Isyu 1
   Enero 2012


   Mga Taon ng Gilalas

   VLAD GONZALES

Mga Taon ng Gilalas
[Naging inspirasyon ang seryeng The Wonder Years]

1.

May pagkasinungaling ang larawan dahil umaandar ito hindi sa prinsipyo ng panahon, ni hindi nga ito umaandar; nabubuhay ang larawan sa prinsipyo ng paghinto, ng pagbitin sa isang pagkaliit-liit na sandali. Sa gitna ng kasinungalingang ito, palagi akong naiimbitahan para magmasid, sa mga saglit na hinuli sa papel at lente, sa mga buhay na inilibing sa di-gumagalaw na paalala. Pinakapaborito ko ang mga kasinungalingan ng ngiti, lalo iyong mga ngiti ng biyaherong makakaranas ng kanyang unang pagpasyal, sa isang dayuhang lupain.

2.

Gusto kong isiping lahat ng alaala’y walking distance. Ang puno ng binayuyong inaakyat tuwing tag-init, sa mga oras na ubeng-ube sa pagkahinog ang mga bungang kawangis ng maliliit na duhat. Ang skateboard na pinag-aagawan ng magpipinsang nagpapasiklaban sa kalyeng pataas o pababa (depende sa kung paano titingnan). Ang mga kapitbahay na bawal makipag-usap sa ibang mga kapitbahay lalo’t puro babae sila’t nasa trabaho ang mga magulang, ang mga kalarong sa habulan at taguan sa mga silid na dahop sa pagbabantay ng nakatatanda, ang pagkaripas sa likuran na gate pagdating ng nanay at tatay na walang kamuwang-muwang. Gusto kong sabihing umuuwi ako sa parehong kalye, sa parehong village, sa parehong bahay. Gusto kong sabihing naglalakad ako pauwi’t napapabuntung-hininga—hinga ng paghanga’t pagkamangha—pero mas madalas ay umuuwi akong tulog na ang lahat, madalas ay lampas na sa hatinggabi, nakatungo’t dire-diretso.

3.

Gusto kong ikuwento sa kanya ang kuwento ng dalawang mangingibig, abala sa pagpintura ng kanilang bagong pugad. Walang kuryente’t inabot ng gabi ang pagpipinta—iniisip kong ang pugad ay binabahiran ng mga pinakamatingkad na asul-dilaw-pula—walang ilaw maliban sa ilang piraso ng kandila. Gusto kong ikuwento sa kanya ang kuwento ng mga pinturang sumiksik sa mga pagod na daliri, ang pagbabanlaw ng nakasusulasok na solvent, ang aksidenteng pagtapat ng de-thinner na mga kamay sa apoy ng walang kamuwang-muwang na liwanag. Isang eksena ng hiwaga, parang magic show ng mga payaso sa isang karaniwang kiddie birthday party.

4.

Hindi ko mapigilan ang pagtawa noong una ko siyang nayakap. Naalala ko ang ginagawa naming kompetisyon ng kapatid ko’t mga pinsan noong saglit na iyon. Ang aming paligsahan tuwing malakas ang ulan. Kami, ang kuya ko’t mga pinsan, naghaharang ng malalaking bato sa tubig na dumadaloy sa kalyeng pataas o pababa (pababa, sa tantiya ng tubig). Palakihan ng mabubuong agos, pataasan ng kanya-kanyang water fountain. Naisip ko ang maraming tag-ulan noong niyakap ko siya. Natatawa ako, tinatanong niya kung bakit. Tumatawa ako’t iniisip ang maraming eksena ng ulan, at ang pakiramdam na kahit anong hangin at tubig ang humampas sa aming katawan, doon lang naman sa oras na iyon (isang saglit, isang larawan), naniwala akong palagi akong magiging ligtas.

5.

May dalawang batang nagtagpo sa parke, sa may palaruan. Ikinukuwento ng isa ang isang namatay na kamag-anak. Bilang pakikiramay, iginawad ng kaibigan ang isang halik sa labi. Pareho silang nakatulog nang mahimbing pag-uwi sa kani-kanilang bahay. Hindi ko kayang ilarawan kung ano ang eksaktong anyo ng ikinukuwento kong pagkahimbing.