallax View, mp. 334, 382, [278]).



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »