Isyu 1
   Enero 2012


   Kumpas

   PRINCESS MARASIGAN

Kumpas

Sapagkat kaya ko silang paniwalain,
wawakasan ng pangako
ang paghihintay sa bulwagan.
          Sa aking hudyat, papasok
ang dambuhalang elepante sa entablado. Dayuhan
ang disenyo ng marmol at di-makita ang alikabok
sa pelus ng kurtinang ngayong gabi
ay babalangkas sa kanilang pagkamangha.
          Aakyat ang hayop
sa kanyang walang takas na kulungan
at sa likod ng usok, sa bilang
ng tatlo, tahimik na sisingit sa pagitan ng mga rehas
ang salamin. Pagmasdan
(mga kaibigan)
ang kawalan.

Masigabong palakpakan.
Dalawang taon

mula nang mabihag ka sa bilis ng aking kamay.
Tinatanglawan ng takipsilim
ang pagkurap mong hinamon ng tulin
ng pagpalit ng baraha sa aking palad.

Dalubhasa kong napalitaw
ang bawat espada at alas
nang hindi ka nabibigo at wala
akong isinusugal.
Di nagtagal maging damdamin ko’y pinagbahayan
ng mga lihim na pitak na kailangang punan
sa bilis ng isang kisapmata.
          Ilang beses kitang iniwang nagdududa.

Sa dulo ng pagyukod, sa paglapag
ng kamay (na walang tinging kailangang iligaw), doon
ako magpapalipas ng oras. Doon sa gitna
ng usok at dilim
na walang itinatago sa likuran.
Minsan kong sinabi sa ‘yong
          walang wagas na napaparam
ngunit ngayo’y kinukutya ng pinakamahusay na paglaho
sa iyong paglayo. Tapat ang pagliban
ng bawat bakas, ngunit kung galugarin ko itong
mistulang kahungkagan, masalat kaya ang paglinlang
sa kurba ng iyong batok.
Sambitin lamang nang isang beses kung saan,
sa aking manggas ay may natitira pang bulaklak,
naghihintay hugutin.