Mga Talâ at Tanong sa (di-buong) Pag-aagham-tao

mga lakra sa lainlaing agig tunob
mga kudlis nagsanga-sanga
sama sa lawalawa sa akong palad
gi-ayag ang kabuntagon

— “lawalawa sa akong palad,” Don Pagusara, Qontrapuntal1

So if I draw a boundary line, that is not yet to say what I am drawing it
for.—Ludwig Wittgenstein, Philosophical Investigation [I: 499]



PANTAYO BILANG TALASTASAN

[01] Lohika ng bibig. Nakakatuwang pansinin ang masiglang metapora ng bibig sa ilang sipi mula sa historyador/etnolohistang si Zeus Salazar at sa pilosopong si Roque J. Ferriols:

Kung at kapag napag-iisip-isipan naman ito … hindi pa rin humihinto/pinahuhupa ang pag-aaksaya ng panahon sa walang katuturang pagbubunganga […] Buháy at dinamiko ang isang kalinangan at kabihasnang umaangkin (samakatuwid ay nagsasalin) mula sa labas, sa halip na makingatngat lamang sa … ibang kalinangan at kabihasnan. (Sa: Zeus A. Salazar, Manifesto, akin ang diin.)2

Kahit na papaano, nakakagat pa rin ako sa meron. […] Kailangan nating kilalanin ang meron, sapagkat kung hindi ay gagalaw tayo sa wala. (Sa: Roque J. Ferriols, Pambungad sa Metapisika, akin ang diin.)3

May dalang lohika ang larawan ng ‘bibig’—na nagbubunganga, nakikingatngat, at kumakagat—sa daloy at galaw ng diskurso, dito at sa iilang isyung pilosopikal.4

[02] Halaga ng ‘pantasya.’ ‘Pantasyang Pananaw,’ ang kantiyaw ni Arnold Azurin sa Pantayong Pananaw na isinusulong ni Zeus Salazar.5 Seseryosohin natin dito kapwa ang Pantayong Pananaw at ang kantiyaw na ‘pantasya.’ May halaga ba ang pantasya? (Katulad ito ng tanong: maisusulat ba ang isang akdang pang-agham-panlipunan sa genre na fantasy o science fiction?)

[1275–1325; ME fantasie imaginative faculty, mental image (< AF, OF) < L phantasia < Gk phantas[i]a an idea, notion, image, lit., a making visible; see FANTASTIC, -Y3] [Mula lahat sa: Webster’s Unabridged Dictionary]

May nakakawiling ugat ang Griyegong phantasia, ‘ideya,’ ‘larawan,’ ‘isang paraan ng pagpapakita.’ Baka pwedeng mapulot ang puntong ito: kahit alam mong ‘hindi ganito kasinop ang totoo’ sasabihin mo pa rin ang isang katotohan sa ‘masinop’ at malutong na anyo, ilarawan mo pa rin sa matutulis na hagod ang (limitadong) bagay na gustong ipaabot: upang mas tumingkad ang nais tukuying dimensiyon o bagay.

[03] Alamat ng ‘tayo’ at ‘kami.’ Ganito ang diin ng pagkukwento ng ating Kasaysayan kung Pantayo ang lapit: Noong unang panahon, may mga bayan-bayan na minsan nagpapalitan ng kalakal, minsan nag-aaway, minsan nagnanakawan ng taong aalipinin at aasawahin, at minsan naman nagtutulungan sa pamumuhay at pakikipaglaban sa kaaway. Minsan hiwalay, minsan magkaugnay. Sa loob ng bawat bayan, buo sila; sa kada loob ng bayan ay nag-uusap-usap sila sa ganitong paraan:

‘Mangingisda ba tayo ngayon?’
‘Hindi, malakas ang alon, pa-bundok tayo upang mangaso’
‘Kung gayon, si Bantay ang isama natin.’
‘Tamang-tama, magaling na ang kanyang sugat. Tayo na.’

Sa pagdaan ng panahon, dala ng iba’t ibang anyo ng pag-uugnayang-bayan (labanan man o pagpapalitang-produkto), nabuo ang papalawak na anyo ng ‘bayan,’ mga ‘kaharian,’ ‘karahaan,’ at ‘sultanato.’ May mga panloob at panlabas na sangkap na nagpapalawak sa ugnayan ng mga bayan dito sa ‘arkipelago’ (at lampas pa).

Isang araw, dumating ang dambuhalang daluyong ng Pananakop. Parang mga sisiw na ipinasok sa tangkal ang bawat bayan ng arkipelago: bayan na simula noon ay nagkaroon ng kakaibang porma ng pagiging-‘isa,’ naging ‘isang kolonya.’

Pagpasok ng kolonisador, unti-unting nabuo ang isang porma ng pag-uusap, lalo na sa pagitan ng mga Kastila (Amerikano, at iba pa) at ng mga ilustrado o mga elit ng bayan. Nakatalikod sa bayan ang mga elit at mga intelektwal dahil mas hinaharap nila ang mapanghamong diskurso ng mananakop (at tagalabas). Ganito ang sasabihin ng mananakop:

Kayong mga indio, ganito kayo: a, b, c, bago kami pumasok. Pagpasok namin, noon lamang kayo naging x, y, z. Hindi ba’t ganyan ang kalagayan ninyo?’

At ganito naman ang sasabihin ng mga ilustrado at elit na naging matatas sa wika nila:

‘Hindi! Sa totoo, x, y, z na kami bago kayo; ngayon, naging (lugmok na) a, b, c kami dahil sa pagpasok ninyo.’

Ibig sabihin, ang mga intelektwal ay iyong nasilo sa ‘hamon’ at tusong tanong ng labas. Mula ngayon, tagalabas ang lagi nilang kadebate’t kausap. Makikipagngatngatan sila sa mga mananakop, kaya kailangan nilang alamin ang wika (at sa kalaunan, mga ‘teorya’ at teknolohiya) ng mananakop: a, b, c, x, y, z. Ganito ang maging hero, noon at ngayon, makipagngatngatan sa tagalabas, upang madepensahan ang bayan laban sa mga misrepresentation nila.

Ang mga Propagandistang tulad nina Rizal, Jaena at del Pilar ang pinakamagagaling sa istilo ng pag-uusap/pagsusulat na ito: magagaling makipagngatngatan sa mga Kastila. Pwede silang mangantiyaw sa mga Kastila gamit ang wikang Kastila, sa ganitong istilo:

‘Wala kayong mga bayag! Haha! Sangkaterbang mintis ang pag-iisip ninyo sa amin!’

Pero ang totoong nangyayari ay: nasilo sila sa lohika ng mula-sa-labas na tanong (‘hindi ba’t ganyan kayo?’), at sa kategoryang a, b, c, x, y, z kung saan laging umiikot ang usapan. Mas exciting ang diskursong abakada kaysa alibata (o baybayin).

Sa kabilang banda, ang mga bayan-bayan, sa daloy na ito ng kasaysayan, ay unti-unti na ring nabubuo bilang isang bayang-naiinis-na-sa-pananakop. Kikilos ang maraming bayan—mag-uugnay-ugnay uli, sa mas malakas pang diin, ang dati ay hiwalay—sa hudyat ng Himagsikang 1896.

Sa panahon ng mga Kano, maraming indio ang naging pensionado, mga unang Pinoy na pinaaral sa labas ng bansa ng mga Kano, at natuto ng mga bagay-bagay na bago sa diwang-bayan o diwa ng bayan-na-tumutungo-sa-pagiging-bansa. Patuloy ang pakikipagngatngatan sa labas, in defense of the nation.

Mangyari pa, ang karamihang indio (na nabubuo bilang ‘Pinoy’) sa mga bayan-bayan ay patuloy sa karaniwang-buhay, nag-uusap pa rin sa mode na ‘tayo’: kung mag-uusap man sila sa istilong ‘kami’ at ‘kayo,’ patungo ito sa mga kaugnay na bayan. Ang taga-Butuan ay makikipag-usap sa taga-Cebu:

Kami ay handa na, paano kayo?’
Kami rin!’

Kaya, sasabihin nila,

‘Kung gayon, tayo na!’

Sa loob ng mga bayan, abala ang karaniwang taong-bayan sa gawaing pangkabuhayan, walang pakialam sa ibinubunganga at inginangatngat ng (kanila kunwaring) ‘intelektwal.’

[04] Bakit gusto ng elit ang ‘antropolohiya’ at bakit sila nabibighani sa ‘kultura.’ Samantala, sa mga elit, patuloy ang tadhana ng ngatngatang panlabas. Kaya’t unti-unting nalilikha ang—sa komunikasyunal na pananaw—Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan: taong-bayan sa isang banda, elit sa kabila; talastasan dito, ngatngatan doon; ‘kabayanihan’ dito, heroism doon. Kung gagawa ng reflection tungkol sa kanilang ‘sarili’ ang mga elit, bilang tugon sa pagkaaliw at pagkamangha at pagkaakit sa ningning ng nakitang ‘matatayog na kabihasnan,’ magiging abala sila sa pagpapakinis ng kanilang culture: kung cultured man ang mga taga-Kanluran, sila rin naman ay ‘may indigenous na culture, magiging paborito nila ang lumad na mga abubot, mga dekorasyong ethnic, habang abala rin sa pagsusubaybay (upang ‘di mahuli’) sa moda at mga uso na pinakahuli (kaya lagi ngang huli) sa Kanluran.

Magiging ‘pag-unlad’ sa kanila kung ang dating huli-ng-isang-taon ay nagiging huli-ng-isang-buwan na lang (mas okey kung huli na lang ng mga araw: at talagang mas okey kung nandoon ka na nakatunganga sa harap ng Diyos, naghihintay sa pagbukas ng kanyang bibig upang masalo impunto ang kanyang mga ‘teoretikal’ na salita). Bilang porma ng galaw-Propaganda na nawalan na ng preno, hahabulin nila sa walang-hanggan ang diskurso ng labas saan man ito humantong. Mas latest mas totoo. (Acid ang dala ng ‘pantayong’ diskurso ni Salazar sa mga ‘intelektwal.’)6 Magiging abala sila sa pag-uusap ‘tungkol sa kultura’ kaya ang iba sa kanila ay kukuha ng kursong ‘antropolohiya.’ Ang ‘pamumuhay’ ng bayan ay pag-uusapan nila bilang ‘kultura,’ isang epekto ng mata-mula-sa-labas na pagtitig.

Sa ibang salita, nakadalawang yugto na ang Kasaysayan ng Elit na Pakikipag-usap: (1) Talastasang-bayan: Pantayo (kausap ang taong-bayan), at, 180o na pag-ikot, (2) Pakikipagngatngatan: Pang-Kami (kausap ang mananakop, tagalabas, nakatalikod sa bayan).7

Pagdaan ng ilang taon, may ilan na ring nagsawa sa ngatngatan at nagbalik-loob sa bayan o bayang-nabubuo-bilang-bansa, naging ‘Pinoy’ na naghahangad na mabuo ang di-pa-buong Bayan. Pumasok ang mga ito sa ikatlong yugto ng Kasaysayan ng Pakikipag-usap/Pagsusulat: (3) Talastasang-Bayan: Pantayo II (kausap ang nabubuong-bansa). Makabansa at mapagpalaya ang adhikain ng talastasang ito. Dito nakapook si Salazar at ang mga nagsusulong ng Pantayong Pananaw. Dito rin dapat ipook ang buong talastasan nina Amado Hernandez8 at Amado Guerrero sa bayan/masa (ayaw mang aminin ni Salazar).

[05] Pagpapaamo sa ‘baha ng mga salita’ mula sa labas. Sa Noli (1886) ni Rizal, may isang tsapter (‘Ang Sermon’) na kakikitaan ng halos kenkoy na diskurso ng mananakop (tagalabas) sa katauhan ni Padre Damaso, at ang naging tugon ng taong-bayan. Matalas ang pagpansin ng historyador na si Vicente Rafael sa isang anyo ng ‘pangingisda’ na nangyari sa tagpuang ito. Sa kanyang kataga, isang ‘tunay na pagbaha ng salita’ ang bumulwak mula sa pulpito:9

Kayong mga makasasala, na bihag ng mga Morong pirata ng kaluluwa na gumagala-gala sa karagatan ng buhay na walang hanggan, sa kanilang mga sasakyang-dagat ng laman at kamundohan, … masdan nang may banal na pagsisisi ang isang nagliligtas sa mga kaluluwa mula sa kamay ng diablo, isang Gideong walang-takot, isang matapang na David, … ang Konstable ng Langit, mas matapang kaysa lahat ng guardia civil … na, taglay lamang ang krus na kahoy bilang baril, buong giting na itinaboy ang mga walang-tigil na tulisan ng kadiliman at ang sanlaksang kampon ni Lucifer, at lilipulin sana sila magpawalang-hanggan kung ang mga ispiritong ito’y imortal! Itong kababalaghan ng Banal na Nilikha, itong di-matarok na himala, ay ang banal na San Diego de Alcala, … isang hamak na kawal sa pinakamalakas na sandatahang-lakas na pinamumunuan mula sa langit ng Ating Serapikong Amang San Francisco at kung saan karangalan ko ring maglingkod bilang korporal o sarhento, sa Grasya ng Diyos.

Ang mga katutubong indio naman, sa harap ng ‘baha’ ng banyagang wika, ay walang magawa kundi ang ‘mamingwit’ ng iilang kataga na bibigyan nila ng sariling pakahulugan:

ang mga di-aral na mga katutubo … ay walang mabingwit [walang mapangisda, no pescaron, ‘fished nothing’] mula sa sermong ito kundi guardia civil, tulisan, San Diego, at San Francisco; pinagmasdan nila ang maasim na mukha ng tenyente, ang galit na kumpas ng ministro, at naghinuhang kinakastigo nitong huli ang nauna sa hindi pagtugis sa mga bandido. Ang San Diego at San Francisco naman, sa kabilang banda, ay kakayanin nila ang pangyayari, at buong galing nga, na siyang makikita sa larawang nakasabit sa kumbento ng Manila kung saan si San Francisco, armado lang ng sintas, ay mag-isang itinaboy ang pananalakay ng mga Intsik noong unang mga taon ng pagkatuklas sa arkipelago. Kaya’t lalong natuwa ang mga nananampalataya, nagpasalamat sa Poon sa Kanyang tulong, walang pagdadalawang-isip na kapag nawala na ang mga bandido, lilipulin din ni San Francisco ang mga guardia civil. Mas dinoble pa nila ngayon ang pakikinig habang nagpatuloy si Padre Damaso.

Dito tayo pwedeng mag-umpisa: sa ipinintang komikong larawan ni Rizal, sa usapin ng pagtatagpo ng diskursong labas (mananakop) at loob (katutubo), at ang ‘pangingisda’ ng mga indio mula sa ‘baha ng mga salita’ na nagmumula sa bibig ni Padre Damaso. (Maipapasok dito ang mahalagang tensyon ng dalawang metapora: sa pagitan ng nagsisermong ‘bibig’ at ng namimingwit na ‘kamay.’ Magkakaiba ang kanilang galaw at lohika.)

Pinalitaw ni Rafael sa kanyang mahalagang pag-aaral (Contracting Colonialism) ang ilang paradigmatikong pagsagot—ng elit o taong-bayan—sa ‘baha ng mga salita’ mula sa labas. Ang nangingibabaw na interes dito ay nasa horizon pa rin ng ‘bibig’ (‘pagsasaling-wika’ at pakikipag-usap): katulad ng ipinakitang tugon ni Tomas Pinpin (ika-17 siglo) sa ‘gulat at sindak ng Castilian,’ ang nakaaaliw niyang teknik sa pagsasalin (syncopating Castilian).


1 Don Pagusara (2003), Qontrapuntal (Lungsod Davao: Davao Writer’s Guild), p. 8.
2 Zeus A. Salazar (2000), Manifesto ng Partido Komunista. Isinalin mula sa orihinal na Aleman at nilapatan ng mga anotasyon ni Z. A. Salazar. Bagong Kasaysayan, Blg. 10, p. 244.
3 Roque J. Ferriols (1991), Pambungad sa metapisika (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University, ORP), p. 22.
4 Salamat kay Dr. AG Moran sa pagpapaalala sa isa pang metaporang may kaugnayan din sa bibig/dila sa konteksto ng kantiyaw-akademiko, noong minsan ay makasabay namin sa isang hapunan si Dr. Zeus A. Salazar: ‘ang ilan sa atin ay himod-puwet [lick-ass] sa kanilang mga gurong intelektwal na taga-Europa at Amerika.’
5 Tingnan ang mga artikulo ni Zeus A. Salazar tungkol sa ‘pantayong pananaw’ sa: A Navarro, MJ Rodriguez, at V Villan (mga pat.), Pantayong pananaw: Ugat at kabuluhan (Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi).
6 Tingnan halimbawa ang tipikal na kantiyaw sa mga ‘intelektwal’ sa: Salazar (2000), Manifesto, p. 132 (Anotasyon 79).
7 Tingnan ang diskusyon ni Salazar sa pangkasaysayang frame ng mga Propagandista sa: Zeus A. Salazar (1983), A legacy of the Propaganda: The tripartite view of Philippine history, sa Ethnic dimension, inedit ni Zeus A. Salazar (Kolonya: Caritasverband), mp. 107-126.
8 Mahalaga ang pag-aaral na ginawa rito ni Ramon Guillermo (2000), Pook at paninindigan: Mga ugat ng talastasang sosyalista sa Rebolusyong Pilipino (Lungsod Quezon: AVHRC).
9 Mula sa Ingles na tekstong makikita kay Vicente Rafael (1988), Contracting colonialism (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press). Akin ang pagsasalin.



« SINUNDANG PAHINA    |    KASUNOD NA PAHINA »